YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, May 24, 2014

Ibat-ibang reaksyon sa Longest Massage Chain ng Boracay, sinagot ng MTour

Posted May 24, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sinagot ng MTour o Municipal Tourism Office ang ibat-ibang reaksyon ng mga netizens tungkol sa Longest Massage Chain ng Boracay nitong nakaraang linggo.

Sa pinadalang text message ni Malay Municipal Tourism Officer Felix Delos Santos, sinabi nitong meron umanong mga pangyayari na lampas sa kanilang control ay dapat na unawain.

Katulad na lamang umano ng puna ng ilan sa face book tungkol sa high tide kung saan nabasa ang mga kalahok dahil inabot ng mataas na tubig.

Ayon kay Delos Santos, dapat pa ngang i-appreciate ang mga partisipante sa kanilang didikasyon at commitment sa kabila ng nasabing sitwasyon.

Palatandaan umano ito na talagang may pagmamahal sa isla ang mga lumahok sa naturang aktibidad, lalo pa’t ito’y event ng “Kabayanihan”.

Sinabi pa nito na ang mga naninira sa Boracay, ay parang sinisiraan din ang buong Pilipinas.

Nabatid na umani ng iba’t-ibang negatibong komento sa face book ang world record breaking attempt ng Boracay na malampasan ang Thailand sa “Longest Massage Chain, sa kabila ng higit sa inaasahan ang dumagsang lumahok sa naturang aktibidad.

LGU Malay, aminadong marami na ang mga natatanggap na “complaint” tungkol sa building construction moratorium

Posted May 24, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Aminado ang LGU Malay na marami na rin ang kanilang natatanggap na reklamo hinggil sa ipinapatupad na building construction moratorium sa isla ng Boracay.

Ayon kay Mabel Bacani ng Boracay Re-development Task Force.

Kung “complaint” ang pag-uusapan ay hindi naman talaga ito maiiwasan na mayroong mga magtatanong sa ipinapatupad na alituntunin kaugnay sa pagtatayo ng gusali.

Subalit, ipinaliwag nito na ito’y ipinapatupad para sa ikakabubuti ng lahat ng residente at sa lahat ng aspeto ng isla.

Anya, ito’y naglalayong mabantayan o ma-monitor ang bagong establishemento sa isla, at ma-inventory ang mga gusali upang makita kung sino at ano ang lumabag sa Building Code at Ordinansang ipinapatupad sa Boracay.

Samantala, umaasa naman ang lokal na pamahalaan na mapapanindigan at maisasakatuparan ito sa tulong ng lahat.

Ang kaunlaran ay hindi lamang sa mga gusali at kapaligiran kundi sa iba pang bagay at serbisyo sa turista para makasabay din ang Boracay sa international standard.

Magugunitang ibinaba ang nasabing moratorium sa pamamagitan ng Executive Order No. 006 series of 2014 ni mismong Malay Mayor Joh Yap nitong nakaraang buwan ng Abril.

Friday, May 23, 2014


Front Beach ng Station 1 Balabag Boracay, binulabog ng sunog kaninang hapon

Posted May 23, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nabulabog kaninang mag-aalas dos ng hapon ang front beach ng Station 1 Balabag Boracay dahil sa nangyaring sunog sa isang restaurant doon.

Ayon kay Fire Officer 1 Rallie Lou Bisana ng Bureau of Fire Protection Unit Boracay, tumagal ng mahigit 15 minuto ang sunog na agad namang naapula.

Lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na nagsimula ang sunog sa kusina ng nasabing restaurant at tinitingnang anggulo dito ang exhaustion o sobrang init.

Ayon naman sa ilang staff ng Gerry's Grill Boracay, nagulat na lamang sila nang biglang may lumabas na usok mula sa exhaust ng kanilang kusina.

Umakyat umano sila sa 2nd floor ng kanilang restaurant kung saan nagmula ang makapal na usok na umabot pa sa 3rd floor.

Kaagad din anya silang kumuha ng fire extinguisher upang puksain ang apoy sabay tawag ng bombero.

Samantala, kaagad namang dumating ang mga taga Boracay Fire Rescue Ambulance Volunteer (BFRAV), Bureau of Fire Protection Unit (BFPU) Boracay, at iba pang rescue volunteers upang puksain ang apoy.

Bagama’t may mga kustomer pa doon sa 3rd floor, nabatid na naging mapayapa namang nakalabas ang mga ito mula sa nasabing restaurant.

Wala naman naitalang nasugatan dahil sa pangyayari.

