YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, September 15, 2017

COMELEC- Malay, preparado na kapag tuloy ang Barangay at SK Election

Posted September 15, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 person, sittingHindi pa man nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapaliban ng eleksyon Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) ay handa pa rin ang mga kinatawan ng Comelec- Malay.

Sa panayam ng himpilang ito kay  Malay Comelec Election Officer II Elma Cahilig, naghahanda pa rin sila sakaling matuloy ang eleksyon ngayong taon.

Aniya , sisimulan na ang paghahain ng Certificate of Candidacy sa Setyembre 23 hanggang Setyembre 29 ng taong kasalukuyan kung saan kasama na rito ang araw ng Sabado at Linggo mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Kaugnay nito sa huling araw naman ng pagpasa ng COC sa Setyembre 30 ay hanggang 4:45  lamang sila ng hapon tatanggap ng COC o Certificate of Candidacy at sa oras na mag-umpisa ang election period ay mag-uumpisa na rin ang election ban.

Paalala ni Cahilig sa mga may balak na mag-file ng COC na kailangan nila ng limang kopya ng COC kung saan ang tatlo rito ay isusumite sa kanila kalakip ang documentary stamp sa unang pahina ng form at pinakabagong litrato na passport size at dapat din itong “under oath” o maipa-notaryo sa abogado o sa Election Officer.

Nabatid na mag-uumpisa ang campaign period sa Oktubre 13 hanggang Oktubre 21 kung saan ang mga may balak na tumakbo para sa SK election ay mula edad na 18 hanggang 24 bago o sa araw ng eleksyon.

Samantala, maari rin namang ma- download na mga kakandito ang form para sa pag-file ng COC gamit ang kanilang website na www.comelec.gov.ph.

PCGA magsasagawa ng International Coastal Cleanup

Posted September 15, 2017
Ni Teresa A. Iguid, YES THE BEST Boracay

Image may contain: shoes and textNakatakdang mag sagawa ng International Coastal Cleanup ang Philippine Coast Guard Auxiliary o (PCGA) kasama ang LGU Malay at BFI sa darating na September 16.

Nanawagan sa publiko partikular sa mga residente ng Isla ng Boracay ang PCGA na makiisa at makibahagi ang lahat sa nasabing event na simultaneous na gagawin sa buong mundo.

Dagdag pa nito ang lahat ng partisipitante ay makakatanggap ng Certificate of Recognition kung sila ay nakapag pa-rehistro ng kanilang mga pangalan bago ang September 15.

Sa mga interesadong makilahok at para sa mga lugar na gustong paglinisan maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod:

1. Tambisaan Beach C/O CDR Desiree Segovia (0929 800 9764
2. Mangrove Area C/O LT Fernando Colesio SardaƱas (0921 492 3070)
3. Bulabog Beach C/O CDR Randall Parker (0917 914 6722
4. Yapak Beach C/O LCDR Alex Alamsyah (0917 593 5409)
5. Diniwid Beach C/O LCDR Arnold-Chona Lamsin (0920 946 9589)
6. Asya Premier C/O CDR Melinda Augustin (0907 261 6703)
7. Boracay Terraces C/O LT Claire Ang (0917 808 8872)

Layunin ng naturang event na mapangalagaan ang aplaya o dalampasigan lalo na dito sa isla ng Boracay kung saan ito rin umano ang pagkakataon upang maturuan ang mga nakababatang henerasyon sa pagpapanatili ng kalinisan ng ating likas na yaman.

2017 Tourism Week Celebration, pinaghahandaan na ng probinsya

Posted September 15, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

No automatic alt text available.Samut-saring preparasyon na ang ginagawa ng Probinsya ng Aklan para sa gaganaping Tourism Week Long Celebration 2017 sa susunod na Linggo September 20 hanggang 23.

Ito ay taunang selebrasyon na ginagawa ng mga tourism officials sa buong probinsya para ipakita ang pagpapahalaga at pangangalaga sa turismo ng lalawigan.

