YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, November 17, 2012

Mga kawatan ngayong nalalapit na kapaskuhan, pinaghahandaan na ng BTAC

Pinaghahandaan na ng Boracay Police ang mga kawatan ngayong magpa-Pasko na.

Kaya ngayon palang ay nagbigay paalala na ang pulisya sa nagbabalak na gumawa ng kremin lalo na sa mga kawatan.

Ito ay dahil kapag nalalapit na ang Pasko, inaasahan na ang pagdagsa ng mga dayuhan sa Boracay maging ng mga lokal na turista.

Gayong kaakibat ng pagdagsa ng maraming bisita, ang pagdagsa din ng mga umano’y turista kuno, pero ang pakay pala ay ang magnalasa ng pandidikwat.

Subalit, sa kasalukuyan ay hinahandaan na ito ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ayon sa kanilang hepe na si P/S Insp. Joeffel Cabural.

Aniya, magdadagdag na nila ang Pulis sa isla at magpapakalat na rin ng maraming “secret tourism police” na siyang magbabanatay sa mga matataong lugar dito.

Maliban dito, magkakaroon na rin umano ng “Theft and Robbery” section sa BTAC na siyang tututok sa mga kaso ng nakawan.

Kaya panawagan nito sa mga magnanakaw at may balak magnakaw sa Boracay,  na sana ay magbago na umano ang mga isip nila dahil hindi sa lahat ng oras ay silang panalo.

Dahil gaya umano sa mga nauna na nilang nahuli na hindi na bumalik pa dito, sana ay maging halimbawa na iyon.

 Hinamon rin ni Cabural ang mga kawatan na mag-isip-isip na, sabay hikayat sa mga ito magtrabaho na lamang.

Gayong sa islang ito, maraming aniyang maranagal na trabaho na maaaring pasukan bagay na dinadayo nga ng mga taga ibang probinsiya, kaysa gumawa pa umano ng kremin.

Matatandaang, kapag nalalapit na ang Pasko ay doon na rin lumulusob ang ilang may mga masasamang balak na mula sa iba’t ibang lugar sa bansa upang mambiktima ng mga turista dito sa Boracay. #ecm112012

Drainage sa Boracay, sisimulan ng ayusin ayon sa TIEZA


3

Uumpisahan ang pagsasa-ayos ng drainage sa Boracay.

Ito ang paulit-ulit na sagot ni Atty. Marites  Alvares, Officer In Charges ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Regulatory Office sa Boracay, kaugnay sa malabahang mga katanungan din ng mga stakeholders at residente ng isla kahapon.

Sa isinagawang Public Consultation ng TIEZA sa mga konsisyuner ng Boracay Island Water Company (BIWC) hinggil sa kanilang serbisyo sa sewer at tubig.

Hindi na nakatakas pa ang TIEZA sa mga katanungan hinggil sa problema ng drainage system, sa kabila na dapat ay ukol lamang sa sewerage at water services ng BIWC ang tapiko doon.

Bagamat inaasahan na ito dahil sa matagal nang wanted o kailangan ang TIEZA sa Boracay na siyang may hawak sa proyektong drainage.

Tila naging sentro ng usapin pagsapit ng open forum ng consultation ang kaugnay sa pagbaha na nararanasan sa isla dahil sa walang sistema at hindi pa tapos na drainage.

Ngunit tila limitado parin ang sagot ni Atty. Alvares hinggil dito, maliban sa inihayag niyang sisimulan na ang konstraksiyon ng phase 1.

Gayong may bagong kontraktor na rin umano, kung saan aasahang matatapos ang proyekto sa loob ng 180 araw o katumbas ng 6 na buwan.

Subalit maliban dito, nanatiling palaisipan parin sa mga stakeholders at residente sa isla kung kaylan talaga ito mangyayari, dahil walang petsang binanggit.

Matatandaang ilang beses na rin nagyong taon nangako ang TIEZA na aayusin at sisimulan na, pero hanggang sa ngayon ay nanatili parin itong problema. #ecm112012

Friday, November 16, 2012

Boracay, posibleng maging taguan ng mga kriminal

Aminado ang Boracay Police na hindi talaga maiiwasan na maging taguan ng masasamang indibidwal ang isla ng Boracay.

Ayon sa hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na si P/S Insp. Jeoffel Cabural, hindi ito imposible dahil sa pagdami ng mga turistang pumapasok sa isla mula din sa iba’t ibang lugar.

Kaya hindi rin umano nalalaman kung sino sa mga ito ang mga nagtatago at may pananagutan sa batas.

