YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, April 08, 2011

Kasalukuyang sahod sa Aklan, naka-pako na --- DOLE


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Sa kabila ng pagtaas ng mga bilihin ay nananatili pa ring nasa dalawang daan at dalawampu’t tatlong piso (P223.00) ang minimum na sahod ng mga empleyado sa mga establishimiyento sa isla na hindi aabot sa sampu ang nagtatrabaho, at nakapako pa rin sa dalawang daan at animn pu’t limang piso (P265.00) ang matatanggap ng mga nagtatrabaho sa mga malalaking establishimiyentong komersyal na napasama sa braket na may mahigit sampung empliyado kasama na ang isla ng Boracay at ang buong Western Visayas.

Ito nilinaw ng tanggapan ng Department of Labor and Employment batay sa panayam ng himpilang ito kay Joey Casimero ng DOLE sa Aklan.

Ayon dito, ang sahod sa buong Western Visayas ay pare-pareho lamang ang rate sapagkat ito ang naaprubahan ng Board of Wages.

Gayun pa man, katulad sa resolustion ni SB Jonathan Cabrera sa konseho na humihiling na taasan ang sahod, tila imposible ito sapagkat idadaan pa ito sa sunod-sunod na pagdinig ng Regional Tri-Partile Wages and Productivity Board kung saan nakadepende ang mga gagawing pagbabago.

Pero, mistulang nababahala ito sa maaring mangyari, dahil kung humiling ang Malay o Boracay ng ganitong umento ay baka mayroon ding posibilidad na huminggi ang ibang probinsya ng karagdaggang pagtaas ng sahod.

Ayon dito, noong ika-labindalawa ng Agosto ng nakaraang taon lang nagkaroon ng increase sa sahod sa Western Visayas o Region 6, kaya ang ganitong usapin ay nakadepende na sa Regional Tri-Partile Wages and Productivity Board.

Pagpapa-taas sa rate ng sahod sa Boracay, hiningi ni Cabrera


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Tila hindi sang-ayon ang ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay sa resolusyon na ipinasa ni Sanggauniang Bayan Member Jonathan Cabrera, na naglalayong hilingin sa Regional Tri-Partile Wages and Productivity Board at sa Department of Labor and Employment o DOLE na pataasan ang sahod ng mga nagtatrabaho sa isla.

Pero, parang taliwas naman ito sa bahagi ng ilang miyembro sapagkat, may mga maaapektuhang sector at may sinusunod nang rate para dito sa isla ng Boracay.

Layunin din sana ni Cabrera sa pagpasa ng resolusyong ito ay upang maibsan din ang bigat na dinaramdam ng mga nagtatrabaho sa Boracay kaugnay sa nararanasang mahal na bilihin dahil parang hindi naman kayang maregulate ng Department of Trade of Industry o DTI ang presyo ng bilihin dito.

Ngunit, dahil sa iniisip ni SB Rowen Agguire ang magiging resulta nito sa bahagi ng mga stakeholders o investors na nagpapasahod sa kanilang mga empleyado ay nagmungkahi ito na kung maari ay bago pa man nila aprubahan ang resolusyong ito ay pag-usapan muna ito sa kumitiba gayong nangangailan pa ito ng public hearing kung sakaling isusulong nila ito.

Thursday, April 07, 2011

Boracay, # 2 bilang Travelers’ Choice sa buong mundo

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
 Isang napakalaking karangalan sa bahagi ng isla ng Boracay ang maging number two (#2) sa 2011 Travelers Choice ng mga turistang mahihilig mag-ikot sa iba’t ibang tourist destinations sa buong mundo.  
Gaya ng makikita sa isang web site, nagpapakita lamang na ang Boracay mayroong magandang hatak sa mga turista.
Kaya’t ang isla ay napabilang sa Travelers Choice Award Winning World Beaches Destination, kung saan ang nangunguna ay ang Providenciales ng Turks and Caicos sa ilalim ng British Territory at sinundan ng Isla ng Boracay, ang nag-iisang beach sa Pilipinas na nakapasok sa listahan, kasama ang Palm/Eagle Beach, bilang pangatlo, na malapit sa Venezuela. Nasa ikaapat naman sa listahan ang Niegel sa Jamiaca at ika lima ang Talum sa Mexico.
Nabatid na naging basehan sa pagpili ay binatay sa opinyon ng mahigit dalawang libong respondents na mahilig mag-ikot sa magagandang destinasyon sa mundo, gayon din sa dami ng turista pumupunta sa mga lugar na ito.
Samantala, ang pagkakahirang sa isla ng Boracay bilang pangalawa sa Travelers Choice ay isang panibagong hamon sa pamahalaan ng Malay at mga stakeholders sa isla.

