YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, March 05, 2012

Task Force Moratorium, kamay ng LGU Malay laban sa iligal na konstraksiyon

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bubuo ng Task Force Moratorium ang lokal na pamahalaan ng Malay para ma-regulate na ang illegal na konstraksiyon sa Boracay.

Ito ay dahil hindi lamang pala ang mga stakeholders sa isla ang nakapansin sa kasalukuyang sitwasyon ng Boracay kaya humiling ang mga ito ng moratorium para pansamantala ay makontrol ang pagdami ng mga gusali dito.

Pati ang Punong Ehikutibo at ang lokal na opisyal ng Malay ay aminado na kailangan na talaga itong ipatupad sa tanyag na isla ng Boracay.

Ito ang isiniwalat ni Alma Beliherdo, Municipal Planning Officer ng Malay.

Ayon dito, mismong ang alkalde aniya ay aminado at sang-ayon na ipatupad muna ang regulasyon sa mga magtatayo ng gusali sa isla habang isinasaayos pa ang lahat ng inprastraktura na naririto na upang maging angkop din para sa panturismong anyo ang Boracay.

Bunsod nito, inaasahang isusunod na rin ayon kay Beliherdo ang pagbuo ng Task Force moratorium, kung saan ang mga building opisyal din ng bayang ito ang manginging kamay at tagapatupad sa oras na matuloy na.

Layunin umano ng moratorium na ma-regulate at ma-inventory na rin ang mga illegal na konstraksiyon sa Boracay.

Koleksiyon ng LGU Malay sa Environmental Fee, hindi tumugma sa rekord ng arrivals

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pinuna ng konseho ang hindi pagtugma ng naitalang record ng Municipal Tourism Office sa koleksiyon ng Malay Municipal Treasurer.

Sapagka’t buwan palang ng Enero ay umabot na sa mahigit 110,000 ang naitalang pumasok na turista sa Boracay.

Kaya kung susumahin ang nakolektang environmental fee na nagkakahalaga ng P75,000.00 sa bawat isang turista, umaabot na ito ng P8.2 milyon ayon kay Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron. 

Subali’t sa isiniwalat nito nitong Martes sa sesyon, napag-alaman aniya mula sa tanggapan ng Municipal Treasurer na ang nakolekta nila ay nasa P7.9 milyon lamang kaya nagtaka ito.

Lumalabas din na mahigit isang milyong piso ang nawala sa kaban.

Gayun pa man, sa paliwanag umano ng tanggapang ito, hindi nakuha ang mahigit P8.2 milyon dahil sa minsan ay nagbibigay ng diskwento ang mga ito sa Senior Citizen at mga estudyante.

Bunsod nito, hiniling ni Pagsugiron sa konseho na kung maaari ay ipasilip ang bagay na ito, lalo pa at may mga impormasyon na minsan naman umano ay nakakalusot sa isla ang ilang turista partikular ang mga grupong dumarating na ang iba sa mga ito ay hindi na napabilang sa pagkuha ng environmental fee.

Moratorium sa pagtatayo ng gusali sa Boracay, sisimulan ngayong Marso

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kinumpirma ni Alma Beliherdo, Municipal Planning Officer ng Malay, na isang taon ang itatagal ng Moratorium na balak ipatupad sa Boracay, sa mga nais magpatayo ng gusali sa isla.

Subali’t depende umano ang lahat sa magiging takbo ng pagsasa-ayos o pagsasatatama sa mga inprastrakturang naririto na sa isla para maging akma sa development plan, katulad ng drainage, sewer, kalsada at iba pa.

Pero hindi naman umano ibig sabihin nito ay ipagbabawal na ang pagpapatayo ng gusali at sa halip ay magkakaroon lamang ng regulasyon o exception.

Halimbawa nito ay kung magtatayo ng gusali ang isang Non-Boracaynon ay dapat na ang construction cost ay hindi bababa sa dalawampung milyong piso, at hindi rin dapat bababa ng limang milyong piso para sa mga Boracaynon.

Dagdag pa ni Beliherdo, kasama at pahihintulutang makapagpatayo ng gusali ang isang Boracaynon kahit may moratorium basta pang residential lamang.

Gayon pa man ang lahat ng ito ay naka-depende kung ipapasa ng konseho para pormal nang maisabatas at kung maibaba na ang Executive Order ng Punong Ehikutibo.

Samantala, nabatid naman mula kay Beliherdo na target umanong ipatupad ng alkalde ang moraturium ngayong buwan ng Marso.

