YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, December 29, 2016

High Value target sa Probinsya ng Aklan, kalaboso sa buy-bust operation sa Boracay

Posted December 29, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay


Kalaboso sa isinagawang buy-bust operation ng mga kapulisan ang sinasabing high value target sa probinsya ng Aklan.
Ang suspetsado ay kinilalang si Dodgie Fernando Manuel, 36-anyos, isang Security Guard residente ng Brgy. Brijida, Mansalay, Oriental, Mindoro at temporaryong nakatira sa Brgy. Balabag nitong isla.

Nasakote ng mga otoridad ang suspek sa front beach ng Lishui Beach Resort Station 2 Barangay Balabag, Boracay kaninang madaling araw.

Nabatid na nabilhan umano ng isang sachet ng hinihinalang droga ang suspek kapalit ng P3, 000 na buy-bust money ng nagpakilalang poseur buyer kung saan sa isinagawang body search ng mga pulis nakuha dito ang kanyang cellphone na naglalaman ng iligal na transaksyon.

Sa ngayon si Manuel ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Isinagawa ang operasyon sa pinagsamang pwersa ng  Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group (PAIDSOTG), Boracay PNP, Aklan Provincial Public Safety Company (APPSC), Maritime Group, 12th Infantry Battalion-Tactical Interface Unit, MIG 6 at PDEA.

Pagtatayo ng Iloilo-Guimaras-Cebu bridge, malaking tulong sa turismo- Catalbas

Posted December 29, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Malaki umanong tulong sa turismo ng Western Visayas ang nakatakdang pagpapatayo ng inter-island bridge na magkokonekta sa Iloilo-Guimaras, Negros Occidental at Cebu.

Ito ang ipinaabot na mensahe ni Department of Tourism (DOT) 6 Regional Director Helen Catalbas hinggil sa nasabing proyekto.

Sinabi nito na magiging madali na ang pagbiyahe sa mga isla, at yaong mga biyahero din mula sa isang lalawigan patungo sa isa pang lugar.

Bukod dito, ito umanong pagkokonekta sa naturang tulay ay magiging daan din tungo sa pagpapalago ng marketing promotions ng mga isla.

Nabatid na nasa 25 hanggang 30 porsyento umanong mga domestic tourists na karaniwang nagbabakasyon ay galing sa mga karatig na rehiyon ng Visayas.

Samantala, bukod sa malaking tulong sa turismo at sa transportasyon, malaki rin ang magagawa nito lalo na para sa pagtransport ng mga bilihin at iba pang mga kagamitang kailangan sa bawat isla.

Sangguniang Panlalawigan Aklan, nais magkaroon ng accreditation certificate sa ISO

Posted December 29, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for International Organization for Standardization (ISO).Nais umano ngayon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan na magkaroon ng akreditasyon sa International Organization for Standardization (ISO).

Ito ang sinabi ni Bise Gobernador Reynaldo Quimpo, kung saan nakikipag-koordinasyon na umano sila sa Anglo Japanese American, na siyang kinatawan ng ISO, para sa kaukulang requirements.

Nabatid na ang kanyang asawa na dating Bise-Gobernador na si Gabrielle Calizo-Quimpo, ay inaayos na ang tungkol sa pagsunod sa nasabing regulasyon.

Sa kabilang dako naman, bilang bahagi sa pagbibigay ng mas magandang serbisyo, ang nakatakdang magtayo ng bagong gusali ang Provincial Board.

Kung kaya’y hinikayat ni Quimpo, ang lahat ng media sa Aklan na makibahagi sa lahat ng proyekto tungo sa malinis na pamumuno ng Gobyerno.

GMA Regional TV, naghahanda na para sa Ati-Atihan Kapuso Fiesta

Posted December 29, 2016
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for 2017 ati atihan festival kaliboMatutunghayan na naman sa nalalapit na Ati-atihan Kapuso Fiesta ang ilan sa mga hinahangaang sikat na artista sa GMA Network sa Enero para sa Sto.Niño Kalibo Ati- Atihan Festival 2017.

Ayon kay Oliver Victor Amoroso, Officer-in-Charge ng GMA Regional TV Department, excited na umano ang GMA-7 na makasamang muli ang Kalibo Sto. Nino Ati-Atihan Foundation, Inc. (Kasafi) para sa taunang selebrasyon dito.

Dagdag pa nito, nagpapasalamat umano ang GMA Regional TV sa KASAFI lalong-lalo na kay Albert Menez Chairman ng naturang event dahil sa pagkakataong ibinigay sa kanila para makapag-bigay rin ng kasiyahan sa mga deboto ni Sto. Niño.

Nabatid na, noong Disyembre 21 nang pirmahan ni GMA RTV Iloilo/Bacolod Regional Manager Jonathan Cabillon at KASAFI Chairman Albert Menez ang kanilang partnership deal.

Kaugnay nito, ang Kapuso stars na sina Julie Anne San Jose at Martin Del Rosario ang magbibigay saya sa kanilang mga tagahanga sa Kapuso Fiesta at Kalibo Pastrana Park sa Enero  10.

Bukod dito, a-abangan din si GMA Artist Talent Center James Wright na makakasama sa araw ng Mutya it Kalibo Ati-Atihan pageant and coronation night sa ABL Sports and Cultural Center sa Enero 6 na siyang pinaka-aabangan kompetisyon para sa tatanghaling Mutya it Kalibo Ati-Atihan 2017.

