YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 09, 2014

Chinese national, muntik nang malunod habang nililigtas ang anak

Posted August 9, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Muntik nang malunod ang isang Chinese national habang nililigtas ang anak.

Ito ang insidenteng nangyari nitong nakaraang Huwebes sa Boracay na minarapat ireport sa mga pulis ng turistang Chinese national kaninang umaga.

Kuwento ng biktimang si Feng Chen, 34 anyos ng Ningbo China sa mga pulis, tumalon umano ito mula sa sinasakyan nilang bangka nang mahulog ang kasama nilang pitong taong gulang na anak.

Subali’t malas namang lumubog ito sa tubig at nawalan ng lakas na halos ikalunod umano nito.

Kaagad naman itong tinulungan ng hindi na niya pinangalanang paraw operator at dinala sa pagamutan.

Traditional Trikes sa isla ng Boracay, target na mapapalitan na ng E-Trike sa 2015

Posted August 9, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sa taong 2015 ay inaasahan na umano ng lokal na pamahalaan ng Malay na mapapalitan na ang mga traditional tricycle na makikita sa isla.

Ayon kay Sam Sano, Traffic Aide ng Malay Transportation Office (MTO) maliban sa pagsasaayos ng trapiko sa isla ay tinitingnan din ang iba pang mga maaaring e-develop dito lalo na sa isyu ng transportasyon.

Samantala, nabatid namang sinabi sa naunang mga ulat ni BLTMPC Board of Director Enrique Gelito, na wala na ring plano ang Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) na dagdagan pa ang mga traditional na traysikel sa isla ng Boracay.

Katunayan, sa kabuuang 575 na mga traditional trikes, 200 na umano dito ay nakapag-apply na para kumuha ng E-trike.

Ang mga tricycle umanong may kalumaan na ay papalitan ng mga E-trike dahil sa mahigit sa limang taon naring ginagamit.

Layunin naman ng LGU Malay at BLTMPC na palitan na ang mga traditional trikes dahil sa idinudulot nitong polusyon sa hangin sa Boracay, at sa ibinibuga nitong usok.

Desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Reclamation Project sa Caticlan, inaantay parin ng Aklan Provincial Government

Posted August 9, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inaantay parin ng Aklan Provincial Government ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Reclamation project sa Caticlan Malay Aklan.

Kaugnay nito, umaasa parin umano ang probinsya ng Aklan na papayagan ng Korte Suprema ang nasabing Reclamation Project.

Ayon kay Sangguniang Panlalawigan (SP) Secretary Odon S. Bandiola.

Bagamat wala pa umanong balita hinggil sa desisyon ng Supreme Court tungkol dito, nabatid na magkakaroon ulit ng petisyon ang probinsya para payagan ng isagawa ang Caticlan Reclamation Project.

Dagdag pa rito inaasikaso narin umano ang ilang mga problema sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para makumpleto ang mga kinakailangang dokumento na isusumite sa korte suprema.

Samantala, ayon naman kay Special Operation Officer III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, bagamat wala pang reclamation project ay tuloy-tuloy parin ang ginagawang pag-sasaayos ng Aklan Provincial Government sa mga kagamitan at sistema ng nasabing port.

Matatandaang nagpalabas ang kataas-taasang hukuman ng Temporary Restraining Order (TRO) upang ipahinto ang P1-billion project ng probinsya na i-reclaim ang tens of hectares ng Boracay Island at Caticlan, dahil sa ilang isyung pangkapaligiran.

(Update) Employer ng tatlong bar na sangkot sa human trafficking sa Boracay nakatakda ng kasuhan

Posted August 9, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakatakda na umanong sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9208 ang tatlong videoke bar na sangkot sa human trafficking law sa isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ni Boracay PNP Deputy Chief Police Inspector Fidel Gentallan matapos ang kanilang matagumpay na operasyon nitong Huwebes.

Aniya, tatlumput limang kababaihan ang nailigtas rito sa pangunguna ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) at ng Aklan Police Provincial Office (APPO).

