YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, March 27, 2013

Pick pocketers nag-sisimula nang manalasa sa Boracay!

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay


Gaya ng inaasahan, gayong Holy Week at wala nag pasok ang mga estudyante, hindi mahulugang karayum na sa ngayon ang beach ng Boracay lalo na kapag palubog na ang araw.

Subalit, kung abala ang mga turista sa pamamasyal para masulit ang kanilang bakasyon sa Boracay, tinumbasan naman ito ng doble kayod ng mga Kapulisan sa isla upang masiguro ang kaligtasan ng mga bisitang ito, gayon din ang kanilang mga mahahalagang gamit.

Sapagkat kasabay ng pagdagsa ng mga turista, nagsisimula na ring maging abala sa kanilang mudos ang mga masasamang elemento na dumayo din sa islang ito lamang makapagnakaw o mamiktima ng mga turista.

Kapansin-pansin din na kumapal bigla ang pahina ng libro kung saan tinatala ang mga nagpapa-record sa Boracay Tourist Assistance Center o BTAC na umano ay nawalan ng mga gamit, at nabiktima ng kawatan.

Kung saan ang ilan sa mga ito ay natiklo din ng mga awtoridad sa tulong ng mga indibidwal na nagmamalasakit sa kapwa.

Katunayan maliban sa naitala nitong mga nagdaang araw na nasalisihan habang naliligo sa beach, may dalawang naitala na rin nitong araw ng Miyerkules Santo na biktima din ng pick pocket.

Ganoon pa man dobleng pagbabantay parin ang ginagawa ngayon ng mga Pulis, maliban pa sa mga miyembro ng PNP na hindi naka-uniporme na ikinalat din sa mga matataong lugar sa isla.

Payo ng pulis sa Boracay, maging mapagmatyag at ingatan ang mga gamit na mahahalaga upang hindi mabiktima.

LGU Malay sa Boracay, tintututkan ang seguridad at pasaway sa front beach

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Nakatutok na umano ngayon ang LGU Malay sa Boracay sa siguridad ng front beach, kasabay ng pagdagsa ng mga turista.

Lalo pa at mayroon pa rin aniyang di alam ang mga ordinansang ipinapatupad dito, ayon kay Island Administrator Glenn Sacapaño.

Maliban sa mga wala talagang alam sa mga bagay at gawain na ipinagbabawal sa isla, marami pa rin aniya ang pasaway at nag-aastang hindi alam ang mga ordinansang ipinatutupad dito.

Kung saan ito aniya ang focus ng Municipal Auxiliary Police o MAP  hindi lamang para manita  kundi para magbigay din ng paalala at kaalaman kaugnay sa mga bawal sa Boracay.

Samantala, kung ang ibang ahensiya sa bansa ay half day lamang ang opisina ngayon araw, buong araw naman ang operasyon ng Action Center sa Boracay nitong Miyerkules Santo ayon sa Island Administrator.

Kailangan nila ito gawin dahil kinailangan pa talaga nilang mag-extend ng oras dahil may mga transaksiyon pa  na kailangan mai-proseso pa LGU Malay kahit Mahal na Araw na.

Lalo pa at naglagak ng karagdagang mga basurahan ngayong hapaon ang LGU sa front beach upang mapanatili ang kalinisan dito.

Island Administrator ng Boracay umapela ng kooperasyong ngayong Super Peak Season

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay


Umapela ng kooperasyon mula sa publiko, turista at sa mga nagtatrabaho sa Boracay ang lokal na pamahalaan Malay ngayong dagsa na ang turista dito.

Kasunod nito, nagpakalat na rin ng mahigit limampung miyembro ng MAP ang LGU Malay maliban pa sa mga Police, Army at mga Volunteer Organizations.

Ayon kay Island Administrator Glenn Sacapaño, ang duty ng mga MAP na ito ay 24-oras, para sa implementasyon ng mga ordinansa ngayong Mahal na Araw at Super Peak Season na.