Wednesday, December 28, 2016

Mga pantalan sa Boracay, nakahanda na para sa papalapit na bagong taon

Posted December 28, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for jettyportPahabaan na naman ng pila ngayong papalapit na bagong taon sa Caticlan Jetty Port at Cagban Port.

Kaya naman may nakalatag ng preparasyon ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Malay para dito upang maiwasan ang pahabaang pila sa pagkuha ng ticket, ito’y sa kabila ng bagyong nagdaan nitong mga nakaraan sa probinsya.

Sa interview ng himpilang ito kay Catherine Ong Fulgencio ng MDRRMO Malay, naka-activate na umano ang mga ahensya ng CAAP-Airport para sa mga magbabakasyon sa isla ng Boracay.

Aniya, meron na umano silang guidelines para sa mga pupunta ng isla kung saan nakapaloob umano rito na dapat maging handa sila sa anumang posibleng mangyari, isa na dito na dapat muna nilang i-check ang weather update sa PAG-ASA o makinig ng balita kung may bagyo ba o wala ng sa gayon ay hindi sila ma-stranded sa mga lugar na kanilang pupuntahan. At tingnan rin umano ng mga pasahero ang kanilang ticket na binili upang hindi na sila maabalang bumalik sa ticket booth lalo na sa mga turistang kailangang kumuha ng environmental fee.

Kaugnay nito, nakahanda na rin ang Caticlan at Cagban Port para sa mga uuwi at pupunta ng Boracay kung saan sinabi naman ni Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, na may Command Post o Assistance Desk na silang nakalagay para sa mga pasaherong may mga complaint o mga katanungan.

Naka-antabay dito ang Coast Guard, mga kapulisan at iba pang mga ahensya na malaki ang responsibilidad sa kasagsagan ng holiday season.

Samantala, okay naman umano ang kanilang operasyon sa mga pantalan sa kabila ng pagdagsa ng mga turista sa isla.

Tuesday, December 27, 2016

Therapist, bangkay na ng makita sa kanyang Boarding House

Posted December 27, 2016
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for patayIsa nang bangkay ang lalaking therapist ng matagpuan ito sa isang boarding house sa Sitio Bolabog, Brgy. Balabag, Boracay noong Disyembre a-bente tres.
Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, nasa state of decomposition na umano ang naturang bangkay na kinilalang si John Ramy Eugenio, 23-anyos, isang therapist at residente ng Duyong, Pandan, Antique.

Nalaman na lamang ang nasabing pangyayaring ng makatanggap ng tawag ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) magmula sa isang concerned citizen, na agad namang nirespondehan ng mga otoridad kung saan tinawag din ang atensyon ng Scene of the Crime Operative (SOCO) para sa imbestigasyon.

At base sa imbestigasyong isinagawa, napag- alaman na ang dahilan umano ng pagkamatay nito ay dahil sa Cardiovascular Arrest.

Bukod dito, ayon sa SOCO, nasa apat hanggang limang araw ng patay ang biktima.
Samantala, patuloy pa rin ang ginagawa nilang imbestigasyon kaugnay sa naturang pangyayari.

Bilang ng Turista sa Boracay, umabot na ng 1.6 Million

Posted December 27, 2016
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for TURISTA SA BORACAYTiwala ang Department of Tourism na maaabot nila ang target na 1.7 million sa taong ito ngayong umabot na sa 1.6 million ang  pumasok na turista sa isla.

Ayon kay Boracay officer-in-charge Kristoffer Leo Velete, umaasa silang dadagsa pa ang mga turista sa nalalabing araw bago magtapos ang taong 2016.

Base sa datos, nitong nakaraang buwan ng Nobyembre, pumalo sa 1,585,821 ang bilang ng mga turistang nagbakasyon sa Isla kasama na dito ang bilang ng mga foreigners na umabot sa 801,956 habang nasa 745,772 naman ang mga bakasyunistang Pilipino.

Nabatid na karamihan sa mga hotels at resorts sa isla ay fully- booked na habang patuloy pa ring nagsisipagdatingan ang mga turista at bakasyunista na ang ilan sa mga ito ay sa isla na sasalubungin ang Bagong Taon.

Kaugnay nito, sa nakalipas na taong 2015, ang kabuuang tourists arrival ay umabot sa 1,560,106.

Samantala, ang mga bansang may pinakamalaking market ay kinabibilangan ng Korea, China at Taiwan kung saan nasa 70 porsyentong mga foreign visitors mula dito.

Kabuuang Budget ng Probinsya ng Aklan sa taong 2017, aprubado na ng SP

Posted December 27, 2016
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for BUDGETMagkakaroon ngayon ng mahigit P1.8 Billion budget ang Probinsya ng Aklan sa pagpasok ng taong 2017.

Nabatid na inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ang budget noong nakaraang Disyembre 23, ayon kay Vice Governor Reynaldo “Boy” Quimpo, na nagsilbing presiding officer.

Magugunitang nasa P1.5 billion ang budget ng Provincial government ngayong taon.

Ayon naman kay Quimpo, para sa taong 2017, ang perang ilalaan sa general fund ay nagkakahalaga ng P1, 062,207,833 habang ang Economic Enterprise Development Office budget naman ay aabot ng P752, 598,500.

Samantala, pormal namang tinanggap ni Gov. Florencio Miraflores ang budget sa harap ng mga Provincial Local Finance Committee o PLFC.