Dahil dito, nananawagan si Cabural sa mga pamilya ng mga nabiktima ng anumang krimen na ang salarin ay hindi pa nahuhuli, na magbigay umano ng kopya ng larawan o anumang impormasyon tungkol sa mga taong ito sa BTAC, upang mapasama sa mga dapat tutukan ng awtoridad sa isla.

Tulad na lamang umano sa nahuli nila kagabi na may kasong “illegal recruitment” na si Mayflor Tingson ng Dingle, Iloilo, kung saan dahil umano sa ibinigay na impormasyon sa BTAC ay nahulog sa kamay ng awtoridad.

Makaraang itong arestuhin sa bisa ng warrant of arrest ay hindi na ito pinahintulutan pang makapagpiyansa sa kasalukuyan dahil sa bigat ng krimen na ginawa.

Nabatid na ang suspek na nahuli ay nakagawa ng krimen nitong nagdaang taon sa Pasay City kung saan doon makikita ang kanilang opisina.

Bunsod nito, sila umano sa BTAC ay gagawin ang lahat para mahuli ang mga indibidwal na naririto sa isla para magtago.

Malaking tulong din umano kahit ang maliit na impormasyon na ibinibigay sa pulisya para sa pagkakahuli sa mga ito dahil gaano man aniya kahirap para sa awtoridad na hanapin ito sa isla dahil sa dami ng tao dito at labas pasok pa, pero sa kooperasyon ng mga residente, tinitiyak nito na mahuhuli din ang mga nagtatagong ito dito sa Boracay. #ecm2011

Caticlan Airport, pormal nang ipinangalan kay Godofredo P. Ramos

Sa ikalawang pagkakataon ay kinumpirma ng Palasyo ng Malacañang na Godofredo P. Ramos Airport ang Caticlan Airport o Boracay Airport.

Sa proklamasyong ginawa ng Palasyo at sa bisa ng Proclamation No. 500 Series of 2012 nitong ika-7 ng Nobyembre, pinagtibay ng Pangulong Benigno S. Aquino III na sa halip ng Caticlan Airport ay ipapangalan na ito sa tinaguriang ama ng probinsiya ng Aklan na si Godofredo P. Ramos.

Maliban sa pangulo, pinatotohanan din ito ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa.

Nakasaad sa Presidential Proclamation na ang dedikasyon ni Ramos at serbisyo nito sa bayan na siyang nakatulong sa pagprogreso ng Aklan, ang rason upang ipangalan dito ang Caticlan Airport.

Pero sa kabila nito, pinalitan ito ng pangalan ng mga namumunong pribadong indibidwal at ginawang Boracay Airport sa layunin, madaling mai-market umano ng paliparan sa mga turista.

Ang proklamasyon ay nilagdaan isang araw bago ang 101 anibersaryo ng kaarawan ni Ramos nitong nagdaang Huwebes.

Kung maalala, una nang iprinoklama ni dating Pangulong Gloria Arroyo na ipangalan kay Ramos ang paliparan sa Caticlan, at ngayon ay sinegundahan din ito ni PNoy. #ecm112012

BIWC, posibleng magtaas ng singil sa tubig sa susunod na taon

Posibleng magtaas ng singil sa tubig sa susunod na taon ang Boracay Island Water Company Inc. (BIWC).

Kaya ngayon palang, ang napipintong pagtaas sa singil na ito ay agad ipinaliwanag at nilinaw ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) kahapon sa isinagawang Public Consultation sa Manoc-manoc Plaza.

Ayon kay Atty. Marites Alvares, Officer In-Charges ng Regulatory Office ng TIEZA sa Boracay, malaki ang posibilidad na magtataas ng singil sa serbisyo ng tubig ang BIWC.

Ito’y dahil sa marami na rin umanong capital investment sa mga proyekto ang kumpaniyang ito upang maging maayos ang kanilang serbisyo sa mga konsisyuner sa isla.

Nararapat lamang din na magtaas aniya ng taripa sa paniningil nila ang Boracay Water upang kahit papaano ay makabawi din.

Pero pinasiguro naman ni Alvares na mariin nilang pag-aaralan ang kaugnay sa maaaring increase ng BIWC, gayong sila sa TIEZA ang nagmomonitor at nag-i-evaluate sa operasyon ng kampaniyang ito.

Aniya sisiguruhin nilang, hindi naman malaki ang itaas at yaong sakto lamang.

Sakaling matuloy, ito na rin umano ang kauna-unahang pagkakataon na magtataas ng singil ang BIWC, makalipas ang ilang taon at makaraang nagbago ang administrasyon mula dating Boracay Water and Sewerage System (BWSS). #ecm2011

Katanungan tungkol sa pagdidispatsa ng maruming tubig sa front beach ng Boracay, sinagot ng BIWC

Sinagot ng BIWC ang ipinaabot na katanungan ng isang concerned citizen tungkol sa maruming tubig na dumadaloy sa front beach ng Boracay.

