Ni Gloria Villas, YES FM Boracay
Umarangkada na ang 19 na bagong E-trike sa isla
ng Boracay mula sa mga iba’t-ibang supplier sa bansa.
Ayon kay Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative
(BLTMPC) General Manager Ryan Tubi, ito umano ay mula sa tatlong suppliers na
kinabibilangan ng ELAIE Green Corporation, Tojo Motors Corporation at PROZZA.
Ayon sa kanilang data, meron nang pitong unit na galing
sa una nitong supplier na ELAIE Green Corporation galing sa Antipolo at sampu
naman sa bago nitong supplier na Tojo Motors Corporation mula sa Sta. Rosa
Laguna.
Samantala, ayon pa kay Tubi, binigyan naman ng 15 araw ng Tojo ang BLTMPC para e-trial ang mga nasabing sasakyan
kung sakaling meron man itong mga deperensya at may mga maaaring baguhin.
Matapos na ito ay masubukan ay ibibigay na umano ang mga
ito sa mga myembro na nakapasa sa pagmamay-ari ng E-trike kung saan sila na ang
magpapatakbo at magbabayad para dito.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Tubi na madadagdagan
pa ang mga nasabing sasakyan sa mga susunod pang mga araw.
Kasalukuyan namang nakikita ngayon ang mga E-trike na
pumapasada na sa mga kalsada sa isla.