Kaugnay nito, isa sa mga magtatanghal ay mga estudyante ng Boracay National High School Dance Troupe ang magpapakita ng kanilang talento sa pagsasayaw sa Talento para sa Turismo na gagawin sa September 21.

Samantala, kabilang sa mga inaabangan na aktibidad dito ay Buri Bag Decorating Contest, Tinda Turismo, Tourism Congress, Concierto sa mga Turismo and “Dungog” Awards Night, Familiarization Tour for PWD’s and Senior Citizens, Tourism Quiz Bee, Laro ng Lahi at Sabor Akean –Cooking Challenge.

Itong  aktibidad ay inorganisa ng Aklan Tourism Officers Association (AkTOA) at Aklan Provincial Tourism Office (APTO) kasama ang labing pitong munisipalidad sa probinsya.

Thursday, September 14, 2017

Pumped-Storage Hydropower Project ng Department of Energy sa Nabaoy, binusisi ng SB-Malay

Posted September 14, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 4 people, people sitting, table and indoorBinusisi ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay ang nakatakdang gawing proyekto ng Department of Energy na Aklan Pumped-Storage Hydropower Project ng Department of Energy sa Brgy. Nabaoy sa bayan ng Malay.

Naging bisita sa 31st Regular Session ng Malay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), BIWC, Boracay Tubi, Malay Water District, at 3 C’s Farmers Association at tatlong Punong Barangay ng Nabaoy, Napaan at Motag.

Sa ginawang paliwanag sa plenaryo ni CENRO Boracay OIC Jonne Adaniel, noong 2015 ay nagsumite umano sa kanilang opisina ang DOE ng application for filing forest land issuance of permit o Special Land Use Permit kung saan ito ay naproseso nitong 2016 at lahat umano ng requirement ay nakumpleto nila na may Department Administrative Order Number 2004-59.

Bagamat nagkaroon umano ito ng sertipikasyon, sambit ni Sangguniang Bayan Member Frolibar Bautista ay may bayolasyon itong proyekto dahil walang endorsement mula sa Sangguniang Bayan ng Malay.

Aniya, bakit nagbigay ng permit na hindi manlang dumaan sa kanila kaya nais ni Bautista na humingi ng kopya ng EO number para malaman nila kung ano ang mga nakapaloob dito.

Image may contain: 1 person, sitting and indoorBago nito, inimbitahan ang Nabaoy Barangay Council na naunang nagbigay ng endorsement at tiningnan ang kahalintulad na proyekto sa Laguna para makita sa personal kung pwede ba itong ikonsidera.

Sa pagtatanong naman ni SB Nenette-Graf kung ano ang magiging epekto sa turismo at sa mga malapit sa lugar, dito na naglabas ng pagkabahala ang Joy Salibio ng 3Cs Farmers Association na maaaring mawalan sila ng suplay ng tubig sa kanilang mga pananim kapag itutuloy ang proyekto.

Dagdag pa ni Salibio, problema na nga sa kanila ang tatlong water provider sa Malay ay dadagdag pa umano itong hydropower power project.

Samantala, sa inisyal na komento mula sa BIWC, Boracay Tubi, at Malay Water District, ang suplay ng tubig mula sa ilog ang kanilang ikinababahala na baka hindi na kaya nitong suplayan ang Boracay at Malay kapag natuloy.

Para malinawan ang Sangguniang Bayan hinggil sa isyu, balak nilang imbitahan ang NWRB o National Water Resources Board para pagpaliwanagin.

Wednesday, September 13, 2017

Simulation Exercise ng Joint Task Force Boracay, naging matagumpay

Posted September 13, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image may contain: one or more people, outdoor and natureNaging matagumpay ang isinagawang simulation exercises ng mga kinatawan ng Joint Task Force Boracay kahapon, Setyembre 12 ng taong kaslukuyan.

Sa panayam ng himpilang ito kay LCDR Julius P. Reyes, wala naman umanong aksidenteng nangyari habang isinasagawa ang naturang exercises na nag-umpisa ng alas-nuebe ng umaga na nagtapos ng ala-una ng hapon.

