YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, February 15, 2014

Aklan, inihahanda na ang mga aktibidad para sa Women’s Month sa Marso

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inihahanda na ngayon ng probinsya ng Aklan ang mga aktibidad bilang bahagi ng selebrasyon sa Women’s Month sa buwan ng Marso.

Kabalikat ang Aklan Gender and Development Commission (AGADC), nabatid na sinisimulan na ngayon ang mga plano para sa araw ng mga kababaihan na may temang “Juana, ang Tatag mo ay Tatag Natin sa Pagbangon at Pagsulong”.

Kabilang sa mga aktibidad ang pagpapaskil ng mga streamers sa mga opisina ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, pagtatagubilin sa espesyal na leave benefits para sa mga kababaihan base sa Magna Carta of Women by the Civil Service Commission at ng Provincial Resources Department ng Aklan, livelihood trainings at marami pang iba.

Sa isang pulong sinabi ni Provincial Planning and Development Coordinator Engr. Roger Esto, na ang mga nasabing aktibidad ay taunan nang ginagawa sa probinsya kung saan binibigyang daan ang mga naging kontribusyon ng kababaihan sa lahat ng aspeto ng buhay para sa pambansang kaunlaran.

Samantala, nabatid naman na ipinasa ng Kamara ang panukalang nagdedeklara sa March 8 ng bawat taon bilang National Women’s Day, at isang non-working holiday sa Pilipinas.

Mga may ka-date at walang ka-date sa Valentine’s Day, dumalo sa Date with the Lord ng HRP Boracay kagabi

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Regular na bukas ang simbahan ng HRP o Holy Rosary Parish Boracay tuwing umaga at hapon, may misa man o wala.

Subalit nanatili itong bukas kagabi dahil sa Valentine’s Day o araw ng mga puso.

Marami kasing mga tinedyer, mag-asawa, lalo na ang may ka-date at walang ka-date sa Valentine’s Day ang dumalo sa Date with the Lord na pinangunahan ng HRP Youth Ministry.

Bakas sa mga mukha ng mga ito ang kasiyahan, dahil sa espesyal at solemneng pakikipag-date ang kanilang naranasan kagabi.

Sentro ng nasabing gawain ang veneration of the cross o pagsamba, pagnilay-nilay at ang sama-samang pagdarasal.

Sinabi naman ni HRP Team Ministry Mediator Father Nonoy Crisostomo sa kanyang mensahe na ang paggawa ng kabutihan sa taong minamahal ang tunay na kahulugan ng pag-ibig.

Samantala dahil marami ang mga dumalo sa nasabing aktibidad, sinabi ng mga taga HRP Youth Ministry na maaaring yearly o taunan na ang kanilang Date with the Lord tuwing Valentine’s Day.

2 turista sa Boracay, pinalo ng bote; Suspek nanlaban sa mga pulis

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Caught in the act” ng mga taga Boracay PNP Station ang dalawang suspek sa baybayin ng Balabag Boracay matapos na pinalo ng bote ang dalawang turista.

Nakilala sa blotter report ng Boracay PNP Station ang mga biktima na sina Stephan Raphael Linder, 27, isang Swedish national at kasamang nitong babae na si Mariah Riazanova, 27, Russian national.

Ayon sa report, nahuli umano ang mga suspetsado na nakilala kina Joseph Gregorio Salibio, 21, ng Romblon at Bernard Cabanus Villamor, 23 ng Mambusao Capiz na nilapitan ang dalawang biktima na naka-upo sa baybayin at saka pinalo ng bote ng beer.

Dagdag pa ng mga pulis, tinitingnan nila ngayon ang anggulo ng pagnanakaw ng mga suspetsado sa mga turista.

Kasaluluyan naman sa ngayon na nasa Boracay PNP Station ang mga suspek at nahaharap sa kasong Physical injury at Resistance and Disobedience upon agent of person in authority dahil sa nanlaban pa ito sa mga pulis at nakipaghabulan ng mahuli sa akto.

Korean national na umano’y hinatak ang kwelyo ng damit ng isang babae, kinuyog sa isang bar sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Bugbog sarado ang inabot ng isang Korean national matapos nang di umano’y nang-hatak ito ng kwelyo ng damit ng isang babae sa isang bar sa Boracay.

Nakilala sa blotter report ng Boracay PNP station ang Korean national na si Je Hoon An, 31, ng Seoul South Korea.

Ayon sa salaysay ng biktima sa pulisya, kasama nito ang apat pang kaibigan na Korean national na umiinon sa isang bar sa Balabag Boracay, nang di umano’y mayroong lumapit sa kanya na hindi kilalang lalaki.

