YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, December 14, 2011

Kultura ng limang bansa, ipapakita sa Boracay kasabay ng pagpapailaw sa streetlights

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ipapakita ng limang bansa sa paraan ng pag-sayaw ang kanilang kultura dito sa isla ng Boracay bukas.

Bilang patikim, magtatanghal ang mga ito sa oras na alas kwatro ng hapon sa Balabag Plaza at libreng itong mapanuod.

Inaasahan na masasailayan ang umang bahagi ng kanilang pagtatanghal bukas  bago paman nila ipakita ang lahat ng kanilang inihandang palabas sa darating na ika labin anim ng Disyembre sa isaang Resort dito sa isla.

Bukas din mismo darating na ang grupo ng mga performer na kinabibilangan ng Korea, Italy, Rome, Finland at Russia, gayon din ng Pilipinas para ipakita ang kanila kultura.

Layunin ng pagtatanghal na ito ay maipakita at maipabatid sa publiko sa Boracay ang kani-kanilang kultura para kahit papano ay malaman din ng mga ito.

Kasunod nito ay ang pormal na pagbubukas ng programa kaugnay sa Lantern making contest na lalahukan ng iba’t ibang Baranggay na inorganisa ng Solid Waste Management at LGU Malay.

Maliban dito, magiging maliwanag na ang kalye ng isla, dahil bukas din ng takip silim, ay pormal nang papailawin ang mga street lights sa Boracay. 

Yapak Punong Brgy. Hector Casidsid, magpapaskong may kaso!

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung matutuwa ang mga empleyado at opisyal ng bayan ng Malay dahil makakatanggap ng bonus ngayong Pasko, mistulang hindi naman ito kagandahan sa bahagi ni Yapak Punong Brgy. Hector Casidsid na kakabalik lang mula sa pagkasuspende nito ang akisyong gagawin ng Sangguniang Bayan.

Dahil kung mapatunayang balido ang kasong administratibo na isinampa laban dito ng limang miyembro ng Brgy. Kagawad nito sa Yapak, muli itong i-imbestigahan ng konseho.

Sa isinagawang sesyon noong Martes, kasama sa pinagdebatihan ang hinggil sa reklamong natanggap ng SB Malay laban kay Casidsid dahil sa paggamit nito sa mga lagdang nakalap mula sa kampaniya ng No to Casino na siya di umanong ginamit ni Casidsid na depensa sa pagpapahiwatig umano ng suporta ng publiko sa Yapak sa kaniya bilang Punong Brgy kaugnay sa kasong isinampa ni Island Administrator Glenn Sacapaño dito.

Dahil dito, ang Sangguniang Bayan ay bubusisiin naman ang reklamo na ito para mabigyan ng kaukulang aksiyon. 

Bonus ng LGU Malay, abot P11M!

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahang magiging maligaya ang Pasko at Bagong Taon ng mga empleyado ng LGU at mga opisyal ng Malay sapagkat aabot sa P11 million ang inilaan para sa Productivity Enhancement Incentives (PEI) o bonus ng mga ito.

Sa kasalukuyan ay isinasabatas na ang proposisyon ng Akalde sa Sangguniang Bayan para mailabas na mula sa kaban ng bayan at pormal nang maipamigay sa mga empleyado at opisyal ng bayan.

Ayon kay SB Member Rowen Agguire, ang pondong P11 million na siyang ipamamahagi sa mga empleyado ay nagmula sa savings ng bayan, partikular ito ay inilaan sana sa pangsahod ng buong taon sa  bagong gawang mga posisyon, pero hanggang sa ngayon ay bakante parin at hindi nagamit ang pondo.

Ito ay ayon naman din sa deklarasyon ng Municipal Accountant bilang savings ng bayan.

Nabatid mula sa konsehal na ang makakatanggap ay lahat ng appointed, permanent, casual na empleyado at halal na opisyal.

