YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, February 22, 2014

Supply ng mga pangunahing bilihin sa Aklan, bumalik na sa normal - DTI

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kung dati ay nagkakaubusan, bumalik na umano ngayon sa normal ang supply ng mga “noodles” at de-lata sa mga grocery stores at supermarket sa Aklan.

Ito ang sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Aklan, Provincial Director Diosdado Cadena, Jr. makaraang manalasa ang bagyong Yolanda sa probinsya.

Aniya, ang presyo rin ng mga nasabing bilihin ay sumusunod na sa Suggested Retail Price (SRP) matapos na makuha ang Automatic Price Ceiling noong Enero a-onse, kung saan unang ini-utos ng gobyerno.

Matatandaan na ang mga nasabing produkto ang nangungunang mga pagkain na ipinamimigay sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo bilang relief goods.

Samantala, tinututukan naman ngayon ng nasabing ahensya ang presyo sa mga semento dahil nabatid na kaunti na lamang umano ang supply nito ngayon sa Aklan.

Napag-alaman kasi sa kanilang isinagawang pananaliksik na ang presyo ng semento ngayon sa probinsya ay nasa mahigit dalawang daan hanggang tatlong daang piso lalo na sa isla ng Boracay.

Umapela naman si Cadena sa publiko na humingi ng resibo sa mga pinagbibilhan ng mga nasabing produkto para magamit bilang ebidensya laban sa mga negosyanteng nagtitinda sa hindi tamang presyo.

Nakatanggap na rin umano kasi ng kautusan ang DTI Aklan sa kanilang Head Office na suriin ang presyo ng mga semento sa Aklan para malaman ang sitwasyon.

Pekeng illegal commissioner na tumangay ng mga gamit ng apat na Korean national sa Boracay, pinaghahanap pa rin

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Bigo pa rin sa ngayon ang Boracay PNP station na mahanap ang kinaroonan ng pekeng illegal commissioner na tumangay ng gamit at pera ng apat na Korean national sa Boracay.

Ayon sa Boracay PNP station, sa kanilang pinakahuling follow up operation kung saan may nakapagsabi na ang nasabing suspek na nakilala kay “Jepoy” ay naninirahan umano sa Ibajay, Aklan ay agad itong pinuntahan ng mga otoridad, subalit wala umano ito roon.

Matatandaang, nagreklamo sa tanggapan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang isang Korean Teacher kasama ang kaniyang apat na babaeng estudyante matapos na tangayin ang kanilang mga gamit ng nagpakilalang island activity coordinator o commissioner.

Bagay na ikinaalarma naman ng Departement of Tourism (DOT) Boracay dahil sa mga naglipanang pekeng illegal commissioner sa isla na nambibiktima ng mga turista.

Samantala,  nagpapatuloy parin sa ngayon ang imbestigasyon ng mga taga Boracay PNP Station hinggil sa nasabing kaso.

Kampanya kontra child sex tourism, sinuportahan ng Boracay PNP

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Suportado ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang kampanya laban sa child sex offenders sa pamamagitan ng stickers.

Ang End Child Prostitution, Child Pornography at Trafficking ng Children for Sexual Purposes (ECPAT) Philippines ay pinagpapatuloy ang Stickers Campaign para palaganapin ang awareness sa child sex tourism issues.

Nabatid na ang nasabing sticker ay may mensahing “Report Child Sex Offenders” and “Be a Responsible Traveler.”

Ito ay ididikit sa mga tricycle units para maiwasan ang pang-aabuso sa mga kabataan lalo na sa mga tourist destinations.

Sinabi ng mga nangangampanya na sa pamamagitan ng mga stickers na ito ay maikakalat ang mensahe na ang child sex ay hindi katanggap-tanggap at hindi pinapayagan sa isla ng Boracay.
Ayon sa mga taga Boracay PNP ito ay isang magandang Sticker Campaign at magandang paraan upang labanan ang child sex tourism.

Napag-alaman na ang ECPAT Philippines ay parti ng global network ng organisasyon at indibidwal na nagsama-sama para sa pag-aalis ng lahat ng paraan ng child prostitution.

Unang anibersaryo ng pagkamatay ni Ati Spokesperson Dexter Condez, gugunitain ng mga taga Boracay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Gugunitain ng mga taga Boracay ang unang anibersaryo ng pagkamatay ni Ati Spokesperson Dexter Condez ngayong araw.

Kung saan isang misa ang iaalay ng mga taga Ati Community para kay Condez na gaganapin mismo sa Ati Village sa Sitio. Lugutan Manoc-manoc Boracay.