Nabatid na nagkaroon ng anim na scenario ang naturang aktibidad kung saan ito ang Capability Demonstration Exercise (Bomb Explosion), Capability Demonstration Exercise (Fire Incident), Capability Demonstration Exercise (Hostage Taking), Capability Demonstration Exercise (Terrorist Reinforcement Onboard of Water Craft), Capability Demonstration Exercise (Sighting Two Watercrafts of the Terrorist), at Land Scenario.

Image may contain: one or more people, sky, outdoor and nature Naging bisita rito sina LT GEN Oscar T Lactao, AFP Commander Central Command; PDIR Moro Virgilio M Lazo, Dipo Visayas, MGEN Jon Aying, AFP Commander 3rd Infantry Division, PA, PCSUPT Cesar Hawthorne Binag, RD PRO6.

Katuwang sa ginawang Capabillity Demonstration Exercise ang PNP BTAC, PNP Maritime, Philippine Navy, Philippine Marines, Task Force Boracay-Philippine Army, Philippine Coast Guard/Auxiliary, BFP, Boracay Action Group-BFRAV Responders, LGU Malay, MDRRMO-Malay, Kabalikat Civicom Volunteers, Security Heads/Managers, PCCI Boracay, Stakeholders at New Coast Boracay-Savoy Hotel.

Samantala, matapos ang naturang demonstration exercises nasundan ito ng dialogue kasama ang mga bisita at Stakeholders para sa ikakaayos ng isla kung saan nabanggit dito na walang panganib sa Boracay.

Paglaan ng plastic containers para sa koleksyon ng nabubulok na basura iniutos na ni Mayor Cawaling

Posted September 13, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Inilabas na ang Executive Order No. 026 na pirmado ni Mayor Ceciron Cawaling  na nag-uutos sa lahat ng mga establisyemento sa isla ng Boracay na maglaan ng kani-kanilang plastic containers para sa nabubulok na mga basura.

Ibinase ng alkalde ang utos sa Republic Act No. 9003 o mas kilala bilang Ecological Solid Waste Mangaement Act of 2000, na ang mga LGU’s ay kailangang magkaroon ng maayos, komprehinsibo at ecological solid waste programs.

Nabatid na lahat ng mga establisyemento sa isla ng Boracay ay nararapat na magkaroon ng dalawang piraso ng plastic containers o basurahan  kalakip ang pangalan mismo ng establisyemento na naka-label dito.

Kaugnay nito, para sa araw-araw na paghahakot ng mga basura kinakailangan din na ang kapasidad nito ay nasa 5 hanggang 10 kilo.

Layun ng naturang Executive Order na matiyak ang proteksyon sa kalusugan ng mamamayan maging ang kapaligiran at ng sa ganun ay mapalakas pa ang hangaring maprotektahan ang ganda ng isla.

Samantala, sisiguraduhin naman ng LGU-Malay ang wastong segregasyon, koleksyon, pagdadala, pag-iimbak at pagtatapon ng basura sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng pinakamahusay na paraan para sa ecological waste management.

BFI, tutol sa ibinalangkas na Tax Ordinance ng Probinsya ng Aklan

Posted September 13, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 person, standingNaglabas ngayon ng position letter ang BFI o Boracay Foundation Incorporated na tinututulan ang proposed tax ordinance ng provincial government ng Aklan na naka-ambang ipatupad sa susunod na taon.

Bagamat sinusuportahan ng BFI ang pagpataw ng mas mataas na buwis lalo na sa Real Estate Taxes, ang mahalaga ay mapunta ito sa infrastructure development ng isla at sa ilan pang government services.

“Okay lang ang pagtaas ng Tax, basta bigyan ng aksyon ng probinsya ang kanilang mga proyekto”, ito ang sinabi ni Sangguniang Bayan Member at BFI President Nenette Aguirre-Graf sa ginanap na public hearing sa Covered Court ng Nabas kaugnay ng isinusulong na Tax Ordinance ng probinsiya ng Aklan.