Upang maging katuwang ng kapulisan sa pagbabantay at maipatupad ng maaayos ang mga ordinansa sa isla gaya ng pagbabawal sa mga naninigirilyo sa beach at iba pampampulikong lugar, mga nagtatapon ng basura at lalo na sa mga kumukuha ng mapuputing buhangin para gawing pasalubong sa pagbalik sa kanilang mga lugar na pinang-galingan, ang mga miyembro umano ng MAP na ito ay hinati-hati na rin, para ma-organisa ang trapiko sa kalye, magbatay sa mga lumalabag sa ordinansang ipinapatupad sa front beach at pagbantay sa mga bangka na dumadaong sa mga ipinagbabawal na lugar.

Aminado din si Sacapaño na malaki ang maitutulong ng mga guwardiya ng mga establishemento sa Boracay upang maipatupad ng maaayos ang mga ordinansa sa Boracay.

Kaya payo nito sa publiko, na maging Pulis o magbantay ang lahat para sa siguridad sa isla lalo na ng mga turista.

Operasyon ng Bar sa Biyernes Santo tuloy pa rin


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Walang dapat ikabahala ang mga bisitang nais uminom sa mga bar sa Boracay sa Biyernes Santo.

Ito ay dahil bukas pa rin ang mga bar at restaurant sa isla sa araw na iyon.

Kaya hindi naman mapaparalisa ang mga bar sa isang gabi na pagbabawal sa pagpapatugtog ng malakas o mga party.

Ito ang nilinaw ni Department of Tourism (DoT) Boracay Officer In Charge Tim Ticar sa panayam dito kahapon.

Aniya, tuloy pa rin ang operasyon ng mga establishemento gaya ng mga bar at restaurant sa isla sa araw na iyon.

Pero iwas muna umano ang mga establishementong ito pag-likha ng mga malalakas na tugtog sa buong gabi, para makapag-nilay-nilay ang mga Kristiyano na nagbabasyon sa Boracay.

Kung maaalala, ikinatuwa ng Simbahang Katolika ang aksiyon ng lokal na pamahalaan ng Malay na nagpasa ng resolusyon na nagbabawal sa anumang aktibidad sa Boracay na makakagawa ng ingay tuwing Biyernes Santo simula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng Sabado ng umaga.

Tuesday, March 26, 2013

Ordinansang nagbabawal sa pag-gamit ng plastic bag sa Boracay, pina-hold muna

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay


Pina-hold muna ang implementasyon ng ordinansang nagbabawal sa mga establishemento sa paggamit ng mga plastic bag sa Boracay.

Duda pa kasi ang tanggapan ng Punong Ehekutibo ng Malay na maipapatupad na ang Municipal Ordinance 320 na ito ngayong Super Peak Season sa Boracay.

Ito’y kahit aprubado na ang odinansa sa ginawang pagrebyu ng Sanggunaing Panlalawigan ng Aklan.

Ito ang nilinaw ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa sa panayam ng YES FM News Center nitong umaga.

Ayon kay Sadiasa, kulang pa kasi talaga sa ngayon sa information dissemination ang publiko sa Boracay kaugnay sa ordinansang ito kaya hindi muna maipapatupad ngayon.

Lalo pa at nakatuon umano ang atensiyon ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay sa siguridad dahil na rin sa record breaking na influx ng turista.

Nais kasi umano ng Punong Ehikutibo na bago ito simulang ipatupad ay may kooperasyon ang lahat ng sector, lalo na ang mga pamayanan.

Sapagkat hindi lamang mga establishemento umano ang dapat tumalima, dahil malaki din ang bahagi na gagampanan ng mga residente at iba pang sector sa Boracay upang mabawasan na rin ang basurang mga plastic sa isla.

Kung maaalala, tuwing sumapit ang Peak Season na super peak season na ngayon, kasabay ng pagdagsa ng turista ay dumadami na rin ang basura sa isla. 

Chinese national, nabiktima ng pagnanakaw sa unang araw ng kuwaresma sa Boracay


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Lunes na araw pa lang kahapon na siyang ikalawang araw ng kuwaresma, subali’t nagmistulang Biyernes Santo na ang sinapit ng isang turista, matapos mabiktima ng pagnanakaw sa barangay Balabag, Boracay kahapon.

Nasa paliligo kasi sa station 1 beach front ang kuwarenta’y uno anyos na Chinese national nang mangyari ang insidente.