Ayon kay Ben Mañosca ng Boracay Island Water Company Inc. (BIWC), sa drainage nga nagmula ang mabahong tubig na malapit sa isang malaking hotel sa front beach sa pagitan ng station 2 at station 3.

Aniya, hindi maganda ang amoy ng tubig na lumalabas dito, sa kadahilanang may ilang business at residential buildings pa rin na hindi nakakonekta sa sewer ng isla, pero naglalabas ng maruming tubig sa drainage diretso sa dagat.

Ganoon pa man, tiniyak ni Mañosca na isa ito sa mga bahaging ire-rehabilitate kapag nasimulan na ang phase 1 ng pagsasaayos ng drainage system ng Boracay.

Kung maaalala, minsan na rin nitong ipinaliwanag na ang drainage ay para lang sa tubig ulan, habang ang sewer naman ay para lamang sa waste water.

Ang kasagutang ito ni Mañosca ay nangyari sa isinagawang public consultation ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) at BIWC kahapon sa Brgy Manoc-manoc. #pnl112012

TIEZA consultation, naging matagumpay

Naging matagumpay ang isinagawang public consultation ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na nagtapos kahapon ng hapon sa Manoc-manoc Plaza.

Pinukol ng maraming katanungan ang TIEZA lalo na mula sa mga stakeholder sa Boracay kaugnay sa operasyon ng Boracay Island Water Company (BIWC).

Dinaluhan ng ilang opisyal sa bayan at mga Barangay, miyembro at opisyal ng national offices sa Boracay, gayon din ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang sector, pero ang karamihan sa dumalo ay mga may-ari ng establishimiyento dito.

Ayon sa Officer In-Charges ng Regulatory Office ng TIEZA sa Boracay na si Atty. Marites Alvares, layunin nila sa konsultasyon na ito ay upang malaman ang suliranin o komento ng mga konsumidor ng BIWC kaugnay sa kanilang serbisyo sa tubig at sewerage.

Dagdag pa nito, mahalaga umano sa kanilang malaman din kung ano na rin ang mga nagawa ng kampaniyang ito gayong mayroon silang kasunduan bilang partners.

Nabatid mula sa TIEZA na pasado naman sa kanila ang performance ng BIWC, at maging ang mga dumalo nitong hapon ay aminado sa magandang serbisyo nila sa tubig.

Pero hindi rin nakaligtas sa mga katanungan ang TIEZA kaugnay sa problema ng sewerage at drainage system sa isla.

Ang TIEZA ay siyang regulatory body ng BIWC, kaya malaki din ang kanilang ginagampanan para maprotektahan umano ang mga konsyumer at masigurong tamang serbisyo din ang tatanggapin nila. #ecm112012

Manifesto sa mga biyahe ng bangka sa Boracay, mahigpit na ipinapatupad

Ni Christ Dela Torre, YES FM Boracay

Ang kapakanan ng bawat pasahero ang pangunahing rason kung bakit may inilalatag na security measures sa isang bangka lalo pa sa isang lugar na maraming biyahero, partikular na sa isla ng Boracay na dinadayo ng mga turista at bakasyunista.

Kung saan, ilan sa mga seguridad na ipinapatupad ay ang manifesto.

Ayon kay Lt. Commander Terence Alsosa ng Caticlan Coastguard, mahigpit nilang mino-monitor ang pagpapatupad ng manifesto sa mga pampasaherong bangka sa Cagban at Caticlan Jetty Port.

Ngunit aminado si Alsosa na dahil na rin sa maraming turistang sumasakay at limang minuto lang ang palugit na ibinibigay sa mga kapitan ng bangka upang umalis, ay mabilisan na ang pagsakay kanilang mga pasahero sa bangka, kung kaya’t sa loob na lamang ng bangka pinapa-ikot ang manifesto at isinusumite naman ito ng Kapitan o crew ng mga bangka sa coastguard.

Ayon pa kay Alsosa, may sariling kooperatiba ang mga bangka na siyang nagpo-provide din ng manifesto, at kanila na lamang itong tsini-check upang malaman kung ilan ang pasahero ng bangka lalo pa kung masama ang panahon.

Sinabi pa nito na maging sa mga island hopping, diving at lahat ng sea sports activities ay ipinapatupad nila ang pagkakaroon ng manipesto.

Siniguro din ni Alsosa na makakatiyak ang mga pasahero na ang bawat biyahe ng bangka ay may insurance kung saan ang bawat biyahe o operasyon na kanilang gagawin ay nasa ligtas na pamamaraan.