Nabatid na bago ang matagumpay na operasyon nagkaroon din umano sila ng matagal-tagal surveillance sa tatlong bar upang matukoy kung nagsagawa nga ba ang mga ito ng ilegal na aktibidad sa isla.

Napag-alaman rin na ang mga biktimang babae ay sangkot sa one place to another o ang pag-transport sa mga ito mula sa ibat-ibang lugar sa bansa.

Samantala, agad namang ikinustudiya sa Boracay PNP ang employer ng tatlumput limang biktima ng trafficking upang harapin ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9208 o kilala sa tawag na Anti-Trafficking in Persons Law of 2003.

Susunod na hakbang para sa drainage ng TIEZA, pinag-aaralan pa ayon kay Mayor John Yap

Posted August 9, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Pinag-aaralan pa umano ang susunod na hakbang para sa drainage ng TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority sa Boracay.

Sa ginanap na Contractors and Builders Forum kahapon, sinabi ni Malay Mayor John Yap na nag-usap na rin sila ni DOT o Department of Tourism Usec. Jasmin tungkol sa estado ng nasabing proyekto.

Ayon pa sa alkalde, tinitingnan na rin umano kung ano ang magandang gawin bago i-testing ang pump ng flood control project ng TIEZA.

Hindi rin umano kasi pwede na basta na lamang mag-pump dahil marumi na ang drainage.

Samantala, sinabi naman ni DOT 6 Regional Director Atty. Helen Catalbas sa isang press briefing kahapon na hindi pa handang sumagot ang TIEZA sa mga katanungan tungkol sa estado ng kanilang proyekto sa isla.

Magugunitang pinamamadali na rin ng mga stakeholders sa isla ang nasabing proyekto, matapos makaranas ng nakakahiyang pagbaha ang Boracay nitong nakaraang buwan.

Itinayong Wind Turbine Project sa Napaan, Malay., inaasahang matatapos ngayong Agosto

Posted August 9, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaasahang matatapos na ngayong buwan ng Agosto ang tinatayong Wind Turbine Project sa Brgy. Napaan, Malay, Aklan.

Ito ang sinabi ni Petro Wind Power. Inc. Administrative/ Operation Manager Bennedick Vega, Aniya, meron silang hinahabol na deadline kung saan ang Brgy. Napaan ang siyang pinakahuling pagtatayuan ng Wind Turbine Project karugtong sa apat na Brgy. sa bayan ng Nabas.

Tinatayang walong wind mill o turbina ang dadagdag sa enerhiya na kakailanganin ng NGCP para sa Visayas grid sa susunod na taon.

Nabatid na ang malilikhang kuryente ng wind farm ay direktang mapupunta sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kung saan inaasahang ipapamahagi naman ito sa mga electric cooperative sa Visayas Region.

Sinabi pa nito na malaki umano itong tulong sa kakulangan ng kuryente sa Visayas kapag naumpisahan na ang operasyon nito sa taong 2015.

Samantala ang nasabing wind turbine ay makikita sa paanan ng mga bundok ng Nabas at matatanaw mula sa kalsadang papunta sa bayan ng Malay na inaasahang makakadagdag atrakasyon sa mga turistang pumupunta sa isla ng Boracay.

Friday, August 08, 2014

BRTF at LGU Malay, nagpatawag ng forum sa mga building contractors sa Boracay

Posted August 8, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Nagpatawag ng forum sa mga building contractors ang Boracay Redevelopment Task Force at LGU Malay.

Ayon kay Malay Mayor John Yap, kasama sa nasabing forum ang ilang municipal employees, contractors, mga barangay kapitan, legal team ng DPWH o Department of Public Works and Highways mula sa national, at mga eksperto sa building code.

Ayon sa alkalde, bahagi ng redevelopment program ng National Technical Working Group para sa Boracay ang nasabing forum.

Layunin din umano nito na magkaintindihan at magkaroon ng direksyon ang pagpapatupad sa mga batas sa isla kaugnay sa pagpapatayo ng mga gusali, kapag nai-lift o natanggal na building moratorium dito.