Ayon naman sa mga taga pangasiwang Madre ng Ati Community sa isla, matapos umano ang isasagwang misa ay tutungo sila sa lugar kung saan pinaslang si Condez.

Patuloy namang umaasa ang mga katutubong Eta na mabibigyan na nang hustisya ang pagpaslang sa kanilang Spokesperson.

Samantala, maituturing naman na heroic ang pagkamatay ni Condez, dahil nagdala ito ng maraming bagay upang makita rin ang totoong estado ng mga Ati sa isla at pinaslang ito habang ipinaglalaban ang kanilang karapatan para sa kanilang komunidad.

Matatandaang nangyari ang pagpatay kay Condez noong Pebrero bente dos ng nakaraang taon, habang naglalakad ito pauwi sa kanilang Village sa nasabing lugar.

Siya rin ang tumatayong spokesman ng mga taga BATO o Boracay Ati Tribal Organization at nakipaglaban para sa ancestral domain ng mga aeta sa Boracay.

Friday, February 21, 2014

Mga property owners sa Aklan, magbabayad na ng mas mataas na buwis sa 2015

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sa darating na 2015 ay mas mataas nang buwis ang babayaran ng mga property owners sa probinsya ng Aklan lalo na sa isla ng Boracay.

Ayon kay Sangguniang Panlalawigan (SP) Secretary, Odon Bandiola.

Gumagawa ngayon ang Aklan Provincial Government ng general revision ng Base Market Values ng lahat ng mga real properties sa buong lalawigan.

Ito’y dahil sa nakasaad umano sa batas na kada walo hanggang sampung taon ay dapat magkaroon ng revision sa Base Market Values ng mga lupain, commercial, industrial, agricultural at residential.

Sinabi rin nito na ang isla ng Boracay ay maituturing na katangi-tangi kaya’t may tinatawag na Special Base Valuation.

Samantala, nabatid naman base sa iminungkahi ng Provincial Assessor, ang bagong Base Market Values ay saklaw sa 100 percent hanggang 200 percent para sa commercial, residential at industrial.

Sa isla ng Boracay ay magtataas ng 90 percent hanggang 400 percent depende sa uri ng ari-arian.

Aminado naman ang kalahim ng konseho na marami ang magtatanong at magrereklamo sa bagong Based Market Values kaya’t itinakda ang Public Hearing nito sa February 27-28 at March 6, 2014.

Ipinaabot din ni Bandiola na ang Public Hearing para sa Boracay at Malay ay nakatakda sa March 6, 2014 alas nuebe ng umaga sa Sangguniang Panlalawigan Session Hall sa bayan ng Kalibo.

Mga nasirang kontador dahil sa bagyong Yolanda, mabilis na inaksyunan ng AKELCO Boracay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Mabilis na inaksyunan ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) ang mga nasirang kontador sa Boracay makaraang manalasa ang super typhoon Yolanda.

Ayon kay Kenneth Roque, lineman ng AKELCO-Boracay Substation.

Ang nasabing ahensya ay nagbaba ng isang memo na humihiling sa mga empleyado nito na huwag munang magkaroon ng day-off upang agad na maibalik sa normal ang supply ng kuryente sa isla.

Aniya, nasa mahigit limampung mga kontador ang kanilang na pull-out at nai-record.

Samantala, isa umano sa kanilang mga problema ngayon ay ang low voltage kung saan muli silang kumukuha ng suplay ng kuryente sa Panit-an Capiz.

Dagdag pa ni Roque, pinagsisikapan ngayon ng AKELCO na tuluyan nang maibalik sa normal ang supply ng kuryente sa Boracay at iba pang bayan sa Aklan.

Sa kabilang banda, sinabi rin nito na kung sakaling nakararanas ng power interruption ang publiko ito’y dahil sa Panit-an Capiz o NGCP Nabas pa nagmumula ang suplay.

Bagong proseso sa pagkuha ng NBI clearance, inilabas ng PESO Aklan

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Inilabas na ng Public Employment Service Office (PESO) Aklan ang bagong proseso sa pagkuha ng NBI Clearance.

Dito nakasaad na kinakailangan lamang na mag-register sa Official NBI Clearance Online Application Website kung saan kasama sa pag fill-up ng eClearance Form, ang pagtala ng registration code bago ang pag-print ng mga ito saka lalagyan ng date at pirmahan.

Kapag natapos na umano ay maari nang dalhin ang mga nasabing form sa Aklan Provincial PESO, kasama ang dalawang valid IDs, pero kailangan munang siguraduhin na may Endorsement Letter mula sa Provincial PESO para mapabilis ang pag proseso ng clearance.

Samantala, binigyang linaw din ng PESO ang mga aplikante na kailangan paring magtungo sa NBI Iloilo, Fort San Pedro, Iloilo City para sa issuance ng nasabing clearance.