Pag-uusap ng legislative at executive body, kailangan sa paglinis ng vegetation area sa Boracay

Masinsinang pag-uusap parin umano ang sagot sa problemang nakikita ngayon sa vegetation sa Boracay.

Ito ang sagot ni Island Administrator Glenn Sacapaño sa panayam dito, hinggil sa komento ng Sangguniang Bayan ng Malay kamakailan.

Kaugnay ito sa di umano’y tila kulang na implementasyon sa mga ordinansa sa isla para malinis na ang vegetation area.

Partikular na tinukoy dito ng SB ang mga tent at iba pang illegal structure sa vegetation area ng front beach na matagal na umanong problema pero hindi parin natatanggal sa kabila umano ng mga ordinansang mayroon sa isla.

Bilang sagot ng Island Administrator sa katulad na problema, sinabi nitong mahalaga umanong magkaroon muna ng pag-uusap ang legislative body at executive pagdating sa mahigpit na implementasyon kaugnay dito, at upang magkaroon ng iisang katayuan o desisyon.

Sapagka’t ang nangyayari umano, ayon kay Sacapaño, sila ang madalas na nababanatan at nakakasuhan kapag nagpatupad na ng mga nasabing orinansa, dagdag pa na wala umanong linaw kung anong supurta ang ipapaabot ng LGU sa kanila.

Aminado din ito na naririyan ang mga batas at ordinansa na anumang oras ay pwede naman nilang ipatupad, pero hindi naman aniya ganon kadali ang lahat.

Ganoon pa man, nilinaw nitong bago matapos ang 2012 ay pipilitin nilang maayos ang lahat, para pagsapit ng 2013 ay mabawasan na rin ang mga problemang ito kasama na ang suliranin hinggil sa mga pagala-galang mga vendor sa front beach. #ecm112012

Taripa sa mga sea sport activities sa Boracay, kailangan na

Pagkakaroon ng taripa, sa bawat sea sports activities sa Boracay.

Ito ang inaasahang magiging sagot sa mga panlolokong ginagawa ng ilang komisyuner sa front beach.

Bagay na isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay, bilang tugon sa mga reklamong natatanggap nila kaugnay sa umano ay mahal na paniningil sa mga turista ng mga nag-aalok na ito ng iba’t ibang sea sports activities sa Boracay.

Ayon kay Island Administrator Glenn Sacapaño, pagkakaroon ng taripa sa bawat aktibidad ang hamon nila ngayon sa mga establishementong nagmamay-ari ng sea sports.

Aniya, kadalasan na nangyayari ay ipapakita lamang ng mga komisyuner ang card nila na naglalaman ng mga aktibidad at sila na ang nagpi-presyo sa mga turista.

Kaya karamihan umano sa mga inirereklamo ng mga dayuhang ito, ay sobrang mahal at over charging ang paniningil nila.

Dagdagan pa  aniya na minsan ay makaraang makuha ang bayad sa mga nakontrata nila, hindi na nagpapakita pa sa turista para sa kanilang serbisyo na binayaran na.

Aniya, ang ganitong gawain ay napaka-pangit para sa Boracay, sa kabila umano ng kampaniyang ginagawa ng pamahalaan para sa promosyon ng Boracay. #ecm112012

Caticlan, niyanig ng intensity 2 na lindol; ilang bayan sa Aklan, intensity 3

Niyanig ng Intensity 2 na lindol ang Caticlan, Malay bandang ala-una bente uno noong ika-labing apat ng Nobyembre taong kasalukuyan, habang ang ilang bayan naman sa Aklan ay nakaramdan ng pagyanig na umabot sa Intensity 3.

Pero ayon kay Engr. Arlo Sabar ng Philvocs Aklan, ang Intensity 2 na naramdaman sa Caticlan ay hindi naman ramdam sa buong Barangay.

Nilinaw din nitong walang pagyanig na nangyari sa isla ng Boracay ganun din sa bayan ng Balete at Altavas.

Habang ang Intensity 3 umano ay ramdam sa mga bayan ng New Washington, Batan, Kalibo, Lezo, Numancia ,Malinao, Madalag, Libacao, Banga, Makato, Tangalan, Ibajay at Nabas maging sa Culasi at Pandan sa Antique.

Naging sentro ng lindol na umabot sa Intensity 5.8 na may lalim na sampung kilometro ang lugar sa Cauayan, Negros Occidental.

Pinawi naman ng ahensya ang pangamba ng publiko sa pagpapaalalang wala na umanong dapat na ikabahala.

Wednesday, November 14, 2012

Caroling ng mga bata sa Boracay, bawal! --- MSWDO

Nakasalalay sa mga barangay official kung pahihintulutan pa ang caroling sa Boracay.

Ito ang inihayag ni Magdalena Prado, Municipal Social Welfare Development Officer (MSWDO) ng Malay.