Iginiit din kasi ni John Yap na dapat maging bahagi ng redevelopment ang mga nasabing contractor para sa ikabubuti ng isla.

Magugunita namang ibinaba mismo ng alkalde ang moratorium nitong nakaraang buwan ng Abril bilang bahagi ng rehabilitasyon ng Boracay.

35 kababaihan sa Boracay, nailigtas sa human trafficking

Posted August 8, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

35 kababaihan sa Boracay ang nailigtas sa human trafficking kagabi.

Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Boracay Tourist Assistance Center at Aklan Provincial Intelligence Branch Operatives ang tatlong videoke bar na pinagtatrabahuan ng mga nasabing biktima.

Sa magkasabay na operasyon sa Barangay Manoc-manoc, sinabi ni PSInspector Mark Evan Salvo na 18 babae ang nailigtas sa Zwamppy videoke bar at 10 sa Isla Bora, habang 7 naman sa Wave 98 videoke bar sa Barangay Yapak.

Ayon pa kay Salvo, nasa edad 18 hanggang 25 anyos ang mga babae na mula pa sa iba’t-ibang lugar.

Samantala, kaagad namang dinala sa DSWD o Department of Social Welfare and Development ang mga babae, habang inihahanda na rin ang kasong isasampa sa mga akusadong bar operator.

DOT, hinimok ang iba’t-ibang sektor sa Boracay na isulat at ipadala ang mga napunang problema sa isla

Posted August 8, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Puspusan na ang ginagawang preparasyon para sa Asia Pacific Economic Conference (APEC) Summit na nakatakdang gawin sa isla ng Boracay sa 2015.

Kaya naman, hinimok ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang iba’t-ibang sektor sa Boracay na isulat at ipadala ang mga napunang problema sa isla.

Sa ginanap na press briefing kahapon, sinabi ni DOT Regional Director Helen Catalbas na walang ibang makakatulong dito kundi ang mga sektor mismo na andito sa isla na personal na nakakakita ng mga problema.

Anya, maging sila sa hanay ng DOT ay maglilista rin ng mga dapat ayusin at ipapadala kay Malay Mayor John Yap bilang Chairman sa Local Organizing Committee ng APEC Summit.

Iginiit din nito na ang responsibilidad sa pagho-host ng nasabing aktibidad at posibleng magiging obserbasyon ng mga deligado ay hindi lang sa Boracay kundi sa gobyerno ng Pilipinas mismo.

Samantala, nabatid naman na malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng APEC Summit sa isla ng Boracay upang makita at mabigyang pansin ang mga problema dito.

Mga problema sa Boracay, nabigyan ng atensyon dahil sa APEC

Posted August 8, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nabigyan umano ng atensyon ang mga problema sa Boracay dahil sa APEC o Asia Pacific Economic Conference.

Ito ang sinabi ni BFI o Boracay Foundation Incorporated President Jony Salme kasabay ng ginanap na press briefing na ipinatawag ng Department of Tourism Region 6.

Ayon kay Salme, isang oportunidad ang paghahanda ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para sa APEC na maiparating sa mga kinauukulan ang mga problema at pagkukulang sa isla.

Napapaisip umano kasi ito kung bakit naasikaso ang mga development katulad ng pagpapalapad ng mga kalsada papuntang Boracay, subali’t ang mga problema naman sa isla ang mistulang napag-iwanan.

Maliban dito, naririyan parin ang sisihan at turuan sa kung sino ang dapat na magpaayos ng mga sirang kalsada sa isla.

Kaugnay nito, naniniwala umano si Salme na dapat magtulungan ang lahat para sa ikabubuti ng Boracay.

Arabo, napikon sa tukso ng kasamahan; nag-iskandalo sa loob ng isang fast-food chain sa Boracay

Posted August 8, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nag-iskandalo sa loob ng isang sikat na fast-food chain sa Boracay ang isang arabo matapos na umano’y mapikon sa tukso ng isa nitong kasamahang babae.

Kinilala sa blotter report ng Boracay PNP ang arabo na si Mohadi Nasser, 28 anyos ng Saudi Arabia, kung saan kumain umano sa nasabing fast-food chain kaninang alas tres ng madaling araw kasama ang mga kaibigan.

