Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Nakahandang humarap sa Sangguniang Panlalawigan o SP si P/Supt. Cornillo Defensor, Provincial Director ng Aklan Police Provincial Office o APPO, para malinaw na ang isyu at akusasyon na umano ay huli o delay sa pagresponsde ang kapulisan sa Boracay sa mga agawan ng lupang nangyayari sa isla.
Subalit ayon sa opisyal ng kapanayamin ng himpilang ito, sa ngayon ay wala pa naman umano itong natatanggap ng imbitasyon mula sa SP.
Kaugnay nito, idenipensa naman ni Defensor ang Boracay Pulis, dahil ang obligasyon lamang aniya nila sa isyu ng land dispute ay panatilihing mapayapa at walang away na mangyayari, dahil ito ay matatawag na bilang isang sibil na kaso.
Pero pagdating sa pagdidisiyong kung sino ang nagmamay-ari ng lupaing pinag-aawayan ay wala na ito sa saklaw nila, kaya hindi pwedeng makaladkad ng pulis ang mga Blue Guard o representante ng mga kampong nag-aagawan, lalo na at may mga dokomento namang ipinapakita ang mga ito.
Ngunit kapag umabot na sa away at sakitan, doon na sila manghihimasok at dadalhin ang mga ito sa himpilan ng pulisya dahil mapupunta na ito sa kasong kriminal.
Ang pahayag na ito ni Dir. Defensor ay nag-ugat nang magmunkahi si SP Member Nemesio Neron na ipapatawag siya kasama ang hepe ng Boracay Police sa sesyon kaugnay sa mainit na isyung land dispute sa isla kamakailan lang.