Samantala, ayon naman kay SB Member Esel Flores, ang mga empleyadong nasa job order ay hindi na saklaw ng pondong ito, sa halip ang matatanggap aniya ng mga ito yaong dagdag sa sahod nilang P20 pesos, pero hindi pa naibibigay sa kanila kaya ngayon ito ang magiging bonus nila. 

Tuesday, December 13, 2011

Boracay PNP, isinailalim sa random drug testing

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Pansamantalang natigil ang karaniwang operasyon ng mga taga Boracay PNP kaninang umaga, nang sorpresang dumating ang mga taga SOCO o Scene of the Crime Operatives doon.

Isinailalim kasi ang mga ito sa Random Drug Testing, kung saan aktuwal na isa-isang pinagbawas ng duming tubig sa katawan ang mga pulis upang mabatid kung gumagamit ng ipinagbabawal na droga ang mga pulis dito sa isla.

Ayon kay Police Supt. Macario Taduran, provincial chief ng SOCO Aklan.

Layunin umano ng naturang random drug testing na linisin ang mga kapulisan kaugnay sa Integrated Transformation Program ng Philippine National Police.

Samantala, ayon pa kay Taduran, dapat na lahat ng mga pulis ay sumailalim dito upang mapanatili ang tiwala ng  kumunidad.

Kaugnay nito, nagbabala naman si Taduran sa mga pulis na kakasuhan ang sinumang  tumangging sumailalim sa random drug testing.

“Kaso ng pagkalunod sa Boracay, aksidente lang.” --- Glenn Sacapaño

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Wala naman may gustong may malunod sa Boracay, dahil ang mga insidenteng katulad nito sa isla ay pawang aksidente lamang.”

Ito ang naging pahayag ni Island Administrator Glenn Sacapaño, kasunod ng panibagong naitalang pagkalunod ng isang Chinese National kamakailan lang.

Naniniwala si Sacapaño na walang pagkukulang ang life guard sa nang-yaring iyon sapagkat aksidente lang ito.

Nang matanong kung kailangan pa bang dagdagan ang bilang ng life guard mayroon sa isla upang mas mapa-unlad ang kanilang trabahong bantayan ang baybayin para makaiwas sa sakuna ng pagkalunod.

Aniya madali lang ang magsabing dadagdagan ang mga life guard dito, ngunit ang aniya ay wala pang pundo para sa mga ito.

Samantala kaugnay sa usaping ito, para mapagtibay sana ang ordinansa ng bayan na nag-uutos na lahat ng mga resort sa isla ay dapat magkaroon ng life saver o rescuer lalo na sa mga establishementong may swimming pool.

Nagpahayag naman kahandaan ang Red Cross Boracay na magsanay ng staff ng mga resort na ito, upang may tutugon sa insidente ng pagkalunod na hindi na umasa pa sa Life Guard.

Ayon kay Ma. Josepha Rebustes Volunteer Instructor ng Red Cross Boracay, inihayag nito ngayong na marami na rin ang humiling sa kanila para sanayin ang ilang sa mga empleyado, gayong mahalaga ito para sa kaligtasan ng mga bisita sa isla.

Christmas light na binibenta sa Aklan, ligtas gamitin

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi lamang mga pang Noche Buena products ang masusing binabantayan ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) Aklan kundi pati na mga christmas lights na ibinibenta sa pamilihan.

Gayon pa man, ikinatuwa ni DTI-Aklan Director Diosdado Cedena ang ginawang nilang pag-iikot sa mga pamilihan.

Tanging ang mga nasa listahan na “certified brands” at mula sa otorisadong dealer lamang aniya nagmula ang mga umiikot ngayon sa establishemento sa bayan ng Kalibo at isla ng Boracay na may tatak na Import Commodity Clearance (ICC).

Ibig sabihin, “safe” o ligtas ang mga Christmas light na ibenibenta dito.

Ayon kay Cadena, malaki ang naitulong ng maaga nilang pagpapalabas nila ng listahan ng mga otorisado at certified na brands, mula pa lang noong Setyembre, dahil maaganmg nalaman ng publiko at mga establishimiyento ang bibilhin at titingnan nila. 

