YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, September 27, 2013

BTAC, nakaalerto narin sa pagsisimula ng gun ban mamayang hating gabi

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakaalerto na rin ngayon ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa pagsisimula ng gun ban mamayang hating-gabi.

Ito’y kaugnay sa nalalapit na Baranggay election ngayong buwan ng Oktobre a bente-otso.

Ayon kay Boracay PNP Chief PS/Insp. Joeffer Cabural, maghihigpit din sila sa gagawing siguridad ngayon katulad ng kanilang ginawa noong nakalipas na National Election nitong buwan ng Mayo.

Kaugnay nito, magsasagawa ng check point ang BTAC sa ilang kalsadahin dito sa Boracay.

Nilinaw naman ni Cabural na ang mga miyembro lang ng PNP, AFP, law Enforcement at Comelec Community ang pinapayagang magdala ng armas sa panahon ng gun ban.

Mahigpit namang nagpalabas ng kautusan ang Comelec na kailangang sundin ang pagpapatupad ng gun ban para maiwasan ang pagsisisi sa huli.

Una namang nagpahiwatig ang Aklan Provincial Police Office (APPO) ng kanilang kahandaan para sa nasabing gun ban.

Ang gun ban ay magtatapos sa ikalabing dalawa ng Nobyembre, dalawang linggo matapos ang Baranggay election.

Cagban Jetty port, plano nang palakihan sa susunod na taon ayon kay Governor Miraflores

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Plano umanong palakihan ngayon at pagandahin pa lalo ang Cagban Jetty Port sa Baranggay Manoc-Manoc sa susunod na taon.


Ito ang kinumpirma ni Aklan Governor Florencio Miraflores sa ginawang meeting nitong miyerkules kasama ang mga concern agencies sa pagdating ng cruise ship sa Oktobre dise-siyete sa Boracay.

Aniya, isa ito sa bibigyan nila ng pansin para mapaganda pa ang nasabing pantalan na magiging kahalintulad narin ng Caticlan jetty port.

Sa ngayon umano ay plano nila itong umpisahan sa susunod na taon bilang paghahanda na rin sa mga susunod pang pupuntang mga crusie ship sa karagatan ng Boracay.

Nabatid naman na maglalagay doon ng isang sikat na pasalubong center na kalimitang nakikita sa mga airport sa bansa.   

Una ng sinabi ni Jetty Port Statistician at assistant to the administrator Mars Bernabe na isasarado na ito at magiging air-conditioned na ang nasabing pantalan.

Kabilang pa sa mga plano nila ay ang paglalagay ng island check-in at ilan pang pasilidad para sa mga turista.

Samantala, sinabi naman ni Miraflores na gagawin nila ang lahat para sa ikakaganda ng probinsya ng Aklan at ng isla ng Borcay.

TransAir sa Caticlan airport, nagpaliwanag sa SB Malay kaugnay sa trapiko

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpaliwanag na ang pamunuan ng TransAir ng Caticlan Airport sa ginawang SB Session nitong araw ng Martes sa bayan ng Malay.


Ito’y may kaugnayan sa nangyayaring trapiko sa isinasarang National road patungong bayan ng Malay sa tuwing may mag-lalanding at mag ta-take off na eroplano sa nasabing airport.

Humarap naman ang mismong Manager ng TransAir na si Bong Tirol para ipaliwanag sa mga konsehal ang kanilang pamamalakad doon.

Aniya, ginagawa nila iyon para maiwasan ang insidente na dulot ng malakas na hanging ibinuboga ng mga eroplanong mag-lalanding at mag ta-take off.

Dagdag pa ni Tirol, kaya umano nila ito isinasara agad dahil rin sa inilalabas na oras ng mga operator at sa tamang pag control ng mga piloto.

Dito napag-usapan din nila ang kanilang magiging plano kung paano magiging magaan ang trapiko doon.

