YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, May 10, 2014

Ordinansang magre-regulate sa mga Fire Dancers sa Boracay, pinag-uusapan na sa SP Aklan

Posted May 10, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinag-uusapan na sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang ordinansa hinggil sa pagre-regulate ng mga Fire Dancers sa isla ng Boracay.

Sa 15th regular session ng SP Aklan nitong myerkules, napagkasunduang isangguni muna ang nasabing ordinansa sa Committee on Laws at Committee on Tourism.

Ito’y dahil sa nakatakda munang imbitahan sa isang pagpupulong ang proponent ng nasabing ordinansa mula sa bayan ng Malay.

Samantala, maaalala sa mga naunang mga ulat na ini-akda ni Malay SB Member Frolibar Bautista ang nasabing ordinansa upang maisaayos narin ang mga fire dancers sa Boracay.

Sa kabila nito, nilinaw naman ng Department of Tourism (DOT) na hindi tatanggalan ng trabaho ang mga fire dancers sa isla dahil ito ang kanilang pinagkukunan ng hanap buhay.

Subalit, kailangan din umanong kontrolin ang ganitong gawain upang maiwasang ma-pollute o masira ang puting buhangin ng Boracay.

Sakaling maging isang ganap ng batas maaaring maharap sa iba’t-ibang penalidad ang isang fire dancing show kapag mapatunayang lumabag sila batas.

Mister, nagreklamo sa Boracay PNP matapos bugbugin ng misis

Posted May 10, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inereklamo ng mister ang kanyang lasing na misis sa Boracay PNP Station matapos umano itong bugbugin.

Ayon sa report ng mister na itinago sa pangalang “Ruel”, sinundo nito nitong huwebes ng hating-gabi ang misis na si “Gea” habang umiinom di umano ng alak malapit sa isang apartment sa Balabag Boracay.

Subalit isang mainit na argumento ang namagitan sa kanila, kung saan sinampal di umano ito ng misis at pinagbubugbog na nagresulta ng injury sa kanyang dibdib at iba pang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng Boracay PNP Station ang nasabing pangyayari.

Iba’t-ibang palabas at paligsahan, tampok sa Kapistahan ng Barangay Balabag

Posted May 10, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Magiging kakaiba umano ang selebrasyon ng Kapistahan ng Barangay Balabag ngayong taon.
Ayon kasi kay Balabag Barangay Captain
Lilibeth SacapaƱo.

Ipapakita nila ang kultura ng Boracay sa pamamagitan ng iba’t-ibang paligsahan at palabas na magsisimula mamayang gabi hanggang sa Lunes, May 12.

Kaugnay nito, inaayayahan din ni ‘Kap Lilibeth’ ang lahat sa Welcome Ball mamayang gabi sa Balabag Plaza na pasasayahin ng singing at dance contest.

Ipinagdiriwang umano ng barangay Balabag ang kapistahan bilang pagmamahal sa kanilang patrona na si Birheng Maria.

Samantala, nagpaalala naman ang Holy Rosary Parish Boracay sa mga aktibidad ng simbahan kaugnay sa nasabing kapistahan.

Ayon kay HRP Boracay Priest Moderator Father Arnold Crisostomo, isang misa ng pasasalamat ang gaganapin sa simbahan na susundan ng prusisyon, at high mass na pangungunahan naman ni Diocese of Kalibo Bishop Msgr.Jose Corazon Talaoc.

Samantala, excited na rin ang mga residente ng Barangay Balabag, lalo pa’t bukas na ang inaabangang coronation night sa bispera ng nasabing pagdiriwang.

Regine, Tom at Dennis, pinagkaguluhan sa isla ng Boracay kagabi

Posted May 10, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinagkaguluhan kagabi sa isla ng Boracay ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez at ang mag love team sa teleserye na sina Dennis Trillio at Tom Rodriguez.