Nag-ugat umano ang ganitong plano mula mismo sa kahilingan ng mga stakeholder sa Boracay.

Karagdagang himpilan ng pulis sa Boracay, maaaring magdala ng konplikto

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa umano’y konplikto sa mga awtoridad, tila hindi sang-ayon ang Provincial Director ng Aklan Police sa nais mangyari ng Sangguniang Bayan ng Malay na nagkaroon ng isa pang himpilan ng pulisya sa Boracay.

Sapagkat ayon kay P/Senior Supt. Cornelio Defensor, Provincial Director ng Aklan Police Provincial Office (APPO), sa kasalukuyan kahit pa Boracay Tourist Assistance Center na ang pangalan ng himpilang dito, pagbibigay serbisyo para sa lahat ang tinutugunan naman umano ang BTAC, at hindi lamang puro ang may kaugnayan sa turista ang sakop nila.

Bunsod nito, sakaling matuloy aniya ang pagkakaroon ng isa pang himpilan, lalo pa at may magka-ibang description ng trabaho, inaasahan aniya nitong magkakaroon ng konplikto sa bagay na ito.

Ang pahayag na ito ni Defensor ay bilang reaksiyon ng Provincial Director sa resolusyong ipinasa ng konseho na isinulong ni SB Member Jonathan Cabrera, na humihiling sa pamunuan ng Philippine National Pulis na maglagay ng isa pang presento sa isla na isasailalim sa kontrol ng Punong Ehekutibo ng Malay.

Karagdagang Pulis Station para sa Boracay, Hiniling ng SB Malay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Aprubado at naipasa na ng Sangguniang Bayan ng Malay ang resolusyon na maglagay ng karagdagang presinto ng pulis sa Boracay.

Subali’t sa pagkakataong ito, ang presintong hiniling ng konseho ay dapat isasa-ilalim na sa kontrol at regulasyon ng Punong Ehekutibo ng bayan ng Malay.

Kabilang na dito ang pagkakaroon ng awtoridad ng alkalde upang mamili ng ilalagay na hepe, na hindi sakop o saklaw ng Aklan Police Mobile Group (APMG).

Sa resolusyong ipinasa ng SB, nakasaad ang kahilingan ng konseho para kay Philippine National Police Director General Nicanor Bartolome, na maglagay ito ng isa pang himpilan sa isla, na siyang tutugon sa mga problema o krimen sa Boracay na walang kaugnayan sa turismo.

Layunin lamang umano ng konseho na kahit may Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na ay mapagaan din ang obligasyon nito, at upang mapag-tuunan ng mga ito ang pagbibigay aksiyon sa suliranin ng mga turista.

Matatandaang kamakailan lang ay naging isyu kung sino ang may mas higit na karapatan sa pagpili ng iluluklok na hepe sa Boracay Police, gayong ang kasalukuyang himpilan sa isla ay nasa-ilalim at kontrol ng pamahalaang probinsiya --- APMG at Department of Tourism.

Provincial Police at Kalibo Airport, walang K9

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nanaisin man ng Provincial Command na magkaroon ng sariling K9 para sa Explosive and Ordinance Disposal (EOD) ng pulis sa Aklan.

Subali’t hindi umano kakayanin ng pondo ng Aklan Police Provincial Office (APPO) na bumili nito.

Ito ang inihayag ni S/Supt. Cornelio Defensor, Provincial Director ng Aklan Police Provincial Office, kasunod ng nangyaring bomb scare sa Kalibo International Airport (KIA) nitong Martes.

Ikakatuwa naman niya aniya sana nila na magkakaroon din ng K9 ang pulis para may magamit sa Kalibo.

Pero dahil sa milyon din ang halaga kung bibili nito at kailangang magkaroon din taong bihasa o sasanayin para mag-alaga, magsanay at hahawak sa asong ito.

Sinabi ni Defensor na hindi kakayanin ng pondo lalo pa at limitado lang din ang budget nila, maliban na lang aniya kung may magbibigay ng K9 para sa pulis.

Kaya kailangan pang humiram sila dito sa Coast Guard Caticlan, Aviation Police sa Caticlan Airport at sa Philippine Army sa Boracay kung kailangan ang K9 sa bayan ng Kalibo.

Ang pahayag na ito ni Defensor ay sagot nito sa napag-alamang walang K9 ang EOD ng Aklan Pulis, gayon din ang Kalibo International Airport.