Tinanong pa ni Sb Member leal Gelito kung nasa plano ba nila ang paglalagay ng underground sa ilalim ng kalsada sa nasabing lugar.

Saad naman ni Tirol, pwedi naman ito pero kinakailangan pa nila ng mas masusing pag-aaral kung paano mauumpisahan.

Nauna ng nagbigay ng privilege hour ni SB Member Jupiter Gallenero tungkol dito dahil halos na-lalate sila ng halos ilang minuto sa pagpasok ng trabaho.

Samantala, nangako naman ang pamunuan ng TransAir na gagawin nila ang lahat para masulosyonan ang nasabing problema.

Brutal na pagpatay sa mag-ina sa bayan ng Kalibo, iniimbistigahan pa

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Iniimbistigahan pa ang brutal na pagpatay sa mag-ina sa bayan ng Kalibo.

Sa inisyal na report, pinatay ang mag-ina ng pinaniniwalaang akyat-bahay gang na sinasabing nanloob sa kanilang bahay sa Baragay Tigayon, Kalibo, Aklan.

Natagpuan sa stock room na may tama ng taga sa ulo ang ina, habang duguan ang anak na nakatalukbong pa ng kumot sa kanyang kama.

Nabatid na sinira ang bakurang kawayan sa likuran at sa main door ng bungalow type na bahay na tinutuluyan ng mga biktima na hinihinalang dinaanan ng mga hindi pa nakilalang suspek.

Kasalukuyan namang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan sa nasabing insidente at ang posibleng motibo ng krimen. 

Boracay PNP, sinigurong tuloy ang kanilang operasyon sa kabila ng mga problema sa pasilidad

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Passion at commitment.


Ito ang tanging inspirasyon ng Boracay Tourist Assistance Center o BTAC sa kabila ng problemang kinakaharap ngayon sa kanilang mga pasilidad.


Nabatid na nawawalan kung minsan ng suplay ng kuryente ang BTAC kapag malakas ang ulan, dahil natutuluan ang linya ng kanilang kuryente.

Apektado tuloy maging ang paggamit nila ng computer lalo na sa pag-i-encode ng mga blotter reports. 

Tumutulo din ang tubig mula sa ikalawang palapag ng estasyon dahil sa mga palpak na linya ng tubo doon, habang no choice naman sa paggamit ng comfort room ang mga pumupunta sa BTAC kahit sira ang mga ito.

Samantala, ayon kay Boracay PNP Chief Police Senior Inspector Joefer Cabural, huminge na rin umano sila ng assistance sa kanilang higher headquarters upang maayos ang matagal nang mga problema.

Iginiit naman ni Cabural na hindi ito handlang para mabigyan ng sapat na serbisyo ang mga mamamayan sa isla ng Boracay.

Ang kanilang passion at commitment aniya ang dahilan kung bakit naibibigay pa rin nila ang kanilang buong serbisyo.

Sa kasalukuyan, ay ginagawan ng paraan ng BTAC na hindi maapektuhan ang kanilang operasyon, hangga’t hindi pa dumarating ang sagot sa ipinadala nilang request.

Mga pulis sa Boracay, dadagdagan para sa pagdating ng cruise ship sa Oktobre

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Kinakailangan umanong dagdagan ang mga pulis kung kinakailangan para sa pagdating ng cruise ship sa Oktobre disi-siyete.

Ito ang kinumpirma ni Aklan Governor Florencio Miraflores sa ginawang meeting nitong miyerkules sa governor’s office sa bayan ng Kalibo kasama ang ilang mga stakeholders ng Malay at Boracay.

Aniya, higit na importante ang siguridad ng mga travelers na sakay ng Superstar Gemini na bababa papuntang isla ng Boracay, sa mismong araw ng pagdating ng cruise ship.

Kinakailangan umano na may mga nakabantay na mga pulis at Red Cross sa mga lugar na pupuntahan ng mga bisita.

