Ni Mark Anthony Pajarillo, YES FM Boracay
Hands off muna ang Women and Children Protection Desk (WCPD) Boracay kaugnay sa pagbabago ng Juvenile Justice Law.
Sa pakikipag-ugnayan ng himpilang ito kay WCPD Chief SPO1 Lyn Ibañez ng Boracay Tourist Assistance Center, sinabi nito na hindi pa umano siya makapagbibigay ng reaksyon o kumento hinggil sa nasabing panukalang batas hangga’t hindi pa naaaprubahan.
Dagdag pa nito, wala pa umano siyang ideya kung ano ang mga karagdagan o bago sa batas tungkol sa Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Dito kasi sa isla ng Boracay ay maraming mga minor de edad ang napaulat na nasasangkot sa mga paglabag sa batas.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na ang isla ng Boracay ay nabiktima ng mga batang ito.
Subali’t maging sila umano sa Boracay PNP partikular na ang WCPD ay aminadong nahihirapan kapag paulit-ulit na ang mga bata ay nasasangkot sa mga nakawan, bagansya o pagala-gala at pamamalimos.
Sa halip ay kanila na itong ipinagkakatiwala sa DSWD o Department of Social Welfare and Develpoment, dahil hindi naman nila basta-basta na lamang pwedeng kasuhan ang mga ito.
Samantala, niratipikahan nitong nagdaang linggo ang House Bill 6052 o An Act Strengthening the Juvenile Justice System in the Philippines, na siya namang nag-amyenda sa Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 naman nakasaad na ang mga kriminal na diyes y otso anyos lamang ang mga pwedeng kasuhan.
Kapag tuluyan nang naging batas, ay maaari nang sampahan ng kaso ang mga edad 15-anyos na mga kabataang kriminal mula sa umiiral na 18-anyos pataas.