YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, October 17, 2014

Lalaki sa Kalibo, Aklan, binaril dahil sa selos

Posted October 17, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Sugatan ang isang lalaki sa Kalibo, Aklan matapos barilin sa mismong boarding house kagabi.

Ayon kay PO1 Dundee dela Cruz ng Kalibo PNP, maaaring selos ang dahilan kung bakit binaril ng suspek na si Darius Punzalan, sa legal na edad, ng Purok 5 Laserna St. Kalibo ang biktimang si Ignacio Zubiaga, 48 anyos ng lalawigan ng Antique.

Base sa imbistigasyon, sinugod umano ng suspek sa kanyang boarding house ang biktima at kinompronta tungkol sa kanyang live in partner.

Subali’t naging madugo ang sumunod na eksena nang barilin ni Punzalan gamit ang kalibre 38 baril si Zubiaga sa dibdib.

Kaagad namang isinugod sa Aklan Provincial Hospital ang biktima kung saan ito kasalukuyang nagpapagaling.

Samantala, kasalukuyan ding nasa kostodiya ng Kalibo PNP ang suspek matapos itong sumuko sa mga pulis. 

Babae, umano’y pinagtangkaang saksakin ng gunting at sinunog ang mga gamit sa Boracay

Posted October 17, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo sa BTAC ang isang babae  sa Boracay matapos na umano’y pinagtangkaan itong saksakin ng gunting at sinunog ang mga gamit ng kapwa babae.

Ayon sa blotter report ng BTAC, dumating ang suspek sa boarding house ng biktima alas dyes ng gabi at walang probakasyong kinompronta ito saka pinagtangkaan umanong saksakin ng gunting.

Mabilis namang nakapagtago ang biktima sa iba pa nitong mga ka-boardmate sa lugar, kung saan pagkalabas umano nito ay saka pumasok ang suspek sa kanyang kwarto at kinuha ang kanyang mga damit at sandals at sinunog sa labas ng kanyang boarding house.

Dagdag pa ng biktima na sinira din umano ng suspek ang kanyang charger at cellphone.

Tinangay din umano nito ang kanyang wallet na naglalaman ng hindi matukoy na halaga ng dollars saka tumakas sa lugar.

Samantala, patuloy naman ngayon na iniimbestigahan ng mga pulis ang kaso.

Global Hand washing Day, bibigyang katuparan ng BIWC at Manila Water Foundation bukas

Posted October 17, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mabibigyang katuparan bukas ng alas kwatro ng hapon, araw ng Sabado ang Global Hand washing Day sa isla ng Boracay.

Ito’y sa pamamagitan ng Manila Water Foundation at Boracay Island Water Company (BIWC) sa pakikipagtulungan ng iba pang mga sektor ng negosyo at NGOs.

Ayon kay BIWC Regulatory Planning and External Affairs Officer Rommel Vicente, dalawang taon nang isinasagawa ang programa upang magpalaganap ng kalusugan at kaligtasan.

Hangarin din anya ng Global Handwashing Day ang ipaalam sa tao ang wastong paghuhugas ng kamay lalung-lalo na ang pagsasabon ng mga ito.

Ipinaliwanag din ni Vicente na ang pagsasabon at paghuhugas ng mga kamay ay nakapagliligtas ng maraming buhay kung ihahambing sa pagbabakuna o medical intervention, nakakaligtas mula sa sakit na diarrhea at nakapagsasalba ng buhay mula sa acute respiratory infections.

Samantala, nabatid naman na isang malaking kontribusyon ang paghuhugas ng kamay upang matugunan ang Millennium Development Goal na makaiwas sa mga sakit higit lalo ng mga bata na mas may mababang edad sa limang taong gulang.

Heritage at Learning Center para sa Boracay Ati Community, bubuksan na bukas

Posted October 17, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay 

Bubuksan na bukas ang Heritage at Learning Center para sa Boracay Ati Community.