Kabilang dito ay i-dideploy din sila sa bawat kalsadahin na dadaanan ng mga nasabing manlalakbay simula sa Cagban jetty port.

Sinabi pa nito kay mismong Boracay PNP Chief PS/Insp. Joeffer Cabural na kung kinakailangan nila ng tulong ay lumapit lamang ito sa kaniya, lalo pa’t ayaw nito na may mangyaring untoward incident sa pagbisita ng Superstar Gemini.

Replanting Activity ng LGU Malay at BFI, tuloy na sa Sabado

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Tuloy na sa araw ng Sabado ang gagawing replanting ng LGU Malay at BFI sa ilang lugar sa isla ng Boracay.

Ayon kay BFI Executive Director Pia Miraflores, bandang alas-otso ng umaga magsisimula ang nasabing aktibidad kung saan lalahukan ito ng mga kasali sa beach cleanup sa Boracay.

Aniya, ang LGU Malay ang siyang nagsagawa ng replanting activity sa pangunguna ng may bahay ni Mayor john Yap.

Naglaan umano sila ng dalawang daang niyog na itatanim sa Sitio Angol sa baranggay Manoc-manoc.

Nagpaalam naman umano sila sa ilang mga resort owners sa harap ng vegetation area upang makapag tanim sila puno ng niyog doon.

Nauna namang sinabi ni SB Member Rowen Aguiree na suportado nila ang gagawing ito ng LGU Malay at ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) sa vegetation area ng Boracay.

Maganda umano ang vegetation area kung kaya’t nararapat na alagaan at panatilihing maraming halamang nakatanim.

Samantala, maari umanong sumali ang lahat ng may gusto sa kanilang gagawing Replanting Activity sa Sabado.

Mga kalsadang binabaha sa Boracay, bibigyan pansin ng jetty port Administration

Ni Jay-ar M. Arantr, YES FM Boracay

Bibigyang pansin ng jetty port administration ang mga binabahang kalsada sa Boracay lalo na sa Baranggay Manoc-manoc.


Ayon kay Caticlan Administrator Nieven Maquirang, makikipag-usap umano siya sa pamunuan ng Boracay Island Water Company (BIWC) para mabigyang pansin ang mga binabahang kalsada sa nasabing lugar bilang paghahanda sa pagdating ng cruise ship sa Oktobre.

Aniya, kailangang maging maganda ang mga kalsadahin sa Boracay lalo na at dito dadaan ang mahigit isang libong mga turistang sakay ng nasabing cruise ship.

Ilan naman sa mga binabahang kalsadahin sa brgy. Manoc-manoc ay sa may Sitio Angol at Sitio Ambulong gayon din sa may brgy. Balabag an gang porsyon ng Manggayad Hi-way.

Sa ngayon magiging abala naman ang jetty port administration sa iba pang lugar na pupuntahan ng mga travelers sa isla ng Boracay.

Thursday, September 26, 2013

Ibat-ibat stakeholders sa Malay, nakipag pulong kay Governor Miraflores para sa pagdating ng cruise ship sa Oktobre

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakipag-pulong kahapon ang ibat-ibat stakeholder’s ng Malay at Boracay kay Aklan Governor Joeben Miraflores.


Ito’y kaugnay sa pagdating ng mga Cruise ship ngayong buwan ng Oktubre at Nobyembre sa karagatan ng Boracay.

Sa naganap na pagpupulong napag-usapan ang tungkol sa mga gagawing seguridad at paghahanda para sa pagdating ng mga ito.

Sa Oktubre unang dadating ang Superstar Gemini na may sakay na isang daan at isang libong travelers at siyam na raan at tatlumpu't limang mga crews na kinabibilangan din ng tatlong daan at limampung Filipino crews.

Ilan sa mga pupuntahan nila ay ang isang resort sa station 1 isang shopping area sa Boracay at ilang souvenirs shop.