Sa report ng Boracay PNP, nabatid na iniwan ng biktima ang kanyang bag sa tabi ng kanyang asawa upang maligo.

Makalipas umano ang dalawampung minuto, nang marinig nito ang kanyang asawa na nasisisigaw sa itinuturong umano’y tumangay ng kanyang bag.

Dahilan upang umahon ito sa tubig para habulin ang suspek, na napansin naman ng dalawang pulis na naroon malapit sa lugar.

Nagmistula namang habulan sa pelikula ang sumunod na eksina, nang makita ng mga itong hinahabol din ng mga tao doon ang kawatan.

Nang maabutan ng taumbayan at mga tambay doon ay binugbog ng mga ito ang bente sais anyos na suspek na nakilalang si Mark Anthony Castillo ng San Jose Antique.

Kaagad namang naaresto ng mga pulis ang suspek kung saan narekober ang bag ng biktima na naglalaman ng tatlong camera, flashlight, sling bag na naglalaman ng wallet na may tres mil pesos, credit card, visa card, cell phone at sunglass.

Samantala, ikinostodiya naman ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.

Pintor sa Boracay, isinugod sa ospital matapos mabiktima ng pananaksak


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Yakap ni kamatayan ang natikman ng isang pintor, matapos itong masaksak sa barangay Balabag, Boracay Linggo ng hapon.

Nakilala sa report ng Boracay PNP ang kuwarenta’y tres anyos na biktimang si Danny Bautista ng Naile, Ibajay, Aklan at kasalukuyang nagtatrabaho bilang pintor sa islang ito.

Dakung alas tres y medya Linggo ng hapon habang pauwi na sa kanilang barracks ang biktima ng mangyari ang insidente.

Sinasabing sa hindi nalamang dahilan ay niyakap umano ito ng suspek na nakilala lamang sa pangalang Boboy Tapwis ng Agcawilan, Lezo, Aklan, at dalawang beses na sinaksak sa tiyan.

Dahil sa tinamong sugat ay kaagad namang isinugod sa ospital ang biktima, kung saan masusing binabantayan ang kanyang kalagayan.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek na katrabaho rin mismo ng biktima. 

Lalaki sa Sitio Hagdan, Yapak, nabiktima ng pananaga


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Sugatan ang trenta’y sais anyos na lalaki matapos tagain sa sitio Hagdan barangay Yapak, Linggo ng hapon.

Nakilala sa report ng Boracay PNP ang biktimang si Edgar Ballenas, residente ng nasabing lugar.

Pauwi na umano ito dakung alas tres ng hapon nang madaanan nito ang grupo ng mga suspek na nag-iinuman.

Tinawag umano ito ng isa sa mga suspek na si Eddie Castillo, trenta’y otso anyos na dinedma naman biktima, dahilan upang umano’y suntukin siya ng suspek. 

Lumapit naman ang isa pang suspek na si Edwin Moises na may hawak na itak at tinaga ang biktima sa kanyang kaliwang balikat.

Matapos respondehan ng mga pulis ang insidente ay kaagad namang natimbog ang mga suspek at ikinostodiya sa Boracay PNP station.

Dalawang taong gulang na bata sa barangay Yapak, Boracay, patay matapos malunod sa swimming pool


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Patay ang dalawang taong gulang na bata sa sitio Balinghai, Barangay Yapak, matapos malunod sa swimming pool Linggo ng umaga.

Nakilala sa report ng Boracay PNP ang biktimang si baby Rose na kasalukuyang residente ng Boracay.

Sinasabing alas onse y medya ng Linggo ng umaga nang hinanap pa ito ng kanyang amang si Ronel Torres.

Ayon naman sa kanyang inang si Cherry, ang batang si Rose ay naroon sa itaas ng kuwarto.

Subali’t dakung alas onse kuwarenta’y singko na nang makarinig sila ng sigaw ng helper doon na nalulunod ang biktima sa swimming pool.

Kaagad umano nilang sinaklolohan ang bata, at binigyan ng pangunang lunas.

Isinugod pa sana sa isang klinika sa barangay Balabag ang biktima, subali’t idineklara naman itong DOA o dead on arrival nina Dr. Grace Lyn Mine at Dr. Marivic Lo.