Ayon sa report ng Boracay PNP, bagamat hindi na nagsampa ng kaso ang nakatuksuhan nitong babae ay ang management naman ng establisyemnto ang nagpa-blotter sa arabo matapos na magdulot ito ng kaguluhan at abala sa iba pang mga costumer.

Ito’y matapos na kunin di umano ng arabo ang ilang mga upuan doon at inihampas sa semento na naging dahilan ng pagkasira ng ilang mga gamit doon.

Samantala, habang nasa kustodiya naman ng Boracay PNP Station, nagkasundo ang dalawang panig na sa pagitan nalang nila ayusin ang kaso matapos na humingi rin ng tawad ang nasabing arabo.

Magsisilbing helipad ng Air Ambulance sa Boracay, ininspeksyon na ng SB Malay

Posted August 8, 2014
Ni Jay-ar M. Arante,YES FM Boracay

File:London Air Ambulance G-EHMS.jpgIninspeksyon na ng Sangguniang Bayan ng Malay ang magsisilbing helipad ng Air Ambulance sa isla ng Boracay.

Ito’y sakaling maisakatuparan na ang kahilingan ng kompanya ng Aerospace na magsagawa ng kanilang operasyon para sa darating na Asia Pacific Economic Conference (APEC) Summit 2015 sa Boracay.

Ang inspeksyon ay pinangunahan mismo ni SB Member at Chairman ng Committee on Tourism Jupiter Gallenero kasama si SB Member Natalie Paderes.

Ayon kay Gallenero may laki umanong 2, 000 sq ang nasabing paliparan para sa take off at arrival ng air ambulance kung saan mayroon din itong facility ng lounge at comport rooms.

Sa ngayon umano ay mabusisi pa nilang pag-aaralan ang resolusyon para dito at inaasahang muling tatalakayin sa mga susunod na session.

Nabatid na ang Air Ambulance ay isang malaking tulong sakaling mayroong pasyente na kabilang sa APEC ang kinakailangang dalhin sa ilang pagamutan sa mainland.

Ordinansa na magre-require sa mga Tourist Bus sa Aklan na magkaroon ng Audio/Video equipment, masusing pinag-aaralan ng SP Aklan

Posted August 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Masusing pinag-aaralan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang ordinansa na magre-require sa mga Tourist Bus sa Aklan na magkaroon ng Audio/Video equipment.

Sa ginanap na 26th SP Regular Session kahapon, nabatid na posible umanong ipatawag muli ng SP Aklan ang mga tourist bus operators at iba pang ahensya upang mapag-usapan ang mga maaaring hakbang para dito.

Magugunitang sinuspende muna ang isinusulong na ordinansa dahil pinasusumite pa ng Provincial Board ng resolusyon ang may akda nito na si SP Member Emmanuel Soviet Dela Cruz.

Matatandaan ring isinulong ang panukala dahil sa malaking maitutulong umano nito lalo na sa turismo ng probinsya, kung kaya’t nire-require ang mga Tourist Bus at Public Transportation Units na magkaroon ng audio/video equipment para ipakita ang kagandahan ng Aklan.

DOT Regional Office 6, tiniyak ang patuloy na operasyon sa Boracay kahit salitan muna ang OIC

Posted August 7, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Tiniyak ngayon ng DOT Regional Office 6 ang patuloy na operasyon ng DOT Boracay Sub-office.

Sa kabila ito ng pagsasalitan muna ng ilang senior officers ng DOT Region 6 bilang officer in charge sa DOT Boracay matapos ilipat sa Iloilo si dating DOT Boracay OIC Tim Ticar.

Ayon kay DOT Regional Office 6 Director Atty.Helen Catalbas, manggaling parin sa regional office ang mga polisiyang ipapatupad sa DOT-Boracay kahit sino man ang ilalagay na OIC doon, kung kaya’t naniniwala umano ito na hindi maaapektuhan ang serbisyo ng DOT sa mga turista at kumunidad sa isla.