Resulta ng pagmonitor sa presyo ng Noche Buena products, nakakatuwa ba? --- DTI-Aklan

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ngayong mataas pa ang presyo ng bilihin at mataas ang demand sa mga Noche Buena products, todo bantay umano ang ginagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga presyo ng mga produkto sa mga pamilihan, ayon kay DTI-Aklan Director Diosdado Cadena, para hindi manamantala ang mga negosyate sa ganitong panahon.

Subalit sa kabila ng kanilang mahigpit na pagbabantay, hindi aniya nila malaman kung ikakatuwa o ikakalungkot nila ang naging resulta ng pagmonitor nila noon nagdaan taong hanggang ngayon.

Ito ay dahil simula pa man noong wala aniya silang nakitang may lumabag sa batas ukol dito o nahuling na may nag-over price at hindi sinusunod ang suggested retail price (SRP) na ipinapatupad ng DTI.

Aniya, dalawa lamang ang ibig sabihin ng ganitong resulta, maaaring maging “good” sapagkat walang silang nahuhuli na nagpapatunay aniyang sumusunod ang mga negosyante sa batas.

“Bad” naman ito sapagkat, sa kabila ng magandang resulta ng kanilanag paghihigpit, pero nalulungkot sila na baka may nangyayari nang over pricing sa ilang establishemento, subalit hindi nila nahuli dahil isinasawalang bahala at wala naman nagsusumbong mula sa mga mamimili.

Dahil dito, humiling ng kooperasyon sa publiko si Cadena na maging listo sa pamimili nila ngayong Pasko.

Samantala, kung ngayong Disyembre ay sobra mahal ng mga bilihin lalo na sa Noche Buena products, inaasahang sa Enero ng taong 2012 tinatanaw ng DTI -Aklan na baghayang baba umano ang presyo ng mga produktong ito. 

Empleyado ng Provincial Tourism, pinag-aaralan mag-salita ng Chinese

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi lamang English at Korean language ang sinisubukan ipakilala sa mga Pilipino dito sa Aklan. Katunayan, pati ang salitang Chinese ay pinag-aaralan na rin.

Ito ay kasunod ng hindi na maawat na pagdagsa ng turista sa Aklan dahil na rin sa lulmalakas na industriya ng turismo sa Boracay.

Dahil dito, inutusan ngayon ng pamahalaang probinsiya ng Aklan, partikular ni Aklan Governor Carlito Marquez, ang mga opisyal ng Provincial Tourism at mga empleyado nito na mag-aral ng salitang Chinese.

Sa paghihikayat ng gobernador, hiniling nito na kahit basic lamang umano ay matutunan nila nang sa gayon ay maintindihan ng mga empleyado ang salitang Chinese para mas mapadali ang komunikasyon sa gitna ng mga Intsik, gayong sila ang front liners sa mga turista, lalo pa at inaasahan na mas dadami pa ang Chinese arrivals sa isla.

Matatandaang sa kasalukuyan ay ang mga Chinese ang pumapangalawa sa pinakamaraming bilang ng turista sa Boracay, samantalang ang mga Koreans naman ang nangunguna.

Ang nasabing datos na batay sa ulat ng Municipal Tourism ng Malay, at inaasahang dadami pa ito sa mga susunod na panahon.

Layunin ng paghikayat ng gobernador na mag-aral ng Chinese langage ang mga empleyado upang makapag-bigay ng magandang serbisyo sa mga turista.

Sunday, December 11, 2011

Masangsang na amoy sa Manggayad, tutugunan na

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Totoo naman nagiging hindi maganda ang amoy sa area ng Sitio Manggayad, Brgy. Balabag, subalit walang umanong umaako kung saan ito nagmumula.