Kung saan todo hiyawan ang mga manunuod ng lumabas na ang dalawang aktor sa isang show kagabi na isinagawa sa Station 1. Boracay.

Pinakilig ng mga ito ang kanilang mga taga-suporta sa pamamagitan ng ginawang games kung saan dalawang dilag ang kinuha mula sa audience para samahan sina Dennis at Tom sa entablado.

Malaki naman ang pasasalamat ng dalawa dahil sa mainit na pagsuporta at pagtanggap sa kanila ng kanilang mga taga hanga sa Boracay.

Sa kabilang banda inaliw rin ng Asia’s Songbird ang kaniyang mga manunuod sa isinagawang taping para sa show nito kung saan guest naman niya ang aktres na si Max Colli
ns.

Ilan pang mga sikat na artista ang nakisaya sa naturang event na kinabibilangan nina Isabel Daza, Rhian Ramos, LJ Reyes, Bettina Carlos, Rochelle Pangilinan, Solenn Heusaff, Andrea Torres at ang mga hunk na sina Mike Tan, Rafael Rossel, Pancho Magno, Mikael Daez, Arthur Solinap at JC Tiosico.

Samantala, mamayang gabi ay magkakaroon naman ng Mini Concert sa beach front na pangungunahan mismo ni Regine Velasquez at ng ilang stand-up comedian sa bansa habang bukas ay paiinitin pa lalo nina Dennis, JC, Rafael at Tom ang Boracay.

Signages kaugnay sa mga ordinasa sa Boracay, ikakalat ng BFI sa Caticlan at Boracay

Posted May 10, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikakalat ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) sa ilang lugar sa isla at Caticlan ang mga signages kaugnay sa mga ordinansa sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos ang naiwang tambak-tambak na basura sa shoreline nitong nakalipas na LaBoracay kung saan mayroong isinagawang event.

Ayon sa BFI ilalagay nila ito sa Caticlan Airport at Jetty Port kabilang na ang malaking signboard sa Cagban Port na naglalaman ng mga Do’s and Don’ts sa Boracay.
               
Aminado naman ang BFI na sadyang marami paring mga turista ang hindi nakakaalam sa mga ordinansa sa isla, kung kaya’t malaya ang mga itong nakakagawa ng mga bagay na ipinagbabawal lalo na’t hindi sila napapansin ng mga nagbabantay na otoridad.

Nabatid na mahigpit na ipinagbabawal ng Lokal na Pamahalaan ng Malay ang paninigarilyo, pag-inum ng alak at pagdadala ng pagkain sa beach front dahil sa ang ilan ay iniiwan lang ang kanilang basura sa puting buhangin ng isla.

Maaari namang bigyan ng kaukulang parusa ang mga mahuhuling lumabag sa naturang batas o mabigyan ng karampatang pinalidad.

Samantala, ang BFI ay nakipagtulungan sa ilang mga Foundation na under rin sa Boracay Beach Management Program (BBMP) para maisakatuparan ang nasabing hakbang.

Kooperatiba ng haulers sa Boracay, makikipagdiyalogo kay Aklan Governor Miraflores dahil sa problema sa quarried aggregates sa isla

Posted May 10, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Makikipagdiyalogo kay Aklan Governor Miraflores ang mga taga Haulers Cooperative sa Boracay dahil sa problema sa quarried aggregates sa isla.

Ayon kasi kay Boracay Malay Sea and Land Haulers Multi-Purpose Cooperative Chairman Edgar Marasigan Jr, kinukulang na sila ng suplay ng buhangin o quarried aggregates sa isla, at hindi na rin umano sila nabibigyan ng quality sand o buhangin.

Nagrereklamo din tuloy ang kanilang mga sinusuplayang contractor sa Boracay dahil hindi nakakapasa sa standard ang naibibigay nilang buhangin.

Dagdag pang pasanin sa mga taga kooperatiba na hindi na sila maaaring suplayan ng buhangin ng Ibajay, lalo pa’t nagdeklara ng moratorium si Aklan Governor Miraflores sa mga quarrying activities sa probinsya.