Tinitiyak naman ngayon ni DOT Boracay officer-in-charge Tim Ticar na gagawin nila ang lahat para sa mas ikakaganda ng kanilang gagawing pagsalubong sa mga bisita.

Ikinatuwa naman ni Miraflores ang patuloy na pagbisita ng mga cruise ship sa probinsya lalo na sa isla ng Boracay na may malaking tulong umano sa turismo.

Samantala, ang arrival ng cruise ship sa Oktubre ay alas-sais ng umaga at babalik naman ng Maynila papuntang Xiamen,China alas-tres ng hapon ng nasabi ring araw.

Sa ngayon ay handa na rin ang Jetty port Administration sa lahat ng mga pasilidad na gagamitin para sa pagdating ng Superstar Gemini.

Gun ban para sa brgy. election, magsisimula na sa Sabado

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kasado na ang pagsisimula ng gun ban para sa nalalapit na baranggay election sa Oktobre a bente-otso.

Mahigpit na ipinapapatupad ngayon ni City Comelec officer Atty. Jose Villanueva ang pagpapatupad ng gun ban na mag-uumpisa na sa Setyembre bente-otso sa araw ng Sabado.

Nabatid na suspendido ang permit to carry of firearms outside residence at ang pinapayagan lamang na magdala ng baril ay ang nakakakuha ng Comelec gun ban exemption.

Ipinaaalala naman ni Atty. Villanueva sa taongbayan na sumunod sa patakaran upang hindi magsisi sa huli.

Sa kabilang banda, kasado na rin sa paghahanda ng Aklan Provincial Police Office (APPO) para sa darating na election.

Ayon kay Aklan Provincial Police Office Public Information Officer P03 Nida Gregas, mas paiigtingin pa nila ang kanilang gagawing siguridad ngayon.

Aniya ang pag-inom umano ng alak at ang pagdala ng mga anumang nakakamatay na bagay sa panahon ng gun ban ay magkakaroon ng mabigat na parusa basi narin sa kauutusan ng Comelec.

Panawagan naman  nito sa lahat na maging masunurin sa batas ng PNP at Comlec para sa matiwasay na eleksyon.

Samantala ang gun ban ay inaasahang magtatapos sa November 12, dalawang Liggo matapos ang halalan.

OPVET at Malay Health Office, sinigurong hindi makakapasok ang mga pekeng karne sa Aklan

Ni Carla N.Suñer, YES FM Boracay

Real v fake mutton 3Walang makakapasok na mga pekeng karne sa probinsya ng Aklan mula sa China at Korea.

Ito ang siniguro ngayon ng Malay Health Office at ng Office of the Provincial Veterinarian, kaugnay sa napapabalitang pekeng karne ng baka mula sa mga nasabing bansa.

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Ma. Cyrosa Leen Mabel Cinel, wala pa namang naitalang kaso na may pumasok na pekeng karne dito sa Aklan.

Bago pa man umano kasi makapasok ang mga pekeng karne, ay maika-quarantine naman agad ito, kung sakali mang ito ay planong ipuslit sa probinsya.

Samantala ayon naman sa mga taga MHO, walang dapat ipangamba ang mga residente, sapagkat nakatutok ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para proteksiyunan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat Aklanon.

Chairmanship ng Boracay Redevelopment Task Force at Boracay Environmental Task Force, ipinasa na kay COO Sacapaño

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Si Island Administrator Glenn Sacapaño na ang mangunguna sa mga pagpupulong ng Boracay Redevelopment Task Force at Boracay Environmental Task Force.

Ipinasa na kasi kay Sacapaño ang chairmanship ng mga nasabing task force sa pamamagitan ng Executive Order ni Mayor John Yap na nilagdaan nitong nagdaang linggo.

Ito ang kinumpirma ni Malay Municipal Engineer Elizer Casidsid, kaugnay sa Executive Order number 014 series of 2013.

