Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay
“Sapat ang suplay para sa buong Panay.”
Ito ang tugon ni Engr. Joel Martinez ang AGM for Engineering ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) sa ipinatawag na hearing ng Committee on Public Utilities ng Sangguniang Bayan ng Malay kahapon.
Malaki kasi ang pangamba ng mga miyembro ng SB at ilang stakeholders sa isla lalo pa at kinakapos ng suplay ng kureyente ngayon ang buong Mindanao na posibleng makakaapekto sa industriya ng turismo sa Boracay.
Sa kasalukuyan ay may surplus o sobra pang suplay ng kuryente ang buong Panay na mula sa ilang pinagkukunanan nito na may kabuoang demand na 263 MegaWatts (MW).
Hindi kagaya ng Negros at Cebu na meron ng naitatalang posibleng problema sa suplay dahil na rin sa demand.
Sa pahayag naman ni Rodson Mayor Jr. Operations Manager ng AKELCO, sa kasalukuyan ay may 30MW na suplay ang inilaan para sa Boracay bagamat 21MW lamang ang kinukunsumo base sa kanilang datos.
Samantala, posibleng kukulangin ng suplay ang isla ng Boracay pero ito ay mangyayari pa sa taong 2016.