Maliban dito, hindi rin umano sila maaaring kumuha ng buhangin sa ibang lugar.

Samantala, hindi rin umano sila kombensido sa ipinangako ni Engr. Leo PareƱa, kinatawan ng Aklan Provincial Government nang minsan na silang makipagpulong dito kaugnay sa nasabing problema.

Ipinangako umano kasi nito na magkakaroon ng sapat na suplay ng buhangin ang kooperatiba kahit iisang supplier lang ang kanilang pinagkukunan sa Caticlan.

Kaugnay nito, umaasa naman aniya sila na mapagbibigyan ni Governor Miraflores ang kanilang hinaing.

Aklan Provincial Government, kinumpirmang may moratorium tungkol sa pagkuha ng buhangin sa Aklan at Ibajay River

Posted May 9, 2014 as of 6:00pm
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kinumpirma ng Aklan Provincial Government na may moratorium tungkol sa pagkuha ng buhangin sa Aklan at Ibajay River.

Ayon kay Acting Asst. Provincial Administrator Geric Templonuevo, matagal nang ibinaba ang nasabing moratorium.

Ito’y upang maiwasan umano ang pagkasira ng kalikasan at pagbaha.

Samantala, nabatid na sumugod kaninang umaga sa bahay ni Aklan Governor Joeben Miraflores ang ilang mga haulers at quarrier mula sa Boracay.

Ito’y upang e-apela ang ilang mga katanungan tungkol sa umano’y pagbabawal di umano sa kanila na kumuha ng buhangin sa mga nabanggit na lugar.

Ayon sa myembro ng mga nagrereklamong kooperatiba, kung totoo man ang nasabing kautusan ng pamahalaang probinsyal ng Aklan.

Mahirap ito para sa kanila sapagkat dito nakasalalay ang kanilang pangkabuhayan.

Friday, May 09, 2014

Pag-sungkit ng Boracay bilang Longest Massage Chain sa Guinness World Record suportado ng MABOVEN Association

Posted May 9, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
               
Buo ang ipinapakitang suporta ng MABOVEN Association sa Boracay para masungkit ang record bilang Longest Massage Chain sa Guinness World Record.

Patunay dito ang kanilang pag-iinganyo sa mga masahista sa isla kung saan kinakailangan nila ng isang libo at limang daang partisipante.

Ayon naman kay MABOVEN President Adelfa Cuesta, masayang-masaya sila na makasali sa Guinness World Record dahil sa malaki umano itong karangalan para sa Boracay maging sa kanila.

Sa kabilang banda tiwala naman ang MABOVEN na mapapagtagumpayan nila ito kung magtutulungan ang bawat isa para matangahal na Longest Massage Chain sa Guinness World Record.

Hinihikayat naman nila ang lahat ng mga Spa Owners sa Boracay maging ng mga indibidwal na sumali sa aktibidad na ito.

Samantala, ang MABOVEN ay kinabibilangan ng Malay –Boracay Vendors Peddlers Ambulant Masseurs & Manicurist Association, Inc.

Ang Longest Massage Chain para sa Guinness World Record ay gaganapin ngayong darating na Boracay Day May 16, 2014.

Nawawalang diamond ring ng designer na si Nicky Diamonds, isinauli

Posted May 9, 2014
Ni Abigail Lei Bardenas at Bert Dalida YES FM Boracay 

Maituturing na kasaysayan ang pagpunta sa Boracay ng may-ari at head designer ng Diamond Supply Co na si Nicky Diamonds nitong nakaraang weekend.

Subali’t mas naging makasaysayan ang pagkakasauli ng kanyang nawawalang singsing na nagkakahalaga ng tinatayang limang libo hanggang anim na libong dolyares.

Ayon sa mga ulat, nakikisaya si Nick Diamonds sa isang party dito sa isla nang mawala nito sa front beach ang kanyang rose gold at diamond ring.