Matapos syang pagsabihan na “You grabbed the neck of a Filipina” at tinatanong umano ito kung kilala nya ang babaeng nagngangalang “Shanel” ay agad syang sinuntok sa kanyang mukha.

Dahilan para tumakbo umano ito subalit nahuli ng suspek at saka kinuyog rin ng iba pa nitong mga hindi kilalang kasamahan.

Agad naman na dinala ng mga bouncers sa ospital ang turista, samantala nagpapatuloy rin ngayon ang imbestigasyon ng Boracay PNP Station hinggil sa pangyayari.

Japanese National, nabiktima ng kawatan sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Tandaan, para hindi maisahan ng kawatan, huwag basta-basta magtitiwala”.

Ito ang paalala ng mga taga Boracay PNP Station hindi lamang sa mga dayuhang turista kundi pati na rin sa mga local na bakasyunista sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos na isang Japanese National ang naisahan ng isang snatcher nitong myerkules sa isla, kung saan nilimas ng hindi nakilalang suspek ang iPhone 4S ng biktima na nagkakahalaga ng mahigit 15, 000 pesos.

Ayon sa salaysay ng biktima na nakilala kay Shinya Ishikawa, 25, ng Tokyo Japan.

Kasama nito ang kanyang kasintahan sa harapan ng kanilang tinutuluyang resort sa Balabag Boracay, nang di umano’y mayroong humintog motorsiklo sa kanilang harapan at hinihingi ang kanilang cellphone number.

Kaagad naman na iniabot ng biktima ang cellphone sa suspek para ibigay ang nasabing numero, nang bigla na lamang umanong humarurot ang sinasakyang motorsiklo nito dala ang cellphone ng biktima.

Hinabol pa umano ito ng biktima subalit aksidente itong nadapa at napagulong sa sidewalk rason na nagkamit ng sugat sa kanyang kanang tuhod at iba pang parte ng katawan.

Nang mapansin naman ng mga taga Boracay Mobile Patrol Group na mayropong nagsisisigaw at humihingi umano ng tulong, kaagad na hinabol ang nasabing motorsiklo subalit dahil sa mabilis ang takbo ng sasakyan nito ay mabilis ring nakatakas ang suspek.

Sa ngayon ay patuloy parin ang imbestigasyon ng Boracay PNP kung saan patuloy ring tinutukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.

Pagkakaroon ng Mobile Passporting sa Aklan, inihirit ng Sangguniang Panlalawigan sa DFA

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagkaisa ang Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan members na ihirit sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkakaroon ng mobile passporting unit sa Aklan.

Ayon sa may akda ng ordinansa na isinulong sa 5th regular session ng SP Aklan nitong Miyerkules na si SP Member Plaridel Morania.

Ito’y upang hindi na rin mahirapan ang ilan sa mga Aklanon at mga kalapit probinsya na gustong makapag-trabaho sa abroad.

Dagdag pa nito na ang nasabing proyekto ay isang paraan upang matulungan ang mga residente ng probinsya na mapadali ang pagkuha ng kanilang pasaporte.

Bukod kasi sa hindi na mapapagod ang mga aplikante na magtungo sa main office ng DFA ay makatitipid pa ang mga ito sa pasahe at pagkain.

Samantala, sinabi rin Ni Morania na may dati nang resolusyon na ipinasa ang probinsya ng Aklan subalit hindi ito nabigyan ng pansin ng DFA.

Aniya kapag mangyari umano ito ay hindi na rin gagatos ng malaki ang mga mag-apply at mag-poproseso ng kanilang mga travel document.

Nabatid rin na umani ng papuri sa ibang mga lugar ang mobile passport processing, kung saan hindi na kailangang pumunta sa DFA ang mga aplikante para kumuha ng pasaporte.

Friday, February 14, 2014

Mga illegal na komisyoner sa Boracay, problema parin sa kabila ng ipinapatupad na unified rates ng MTour

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Problema parin ang mga illegal na komisyoner sa Boracay sa kabila ng ipinapatupad na unified rates ng MTour.

Ayon kasi sa mga lehitimong sea sports coordinator dito, hindi patas ang pakikipagkompetensya sa kanila ng mga nasabing komisyoner dahil mas mababang rates ang inaalok ng mga ito sa mga turista kaysa sa rate ng kanilang asosasyon.

Sinabi din ng mga ito na marami paring ilegal commissioner ang mga nag-aalok sa ibat-ibang lugar sa Boracay ng mababang presyo kung kaya’t lumalabas umano tuloy na silang nasa asosayon ang sinungaling sa kanilang rates.