Nakasaad sa dalawang pahinang E.O ang agarang paglipat kay Sacapaño ng mga nasabing chairmanship, upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga batas at ordinansa, partikular na sa 25+5 meter easement sa Boracay.

Pabor din naman umano kay Casidsid ang paglipat ng chairmanship kay Sacapaño, upang matutukan nitong lalo ang trabaho sa kanyang departamento.

Matatandaang si Casidsid ang inatasang maging chairman ng Boracay Environmental Task Force na pinalitan naman sa pangalang Task Force Save Bolabog.

Wednesday, September 25, 2013

Mga diving school sa Boracay, paiimbistigahan ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Paiimbistigahan ngayon ng SB Malay ang umano’y hindi magandang serbisyo ng mga diving school sa isla ng Boracay.

Sa privilege hour ng SB session kahapon, ni SB Member Jupiter Gallenero na may mga nakapagsumbong sa kanya tungkol sa mga dive shops na gumagamit ng hindi magandang kalidad ng engine refills oxygen compressor.

Aniya, may masamang epekto sa katawan kung hindi maganda ang compressor na ginagamit sa diving activity at nahihirapang huminga ang mga gumagamit nito.

Nabatid din na nagpapa-refill lang ng compressor ang mga diving shop kaya’t hindi sigurado kung ito ba ay ligtas gamitin.

Samantala, ipapatawag naman ng mga konsehal ang operator at opisyal ng lahat ng diving schools sa Boracay para sa isang committee hearing sa Lunes.

Ang breathing air compressor system ay ginagamit ng mga divers para sa pagsisid sa karagatan.

Replanting activity ng BFI sa vegetation area ng Boracay, suportado ng LGU Malay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Suportado ng LGU Malay ang replanting activity ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) sa vegetation area ng Boracay.

Katunayan, ayon kay SB Member Rowen Aguiree.

Maganda ang vegetation area kung kaya’t nararapat na alagaan at panatilihing maraming halamang nakatanim.

Ang pagtatanim pa nga umanong ito ang isa sa mga mabisang paraan at upang maiwasan ang soil erosion sa isla.

Nilinaw din ni Aguiree na hindi ipinagbabawal ang pagtatanim ng mga puno sa vegetation area, kung pinapayagan naman ng mga establishment owners.

Samantala, nakatakda namang magsagawa ng replanting activity ang BFI sa vegetation area ng isla sa darating na Sabado.

Mga establisyementong sumunod sa 25+5 meter easement sa Boracay, nasa walumpong porsiyento na

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nasa walumpong porsiyento na ang mga establisyementong sumunod sa 25+5 meter easement sa Boracay.

Ito ang kinumpirma ni SB Member Rowen Aguirre, Chairman on committee on laws and ordinances, rules and privilege.

Bagama’t sinabi nito na hindi naman sa nagiging kampante ang LGU Malay na walang hadlang sa mandato kaugnay sa ipinapatupad na set back.

Umaasa umano sila na susunod ang lahat sa nasabing patakaran.

Samantala, bagama’t aminado rin si Aguiree na may iilan paring hindi pa tuluyang sumusunod sa ipinag-uutos ng Boracay Redevelopment Task Force .

Sinabi nito na natutuwa ang LGU Malay sa suporta o full compliance ng mga nasabing establisemyento.

Tuesday, September 24, 2013

Naiwang wallet na naglalaman ng mahigit-kumulang kuwarenta’y singko mil pisos, isinauli ng isang traysikel drayber sa Boracay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Halos mapaluhod sa pasasalamat ang isang Korean national sa Boracay, matapos isauli ng isang traysikel drayber ang kanyang wallet.

Nabatid na mahigit kuwarenta’y singko mil pisos ang laman ng wallet na isinauli naman ng nasabing drayber sa himpilan ng YES FM Boracay nitong hapon.