Sa dami ng tao nang panahon na iyon sa Boracay, hindi inasahan ni Diamonds na muli pa itong mapapasakanya, sa kabila ng paniniwalang hindi na ito maisasauli sakali mang may makapulot nito.

Ngunit isang Jaffe Lacson ang nakakita pala ng nasabing singsing kung saan gamit ang kanyang Instagram account, inilagay nya ang larawan ng singsing kung saan kitang kita ang nakaukit na pangalan sa loob nito, sabay “tag” kay Nicky Diamonds.

Isinauli ng Pinoy ang singsing kay Nicky sa mismong hotel room nito at sa labis na kasiyahan, ay ibinigay na lamang niya ang tinatawag nyang Grizzly ring kay Jaffe bilang reward.

Bilang pagpugay sa Pilipino, inilagay din ni Nicky Diamonds ang kanyang larawan kasama si Jaffe Lacson na suot suot na ang isinauli nitong singsing sa kanya ring Instagram account.

Bakasyunista sa Boracay, ninakawan matapos manood ng fire dance

Posted May 9, 2014 as of 7:00am
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagpasaklolo kagabi sa mga pulis ang isang bakasyunista sa Boracay matapos umanong nakawan ng cellphone sa station 1 Balabag.

Kuwento ng biktimang si Aira kaye Siodina ng Iloilo City sa Boracay PNP, nakalimutan niya ang kanyang Samsung Galaxy S na cellphone sa kanyang tabi kung saan ito nakaupo at habang nanonood ng fire dance.

Binalikan umano nito ang kanyang cell phone doon, subalit isang hindi nakilalang lalaki na nakasuot ng berdeng jersey shirt ang nakita niyang may pinulot sa buhanginan malapit sa kanyang inupuan.

Kaagad din aniya nila itong hinabol subali’t mabilis din itong nawala.

Bagong Guinness World Record para sa Longest Massage Chain, balak sungkitin ng Boracay

Posted May 9, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Pursigido ngayon ang lokal na pamahalaan ng Malay na maagaw ang titulo mula sa Thailand na may hawak ng Guinness World Record for Longest Massage Chain.

Sa ginawang pulong at paghahanda, inilahad ni Felix Delos Santos ng Malay Municipal Tourism Office na kailangan malampasan ang record na 1,223 para masungkit ng Boracay ang bagong record.

Kinumbinsi nito ang lahat ng mga therapist at masahista sa isla na makilahok at suportahan ang adhikain na ito para maisulong ang pagkakaroon ng Boracay Signature Massage na sila din ang makikinabang.

Ang lahat ng masahista na kalahok ay kailangan dugtong-dugtong na nagmamasahe sa kapwa masahista para makabuo ng isang linya at dito pagbabasehan ang dami ng bilang ng lumahok.

Aasahan naman na mapupuno ang dalampasigan ng Boracay sa araw na ito dahil na rin sa gagawing coverage ng ilang TV network para mag dukomento ng aktibidad kasama na ang mga taga-Guinness World Record.

Ang record attempt na ito ay isa sa mga highlight para sa selebraysyon ng Boracay Day sa darating na May 16,2014.

Mga bangka galing Hambil, Romblon, binalaan na kaugnay sa 1 entry-1 exit policy

Posted May 9, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Atensyon sa mga bangkang bumibiyahe galing Hambil, Romblon papuntang Boracay!

Nagbabala ngayon ang LGU Malay na huhulihin ang mga bangka mula sa ibang isla partikular na ang sa Hambil Romblon na lalabag sa ipinapatupad na 1 entry-1 exit policy ng Pamahalaang Probinsya ng Aklan.

Kaugnay nito, dapat na sa Cagban Port lamang dadaan ang mga nasabing bangka at hindi maaaring dumaong sa beach front ng Boracay.

Inatasan na rin ang mga taga Philippine Coastguard at Maritime Police na ipatupad nang mahigpit ang nasabing batas.