Singil sa mga arkiladong tyricycle sa Boracay, may adjustment na

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
Hindi pa nagagalaw ng Sangguniang Bayan ng Malay ang kahilingan ng Boracay Land Transportation Multipurpose Cooperative (BLTMPC) hinggil sa hinihingil pagtaas ng pasahe sa mga tricycle sa isla mula minimum na pitong piso ay hiniling ng BLTPMC na gawin ito sampung piso.
Pero ang kahilingang ito ay patuloy pa ring nakabinbin sa SB dahil hindi pa lubos na napapag-aralan ang request ng BLTMPC, kaya hindi pa magkakaroon ng karagdagan singil sa pamasahe ng mga regular ng pasahero.
Subalit, sa sesyon nitong Martes, ika-lima ng Abril, inaprubahan ng konseho ang hiling na pagtaas ng pamasahe para lamang mga arkilado o chartered na tricyle mula Cagban hanggang Yapak kung saan mula sa Cagban papuntang Manoc-manoc ay magiging P75.00; mula Cagban papuntang Balabag Proper ay magiging P100.00; at mula Cagban papuntang Diniwid Area ay P150.00.
Nilinaw din ng konseho na dapat ay hindi lalampas sa lima ang sakay na pasahero sa isang inarkilahang tricycle.
Gayon din ay nilinaw ng konseho na hindi pa nila ito maipapatupad sa ngayon hanggang wala pang bagong taripang nailalabas ang SB para sa mga inaarkilang tricycle.

Panibagong reklamo, inihain kay Punong Brgy. Hector Casidsid

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
Panibagong reklamo ang inihain nitong ika apat ng Abril laban kay Punong Brgy. Hector Casidsid ng Brgy Yapak sa tanggapan ni Vice Mayor Ceceron Calawing.
Ang tumatayong nagrereklamo laban dito ay si Boracay Administrator Glenn Sacapaño.
Ayon sa inihaing reklamo ni Sacapaño, nakitaan aniya nito ng pag-abuso sa kapanggayarihan, pang-aapi, hindi kagandahang asal at kapabayaan, ang nasabing kapitan ng Brgy. Yapak, bagay na nagresulta sa hindi kagandahang operasyon ng Material Recovery Facilities (MRF) ng nasabing barangay.
Samantala, sa isinumite din nitong reklamo, nakapaloob ang lahat ng mga dokumentong nagpapatunay o ebedinsya sa paratang kay Casidsid, kabilang na dito ang hindi pag-pagamit umano ng dalawang garbage truck dahil nakulong ito nang pansamantalang isinara dahil “na-take over” na ni Casisid ang MRF Yapak.
Maliban dito, ayon sa reklamo, ang pag-takeover umano ay walang sapat na pahintulot sa buong konseho ng Brgy Yapak, illegal na pagtanggal sa mga magtatrabaho dito, at pangungumpiska aniya ni Casidsid ng mga drivers licenses ng drivers ng MRF.
Subalit ang panibagong reklamo na ito ay patuloy pa ring pinag-aaralan ng kumitiba ng Konseho.
Magugunitang si Mayor John Yap ay una na ring nagpaabot ng reklamo nito sa SB kamakailan lamang. 

Wednesday, April 06, 2011

Illegal na gawain sa Boracay, hindi pansin ng simbahan; pero ang casino, bakit tinutulan?