Partikular na pinunto ni Graf ang tungkol sa lubak-lubak at hindi naaayos na kalsada ng Boracay at Caticlan pati na ang Senior Citizen at PWD’s umano na sumasakay sa mga pumpboat sa mga pantalan na wala umanong express lane para sa kanila kung saan pati ang ospital sa Boracay ay pinuna din nito.

Sa position letter naman ng BFI na naka address kay Vice Governor Quimpo, sobrang mataas at hindi makatwiran ang buwis na ipapatupad lalo na at hindi raw ito idinaan sa konsultasyon bago ibinalangkas.

Umapela rin ang BFI na payagan silang mag-sumite ng counter proposal na magiging patas para sa lahat ng sektor dahil naniniwala sila na ang mataas na buwis sa real property ay makaka-apekto sa mga maliit na namumuhunan at mga trabahador sa isla.

Hiniling rin ng grupo na dapat ay pag-aralan itong muli ng Provincial Assessor’s Office.

Bago nito, nanindigan at tumututol din ang Sangguniang Bayan ng Malay lalo na si SB Member Fromy Bautista sa nasabing proposed tax ordinance.

Ani Bautista, kawawa ang mga taga mainland Malay kapag ipinatupad ito dahil iba ang estado ng buhay sa Boracay kumpara sa mga mainland na karamihan ay nagsasaka lang.

Kaugnay nito, naglabas ng resolusyon ang SB Malay at binigyan sila ng sampunbg araw para magpresent kung ano ang kanilang pinal na desisyon ukol dito kung saan kung anuman ang magiging kinalabasan nito ay susuportahan ito ng Boracay Foundation Incorporated (BFI).

Tuesday, September 12, 2017

KASAFI at Chairman MeƱez, ginawaran ng pagkilala ng NEDA

Posted September 12, 2017
Ni Teresa A. Iguid, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 personGinawaran ng pagkilala ang Kalibo Santo NiƱo Ati-Atihan Foundation, Inc. o (Kasafi) at ang Chairman na si Albert MeƱez ng Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA).

Sa panayam ng himpilang ito kay KASAFI Chairman Albert MeƱez, sinabi nitong dalawang kategorya ang kanilang sinalihan, at ito ay ang individual category at organization category.

Aniya mula sa anim na entries para sa organization category, isa ang KASAFI sa dalawang napili na parangalan ng nasabing pagkilala.

Isa rin umano sa tatlong napili mula sa walong entries na gagawaran ng pagkilala si MeƱez para naman sa individual category .

Pahayag ni MeƱez, ito ang unang pagkakataon na nakatanggap sila ng pagkilala bagamat madalas naman silang nominado.

Ang pagkilala ay iginawad ng NEDA sa kanilang Regional Development Concil VI meeting noong September 8 ng taong kasalukuyan.

Samantala, ang nasabing pagkilala ay isasali rin sa nasyonal na paparangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buwan ng Disyembre.

Ang PNVSCA ay sa ilalim ng National Economic and Development Authority(NEDA), ang ahensya kung saan sa  pamamagitan ng kanilang taunang Search for Outstanding Volunteers (SOV) ay gumagawad ng pagkilala sa mga volunteer groups at natatanging indibidwal sa buong bansa.

Kooperasyon at Pagtutulungan ang sagot sa problema sa Boracay - Vice Mayor Sualog

Posted September 12, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Upang makatulong na maresolba ang “problema” sa isla ng Boracay, dapat umanong makipagtulungan ang mga residente.

Ito ang sinabi ni Vice Mayor Abram Sualog kung saan pinunto nito ang tungkol sa illegal connection na suliranin pa rin sa ibat-ibang mga establisyemento dito sa isla.

Bagamat malaking hamon umano ito sa LGU-Malay, hindi raw nila kaya kung gobyerno lang ang haharap sa ganitong klaseng problema.

Inihalimbawa ni Sualog noong siya ay Barangay Captain pa ng ManocManoc na seryoso raw nitong binigyan ng warning ang mga may  illegal connection at sinemento nito ang tubo na naka-konekta sa drainage.

Binigyan din daw nito ng babala na kung hindi nila aayusin ang kanilang connection ay ipa-publish nito ang kanilang mga pangalan sa media.