Nabatid na marami ang mga resort owners sa Boracay ang nagrereklamo dahil sa mga bangkang nagpapasakay ng pasahero sa Station 1 and Station 3.

Samantala, sinabi din ni Jetty Port Administrator Niven Maquirang na pupulungin din ni mismong Aklan Governor Miraflores ang mga may-ari ng barge dito.

Hindi na rin umano kasi sila pwedeng dumaong sa Boracay dahil naman sa pagkasira ng mga korales sa isla.

Aklan Provincial Government, sinigurong tutulungan ang NGCP tungkol sa problema sa right of way

Posted May 8, 2014 as of 6:00pm
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Definitely we will assist kung sa provincial road ang problema sa right of way”.

Ito ang tiniyak ni Aklan Acting Asst. Provincial Administrator Geric Templonuevo hinggil sa hinihinging tulong ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Naaantala umano kasi ang rehabilitation at restoration project ng NGCP dahil sa problema nila sa right of way.

Magugunitang sinabi ni NGCP Panay District Head Rey Jaleco sa isang press conference na may mga lot owners na ayaw itayo sa kanilang lupa ang mga Emergency Restoration System (ERS) ng NGCP, kung kaya’t umapela sila ng tulong sa Pamahalaang Provincial ng Aklan.

Kaugnay nito, sinabi ni Templonuevo na inaalam pa ng local government sa NGCP kung ano ang mga maaaring maitulong nila.

Samantala, sinabi din nito na kung sa provincial roads ang problema ay sinisiguro ng lokal na pamahalaang probinsya na tutulong ito dahil para naman sa ikabubuti ng lahat.

Subalit, kapag ang problema ay sa mga national highways ay ang DPWH na umano ang dapat kausapin tungkol dito.

Thursday, May 08, 2014

SB Gallenero, nagpasa ng resolusyon kaugnay sa mga events sa Boracay

Posted May 8, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpasa ng resolusyon si Malay SB Member Jupiter Gallenero kaugnay sa mga event na isinasagawa sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos ang pagdagsa ng maraming turista sa isla nitong nakaraang mga araw lalo na nitong Labor Day o LaBoracay kung saan isa umano sa mga naging problema ng LGU Malay ay ang hindi pagtupad sa mga ordinansa.

Ayon kay Gallenero, ang mga nagkalat na basura sa beach front kung saan idinaos ang mga naturang event ay isa sa problema ng Boracay nitong mga nakaraang araw.

Aniya, ilan sa mga naiwang basura sa shoreline ay ang upos ng sigarilyo, mga plastic bottle at maging ang mga bote ng beer.

Samantala, sinabi naman ni SB Member Floribar Bautista na isama nalang sa pagkuha ng special permit ang ilang ordinansa na kailangan ipatupad sa mga event na isasagawa sa Boracay.

Sa kabilang banda ikinatuwa naman ni Gallenero ang patuloy na pagdagsa ng turista sa Boracay dahil sa mas pinili nila ang isla para sa kanilang bakasyon.

Nabatid naman na mas maraming turista ang nagbakasyon sa Boracay matapos ang Holy week base na rin sa datos ng Tourism Office.

German National, natagpuang patay sa isang apartment sa Boracay

Posted May 8, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa isang Apartment sa PCTV Sitio. Manggayad, Brgy. Balabag Boracay nitong Martes.

Nakilala sa report ng Boracay PNP ang biktimang si Bernd Gramann, 59-anyos at isang German National.

Ayon sa salaysay ng Live in partner ng biktima na si Liezel Catindig ng Nabitas, Numancia, Aklan.

Naabutan na lamang nito sa kanyang pagbalik mula sa bayan ng Kalibo si Gramann na nakahiga sa kanilang kama at wala nang imik nang kanyang gisingin.