Kaugnay nito, sinabi ni Sis Ma.Flor Jalmasco (Halmasco) ng Daughters of Charity Mission na handa na ang mga Katutubong Ati sa isa na namang magandang kasaysayang magaganap sa kanilang kumunidad bukas.

Ayon kay Sis. Flor, makikita sa nasabing heritage center ang lawaran ng mga ninuno ng mga ati sa isla at kung paano ang kanilang naging pamumuhay noon.

Ipinagmalaki ding sinabi ni Sis.Flor na magkakaroon na rin ng paaralan ang Ati Village dahil sa nasabing learning center.

Samantala, isang misa muna ang gaganapin bukas ng umaga bago ang maikling programang inihanda ng Ati Community bilang pasasalamat nila sa mga biyaya at tulong na tinanggap mula sa kumunidad.

Kamakailan lang, nabahaginan din ng libreng patubig sa pamamagitan ng “Lingap para sa Katutubo” project ng BIWC at Manila Water Foundation ang mga kapatid nating katutubo.

TIEZA, determinadong matapos ang mga drainage project bago ang APEC 2015

Posted October 17, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Determinado umano ang TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority na matapos ang mga drainage project bago ang APEC 2015.

Sa kabila ito ng pag-amin ng TIEZA na marami pang kinakaharap na problema ang drainage sa isla katulad ng mga illegal connections.

Ayon kay Engineer Giovanni Rullan ng TIEZA, kailangan pa nilang dugtungan ng concrete pipe o sementadong tubo ang drainage sa Bolabog beach bago tuluyang paganahin ang kanilang pumping station sa Barangay Balabag.

Magkaganon paman, sinabi pa ni Rullan na pagtutulungan nila ng Boracay Redevelopment Task Force na matapos ang proyekto bago ang APEC Hosting.

Nabatid na kasama rin ang DPWH at DENR sa ginanap na pulong nitong nakaraang araw upang mapag-usapan kasama ang stakeholders ang iba pang paghahanda sa darating na APEC 2015.

Wind at bamboo wave breaker sa Boracay kasabay tatanggalin sa pagpasok ng Amihan

Posted October 17, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaasahang muling magiging maaliwalas ang front beach sa Boracay.

Ito’y sa sandaling baklasin na ang mga inilagay na wind at bamboo wave breaker na siyang ginamit bilang pananggalang sa Habagat.

Nabatid na kasabay ng pagpasok ng Amihan ay ang pagbaklas ng mga ito sa pangunguna ng BRTF at may-ari ng mga establisyemento na naglagay ng kanilang Wind at bamboo wave breaker.

Ayon sa Boracay Redevelopment Task Force sisimulan nila itong baklasin sa patatapos ng Habagat Season.

Napag-alaman na ang wind breaker ay siyang ginagamit para hindi gaanong maapektuhan ng hanging habagat ang mga establisyemento sa front beach na nilagay pa noong natapos ang summer season.

Habang ang bamboo wave breaker naman ay siyang tumutulong para hindi gaanong hampasin ng malakas na alon ang ilang bahagi ng establisyemento sa front beach.

Sa kabilang banda opisyal na ring dineklara ng Pagasa na panahon na ng amihan kaya't malamig ang simoy ng hangin.

Samantala, ang pagpasok ng amihan ay isa rin sa ginagawang batayan ng Department of Tourism (DOT) bilang peak season sa isla ng Boracay.

Thursday, October 16, 2014

(Update) BTAC blangko pa rin sa kaso ng sinaksak na security guard sa Boracay

Posted October 16, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Blangko pa rin ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa kaso ng sinaksak na security guard sa isla ng Boracay.

Kaugnay nito, aminado rin ang kapulisan sa isla na hindi pa nadarakip ang suspek na sumaksak sa security guard na si Tomas Berdonar, 42 anyos ng Sebaste, Antique.

Nabatid na naging kritikal ang biktima matapos saksakin ng dalawang beses sa dibdib ng hindi nakilalang suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, lumapit at nakiusap umano ang suspek at nagpaalam kung pwede itong matulog sa puwesto ng biktima na pinagbigyan naman ng huli.