Simula umano noon ay naging maganda ang kanilang pakikipag-koordinasyon sa mga may-ari kung saan labis naman ang kanyang pasasalamat na ito ay unti-unting nasunod.

Dagdag pa nito, huwag i-asa lahat sa gobyerno kung ano ang mga pagbabago na dapat gawin sa isang lugar.

Paalala nito sa mga residente, tumulong at magtanong kung ano ang pwedeng maitulong sa bayan upang walang ibang taong masisi at ma-preserve ang usaping kapaligiran ng Boracay.

Monday, September 11, 2017

Inspeksyon para sa Vehicles Registration sa Boracay gagawin ngayong Setyembre – LTO Aklan

Posted September 11, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image result for Land transportation office logo
“Walang registration kung walang inspeksyon”.

Ito ang naging pahayag ni Elsa L. CastaƱos, Acting Chief ng Land Transportation Office ng Aklan sa panayam ng himpilang ito.

Nabatid na isasagawang muli ng mga kinatawan ng Land Transportation Office o (LTO) ngayong Setyembre ang pag-iinspeksyon ng mga sasakyan tulad ng single-motorbike, tricycle, at mga four-wheel vehicle sa isla ng Boracay.

Ang pag-iinspekyun bago ang pag-renew ng rehistro ng sasakyan ay naka- iskedyul tuwing ikatlong Miyerkules kada buwan kung saan ngayong buwan ay gaganapin sa Setyembre 20.

Ani CastaƱos,  maari ring mag pa-inspeksyon ang mga mag-i-expired sa Oktubre at Disyembre na registration.

Ang aktibidad na ito ay upang maabot ang isla dahil batid ng LTO ang problema at hirap sa pagtawid at pagdadala ng sasakyan para iparehistro sa Kalibo kung kaya’t sila na ang pupunta rito.

Dagdag pa ni CastaƱos, pagkatapos ng inspeksyon ay maaari na silang tumuloy sa smoke emission at bumili ng insurance at sa oras na makumpleto ang lahat ng requirements ay maari na itong lakarin sa Kalibo hawak ang mga kompletong dokumento at hindi na kailangang dalhin pa ang sasakyan.

Nabatid na tatlong taon na nilang isinasagawa ang naturang inspeksyon sa isla ng Boracay.

Samantala, kung ang e-trike naman ang pag-uusapan  ayon sa kanya ay na check nila ito at may registration naman ngunit ito ay private at ito ay nakadepende na sa Management ng Malay .

Malay Municipal Civil Registrar, naghanda ng “Kasalang Bayan”

 Posted September 11, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Maisasakatuparan na ng mga mag-partner ang kanilang minimithi dahil sa darating na Biyernes September 15 ay magpapalitan na ang mga ito ng “I do” bilang simbolo ng pag-iisang dibdib at pagiging ganap na mag-asawa.

Image result for malay municipal civil registrar

Isang “Kasalang Bayan” ng Lokal na Pamahalaan ng Malay ang gaganapin sa covered court ng Malay..

Ayon sa Office of Municipal Civil Registrar, layunin umano ng Kasalang Bayan na maging legimate ang pagsasama ng mag-asawa at ng kanilang mga anak sa harap ng Diyos at mata ng tao.

Nabatid na taunang programa ito ng Municipal Civil Registrar sa bayan ng Malay.

Ang Kasalang Bayan ay bahagi ng social program ng Lokal na Pamahalaan ng Malay sa pangunguna ni Mayor Ceciron Cawaling kung saan siya rin ang kakasal sa mga aplikanteng magsing-irog.

BTAC abala sa Oplan Katok, Oplan Boga at Project Tokhang : Reboot

Posted September 11, 2017
Ni Teresa A. Iguid, YES THE BEST Boracay

Abala ngayon ang kapulisan ng Boracay PNP lalo na sa nagpapatuloy na kampanya kontra-droga at mga loose firearms.