Dahil sa kaniyang pag-alala agad umano siyang humingi ng tulong kung saan isang doktor ng Metroplolitan Doctors Medical Clinic sa Boracay na si Martin Ongkeko ang pumunta doon sa lugar para suriin ang nasabing biktima.

Doon na narin sinabi ng doktor na wala na itong pulso at hindi na humihinga at nasa stage na siya ng “Livor Mortis” o nangingitim na ang kaniyang katawan kung saan idineklara na rin itong patay bandang alas-4 ng hapon.

Humingi naman ng assistance ang kapulisan sa SOCO Boracay at basi sa kanilang ginawang imbistigasyon wala namang nangyaring foul play sa insidente at natural death lamang ang ikinamatay nito.

Agad namang dinala ang bankay sa Prado Funeral Homes sa Brgy. Caticlan, Malay, Aklan.

Dahil dito ipinagbigay alam naman ng PNP Boracay sa Department of Tourism (DOT) ang nangyari para maipagbigay alam rin ito sa German Embassy.

Sa ngayon hawak naman ng mga nasabing otoridad ang mahahalagang gamit ng biktima para sa karampatang disposisyon.

Angolan national sa Boracay, nakipag-away at nanakal ng Pinoy dahil lamang sa panunukso

Posted May 8, 2014 as of 7:00am
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isang Angolan National sa Boracay ang nakipag-away at nanakal ng Pinoy sa Brgy. Balabag Boracay dahil lamang sa panunukso.

Tinawag umano kasi itong ‘uling’ ng sinakal niyang Pinoy.

Subali’t ayon sa report ng Boracay PNP, pinagbintangan lamang umano ito ng kasintahan ng nasabing Angolan National.

Kinilala sa report ang Angolan National na si Zeferino Fiel Da Silva, kasintahan nitong Pinay na si Angel Chan at ang nakaaway nitong Charly Tolosa.

Nagulat na lamang di umano ang nagrereklamong si Charly habang kumakain ng ice candy nang lapitan ni Angel, at kinompronta kung sino ang nagsabing uling ang kanyang kasintahan.

Dahil dito, isang mainit na argumento ang namagitan sa dalawang panig kung saan sinakal umano ng suspek ang biktima.

Samantala, kaagad namang naawat ang komosyon sa nasabing lugar.

Sa kabilang banda, sa isinagawang follow-up investigation isa din umanong lalaking kasamahan ng nagrereklamo ang sumuntok kay Fiel Da Silva na nagresulta ng pinsala sa ilong nito.

Pagkalat ng upos ng sigarilyo sa dalampasigan, isinisi sa mga pasaway na komisyoner at boatman

Posted May 8, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Isinisi ngayon sa mga pasaway na komisyoner at boatman ang pagkalat ng upos ng sigarilyo sa dalampasigan.

Hindi na nga kasi umano tumutulong sa mga paglilinis, sila pa ang unang pasaway at mahilig manigarilyo sa beach front kahit bawal.

Si Mang “Toto”, isang residente sa Barangay Balabag na tumanggi nang magbigay ng totoong pangalan at recorded interview.

Sinabi nito na marami parin talaga ang sadyang walang malasakit sa isla at isinisisi ang pagkalat ng basura sa dalampasigan sa LGU Malay lalo na kapag may mga event sa isla.

Kaugnay nito, nanawagan si Mang “Toto” sa mga katulad niyang naghahanapbuhay sa Boracay na huwag nang maging pasaway at tumulong upang mapangalagaan ang isla.

Samantala, kinumpirma naman ng mga law enforcers sa isla na marami ding mga tricycle driver dito ang naninigarilyo habang nagmamaneho at nagtatapon ng upos sa kalsada.

Wednesday, May 07, 2014

One way lane sa Boracay, nasa plano na rin ng Transportation Office ng Malay

Posted May 7, 2014
Ni Jay-ar  M. Arante, YES FM Boracay

Nasa plano na rin ngayon ng Malay Transportation Office (MTO) ang posibleng pagkakaroon ng one way lane sa isla ng Boracay.