Ang PESO- Aklan, sa pakikipagtulungan ng Aklan Provincial Government at ng National Bureau of Investigation (NBI) Western Visayas Regional Office ay magsasagawa ng ganitong proseso hanggang sa muling maibalik ang NBI satellite office dito.

Security Guard sa Boracay, patay matapos maputukan ng sariling service fire arms

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dead on arrival sa ospital ang hindi pinangalanang security guard sa isang construction site sa Boracay matapos na aksidenteng mabaril ang sarili kagabi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Boracay PNP Station, nabatid na nasa ilalim ng nakakalasing na inumin ang nasabing security guard nang tangka sana nitong kasahin ang kanyang baril at aksidenteng makalabit ang gatilyo.

Nagtamo ng isang tama ng bala sa kanyang kaliwang hita ang biktima, kung saan ayon sa inisyal na impormasyon ng Boracay PNP station ay naubusan ito ng dugo sanhi para siya ay bawian ng buhay.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng mga otoridad ang nabanggit na insedente.

Bilang ng mga mahihirap sa Aklan, patuloy na nababawasan ayon sa NSCB

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patuloy na bumababa ang bilang ng mga mahihirap sa probinsya ng Aklan kung saan humirit ito 20.4 percent kumpara noong nakaraang taon na nasa 21 percent.

Ito’y base sa Poverty Incidence Report na isinagawa ng National Statistical Coordination Board (NSCB) sa kanilang pinakahuling survey sa iba’t-ibang mga probinsya sa bansa.

Naitala ang Aklan bilang isa sa may pinakamababang numero ng mga mahihirap sa Region VI kumpara sa iba pa nitong mga karatig probinsya sa Panay tulad ng Antique at Negros Islands.

Samantala, naitala rin ng NSCB na ang probinsya ay mayroong mahigit 17 thousand pesos na capital income bawat pamilya.

Mas mababa rin ang poverty level status ng Aklan kung ikukumpara maging sa iba pang mga probinsya sa Cental Visayas maliban lamang sa Cebu kung saan nakapagtala lamang ng 18.9 percent poverty incidence.

Samantala, nabatid rin na iba’t-ibang mga proyekto at programa ang isinusulong ngayon ng Aklan Provincial Government para mas mapababa pa ang bilang ng mga mahihirap na pamilya at patuloy na maisulong at iba’t-ibang mga livelihood programs sa probinsya.

Thursday, February 20, 2014

Karagdagang international flights, balak na ring itulak ng DOT sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Target na rin umano ngayon ng Department of Tourism (DOT) na madagdagan ang international flights sa isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ni DOT Boracay Officer In Charge, Tim Ticar.

Aniya, malaki umano ang maitutulong nito lalo na sa mga turista na nais pumunta at magbakasyon sa isla kung saan hindi na mahihirapan sa byahe.

Ilan kasi sa mga turistang dumadayo sa Boracay ay dumadaan pa ng Maynila kung saan nagkakaroon pa ng aberya minsan sa oras dahil sa traffic.

Samantala, sinabi rin ni Ticar na kapag madadagdagan na umano ang mga international flights sa Boracay ay dadagsa rin ang mga turista kung saan manghihikayat rin ito ng mga investors  upang magpatayo ng negosyo dito.

Kaugnay nito, marami rin umanong magbubukas ng trabaho hindi lamang sa mga Aklanon kundi pati na rin sa mga nais makapagtrabaho sa Boracay.

Samantala, muli namang ipinasiguro ni Ticar na tuloy-tuloy ang kanilang mga programa upang mas lalo pang makilala ang isla bilang numero unong beach destination sa mundo.

Humihingi naman ito ng kooperasyon sa publiko para sa patuloy na ikakaganda ng isla lalo na’t tinitingnan din ngayon ng DOT ang pagdaong di umano ng tatlong mga first class na cruise ship sa Boracay sa darating na Marso.

Fire dancing show sa Boracay, maaaring maharap sa ibat-ibang penalidad sakaling lumabag sa batas ng LGU Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Maaaring maharap sa ibat-ibat penalidad ang mga fire dancing show sa Boracay sakaling sila'y lumabag sa batas ng LGU Malay.

Ito’y kung maipapasa na ang ordinansang ini-akda ni SB Malay Frolibar Bautisata na nagre-regulate sa mga fire dancers sa isla.

Maaaring maharap sa kaukulang pinalidad ang mga fire dancing show sakaling mapag-alam na mayroon silang mga nilabag na batas o kung anong uri ng gawain na nakakasira sa turismo.