Dapat aniya ang mga nagka-caroling ay may permit mula sa mga barangay, gayong sa national level ay may ipinatutupad ding “Solicitation Permit Law”.

Ayon kay Prado, depende sa mga barangay kung magbibigay sila ng permit sa mga grupo o organisasyon na nais mag-caroling.

Gayong sa pag-a-apply pa lang umano ng permit ay dapat nakalagay na ang pakay at kung para saan ang kikitain ng mga ito.

Ang pinahihintulutan lang din umano ay kung para sa mga kapos palad o isang Charitable institution ang makikinabang sa kikitain.
Pero nilinaw ni Prado na ipinagbabawal talaga ang pangangarolling sa mga bata, sapagkat delikado sa mga ito ang malibot pa kapag gabi, bagay na ipinagbawal ito sa mga bata para iwas sakuna. #ecm112012

Mga naghi-hair braids sa Boracay, may apela sa SB Malay

image by
http://www.gracefulwalk.com/2011/03/my-braided-hair-in-boracay.html
Nakahandang sagutin ng Sangguniang Bayan ng Malay ang apela ng grupo ng mga naghi-hair braids Boracay.

Sa paraan ng Committee Meeting na ipapatawag ng SB sa mga naghi-hair braids sa front beach, ipapaliwanag ng mga ito ang kanilang kasagutan kung bakit hindi na umano pinag-renew ng lokal na pamahalaan ang Malay ang permit ng mga ito.

Sa sulat na ipinadala ng nasabing grupo sa konseho na binasa ni SB Member Wilbec Gelito, humingi ng pag-unawa ang mga ito sa LGU Malay, kaugnay sa kabuhayang napili nila bilang kababaihan sa islang ito.

Kaya nagsusumamo ang mga kababaehang ito na gawin ng “legal” ang hair braiding sa isla dahil sa ngayon ay ipinagbabawal na ang mga ito sa front beach, sa kabila anila na ang serbisyo nila ay nagugustuhan naman ng mga turista.

Sakaling maging legal umano ang trabaho nilang ito, nakahanda naman silang sumunod sa ordinansang ipinapatupad sa isla.

Subalit ang isa umano sa nakikita ng SB ay tila hindi organisado ang mga magi-hair braids na ito sa front beach.

Ito rin ang naging mitsa umano kung bakit ipinagbabawal at hinuhuli ang mga ito, sapagkat kahit saan lang naka-puwesto.

Pero para kay SB Member Rowen Aguirre di naman kailangan ipagbawal ang mga ito, sa halip ay ilagay nalang umano sa iisang lugar para hindi na pakalat-kalat pa sa vegetation area.

Lot owners na tataman ng Boracay Airport expansion, napapa-“wow”

image by http://phingtravels.com/boracay-na/
"Proteksyon sa mga lot owners."

Ito ang sigaw ni Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron sa konseho sa sesyon kahapon ng umaga, dahil sa apektado din umano sila na mga lot owners sa expansion na gagawin ng San Miguel Corporation at Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP sa Boracay Airport.

Sa hiniling na tulong ni Pagsugiron sa SB, nararapat lamang umanong mangialam din ang SB sa isyu gaya nitong pag aquire ng lupa na dadaanan ng proyekto.

Sapagkat ang SB naman ang nag-endorso ng proyekto.

Ito ay makaraang makatanggap umano ito ng sulat mula sa CAAP at nagsasabing ang bahagi ng kanilang lote ng pamahalaan at babayaran lamang ito ng maliit na halaga na naaayon sa zonal valuation.

Bilang reaksyon ng konsehal, napapa-“wow” ito, sabay tanong kung bakit ganoon agad ang paraan ng CAAP at wala pang negosasyong nangyayari.

Dehado naman umano silang mga lot owners ayon dito kapag ganito ang mangyayari, na diretso sa expropriation ng pamahalaan na walang negosasyon.

Kaya hiling ngayon ni Pagsugiron na sana maayos na ito.

Pero nilinaw ni Pro Tempore presiding officer Esel Flores na aaksiyunan ito ng kaukulang kumitiba. Pero hindi lamang ito para sa pamilya Pagsugiron kundi sa mga lot owners din na apektado. #ecm112012

Tuesday, November 13, 2012

Paraw na sinasakyan ng dalawang turista sa Boracay, Tumaob matapos hampasin ng unos

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Naunsyami ang pag-i-isnorkling ng dalawang turista sa Boracay, matapos aksidenteng tumaob ang sinasakyan nilang paraw, mag-aalas kuwatro ng hapon kahapon a-12 ng Nobyembre taong kasalukuyan.