Ito’y para maibsan ang matinding idinudulot na trapik na nangyayari sa isla ng Boracay lalo na sa pagsapit ng week end.

Ayon naman kay Malay Transportation Officer Cezar Oczon, meron na silang initial plan para dito ngunit hindi pa umano ito final dahil sa ongoing parin ang pag-formulate nila ng traffic code.

Samantala, hinihikayat naman nila ang lahat ng mga delivery vehicles, at mini-dump truck na kung maaari ay dumaan muna sila sa circumferential road para makabawas trapik sa main road.

Sa ngayon umano ay hindi pa isang daang porsyentong naisasaayos ang circumferential road sa Boracay dahil sa may ilang bahagi parin ng mga kalsada ang hindi parin natatapos ayusin.

Maaalang naging problema ang trapik sa Boracay nitong nakaraang week end kung saan pansamantalang tinanggal ang color coding dahil sa kakulangan ng masasakyan dulot ng pagdagsa ng maraming turista sa isla.

Wallet na naglalaman ng mahigit 20 mil pesos na pekeng pera, etinurn-over sa Boracay PNP

Posted May 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isang wallet na naglalaman ng mga pekeng pera ang etinurn-over sa Boracay PNP.

Ayon sa report ng Boracay PNP, isinauli ng isang empleyado ng Caticlan-Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative (CBTMPC) ang nasabing wallet na naglalaman ng mahigit 20 mil pesos na pekeng pera.

Nakita umano nitong Martes ng kanyang anak ang wallet na naiwan sa front seat ng tricycle na naka-parking malapit sa kanilang residensya sa So. Hagdan Yapak Boracay.

Subali’t nang ipasuri ang perang laman ng wallet, ay nalamang peke pala ang mga ito.

Samantala, nakita rin sa nasabing wallet ang isang Save Money Card na nakapangalan kay Nassie Rominimbang at isang NBI Clearance ni Pawa Bai Muhadina ng Taguig City.

Kung matatandaan sa naunang mga ulat, na isa sa mga may-ari ng card na si Nassie Rominimbang ay nahuli ng mga pulis matapos na i-reklamo ng ilang souvenir vendors na namili gamit ang mga pekeng pera nitong linggo.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga taga Boracay PNP Station tungkol dito.

BFI, inimbitahan ang AKELCO upang bigyang linaw ang ilang mga nagrereklamong stake holders sa Boracay tungkol sa power interruption

Posted May 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Very inconvenient ang nararanasang power interruption sa isla ng Boracay”

Ito ang hinaing ng ilang mga stakeholders sa isla hinggil sa nararanasang manaka-nakang brown-out.

Kaya naman, sa darating na Sabado, Mayo 10 ay nakatakdang mag-usap ang mga opisyal ng AKELCO at Boracay Foundation Inc. (BFI) para ipaliwanag sa mga stake holders sa Boracay ang nasabing power interruption.

Ayon kay BFI Executive Director Pia Miraflores, marami na rin umano kasi sa mga resort owners at iba pang stakeholders sa isla ang nagrereklamo dahil sa pagkasira ng kanilang mga Generator Sets at ilan pang mga de kuryenteng gamit.

Maliban dito, panay rin umano ang reklamo ng ilang mga guest dahil sa biglaang pagkawala at bigla ring pagbalik ng power supply ng kuryente.

Samantala, nabatid naman sa ipinadalang kalatas ng AKELCO na kaya nagkakaroon ng power interruption ay dahil sa low voltage at manual load dropping.

Ito’y dahil rin sa pagsasaayos ng connection ng NGCP 69KV sa 50MVA ng Panit-an Capiz na naka-konekta rin sa Nabas Aklan Substation kung saan kumukuha ng supply ang AKELCO.

Kaugnay nito, hinimok rin ng AKELCO amg mga member consumers na magtipid sa paggamit ng kuryente.