YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, July 26, 2017

Tattoo artist sa Boracay, arestado sa buy-bust operation

Posted July 25, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for buybustArestado ang isang tattoo artist sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Yapak, Boracay kahapon.

Kinilala ang suspek na si Rafael Badilla y Alfabete. 34-anyos at residente ng Sitio Bolabog ng Brgy. Balabag.

Nakabili sa kanya ang nagpanggap na poseur buyer ng isang sachet ng shabu kapalit ng P 1,500 buy-bust money.

Samantala nang kapkapan, nakuha pa sa suspek ang dalawa pang sachet ng droga.

Si Badilla ay nahuli ng pinagsanib na pwersa ng Boracay PNP, Malay PNP, 605 th Maritime, 12 th IB TIU at PDEA RO-6 sa ilalim ng pangangasiwa ni IAS Christina D Cabatingan, Chief Operation Division.  

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 of Article II Republic Act 9165 ang suspek.

Monday, July 24, 2017

1M na Tourist Arrival naitala sa First Half ng taon -Velete

Posted July 24, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 2 peopleMahigit 1 milyon na ang naitalang bilang ng mga bumisita sa isla sa loob lamang ng anim na buwan ng taong kasalukuyan.

Sa panayam ng Boracay Good News kay DOT Boracay Sub-Office Tourism OIC Kristoffer Leo Velete, ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na simula Enero hanggang Hunyo a trenta ay pumatak na sa 1,107,167 bilang ng tourist arrival.

Nangunguna pa rin umano sa ngayon ang mga Korean Nationals subalit hindi naman nalalayo ang bilang ng mga Chinese kung saan base sa datos isang libo lamang ang lamang nito sa pangalawa na umabot ng kabuuang 174,000.

Tinitingnang dahilan sa paglobo ng numero sa turismo ng Boracay ay ang relasyon ng bagong administrasyon sa bansang China sa kabila ng mga nangyayari sa Pilipinas.

Ayon pa kay Velete, may mga bansa rin ang napasama ngayong taon na hindi inaasahang lulobo ang bilang katulad na lamang ng bansang Malaysia na umabot sa 11,097 sa loob lamang ng kalahating taon.

Magugunitang naging numero uno ang Boracay sa Malaysian Association of Travel and Tours Inc.(MATTA) bilang Favorite Beach Destination sa taong 2015 na naging factor sa konstribusyon ng Malaysian Nationals.

Nabatid na ang lahat ng ito ay resulta ng marketing efforts ng mga agencies at mga tour companies na target ang iba’t-ibang nationalities.

Samantala, nakatulong rin umano dito ang pagdaong ng mga cruiseship na nagbigay dagdag sa tourist arrival ng taong 2017.

LGU-Malay, naghihintay nalang ng kabuuang kopya ng EO ni Duterte para sa pag-implementa ng Smoking Ban

Posted July 24, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for Smoking BanHinihintay na lang ngayon ng LGU-Malay ang kopya mula sa DILG o Department of Interior and Local Government para sa pag-implementa ng EO ni Pangulong Duterte patungkol sa smoking ban.

Sa panayam kay Executive Assistant IV Rowen Agguire, bagamat may sarili ng ordinansa ang Malay ay handa na umano ito sa implementasyon dahil para sa ikakabuti naman ito ng publiko.

Samantala, oras na ma-implementa ito ang mga miyembro naman ng Barangay Auxiliary Police/Brgy. Tanod at Philippine National Police (PNP) ang siyang tutulong sa pagsita sa mga lalabag dito.
Nabatid na nakapaloob sa Executive Order na hindi maaaring manigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar kabilang na sa mga sasakyan tulad ng tricycle, jeep, barko o maging sa eroplano, umaandar man o nakahinto ang mga ito.

Sa ilalim ng batas, parurusahan ang mga estabisimyento o mga tindahan na makitang nagbebenta ng sigarilyo 100 metro malapit sa mga paaralan at mga lugar ng mga menor de edad.

Nabatid ang sino mang lalabag dito ay pagmumultahin ng P500 hanggang P10, 000 at pagkansela sa business permit.

Naging epektibo na kahapon ang Executive Order No. 26 o Nationwide Smoking Ban na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.