Ayon kay Amerigo Katakis, boatman ng Scorpion 2, mag-snokling sana ang mga kasama nitong Chinese at Taiwanese kanina nang bigla na lamang hampasin ng unos o malakas na hangin ang kanilang paraw.

Nangyari umano ang insidente sa beach front ng Discovery Shores, pagkagaling nila sa station 3.

Nagtamo naman ng gasgas sa iba’t-ibang parte ng katawan ang mga biktima, na kaagad namang inasikaso ng mga taga Boracay Action Group.

Nirespondehan at pinagtulungan naman ng mga Lifeguard na maitabi ang nasabing paraw matapos ang insidente.

Pinayuhan naman ng mga rumespondeng Coastguard ang boatman na magkaroon ng kontak sa kanila, para sa agarang pag-aksyon tuwing may mga kahalintulad na pangyayari.

Katutubong Badyaw, Ati at Mangyan, hindi pwedeng itaboy lang sa Boracay

Maingat sa pag-aksiyon kaugnay sa pagdami ng mga katutubong nagtutungo sa Boracay ang LGU Malay.

Sapagkat, hindi naman pwedeng itaboy ang mga katutubong Ati, Mangyan at Badyaw na hindi Malaynon pero pumapasok sa Boracay dahil may karapatan din umano silang pumunta dito.

Ito ang inihayag ni Magdalena Prado, Municipal Social Welfare Development Officer ng MSWDO ng Malay sa panayam dito kahapon.

Aniya, hindi ganoon kadali na itaboy ang mga ito gayong pwede umanong malabag din ng mga tagapagpatupad ng batas ang karapatang pantao ng nasabing mga katutubo.

Ngunit kapag may nalabag aniyang batas o ordinansa ang mga nabanggit katulad pagnanakaw ay maaring hulihin at ipatupad sa mga ito ang kaukulang penalidad o maaaring palabasin ng isla, gaya ng una na umanong ginawa nila ayon kay Prado.

Kaya, kung makita umanong sagabal na sa daan at namamalinos, na hindi na rin kagandahan para sa mata ng mga turista sa isla ay dapat na rin umanong sawayin ang mga ito.

Pero problema umano nila katulad noong una, hindi alam ng LGU Malay kung saang probinsiya ibabalik ang mga ito sapagkat tila hindi rin nagsasabi ng totoo kung saang lugar nagmula.

Tinukoy nito na ang iba sa nabanggit na katutubo ay nagmula sa Antique, Iloilo at iba pang lalawigan at probinsiya.

Samantala, nilinaw ni Prado na hindi Malaynon at Boracaynon ang mga namamalimos na ito sa front beach.

Dahil hindi naman aniya ugali ng mga katutubo dito ang mamalimos at pagala-gala lang, sa halip ay nagtatrabaho umano ang mga ito. #ecm112012

Mahabang pila ng magpapa-check-up sa Boracay Hospital, ipinaliwanag

Aminado ang pamunuan ng Don Circiaco Tirol Hospital o Boracay Hospital naiinip na rin ang mga pasyente na maghintay sa haba ng pila doon.

Pero ipinaliwanag ni Dra. Mishelle Depacaquibo, Chief Operation Manager ng Boracay Hospital, na nanaisin man nilang madaliin ang lahat para matapos ng maaga subalit sa sobrang dami aniya ay halos inaabot na sila diin ng maghapon.

Dahil dito, payo nito sa mga magpapa-check up na magtungo doon ng maaga upang hindi na sila abutin pa ng hapon.

Humingi din ito ng pag-unawa at umapela sa mga magpapacheck-up na kung maaari ay maging pasensiyoso sa paghihintay na sila na ang maisalang dahil araw-araw aniya ay isang doktor lamang ang duty at isa lang din ang medical technologist o MedTech.

Hinihikayat din ngayon ng nasabing manggagamot na dapat ay i-avail ng mga babaeng buntis sa isla ang libreng “prenatal check-up” sa ospital tuwing Huwebes at Biyernes ng hapon. #ecm112012

Boracay Hospital, lalakihan na sa 2013

Nasa plano na ngayon, na sa susunod na taon ng 2013 ay lalakihan na ang Don Circiaco Tirol Memorial Hospital o Boracay Hospital.

Katunayan, ayon kay Dra. Mishelle Depacaquibo, Chief Operation Manager ng Boracay Hospital, na nasa estado na sila ngayon ng paghahanda para sa master plan ng pagamutang ito.

Prayoridad umano nila ngayon ay ang ipapatupad sa konstraksiyon ng gusali kung saan P40M umano ang pondo na ibibigay ng Department of Health para sa unang bahagi pa lamang ng proyekto.