Sa panayam ng himpilang ito kay Boracay Tourist Assistance Center o (BTAC) PSI Jose Mark Anthony Gesulga, nagsasagawa sila ngayon ng kampanya na Oplan Katok at Oplan Boga kung saan nitong nakalipas na araw ay  ang kanilang Police Personnel sa Brgy. Manocmanoc upang makipag-coordinate kaugnay sa Oplan Katok at Project Tokhang: Reboot.

Paliwanag nito, ang Oplan Katok ay ang house visitation o ang pag-punta sa bahay ng mga nag-mamay-ari ng expired na mga armas upang paalalahanan na i’renew ang mga dokumento ng mga baril na naka-rehistro sa Firearms and Explosives Security and Guard Supervision o (FESAGS).

Samantala ang “Oplan Boga” naman umano ay ang pag surrender o ang pag safe keep ng mga armas sa pinaka-malapit na police station sa lugar o sa Aklan Police Provincial Office o (APPO) mismo, habang hinihintay pang ma-proseso ang pag-renew ng papeles nito.

Paalala pa ni Gesulga, ang sinumang mahulihan na nagdadala o may itinatagong expired na mga armas ay maaaring ma kasuhan ng Republic Act 10591 o New Comprehensive Firearm Law kaya mas mabuting i-surrender na ito.

Kasabay ng mga kampanyang ito ay ang back to zero process ng Project Tokhang:Reboot kung saan mag su-submit ulit ang barangay anti drug abuse council  o (BADAC) ng listahan ng mga pangalan ng newly identified drug personality na kanilang iva-validate.

Kapag sila ay naging positibo sa isinagawang validation, sila ay kailangang mag Bio Profile Form o (BPF) at sasailalim sa mga aktibidad ng isang surrenderee na kabahagi ng drug rehabilitation.

Nabatid na ang Oplan Katok at  Oplan Boga ay alinsunod sa utos ni Presidente Rodrigo Duterte at PNP Chief Ronald Dela Rosa na tumututok sa mga loose firearms upang hindi ito magamit sa kasamaan.

MDRRMO, magsasagawa ng Lifeguard Training sa Boracay

Posted September 11, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for lifeguard training
Isang training ngayon ang isasagawa ng Lokal na Pamahalaan ng Malay sa mga nagbabantay sa kahabaan ng long beach upang ang mga ito ay makapag-responde at maging bahagi ng Lifeguard.

Ayon kay Catherine Ong ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Malay, itong training ay tatagal ng limang araw kung saan magsisimula ito sa September 18 hanggang 22.

Ani Ong, itong programa ay napakahalaga lalo na para sa isla at sa kaligtasan ng mga turista.

Image may contain: 1 person, standing, phone, outdoor and closeupNais ng MDRRMO na magiging panatag ang mga bakasyunista sa kanilang paliligo dahil meron ng mga sinanay na mag-rescue sakaling magkaroon ng near-drowning incident sa baybayin ng Boracay.

Inaasahang mahigit 60 ang sasailalim sa Life Guard Training ng LGU-Malay sa pangunguna ng MDRRMO.

Nabatid na ilan sa mga sasanayin at bibigyan ng training ay ang mga Beach Guard, Malay Auxuliary Police at iba pang mga volunteer group sa isla.

Korean National, natangayan ng 50K ng salisi sa Boracay

Posted September 11, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: sky and outdoorIsa na namang turistang Koreana ang nabiktima ng hindi nakilalang suspek na nagsalisi habang ito ay nakaupo sa loob ng isang fast food chain sa Boracay.

Nagpasaklolo ang biktimang si Lee Nam Young, 50-anyos at pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa Yapak sa mga pulis matapos umanong kinuha ang kanyang bag na naglalaman ng kanyang passport, credit cards, $316 Dollars, 60,000 Korean Won at mahigit P 50,000.

Kwento ng biktima naghihintay umano siya na dumating ang tour guide para sa kanilang island activities subalit hindi nito namalayan na kinuha na pala ng magnanakaw ang bag nito.

Patuloy sa ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng BTAC sa nabanggit na restaurant kung saan hindi ito ang unang beses na may ninakawan sa loob mismo ng kanilang establisyemento.