Subalit sa pulong na isinagawa noong a-nuebe ng Disyembre sa Malay Action Center na ipinatawag ni Island Administrator Glenn Sacapaño kasama ang mga establishemento na  pinaghihinalaang pinagmulan ng masangsang na amoy sa nasabing area, ay wala namang umaamin dahil hindi naman umano nagmula sa kanila ang hindi kanais-nais na amoy.

Mariin naman itinaggi ng Boracay Island Water Company (BIWC) na may kinalaman sila sa problemang ito.

Dahil dito, nagkasundo at nagpasya ang mga dumalo sa pulong  na bigyan na lang muna ito ng panandaliang solusyon: mag-lagay ng gamot sa pinagmulan ng hindi kanais-nais na kulay ng tubig at amoy na tila mula sa septic tank.

Maliban dito, magsasagawa na lang umano ng inspeksiyon sa drainage ang LGU Malay sa lalong madaling panahon at ipapa-monitor ang area na nakitaan ng problema.

Isinagawa ang nasabing pulong dahil tila napapadalas na ang mga reklamo sa nasabing area at nagiging kahiya-hiya na sa mga dumadaang turista ang masangsang na amoy na nanggagaling sa nasabing lugar.

Presyo ng e-trikes, hindi nagustuhan ng BLTMPC

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mukhang hindi magkasundo ang Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative o BLTMPC at kumpanya ng electric tricycles o “e-trikes” na kasalukuyang isinusulong ng Sangguniang Bayan ng Malay sa presyo ng electric tricycle na ito para planong ipalit sa tradisyunal na tricycle sa isla.

Dahil dito, hindi pa makakapag-desisyon ngayon ang kooperatiba ayon kay Ryan Tubi, Chairman ng Board of Directors ng BLTMPC kung sa kumpanyang isinusulong ng SB ngayon sila kukuha ng mga unit ng e-trike.

Ito ay sa kabila ng alok ng kumpaniyang sa ilalim ng Asian Development Bank (ADB) at Department of Energy (DoE) na bibigyan ng sampung unit ng e-trike ang BLTMPC para i-test drive ito sa isla at sampu rin ang para sa konseho.

Pero dahil sa namahalan ang kooperatiba sa presyong P200,000 piso bawat unit na babayaran sa loob ng 3 taon mula sa kikitain araw-araw na P600.00, tila hindi umano ito kinagat ng kooperatiba, ayon kay Tubi, dahil nagdududa ang mga ito kung kakayanin ng tricycle driver na kitaan sa isang araw lamang ang anim na daang piso.

Nakadagdag pa sa pagdadalawang isip ng BLTMPC na tanggapin ang sampung e-trike, dahil may iba pang kumpaniya ang  intresadong ring pumasok at magsuplay ng mga katulad na sasakyan, na nakapag-prisenta na rin sa kooperatiba at sa mas murang presyo sa parehong kalidad.

Sampung e-trikes para sa BLTMPC, hindi matutuloy?

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bunsod ng nakitang suliranin ng Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative o BLTMPC sa e-trike na ini-endorso ng konseho, tila mapupurnada ang delivery ng sampung e-trikes ng kooperatiba, sapagkat hindi pa nagpahiwatig ng pagkumpirma ang BLTMPC na tatanggapin nila ang mga sasakyang ito.

Ito ay sa kabila ng inihayag ni Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron na handa na ang mga e-trike o electric tricycle para i-deliver sa Boracay anumang oras noong unang lingo ng Disyembre.

Subalit sa panayam kay Ryan Tubi, Chairman ng Board of Directors ng BLTMPC, sinabi nitong hindi na siguro matutuloy muna ang sampung e-trike para sa kooperatiba kasabay ng sampung e-trikes ng konseho.

Bunsod nito ay posibleng ang sampung unit para sa Sangguniang Bayan lang ang matutuloy kung saka-sakali.

Matatandaang unang nang nagpahayag ang kooperatiba na bukas sila sa ibang kumpaniya ng e-trikes na nagnanais na mag-presenta ng produkto para makapili ng dekalidad, mura at makakayang ng mga drivers ng traysikel.