Aminado rin si Catalbas na itinalaga niya mismo ang kanyang sarili bilang officer of the week ngayong may pagbabago sa organizational structure ng DOT Boracay.

Samantala, isang press briefing mamayang hapon ang ipinatawag ni Catalbas kaugnay sa functional reorganization ng DOT Boracay Sub-office.

Magugunita namang ipinag-utos mismo ni Catalbas ang paglilipat kay Ticar sa Iloilo epektibo nitong unang araw ng Agosto.

Thursday, August 07, 2014

Tambisaan at Tabon Port magiging regular entry-exit na sa tuwing panahon ng Habagat

Posted August 7, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Magiging regular entry at exit na ang Tabon at Tambisaan Port sa tuwing panahon ng Habagat.

Ito’y sa sandaling matapos ang isasagawang pag-aaral ng Sangguniang Bayan ng Malay sa resolusyon para dito.

Sa SB Session ng Malay nitong Martes sinabi ni SB Member at Chairman ng Committee on Laws Rowen Aguirre na kailangan munang ayusin ang problema sa traffic ng mga bangka sa nasabing pantalan bago ang implementasyon.

Samantala, dapat umanong maging handa rin ang Tambisaan Port sakaling ito’y maipatupad na dahil sa maliit lamang ang terminal area nito at masikip ang daungan.

Nabatid na isa sa mga dahilan kung bakit natatagalan ang pag-daong ng mga bangka at nagkakaroon ng traffic ay dahil sa mga bangka na naka-dock doon kahit hindi naman umano  bumibiyahe at ang ilan ay nagkukumpuni.

Sa ngayon handa na rin ang Committee on Tourism at Committee on Transportation na ito ay pag-aralan para sa pagpapatupad ng entry-exit sa tuwing Habagat.

Ang nasabing resolusyon ay iniakda ni SB Member Floribar Bautista para maiwasan ang pagkalito ng mga pasahero kung saan ang biyahe
ng mga bangka sa tuwing panahon ng Habagat.

Security guard, binugbog ng dating nakaalitan sa loob mismo ng kanyang boarding house sa Boracay

Posted August 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo sa Boracay PNP Station ang isang security guard matapos na bugbugin ng dati nitong nakaalitan sa loob mismo ng kanyang boarding house sa Boracay.

Ayon sa sumbong ng hindi na pinangalanang  24 anyos na sekyu sa mga pulis, papasok na umano sana ito sa kanyang boarding house mag-a-alas dose ng madaling araw nang madatnan doon ang kanyang dating nakaalitan na nakilala kay “Ronald” 23 anyos.

Nagkaroon umano ng komprontasyon sa pagitan nilang dalawa, kung saan ayon sa biktima biglang nagalit si “Ronald” at kaagad itong sinuntok sa kanyang kanang pisngi.

Samantala, matapos mag-responde ang mga pulis ay kaagad namang nahuli at pansamantalang ikinustodiya ang suspek sa Boracay PNP Station.

Security guard, ninakawan, baril at perang nakoleksyon, tinangay

Posted August 6, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Isang man-hunt operation ang ikinasa ng Boracay PNP upang mahuli ang nagnakaw sa isang security officer sa Boracay nitong hapon sa Barangay Balabag.

Hindi makapaniwa ang biktimang si Elizer Donato, 49 anyos na mabibiktima ito ng kawatan sa loob ng walong taon nitong trabaho bilang security guard.

Kuwento nito sa mga pulis, pasado alas 3:00 nitong hapon nang maganap ang insidente habang nagkokoleksyon umano ito ng bayad para sa kanilang agency.

Subali’t mabilis aniya ang pangyayari para sa kanya nang pagtulungan siyang bugbugin at agawin ang kanyang bag.

Bagamat nanlaban, natangay parin ng suspek ang pearang laman nito na humigit-kumulang 30 mil pesos at kalibre 38 baril.

Naniniwala din umano ang biktima na nasubaybayan ang kanyang mga lakad at kanina ito natiyempuhan.

Samantala, kaagad namang tumakas ang mga suspek matapos ang insidente.