Ayon traysikel drayber na si Roldan Bito-onon, hindi sa kanya ang pera kung kaya’t nararapat lamang na isauli niya ito.

Bagama’t aminado rin si Bito-onon na hindi niya kikitain sa loob ng isang buwan ang ganoon kalaking pera, subali’t nararapat pa rin umanong maibalik ito sa may-ari.

Kaugnay nito, may pagmamalaki namang hinimok ni Bito-onon ang kanyang mga kapwa drayber na maging tapat at tularan ang kanyang ginawa.

Nabatid na hinanap ng nasabing turista ang kanyang wallet sa terminal ng mga traysikel, matapos umano itong maiwan sa minamanehong traysikel ni Bito-onon.

Panghaharass at pagnanakaw ng mga lady boy sa Boracay, inalmahan ng mga kapwa bading

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Inalmahan ng mga kapwa bading ang panghaharass at pagnanakaw ng mga lady boy sa Boracay.

Ayon sa isang bading na itinago na lamang sa pangalang ‘Charry’, nakakasira sa imahin ng Boracay ang modus na ito ng mga pasaway na bading sa isla. 

Dagdag pa na nadadamay lamang umano ang kanilang grupo sa ginagawa ng kanilang kapwa lady boy sa mga turista, kung kaya’t napag-iinitan din sila ng mga otoridad.

Bagama’t aminado ito na hinahabol nila kung minsan ang mga foreigner para makakuha ng kustomer.

Mariing itinanggi ni ‘Charry’na hindi nila hina-harass at pinagnanakawan ang mga nasabing turista.

Itinuturing na sakit sa ulo ng mga otoridad ang mga lady boy sa Boracay, na pauli-ilit na nagnanakaw at nambibiktima ng mga lasing na foreigner pagsapit ng hatinggabi at madaling araw.

Tree planting activity sa vegetation area ng Boracay, ilulunsad ng BFI

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nakatakdang ilunsad ng BFI o Boracay Foundation Incorporated ang Tree Planting Activity sa vegetation area ng Boracay sa darating na Sabado.

Ito’y may kaugnayan sa layunin ng BFI na maibalik sa dating anyo ang isla sa natural nitong kagandahan.

Kaya naman nag-aanyaya ito sa mga establisemyento sa beach front na suportahan ang nasabing layunin, sa pamamagitan ng pagbibigay daan na makapagtanim ng puno ng niyog ang nasabing grupo.

Inaasahang ang mga volunteers kasama ang mga taga LGU Malay ang gagawa ng panibagong kasaysayan sa isla, sa pamamagitan ng pagtutulungan sa araw ng Sabado.

Ayon pa sa BFI, magiging malaking tulong na kahit sinumang empleyado ng mga establisemyento doon ang magpakita ng suporta sa nasabing aktibidad.

PCG, nagbabala sa mga maliligo sa Boracay dahil sa magkasunod na drowning incident

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagbabala ngayon ang Philippine Coastguard (PCG) sa mga naliligo sa Boracay dahil sa dalawang insidente ng pagkalunod nitong Sabado.

Ayon kay Chief Petty Officer Ronie Hiponia, OIC Station Commander ng PCG Caticlan, Kinilala ang isang biktima na si Kirby Gargantano, disi-nueve anyos ng San Juan, Ilo-ilo City.

Mabuti nalang umano at may mga naka-antabay na coastguard at life guard sa nasabing lugar.

Agad umano itong isinugod sa malapit na pagamutan, matapos muntikang malunod dahil sa malakas na alon sa station 2.

Maliban dito, dahil din sa malakas na alon ang muntikang pagkalunod ng isang trenta y-uno anyos na bakasyunistang Arabo sa station 1 nitong araw din ng Sabado.

Payo ni Hiponia, mas mabuti na huwag nalang maligo kung medyo may kalakasan ang alon dala ng hanging habagat para maiwasan ang insidenti, at sundin ang mga paalala ng mga life guard na nakaantabay sa mga dalampasigan.