Matapos na maipatupad aniya ang first phase ng gusali, isusunod na rin ang karagdagang P40M para sa iba pang kakailanganin ng ospital.

Dahil dito, aasahang tataas na rin aniya ang lebel ng pagamutan mula sa primary at aakyat sa secondary, lalo na kapag magiging maayos na ang lahat pati ang mga serbisyo at kagamitan nila.

Ngunit, inaasahan aniya taong 2015 pa ito posibleng mangyayari.

Samantala, nilinaw din nitong ang pagamutan ay Municipal Hospital pa rin hanggang sa ngayon.

Pero ang gastos umano sa araw-araw na operasyon gayon din sahod ng mga staff o tao dito ay nagmumula sa probinsiya.


Aminado din si Depacaquibo na problema nila kung magsimula na ang konstraksiyon, kung saan nila ilalagay ang mga pasyente at ibang gamit kung sisimulan na ang pagsasaayos. #ecm112012

Paglipat sa iskedyul ng Ati-atihan sa Boracay, simbahan pa rin ang masusunod

Marami nang plano ang lokal na pamahalaan ng Malay para sa taunang pagdiriwang Boracay Ati-atihan.

Subalit nilinaw ni Felix Delo Santos Jr., Chief Operation Officer ng Municipal Tourism Office (MTO) na pagdating sa pagdidesisyon kaugnay sa proposisyon nilang ilipat ang petsa sa pagdiriwang ng Ati-atihan sa Boracay, ang simbahan pa rin ang masusunod.

Sapagkat ang taunang debusyonal na selebrasyon nito sa isla ay aktibidad umano ng simbahan.

Subalit, sila aniya sa MTO Office, bilang binigyan ng awtoridad ng Punong Ehekutibo ng Malay na maki-usap sa simbahan upang mailipat ang araw ng schedule ng pagdiriwang nito, ay marami nang plano.

Bagamat hindi man ganoon ka-garbo ang selebrasyon ayon kay Delo Santos, pero balak umano sana nila na gawing mahaba-haba ang araw ng pagdiriwang.

Dagdag pa nito, plano nilang magkaron ng iba’t ibang aktibidad, na animo ay fiesta na kung ipagdiwang taon-taon sa suporta din ng LGU Malay.

Ganoon pa man, nasa simbahan pa rin ang desisyon at sila ang mangingibabaw.

Una nang sinabi ni Rev. Fr. Arnold “Nonoy” Crisostomo na ang katulad sa nasabing usapin ay dapat ang tao sa Boracay ang magdesisyon.

Kung maaalala, nais ngayon ng Punong Ehikutibo ng Malay na ilipat sa huling “weekend” ng Enero ang Ati-atihan sa Boracay upang makapag-imbita pa sa bayan ng Kalibo ng mga tribu na naig lumahaok at upang magkaroon din ng mahabang panahon sa paghahanda at dagdag aktibidad sa isla na panghikayat para sa industriya ng turismo. #ecm112012

“Responsible parenthood”, importante para sa mga bata sa Boracay

Malaki ang responsibilidad ng magulang sa kanilang mga anak, lalo na sa kakaibang kapaligiran mayroon sa isang lugar gaya ng Boracay.

Ito ang ipinaliwanag ni Magdalena Prado, Municipal Social Welfare Development Officer (MSWDO) sa mga magulang lalo na sa espesyal na lugar tulad ng Boracay.

Kung saan makakakita ka umano ng maraming oportunidad para kumita na mahirap makontrol sa kanilang aktibidad, katulad ng pagbibinta, pag-gawa ng sand castle sa front beach dis-oras ng gabi at kung ano pang pagkakakitaan.

Lalo na at nakakapit na umano sa Boracay ang tinatawag na turismo kaya, mahalaga na ma-momitor ng mga parents ang kanilang mga anak sa kanilang gawain at wag lamang hahayaang pagala-gala, masangkot sa kung ano mang aktibidad na labag sa batas o ordinansa man.

Sa ganito aniyang pagkakataon, malaking tulong din ang pagmamalasakit ng isang indibidwal, sa paraan ng pagsusumbong ng mga ito sa kinau-ukulan kung may nalamang tino-tolerate ng magulang ang kanilang mga anak.

Sapagkat, sa ilalalim umano ng batas particular sa Presidential  Decree 603 o kilala sa tawag na “The Child and Youth Welfare Code” at Republic Act 9344 o “Juvenile Justice and Welfare System”, kapag makita at napatunayan na may pagkukulang ang mga magulang sa mga anak, maaaring makasuhan ang mismong mga magulang ng bata.

Bunsod nito, nanawagan si Prado sa mga magulang na gabayang mabuti ang kanilang mga anak, upang hindi malihis ng landas.

