Ni Christy dela Torre, News writer,
YES FM Boracay
Inaasahang dadagsa ang mga pasaherong magsisipag-uwian
bukas, araw ng Linggo, mula sa ilang bayan ng Aklan lalo na ang mga pasaherong
nagmula sa bayan ng Kalibo, ito’y matapos ang selebrasyon ng taunang Kalibo
Ati-Atihan o selebrasyon sa kapiyestahan ni Sr. Santo NiƱo.
Kung kaya’t dahil dito, tiyak na siksikan ang mga uuwing
pasahero hindi lamang sa mga Bus at mga Van, kundi maging sa sasakyang
pandagat.
Ayon kay Godofredo Sadiasa, Chairman ng Caticlan-Boracay
Transport Multi-Purpose Cooperative o CBTMPC, handing-handa na ang mga
pampasaherong bangka na may rutang Caticlan-Boracay o Vice Versa.
Katunayan, eksaktong tatlumpung bangka mayroon ang CBTMPC na
siyang maaaring sakyan ng mga pasahero bukas. Ayon pa kay Sadiasa, palagi naman
umanong handa ang mga kapitan ng mga bangka upang pagsilbihan hindi lamang ang
mga turista kundi maging ang mga lokal na residente.
Ngunit, sinabi nitong magiging normal lamang ang biyahe ng
bangka kung maganda ang panahon dahil kung sakali aniyang hindi maganda ang
panahon ay may posibilidad na ma-kansela ang ilang biyahe ng mga ito, lalo pa
nga’t ang iniisip lang din umano nila ay ang kaligtasan ng mga pasahero.
Ganunpaman, nakakatiyak itong sa lahat ng oras ay may
nakahandang bangka, lalo na yaong malalaking para sa mga pasaherong uuwi bukas.