Magkaganon paman, sinabi ng mga ito na ok parin kahit papaano ang kanilang kinikita dahil narin sa ipinapatupad na unified rates ng MTour o Municipal Tourism Office.

Samantala, kamakailan lang ay napagkasunduan ng Malay Tourism office at ng mga Water Sports Association of Boracay ang na magkaroon na lamang ng unified rates upang masawata ang mga illegal na komisyoner sa isla.

PRC Boracay – Malay Chapter, nag- bloodletting sa araw ng mga puso

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isinagawa ngayong araw ng mga puso ang blood letting activity ng Philippine Red Cross (PRC) Boracay – Malay Chapter.

Ayon kay PRC Boracay Deputy Administrator, John Patrick Moreno.

Napili umano nila ang araw na ito sapagkat maliban sa sinasabing “Heart’s day”, ito rin ang araw kung saan nagpapakita ng pagmamahalan ang bawat isa, kaya’t tinawag din umano nilang “giving love and giving blood”.


Samantala, hinimok rin nito ang publiko na mag-donate ng dugo sapagkat isa rin umano ito sa mga paraan upang malaman ang mga sakit at agad na maiwasan.

Aniya, ang isang bag ng dugo ay makakasagip na ng tatlong buhay lalo na sa mga walang pera na nangangailangan nito.

Kaugnay nito, ilan rin sa mga may-ari at empleyado ng iba’t-ibang resort at hotel sa Boracay maliban sa ilan ring ahensya ng pamahalaan tulad ng PNP, SOCO, DepEd at DOH ay naroon din para makibahagi sa nasabing aktibidad.

Samantala, patuloy naman na nagpapasalamat ang Red Cross sa walang humpay na suporta ng iba’t-ibang mga organisasyon para tumulong sa kapwa.

Ang Red Cross ay isang organisasyon na kilala na tumutupad ng pangunahing makataong serbisyo tulad ng Safety, Blood, Community Health and Nursing, Social Services and Volunteer Services.

BRTF,nasa Phase 2 na ng sea wall demolition

Ni Bert Dalida Yes FM Boracay

Nasa Phase 2 na ng sea wall demolition ang BRTF o Boracay Redevelopment Task Force.

Katunayan, inilatag na kahapon ng BRTF ang tungkol sa Beach Replenishment Program bilang pangtapat sa naranasang scouring o pagka-wash out ng buhangin papunta sa malalim na bahagi ng dagat.

Ito’y kasabay din ng pagdemolish ng BRTF sa mga istrakturang itinayo ng mga establisemyento at stakeholders sa isla sa kanilang beach front property.

Bahagi kasi ng ipinapatupad na redevelopment program sa isla ang pagtanggal sa mga nasabing illegal na istraktura.

Samantala, sa pamamagitan ng Beach Replenishment Program, nabatid na ipapa-vacuum sa isang diver ang buhangin mula sa dagat pabalik sa bahaging naapektuhan ng scouring.

Base naman sa replenishment presentation kahapon ni Life Guard Supervisor Mike Labatiao, ibabalik ang buhangin sa paraang parang nag-iispray ng tubig, upang maibalik sa normal na contour ang beach front ng isla.

Muli namang iginiit kahapon ng BRTF na ang mga nasabing seawalls ang siyang dahilan ng pagka-wash out ng buhangin mula sa dalampasigan.

Beach Replenishment, balak itulak ng Boracay Redevelopment Task Force

Ni Alan  Palma Sr., YES FM Boracay

Kahit na tumanggap ng samut-saring pagpuna hinggil sa naging operasyon at pamamaraan ng pagtibag ng seawall umpisa nitong taon bilang bahagi ng redevelopment sa Boracay.

Iprenisenta ngayon ng task force ang ideya sa pagsulong ng Beach Replenishment.

Sa naging presentasyon ni Lifeguard Supervisor Mike Labatiao sa harap ng mga taga-BRTF , gagamit ito ng teknolohiya nahihigop ng buhangin sa dagat at ibabalik sa dalampasigan o beachline.

Ito'y sa pamamagitan ng vacuum na gagamitin ng diver nasisisid at magmamanipula para mahigop ang buhangin naibubuhos naman sa mababang bahagi o eroded area ng beachfront.

Sa ganitong paraan umano ay maibalik ang dating anyo at gandang beachline lalo nasa Station 1 bago pa man nagkaroon ng erosion nadulot umano ng mga strakturang seawall.

Dagdag naman ni SB Member Rowen Aguirre, habang inaantay ang anomang rekomendasyon mula sa National Government, mas mainam na daw na may pamamaraan ng ginagawa ang local na pamahalaan.