Subali’t naging mabilis ang sumunod na pangyayari nang bigla na lamang itong sinaksak ng suspek sa hindi nalamang dahilan.

Samantala, nagawa pa umanong magmaneho ng motorsiklo ng biktima upang ihatid ang sarili sa ospital, subali’t sumemplang naman ito sa kalsada dahil sa tinamong sugat.

Singaporean at Malaysian tourist arrivals sa Western Visayas, tumaas

Posted October 16, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Matagumpay na napasok ng Western Visayas ang Singapore at Malaysia Tourist Markets.

Katunayan, tumaas ang tourist arrivals mula sa mga nasabing bansa dahil sa Tourism Business Mission ng Western Visayas.

Base sa press release ng DOT o Department of Tourism Region 6, pumalo sa 13,998 ang partial report ng Singaporean Arrivals sa Western Visayas mula Enero hanggang September 2014 kung ikukumpara sa nakaraang taon o may pagtaas na 79.90 %.

Tumataginting na 162.72 % na increase naman dahil sa 12,127 partial arrivals
ang naitala dahil sa Malaysian tourist arrival.

Ayon kay Department of Tourism Region 6 Regional Director Atty. Helen Catalba, malaki ang ambag ng Boracay sa nasabing pagtaas ng Singaporean at Malaysian tourist arrival sa Western Visayas na nagdulot naman ng 210.12 % increase kumpara sa nakaraang taon.

Samantala, ginanap ang kauna-unahang Tourism Business Mission dalawang buwan na ang nakalilipas na dinaluhan ng LGU-Guimaras, LGU-Malay, Aklan and LGU – Negros Occidental, DOT Region VI and mga taga pribadong sektor.

Tiniyak umano ng mga ito sa Singapore at Malaysia na maganda at ligtas para sa turismo at negosyo ang isla ng Boracay.

Mga pasahero at publiko, walang dapat ikabahala sa Ebola Virus ayon sa CAAP

Posted October 16, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Walang dapat ikabahala ang mga pasahero at publiko tungkol sa Ebola Virus.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Kalibo Manager Cynthia Aspera, ligtas ngunit naghahanda naman ang Kalibo Airport laban sa Ebola, maliban sa  kampante umano itong nasasala na rin ang mga pasahero bago dumating sa bansa.

Ayon pa kay Aspera, 24 oras ding nagbabantay ang mga quarantine officials sa Kalibo Airport katulad sa pagbabantay din umano nila sa kinatatakutang Middle East respiratory syndrome corona virus o MERS-CoV.

Samantala, tumanggi munang magbigay ng pahayag tungkol dito ang Caticlan Airport, sa kabila ng paniniwalang wala ring dapat ikabahala ang publiko sa nasabing Ebola virus.

Magugunita namang sinabi ni DOH Assistant Secretary Eric Tayag sa katatapos na National Ebola Virus Disease Summit na kulang ang travel restrictions ng bansa laban sa nakamamatay na sakit.

TIEZA, mag-i-extend ng canal sa Bolabog beach

Posted October 16, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Mag-i-extend ng canal sa Bolabog beach ang TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Ito ang isa sa mga planong napagkasunduan ng TIEZA at BRTF o Boracay Redevelopment Task Force sa muli nilang paghaharap sa isang pagpupulong kahapon.

Subali’t ayon kay Engineer Giovanni Rullan ng TIEZA, kailangan pa nilang pag-aralan kasama ng DENR o Department of Environment and Natural Resources ang concrete coated pipe o sementadong tubo na idudugtong sa kasalukuyang drainage sa Bolabog beach.

Maaari umano kasing gawing 300 meters o 500 meters pa sa halip ng planong 150 meters na concrete coated pipe extension.

Samantala, nabatid na nag-aalala ang mga stakeholders, turista at publiko sa isla na maaaring masira ang mga corals at madumihan ang dagat sa Bolabog kapag gumana na ang pumping station ng TIEZA, kung kaya’t napagkasunduan ng task force at TIEZA na habaan ang tubo ng drainage doon.