Posted June 26, 2018
Ni Inna Carol L.
Zambrona, YES THE BEST Boracay
Mariing pinuna ni SB Member Nenette-Graf, Chairman ng
Committee on Environment ang mga iniwang basura sa kasagsagan ng pagdiriwang ng
San Juan de Bautista nitong Linggo sa Boracay.
Sa naging Privilege Speech ni Graf, labis siyang
nadismaya sa kanyang nakita sa area ng Station 3 dahil sa iniwang kalat na
basura ng mga tao matapos ang paliligo sa dagat.
Aniya, hindi naman nagkulang sa pagpapa-alala sa publiko
kung ano ang mga regulasyon na dapat sundin bago maligo sa kahabaan ng long
beach.
“Lack of discipline” ito ang pagsasalarawan ni
Sangguniang Bayan Member Frolibar Bautista dahil mayroon umanong ordinansa na
bawal uminom at pagdala ng pagkain sa dalampasigan.
Pagtatanong pa ni Bautista, ano ang ginagawa ng mga
itinalagang empleyado ng lokal na pamahalaan para magbantay sa kahabaan ng long
beach partikular ng mga Beach Guard at monitoring team?
Ito rin ang puna ni SB Member Jupiter Gallenero kung saan
ipinunto nito na walang masama sa inaprobahang resolusyon ng SB na pagpayag sa
paliligo sa kapiyestahan ni San Juan pero mukhang nakalimutan ng ilang taga-LGU
na may obligasyon pa rin sila.
Hirit pa nito na hindi rin kailangan pang i-post sa
facebook ganitong klaseng problema dahil pangamba ng konsehal na magdulot ito
ng panibagong pagpuna mula sa national government.
Paglilinaw naman ni Vice Mayor Abram Sualog, maging
maingat sa mga ipino-post sa facebook at aniya ay maaari naman itong resolbahin
sa ibang pamamaraan.
Nabatid, samut-saring reaksyon ang naglalabasan patungkol
sa naturang isyu dahil ipinost ito sa “social media”.
Kaugnay nito, sa panayam kay Engr. Jan Michael Tayo
Executive Assistant for Environmental Concerns , mayroon silang monitoring na
ginagawa subalit “disiplina” lang aniya ang kailangan at dapat maging leksyon
ito sa publiko para hindi na ito mauulit.
Sinabi pa nito na ang basura ay hindi problema ng isa o
ibang tao kundi problema ng lahat na kailangang resolbahin.
Kung maaalala, isyu sa basura at baha na kumalat sa
social media ang isa sa dahilan kung bakit isinailalim sa anim na buwang
pagsasara ang Boracay.
#YestheBestBoracayNews
#SBMalayNews