Monday, September 23, 2013

Di-umanoy ipo-ipo tumama sa may Tabon Port sa Caticlan

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isang ipo-ipo umano ang tumama sa may Tabon Port sa Caticlan nitong araw ng Sabado bandang alas-singko ng hapon.

Ilan sa mga mismong nakakita dito ay ang mga turistang sasakay ng bangka papuntang Tambisaan port.

Ayon naman sa Philippine Coastguard ito ay naganap sa kalagitnaan ng karagatan ng Tabon at Tambisaan port.

Wala naman anilang tinamaan at nasaktan sa nasabing paghagupit ng ipo-ipo.

Ayon naman sa mga naka saksi bigla nalang dumilim ang paligid sa lugar ng port kung saan nakadaong ang mga bangka.

Basi sa nakuhang impormasyon bigla nalang humagupit ang malakas na hangin kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Agad namang naging alerto ang mga bangkero sa nasabing lugar at sinigurado ang kaligtasan ng mga pasaherong pupuntang Boracay.

Samantala, inalerto naman ng PCG ang mga bangka sa nasabing lugar.

Matinding trapiko sa Caticlan kahapon, ikinainis ng mga motorista

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinainis ng mga motorista ang matinding trapiko sa Baranggay Caticlan kahapon dahil sa sama ng panahon at sa kinukumpuning kalsada ng nasabing lugar.


Halos umabot sa isang oras ang naging trapiko dahil sa mahahabang pila ng malalaking sasakyan na sasakay sa roro sa Caticlan jetty port.

Naging dahilan din ang malakas na buhos ng ulan at sa ginagawang kalsada sa nasabing lugar.

Dahil dito, ikinadismaya ng mga motorista ang matinding trapik na hindi naman kadalasang nangyayari sa nasabing lugar.

Nainis naman ang mga pasahero ng ilang sasakyan dahil sa sobrang bagal ng takbo ng trapiko doon.

Kabilang sa mga nadismaya ay ang mga turistang nagmamadaling makahabol ng kanilang flight papuntang Caticlan airport at Kalibo airport.

Nagsimula naman ang trapiko sa boundary ng bayan ng Malay at Nabas papasok ng Caticlan jetty port at patungong Tambisaan port.

Umano’y bagong modus ng salisi, kinumpirma ng Boracay PNP

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Atensyon sa mga resort at hotel sa isla ng Boracay!

May bagong modus na naman ang mga salisi ayon sa Boracay PNP.

Ito’y may kaugnayan sa nangyaring pagnanakaw umano sa isang hotel sa Barangay Balabag kagabi.

Base sa imbistigasyon ng Boracay PNP sa supervisor ng nasabing hotel.

Bandang alas diyes kagabi nang may dumating na dalawang lalaki at nagtanong kung magkano ang pinakamurang upa sa kuwarto doon.

Sinamahan umano nito ang isa sa mga suspek upang ipakita ang kanilang fan room, habang naiwan sa reception area ang kasama ng kawatan.

Samantala, iniwan ng hindi nakilalang lalaki ang dalang bag sa loob ng itinurong kuwarto, matapos mapaniwala ang supervisor na iyon ang kanilang uupahan.  

Nang pabalik na umano ang supervisor at ang suspek sa reception area.

Nag-alibi (alibay) naman ng huli na baka pumunta sa isang disco bar ang kanyang kasama, kung kaya’t umalis din ito.

Kinalauna’y nagulat na lamang ang ‘bisor’ nang matuklasang wala na sa kanilang reception desk ang kanilang built-in laptop, at putol na rin ang cord nito.

Naniniwala naman ang mga otoridad na bagong modus nga ito ng mga salisi, nang matuklasang tila mga ninakaw na damit lamang ang laman ng iniwang bag ng mga salarin, kapalit ng nakulimbat na laptop.