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
“Kanino bang obligasyon ang regulasyon at pagpapatigil ng peryahan, inuman at ibang illegal na aktibidad”.
Ito ang tanong ni Fr. Adlay Placer, Kura Paruko ng Balabag Parish, ukol sa usaping bakit hindi umano nagkokomento ang Simbahan Katoliko kung peryahan, ilang sugal, droga at  maging ang pag-inom ng alak sa front beach ang pinag-uusapan, gayong ang casino ay mahigpit na tinututulan.
Ayon sa pari, sa totoo lang ay naglabas na rin siya ng pahayag ukol sa mga peryahan at ilang illegal na gawain sa isla, kaya’t naisip ng pari na baka ang nagsasabi ng ganito ay baka hindi lang nagsisimba.
Pero nilinaw nitong hindi obligasyon ng simbahan na manghuli, o magpatigil ng mga operasyong katulad nito, sapagkat wala naman silang Police Power, at sa halip, ito ay trabaho ng mga opisyal ng barangay at ng munisipalidad gayon din ang mga ito ang dapat magpatupad ng mga regulasyon patungkol dito dahil ang mga nabanggit na ito din ang nagbibigay permiso sa operasyon nito.
Dagdag pa ni Placer, ang pagpahayag at pagtuturo aniya ng mabuting gawain at asal para makatulong sa ikagaganda sa relasyon ng pamilya, komunidad at Diyos ang obligasyon nila, at hindi ang panghuhuli.
Magugunitang naitanong kung bakit ang simbahan ay walang reaksyon sa ganitong aktibidad katulad ng paggamit ng droga, illegal na sugal at pag-iinom ng alak at lalo na pagdating sa operasyon ng peryahan, na kung iisipin ay mga bata at ordinaryong publiko ang tumataya at sangkot dito.
Kaya ganoon na lang ang pagtataka, lalo na sa bahagi ng proposisyon, kung bakit pagdating sa casino ay ganon na lamang ang pagtutol ng Simbahan na tanging mga turista at mayroong malalaking pera ang maaaring sumali, at legal pa umano ang casino.
Ito ang isa sa mga katanungan na nabuo mula sa proposisyon at ilang miyembro ng konseho, gayon din ni G. Lito Mutos na isa sa nagpaabot ng pananaw ukol sa operasyon ng casino, nang ginanap ang unang pagdinig ng casino sa SB Hall nitong nagdaang Marso.

Ilang Arsobispo, napahiwatig ng pagkontra sa Casino sa Boracay

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
Nagpahayag ng pakikiisa ang ilang Arsopispo katulad ni Bishop Lazo, at Bishop Gabriel Reyes na kapwa dating arsobispo ng Aklan at iba pa, kasabay ng pagsasabi sa publiko ng Boracay na huwag nang ituloy pa ang Casino sa isla katulad sa mga nauna nang plano noon.
Ito ang inihayag ni Fr. Adlay Placer sa panayam ng YES FM Boracay.
Kaugnay nito, umaasa din ang nasabing pari na kapag naipa-abot at naipakita na ang resulta ng signature campaign ay makatutulong din ito upang mamulat ang kinauukulan na marami palang ayaw sa pagkakaroon ng Casino sa isla.
Ang aksyong ginawa ayon dito ng Simbahang Katoliko ay tugon sa maraming nagsasabing sa kanyang huwag payagang magkaroon ng Casino sa Boracay.
Samantala, sa gitna ng pahayag ng naturang pari, hindi nito maiwasan na magtanong kung bakit pinipilit talaga ang pagsulong ng Casino, gayong ang publiko at ibang sector na hindi lamang ang simbahan ay nagpahayag at nagsalita na, na ayaw nila sa opersyon ng Casino. 

Signature Campaign ng simbahan kontra casino, umani ng libong lagda


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
Umabot sa libo ang nakalap na lagda mula sa mga tao, maging bisita man o residente sa Boracay, na ayaw sa operasyon ng Casino sa isla at bilang pag-paabot ng kanilang pahayag ukol sa isyong ito ay boluntaryong lumagda sa inilunsad na Signature Campaign ng simbahang Katoliko nitong Linggo
Ayon kay Fr. Adlay Placer, ang mga lagda na ito ay naglalayong maipakita at maiparating sa kinauukulan na marami ang umaayaw sa Casino sa isla.
Dagdag pa nito, nabuo aniya ang ganitong galaw ng simbahan, matapos mapagdisisyunan nila sa Council ng simbahan na umpisahan na lang muna sa signature campaign, bago kumilos kung kinakailangan pa.
Ikinatuwa at ikinagulat din ng kura paroko ng Balabag ang resulta sa naging tugon ng tao sa kanilang inilunsad na signature campaign, na umano ay matagal na hinihingi ng publiko kung ano ang aksyong gagawin ng simbahan para dito.

Palagiang pagba-brown out sa isla, inalmahan ng Boracay PCCI


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
Dahil sa madalas na pagpa-patay-sindi ng elektrisidad sa Boracay ay umaaray na rin ang mga stakeholder sa isla, dahil malaking perwesyo ito sa bahagi ng kanilang negosyo lalo na sa kagamitan nila.
Ito ang isa sa mga tinalakay ng mga negosyante na miyembro ng Boracay Philippine Chamber of Commerce and Industry sa kanilang pulong nitong Lunes, ika-apat ng Abril.
Ayon sa pangulo ng Boracay PCCI na si Ariel Abram, susulat sila sa pamunuan ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) hinggil sa mababang supply nila ng enerhiya at sa palagiang pagba-brown out.
Dagdag pa ni Abraham, kinakailangan na aniyang pagbutihan ng AKELCO ang kanilang serbisyo at planuhin na ang dapat gawin para sa isla para sa sustainability o pangmatagalang panahon.