Monday, March 25, 2013

"No Party on Good Friday" ng LGU, hindi kawalan sa turismo ayon sa DOT


Ni Bert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Tama lang ang ginawa ng LGU.

Ito ang sinabi ni DOT o Department of Tourism officer in charge Tim Ticar sa Boracay, kaugnay sa hakbang ng LGU na huwag bigyan ng permit ang anumang party o maiingay na aktibidad sa isla sa araw ng Biyernes Santo.

Bagama’t sinabi nito na pumupunta ang mga turista sa Boracay para makipag-party.

Naniniwala naman si Ticar na karamihan sa mga turista ay mga Katoliko rin at hindi nagpa-party sa nasabing araw.

Nararapat lang din naman umano kasi na kahit isang araw manlang ay mabigyang halaga ang pagninilay-nilay.

Maliban dito, ang nasabing hakbang ng LGU ay makakadagdag pa umano sa pangalan ng Boracay bilang Christian country in Asia, sa pagpapakita na ang Boracay ay hindi lang pang-“all time party”.

Kung kaya sila umano sa DOT ay hindi naniniwalang kawalan sa turismo kung walang party sa Biyernes Santo.

Kaugnay nito, tiniyak parin ni Ticar na mag-i-enjoy ang mga bakasyunista, dahil sa napakagandang isla at maputi nitong buhangin.

Beach front ng Boracay, pinatututukan na sa BAG


Ni Bert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Kailangang maging mata rin sila para makatulong sa pagpapatupad ng ordinansa sa Boracay.

Ito ang sinabi ni Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño sa panayam ng himpilang ito, kaugnay sa kanilang paghahanda sa pagdagsa ng mga bisita ngayong kuwaresma.

Ang tinutukoy ni Sacapaño ay ang mga miyembro ng BAG o Boracay Action Group na nagpulong nitong Biyernes para sa nasabing layunin.

Kung saan sinabi nito na ang buong manpower o puwersa ng BAG ang tututok sa beach front para sa implementasyon ng anti-littering ordinance.

Maging ang ipinapatupad na “No Smoking by the Beach” ay maigti rin umanong ipapatupad.

Kung saan kampante namang sinabi ni  Sacapaño na ang mga bagay na ito ay alam na rin umano ng mga turista.

Magkaganoon pa man, kailangan parin umanong ipaliwanag ng maaayos sa mga bisita ang mga nasabing ordinansa.

Samantala, iginiit din ng administrador na ang mga establisemyento sa beach front ng Boracay ay may malaking kontribusyon sa mga basura.

Kaya naman muli nitong pinaalalahanan ang mga may negosyo sa beach front na maglagay ng mga basurahan sa harapan ng kanilang establisemyento para may malagyan ang mga turista.

Hinimok din nito maging ang mga lokal na residente sa isla na tumulong sa pagpapaliwanag sa mga bisita tungkol sa mga kahalintulad na batas.

Mga life jacket ng mga bumiyaheng bangka sa Boracay, papalitan na


Ni Bert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Papalitan na ang mga life jacket ng mga bumibiyaheng bangka sa Boracay.

Ito ang kinumpirma ni Coastguard Caticlan chief Lieutenant Senior Grade Jimmy Oliver Vingno, sa panayam ng himpilang ito.

Ni-require na umano kasi nila ang mga may-ari at crew ng mga bangka na palitan na ang mga nasabing life jacket para maging maganda naman.

Kung saan halos nasa mahigit-kumulang 70% na umano sa mga ito ang paunti-unti nang nakapaglit ng mga life jacket sa nakalipas na dalawang linggo.

Samantala sinabi pa ni Vingno na ang MARINA o Maritime Industry Authority ang nagri-regulate at nagbibigay ng accreditation tungkol sa tamang life jacket na gagamitin.

Kung kaya ang mga taga MARINA din umano ang makapagsasabi kung ano ang tamang kulay o klase ng mga life jacket.

Kinumpirma naman ni Vingno na ang nasabing hakbang ay kaugnay parin sa kanilang paghahanda para sa kuwaresma.