Kung matatandaan, aminado si Island Administrator Glenn Sacapaño na nahihirapan silang supilin ang mga pagala-galang mga bata sa beach gabi-gabi dahil ang iba sa mga ito ay dinadala din ng mismong kanilang mga magulang at tino-tolerate pa kahit sa maling gawain.

Kaya suhestiyon nito, magulang na lang ang kasuhan para totoong magampanan ang kanilang obligasyon sa mga bata. #ecm112012

Mga tricycle drivers sa Boracay, sasanayin maging tour guide

Sa renewal ng permit tatagain ang sinumang driver o operator ng tricycle sa Boracay na naireklamo ng pasahero.

Ito ay sa oras na dumaan na sa seminar ang nga drivers na ito sa isla sa darating na ika-23 hanggang 24 ng Nobyembre, para sa programang ipinatutupad ng Municipal Tourism Office (MTO) na “Tourism Frontliners Enhancement for Sustainable and Globally Competitive Tourism Industry”.

Ito ang inihayag ni MTO Chief Operation Officer Felix Delo Santos Jr., sa panayam dito kaugnay sa kanilang pinapalakas na proyekto para maabot ng Boracay ang “international standard” na serbisyo para sa mga turista.

Sa dalawang araw na seminar na ito sa mahigit isang libong drivers sa Boracay, malaking tulong at mahalaga umano ito, gayong ang mga driver ay may direktang ugnayan sa mga turista dahil sa kanilang trabaho.

Dahil dito, para masigurong magagamit din ang mga ang itinuro sa kanila, magkakaroong ng monitoring at evaluation ang MTO Office sa pakikipagtulungan ng Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC).

Lalo na upang malaman kung may mga driver at sino sa mga ito ang “nakakarami” na sa ng reklamo ng mga commuters.

Ang nais ng LGU Malay, ang drivers ay magakroon din ng sapat na kaalaman upang maging tour guide din ang dating.

Sa seminar sa mga ito, darating ang taga-Land Transportation Office (LTO) Aklan para ibigay ang kanilang tips sa ligtas at tamang pagmamaneho.

Gayon din ang Department of Tourism para ipakita sa mga ito kung ano ang kahalagahan ng mga drivers sa turismo ng isla, at ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang maging resources speaker sa Customer Service.

Dito din umano ilalatag ng MTO ang mga mahahalagang impormasyon at mga posibleng isasagot ng mga frontliners na ito sa mga madalas na itanong ng mga turista sa drivers.

At kapag nakita umano ng MTO sa record ng BLTMPC sa gagawing evaluation kung sino ang hindi pa rin sumusunod sa mga batas, alituntunin ng isla at palaging inireklamo, pagdating ng renewals of permit sa transportation section ay doon na umano sila pananagutin, at maaaring na bibigyan ng permiso para sa kanilang operasyon. #ecm112012

Monday, November 12, 2012

Barangay Nabaoy, napili bilang benipesyaryo ng “Pangkabuhayan sa Barangay” ng Manila Water Foundation

Ang Samahan ng Maliliit na Magniniyog at Nangangalaga ng Kagubatan ng Nabaoy Multi-purpose Cooperative o SAMAKANA  ay isa sa mapalad na benipesyayryo ng Pangkabuhayan sa Barangay na nagkakahalaga ng dalawandaang libong piso (P200,000) na ipinagkaloob ng Manila Water Foundation.

Ito ay matapos na i-nomina ang nabanggit na barangay ng Boracay Island Water Company (BIWC) bilang isa at naunang barangay sa labas ng Maynila na nararapat na bigyan ng tulong para sa ikakaunlad ng pangkabuhayan ng pamilyang naninirahan sa pinagkukunan ng suplay ng tubig ng Isla ng Boracay.

Ani Carla May Kim, Executive Director ng Manila Water Foundation, ang kooperatibang SAMAKANA ay magiging susi para umangat ang kabuhayan ng mga naninirahan sa Nabaoy kung saan oportunidad din nitong palaguin ang pinahiram na puhunan para sa mga kalakal tulad ng niyog ,asukal ,at bigas na walang interes sa loob ng dalawang taon.

Ikinatuwa at ikinagalak naman ni Nabaoy Baranggay Captain Pablo Claud at SAMAKANA Chairman Nolasco Claud ang ipinagkaloob sa kanilang oportunidad.

Samantala, inihayag naman ni Ben Manosca, COO ng BIWC na nakaplano na ang pagtulong nila na sa pagkakaroon ng tubig sa mga kabahayan na naunang hiniling ng kanilang kapitan.

Dinaluhan din ng ilang opisyales ng Malay ang nabanggit na aktibidad sabay pagpuri sa hakbang na iginawad ng Manila Water Foundation. #aspsr112012