Fr. Placer, natawa sa mungkahi ni SB Pagsugiron

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
Natatawa nalang si Fr. Magloire Adlay Placer, Kura Paruko ng Balabag Parish Priest, sa mungkahi ni SB Member Dante Pagsugiron na isama sa Special Regulatory Body ang Simbahang Katoliko at ang ilang sector na tutol sa opersasyon ng Casino upang sila ang gumawa ng pagmomonitor, sa paniniwalang makakatulong ito para sumang-ayon lalo na ang simbahan sa operasyon nito sa isla.
Ayon kay Fr. Placer, ang labas tuloy umano sa mungkahing ito ay porke ba kasama at bahagi na sila sa monitoring team ng operasyon ay magiging OK na rin sila at payag na sa Casino.
Kaya’t natawa na lmang ito sa ganitong plano ng Sangguniang Bayan para sa kanila.
Kaugnay nito, nilinaw ng pari na hindi pa rin sila kumbinsido dahil hindi umano ganoon ang turo sa simbahan at baliktad ito sa paniniwala ng Simbahang Katoliko.

Lampas 2.6 na ektaryang reklamasyon sa Caticlan, ispekulasyon lamang ayon sa pangulo ng PCCI

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
Hindi naiwasan ng ilang stakeholders, particular na ng miyembro ng PCCI-Boracay, ang mapatanong kung bakit hindi man lang dumaan sa public hearing ang proyektong reklamasyon sa Caticlan.
Sapagkat mistulang nag-aalangan ang mga ito gayong hindi nila alam kung ano nga bang uri ng proyekto ang ilalagay sa Caticlan Jetty Port.
Ito ay sa kabila ng mga spekulasyon na maglalagay ng mga hotels, shopping malls, at iba pa na maaaring makipagkompitisyon sa mga negosyo nila.
Ito ang ilan sa mga naisatinig ng mga miyembro sa kanilang pag-uusap noong ika-apat ng Abril ukol sa reklamasyon sa Caticlan.
Paliwanag ni Ariel Abram, pangulo ng PCCI, ayon umano sa paglilinaw ng Sangguniang Panlalawigan tangging 2.6 hectares lamang o phase 1 lang ang proyektong ilalatag dito, at hindi ang napabalitang 40 hectares.
Dagadag pa nito, ang proyekto ay isang expansion lamang para mas mapaganda ang pasilidad na ilalagay sa reclaimed area mas maging maayos ang serbisyo sa mga turista.
Maliban dito, sinabi din umano ng probinsya na ang gagawin nila ay isang rehabilitasyon para maibalik ang ilang bahagi ng baybayin ng Caticlan na kinain na ng tubig makalipas ang ilang mahabang taon, dahil nakita aniya sa mapa ng Caticlan na ilang metro na ng baybaying ito ang nawawala. 
Samatala mariing sinabi ni Abram na ang mahigit pa sa 2.6 hectare na reklamasyon at kung ano pang itatayong gusali doon ay pawang mga ispekulasyon lamang umano ayon na din sa paglilinaw ng pamahalaang probinsyal.

PCCI-Boracay, tila sang-ayon na sa reklamasyon kung aabutin lang ng 2.6 ektarya

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
Bagamat hindi pa man nakapagdesiyon ang mga miyembro ng Philippine Chamber of Commerce and Industry PCCI-Boracay ukol sa kanilang magiging katayuan pagdating sa usaping reklamasyon sa kabila ng inihayag na walang gaanong epektong dala sa isla ng Boracay ang reklamasyon sa Caticlan.
Sa halip ang magiging unang apektado dito ay baybayin ng Caticlan ayon sa pahayag ng sayantipiko mula sa UP Marine Science kahapon ika-apat ng Abril.
Tila sang-ayon naman ang ilan sa mga miyembro sa ginagawang reklamasyon sa Caticlan lalo pa at para sa karagdagan pasilidad sa Jetty Port lamang, upang makapagbigay ng magandang serbisyo sa mga turista ang layunin ng proyekto.
Pero sa pag-uusap na ito ng PCCI, nilinaw ng ilang ng mga miyembro na gayong nariyan at nasimulan na ang proyekto, hindi na nila kikwestiyunin ito sa halip ay suportahan nalang kung tanging 2.6 hectar lang din ang tatambakan, pero paglumampas pa doon ay tututol na ang mga ito.
Ang ganitong pananaw ilang miyembro ng PCCI ay matapos maihayag ng sayantipiko na hindi makakaapekto sa isla kung 2.6 lamang ang gagawing reklamasyon.