Una nang pinangangambahan ng Department of Tourism ang nasabing aktibidad dahil sa kanilang ginagamit na gas na nakakasira sa puting buhangin ng isla.

Sa ngayon inaantay pa ang magiging resulta ng nasabing ordinansa sa second reading sa susunod na session ng SB Malay.

Ang fire dancing show ay isang malaking atraksyon sa isla ng Boracay sa tuwing pagsapit ng gabi na makikita sa beach front ng isla ng Boracay.

Dahil sa kawalan ng disiplina sa kalsada, dalawang motorsiklo sa Boracay nagbanggaan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sugatan ang dalawang driver ng motorsiklo at dalawang back rider nito matapos na magkarambola sa Manoc-manoc Boracay.

Ayon sa report ng Boracay PNP Station, bandang ala una kaninang madaling araw habang binabaybay ni CJ Barrido, 25, ng San Juan Metro Manila ang nasabing lugar papuntang Balabag Boracay, nang di umano’y nakasalubong naman nito ang isang motorsiklo na minamaneho ni Harold Magracia, 34, ng San Andres Romblon sakay ang dalawang back riders.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Boracay PNP na naganap ang aksidente matapos na tumawid umano sa magkabilang direksyon ang motorsiklong minamaneho ni Magracia rason na nabigla ang kasalubong nitong sasakyan kaya’t nawalan ng kontrol at nagkabanggaan.

Samantala, ine-refer naman sa Brgy. Justice System ang nasabing pangyayari para sa kaukulang disposisyon.

Coral Reef Refurbishment Project, posibleng solusyon sa Beach Erosion sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Malaki umano ang maitutulong ng Coral Refurbishment Project para maiwasan ang Beach Erosion sa isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ni Al Lumagod, Project Officer at Marine Biologist ng Boracay Beach Management Program (BBMP).

Aniya ang nasabing proyekto ay matagal nang plano at inihahanda nang ipatupad sa ngayon, kung saan pangunahing layunin nitong dagdagan ang numero ng mga corals sa isla ng Boracay.

Paliwanag ni Lumagod, kapag dumami na umano ang mga nasabing corales ay matutulungan din nitong protekhan ang buhangin sa baybayin lalo na kapag panahon na ng habagat.

Samantala, muli naman nitong ipinaalala sa publiko maging sa mga turista na ingatan ang mga likas na yaman sa Boracay lalo na’t parami na ng parami ang mga dumadayo dito at nagkakaroon ng mga iba’t-ibang aktibidad.

Ang Coral Reef Refurbishment Project ay bahagi ng proyekto ng Coastal Resource Management Program at sa ilalim rin ng Boracay Beach Management Program.

Wednesday, February 19, 2014

Kampanya laban sa maruming kapaligiran, pinapaigting pa ng CENRO Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Malinis na kapaligiran, magandang tingnan!

Kaya naman, mas pinaiigting pa ngayon ng CENRO Boracay ang kanilang kampanya laban sa maruming kapaligiran lalo na sa isla ng Boracay.

Ayon kay Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Boracay Officer In Charge, Jonne Adaniel.

Bilang bahagi ng Ecological Solid Waste Management Act, ay tuloy-tuloy parin umano ang kanilang mga programa sa pakikipagtulungan rin ng local na pamahalaan ng Malay para maging maayos ang mga basura sa isla.

Kasabay ng paalala na maaring maparusahan ang sinumang mahuling lumabag sa RA 9003 o ang batas na nagre-regulate sa tamang pagtapon ng basura.

Samantala, umapela naman si Adaniel ng suporta at kooperasyon sa publiko na magkaroon ng disiplina sa tamang pagtatapon ng basura lalo na sa baybayin ng Boracay.

Dagdag pa nito na nagkakaroon din umano sila ng regular na pagpupulong para bigyang pansin ang kalinisan sa isla at magiging kaaya-aya sa mga turista o bakasyunista.

Mag-asawa, ninakawan ng 15, 000 pesos sa loob ng kanilang bahay sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Humingi ng tulong sa Boracay PNP Station ang mag-asawang Anthony at Liezel Tarusan matapos nang di umano’y manakawan sa loob ng kanilang bahay sa Balabag Boracay.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP Station, hating-gabi kanina nang magising umano si Anthony at hinanap ang kanyang iPhone na cellphone na nakalagay sa taas ng kanilang telebisyon.

Subalit, nabigla na lamang umano ito na nawawala na ang nasabing cellphone.

Nang halungkatin ng mga biktima ang divider sa kanilang kwarto ay laking gulat din umano nila na nawawala rin ang kanilang wallet at perang nagkakahalaga ng 15, 000 pesos.

Nagpapatuloy naman sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing pangyayari.