Sa ngayon ay inaantay nalang ang mga equipment na gagamitin at mga kaukulang permit na kakailanganin para maumpisahan ang Beach Replenishment project na ito.

Pagbabalik ng NBI Satellite Office sa Aklan, aprobado na sa Sangguniang Panlalawigan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Magandang balita para sa mga Aklanon na kukuha ng NBI Clearance.

Aprobado na sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang pagbabalik ng satellite office ng National Bureau of Investigation (NBI) sa probinsya.

Sa ginanap na 5th regular session, inaprobahan ng mga myembro ng konseho ang resolusyon na inihain ni SP member Atty. Plaridel Morania, kung saan humihiling sa NBI Head Office para sa agarang re-establishment ng opisina sa probinsya.

Ayon sa pahayag ni Morania, ito’y upang hindi na mahirapan ang mga Aklanon na pumunta pang Iloilo City para kumuha ng NBI Clearance.

Samantala, nabatid rin sa pahayag ni Aklan Governor Florencio Miraflores kamakailan, na malaking tulong di umano ang nasabing hakbang para mabawasan ang mahabang pila ng mga aplikante sa Iloilo City.

Napakahaba kasi ang proseso sa pagkuha  nito kung saan ang ilan pa sa mga aplikante ay kailangang doon rin sa opisina matulog para iwas gastos sa pamasahe at makatipid sa oras.

Nabatid naman na ngayong second-quarter ng taon uumpisahang ipatayo ang NBI Satellite Office sa Aklan.

Ang NBI clearance ay mahalaga para sa mga kompanyang pinag-aaplayan lalo na sa mga nag-aabroad sapagkat dito makikita kung meron o walang criminal records ang isang aplikante.

Thursday, February 13, 2014

AKELCO, handa na sa posibilidad na pagtaas ng demand sa power supply ngayong papalapit na summer season

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Handa na umano ngayon ang Aklan Electric Cooperative (AKELCO) sa posibilidad na pagtaas ng demand sa power supply ngayong papalapit na summer season.

Ayon kay AKELCO Boracay Sub-Station, Area Engr. Wayne Bucala.

Sa ngayon ay wala pa umano silang ideya kung may posibilidad sa pagtataas ng demand sa power supply, subalit nanatili umanong nakahanda at intact ang kanilang preparasyon lalo na ngayong parami na ng parami ang mga bakusyinista sa isla ng Boracay.

Samantala, nilinaw din ni Bucala na walang power source ang AKELCO kung saan sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) pa ito kumukuha ng supply.

Ang NGCP ay siya rin umanong nagsisilbing daluyan ng kuryente na ipinamamahagi sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng Aklan.

Nabatid rin na ang AKELCO ay kumukuha ng suplay ng kuryente mula sa iba’t-ibang power suppliers.

Bunsod nito, muling nagpa-alala ang AKELCO na magtipid parin sa pag-gamit ng kuryente.

Mga radio station sa Aklan, nakiisa sa pagdiriwang ng World Radio Day ngayong araw

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakiisa sa pagdiriwang ng World Radio Day ngayong araw ang mga radio station sa Aklan.

Ito’y isang paraan upang kilalanin ang radyo bilang medium ng patas na pagbabalita.

Dito hinikayat din ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO ang mga radio network sa bansa na i-promote ang kahalagahan sa pagbibigay impormasyon at kalayaan sa pagmamahayag.

Sa kabila nito, nagkaroon naman ng iba’t-ibang komentaryo ang mga radio station sa Aklan para ipaabot sa mga nakikinig kung ano ang kahalagahan ng radyo sa lipunan.

Nagbigay naman ng pagpupugay ang mga miyembro ng Aklan KBP o Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas sa pagdiriwang ng World Radio Day.

Ang UNESCO ay isang specialized agency ng United Nations na may layuning palawakin ang karapatang pantao at malayang pamamahayag.

Caticlan Jetty Port, planong e-expand para sa mga turistang gustong mag-island check in

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Plano umano ngayon ng provincial government na e-expand ang building sa Caticlan Jetty Port.

Ayon kay Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Maquirang.

Ito’y para may matuluyan ang mga turista na gustong mag-island check in at bumisita sa isla ng Boracay.

Nabatid na matagal nang pinaghahandaan ng lokal na pamahalaan ang pagpapalaki o pagpapalawak ng Caticlan Jetty Port.

Subali’t sinabi pa ni Maquirang na hinihintay nalang nila ang budget para masimulan na ang nasabing proyekto.

Samantala, hinimok naman ni Maquirang ang lahat na magtulungan para sa ikakaganda ng probinsya ng Aklan at para sa isla ng Boracay.