Mga nakitang kalansay ng tao sa Boracay nitong nakaraang linggo, iniimbestigahan parin ng SOCO

Posted May 23, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi pa matukoy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga natagpuang kalansay ng tao sa Boracay nitong nakaraang linggo.

Ayon kasi sa mga taga Boracay PNP, patuloy paring iniimbestigahan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang mga nasabing kalansay.

Matatandaan sa naunang mga ulat na natagpuan ng dalawang construction worker sa isang construction site sa Sitio Cagban, Manoc-Manoc ang unang bungo at kalansay.

Kaagad naman itong sinundan kinabukasan kung saan isa na namang bungo at kalansay ng tao ang nahukay doon.

Sa ngayon ay nagpapatuloy parin ang medico legal examination ng SOCO at wala pang mailalabas na resulta tungkol dito.

Samantala, nabatid naman na ang nasabing lugar ay dating hotel sa Boracay.

Problema kaugnay sa mga lasing na komisyoner sa Boracay, pag-uusapan ng MAP

Posted May 23, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pag-uusapan umano ng mga taga MAP upang masolusyunan ang problema sa mga lasing na komisyoner.

Ayon kay Municipal Auxiliary Police (MAP) Deputy Chief Rodito Absalon Sr.

Marami na rin silang reklamong natatanggap tungkol sa umano’y mga maling gawain ng mga nasabing komisyoner.

Halimbawa na nga rito ang mga reklamong ipinaabot mismo sa kanila ng ilang mga residente sa isla, na nakikipagtransaksyon parin ang mga ito sa mga turista kahit lasing.

Nakakahiya nga naman umano kasi sa mga turista na lasing o amoy alak ang lalapit sa kanilang komisyoner.

Samantala, ayon pa kay Absalon, patuloy ang kanilang pagkompiska ng brochure ng mga nasabing komisyoner lalo na kapag hindi ang mga ito lisensiyado at accredited ng MTour o Municipal Tourism Office ng Malay upang hindi makapagsamantala sa mga turista.         

Pagsingil ng “enrollment fees” muling ipinaalala ng DepEd Aklan

Posted May 23, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muling ipinaalala ng Department of Education (DepEd) Aklan sa mga guro ang mahigpit na pagbabawal sa pagkolekta ng anumang bayarin sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo.

Ayon kay DepEd Aklan Education Program Supervisor Mary Ann Salazar.

Matagal nang libre ang pagpapa-aral sa public school, kung kaya’t hindi dapat singilin ang mga magulang sa enrollment ng kanilang anak.

Aniya, hindi dapat obligahin ang mga magulang na magbayad ng fees sa Parents-Teachers Associations (PTA), dahil ito ay boluntaryo o kusang-loob lamang.

Bagamat may ilang babayaran din umanong contribution fees ang mga mag-aaral na pumapatak pa sa buwan ng Setyembre.

Binigyang-diin pa nito na maaaring bigyan ng sanction ang isang guro kapag mapatunayan naningil ito sa oras ng enrolment.

Sinabi pa ni Salazar na kailangang hikayatin ng mga magulang ang kanilang mga anak na out of school youth na mag-aral ngayong pasukan para na rin sa kanilang kinabukasan.

Samantala, nagpapatuloy na sa ngayon ang pagtanggap ng mga enrollees sa lahat ng paaralan sa probinsya ng Aklan para sa nalalapit na pasukan ngayong Hunyo 2.

Municipal Auxiliary Police, pinaigting pa ang seguridad sa isla

Posted May 23, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Pinaigting pa ngayon ng MAP o Municipal Auxiliary Police ang seguridad sa isla.

Maliban kasi sa mga nagrorondang MAP, nabatid na binubuksan na rin tuwing gabi ang dating boat station 2 outpost upang magamit nila sa kanilang pang gabing operasyon.

Ayon sa mga MAP na nakaduty kagabi sa nasabing out post, malaki ang naitulong nito sa mga turista lalo na sa gabi dahil agad silang may matatakbuhan sa oras ng pangangailangan.

Samantala, sinabi pa ng mga ito na may kasama din silang mga pulis doon tuwing gabi hanggang madaling araw.

Nabatid na may mga nahuhuling lumalabag sa ordinansa ng isla ang dinadala doon sa out post upang mabigyan ng kaukulang penalidad at karampatang disposisyon.

Thursday, May 22, 2014

Ordinansang magre-regulate sa helmet diving sa bayan ng Malay, pinag-uusapan na sa SP Aklan

Posted May 22, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inimbitahan sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang proponent o may akda ng ordinansang magre-regulate sa helmet diving sa bayan ng Malay.

