Posted September 7, 2017
Ni Inna Carol L.
Zambrona, YES THE BEST Boracay
Bumaba ang naitalang kriminalidad ng Boracay Tourist
Assistance Center o (BTAC) sa buwan ng Agosto kung ikukumpara ito sa nakaraang
taon sa kaparehong buwan.
Sa Comparative Crime Data ng BTAC, nitong nakalipas na
buwan ay 62.9 % ang ibinaba sa record nila kung saan nakapagtala lamang sila ng
kabuuang 69 na kriminalidad kumpara sa 186 noong nakaraang taon.
Ayon kay BTAC PSI Jose Mark Anthony Gesulga, malaki ang
ibinaba sa Non-Index Crime tulad ng estafa, unjust vexation at malicious
mischief.
Dagdag pa ni Gesulga, halos kalahati rin ang ibinaba ng
mga kasong physical injury at theft o pagnanakaw na umano’y madalas nangyayari
sa pagitan ng alas-onse ng gabi hanggang alas-tres ng madaling araw.
Bagamat may mga naitatala paring insidente ng nakawan sa
isla, ayon sa hepe ay kadalasang nasa loob ng mga hotel o residential unit ito
nangyayari dahil nabawasan na ang kaso ng salisi sa beachline sa tulong ng
police visibility at force multipliers.
Nagpapasamalamat naman si Gesulga sa BPATS, Malay
Auxiliary Police, Beachguard, PARDSS FOUNDATION, PARDSS ANTI-CRIME, KABAYAN, KABALIKAT
CIVICOM at iba pang force multipliers na tumutulong sa kanila upang masawata
itong mga gumagawa ng hindi maganda sa sa isla ng Boracay.