Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
“Coco Net Bio-Engineering Solution” ang nakitang sagot sa
problema kaugnay sa soil erosion na nangyari sa Sitio Tulingon Brgy. Libertad sa
Nabas na tumabon sa National High way kamakailan lamang, ayon kay Engr. Rory Laserna,
Chief Engineer for maintenance ng DPWH-Aklan.
Ayon kay Laserna, ang Coco Net Bio-Engineering Solution ay
siya umanong tutulong para ma-protektahan ang bundok mula sa pagkatibag at
pagkahulog ng lupa at mga bato sa kalsadang ito na lubhang mapanganib sa mga dumadaan
sa nasabing lugar.
Ang Coco Net Bio-Engineering Solution na ito ay tinatawag na
“Slope Protection Program” ng DPWH.
Sinabi ni Laserna na kasalukuyan na umanong pina-plantsa ang
“program of works” para sa proyektong ito, upang pormal na ring maisumite sa
Central Office at mabigyan ng pondo.
Nabatid din mula kay Laserna na ang proyektong ito ay
inaasahang aabot sa P2M para lamang sa area ng Tulingon.
Subalit ng matanong ang enhinyero kung kaylan ipapatupad ang
nasabing proyekto, sinabi nitong hiling sana nilang magawa na ito sa loob ng
taong ito ng 2012, ngunit naka-depende pa rin aniya kung kaylan sila bibigyan
ng pondo.
Ang “Coco Net Bio-Engineering Solution” ay isang
pangmatagalang solusyon at programa para protektahan ang bundok sa paraan ng
paggamit ng coir o coco fiber, na inilalagay para takpan ang bahagi ng bundok
na pinangangambahang bibigay, dahil sa kawalan ng vegetation.
Dahil sa ang coco fiber ay organic, inaasahang mas mabilis
ang tubo o paglago ng mga pananim dito, na siyang makakatulong para maiwasan
ang land slide.
Ang programang ito ng DPWH, ay siyang nakita nilang tugon
upang hindi na maulit pa ang nangyaring pag-guho ng lupa ng tumabon sa National
High Way rason para ma stranded ang mga biyahero.