Ayon sa SP Aklan, mahalaga umano ang masinsinang pag-uusap hinggil dito lalo na sa isla ng Boracay kung saan karaniwang nagkakaroon ng Operation of Reef Walker or Helmet Diving.

Ang nasabing ordinansa ay unang isinulong sa Sangguniang Bayan (SB) Malay na naglalayong higpitan ang helmet diving activity lalo na sa Boracay para na rin sa seguridad ng mga turista at upang mapangalagaan ang yamang dagat.

Samantala, unang nabatid na tatlo sa sampung nagkakaroon ng helmet diving activity sa isla ng Boracay ay hindi sinusunod ang ordinansang ipinalabas ng LGU Malay.

Una ring sinabi ni Boracay Life Guard Supervisor Miguel “Mike” Labatiao na sadyang mayroong mga pasaway na nasasagawa ng nasabing aktibidad sa hindi tamang lugar kung kaya’t kadalasang nasisira ang mga corals dahil sa angkla ng kanilang bangkang ginagamit sa helmet diving activity.

Dahil dito, hindi papayagan ng LGU Malay ang mga helmet diving activities hangga’t hindi sila nabibigyan ng permit at hindi nakakapag-comply ng kanilang mga requirements.

Base sa nilalaman ng ordinansa magtatalaga ng area ng operasyon para dito at nag-uutos na bigyan ng parusa ang mga lalabag sa nasabing batas.

2 babaeng Turkish national, ninakawan ng pera sa Boracay

Posted May 22, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Humingi ng tulong sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang dalawang babaeng Turkish national matapos na mabiktima ng pagnanakaw sa Boracay.

Ayon sa report ng 23 anyos na si Gozde Ozdem, inilagay nya ang kanyang itim na pitaka sa front beach ng Balabag Boracay saka pumunta sa isang bar kasama ang kaibigang si Berna Kara.

Subalit nang bumalik na umano ang mga ito sa lugar na pinag-iwanan nya ng wallet ay doon na nalamang nawawala ang pitaka na naglalaman ng limang libong piso, credit card at turkey card nilang magkaibigan.

Nagpapatuloy naman ngayon ang imbestigasyon ng Boracay PNP Station hinggil sa nasabing pangyayari.

Umano’y lalaking may dalang kutsilyo na nanggulo at naghamon ng away sa Boracay, inereklamo sa Boracay PNP

Posted May 22, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dumulog sa himpilan ng Boracay PNP Station ang 25 anyos na si Renato Ignacio ng Hagdan Romblon.

Ito’y matapos na may hindi kilalang lalaki umano na may dalang kutsilyo ang nanggugulo at naghamon ng away sa kanilang lugar sa So. Hagdan Yapak Boracay kanina ng madaling araw.

Ayon sa report ng Boracay PNP, sinasabing nasa ilalim ng nakalalasing na inumin ang hindi nakilalang lalaki na nagsisigaw at naghahamon ng away sa nagrereklamo.

Samantala, matapos naman ang isinagawang responde ng mga pulis sa lugar ay hindi na naabutan doon ang sinasabing lalaki at nakaalis na umano ito.

Total expenses sa selebrasyon ng 11th fiesta De Obresos gustong makita ng SB Malay

Posted May 22, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Gustong humingi ng kopya ng Sangguniang Bayan ng Malay sa kabuuang ginastos sa nakalipas na 11th Fiesta De Obreros nitong Mayo.

Sa SB Session ng Malay nitong Martes sinabi ni SB Member Floribar Bautista na nais niyang humingi ng kopya sa lahat ng total expenditures ng nasabing selebrasyon.

Maliban umano dito gusto rin niyang makita ang record kung ilang donasyon ang natanggap ng LGU Malay mula sa mga business establishment, stakeholders at private sectors para sa naturang selebrasyon.

Sinang-ayunan naman ito ng buong konseho kung saan gusto nilang kumuha ng kopya mula sa Municipal Tourism Office (MTour) na siyang may hawak ng fiesta De Obresos.

Sinabi naman ni SB Member Rowen Aguirre na meron din siyang pending request sa Municipal Accountant Office noong 2012 tungkol dito.

Inaasahan rin ni Vice Mayor Wilbec Gelito na kailangang mai-submit ito sa kanila sa susunod na regular session at dapat din umanong hindi ito ma delayed kagaya ng mga naunang request ng konseho.