YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, December 30, 2015

Nasa 192 Japanese piniling magdiwang ng bagong taon sa Boracay

Posted December 30, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinili ng tinatayang isang daan at siyam naput dalawang Japanese national mula sa Narita Japan na ipagdiwang ang pagsalubong ng bagong taon sa isla ng Boracay.

Ayon kay DOT Boracay Sub-Office Tourism Assistant Kristoffer Leo Velete, ito ang ikalawang beses na may grupo ng mga Japanese national na magdidiwang na bagong taon sa isla.

Darating umano ang mga ito bandang ala-5:30 ngayong hapon na may chartered flights mula Japan patungong Kalibo International Airport (KIA).

Nabatid na ang pag-punta ng mga grupo-grupong mga turista sa Boracay ay bahagi ng ginagawang marketing ng Department of Tourism (DOT).

BFP Boracay, pabor sa total ban sa mga paputok

Posted December 30, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for mga paputokPabor umano ang Bureau of Fire Protection Unit (BFP) Boracay sa pagpapatupad ng total ban sa mga paputok tuwing kapaskuhan at bagong taon.

Ayon kay Fire Officer 3 Franklin Arubang, mas mainam umanong ipatupad ang total ban para makaiwas sa disgrasya dulot ng anumang dala ng mga paputok lalong lalo na sa Boracay.

Sinabi din nito na kung sakaling hindi maiwasan ang paggamit ng mga paputok ay piliin nalang ang mga hindi masyadong dilikadong firecrackers.

 Kasabay nito, muling hinikayat ng BFP ang publiko na gumamit nalang ng mga alternatibong pampaingay sa pagsalubong sa bagong taon.

Pagala-gala at namamalimos na mga Badjao sa Boracay dinampot ng mga otoridad

Posted December 30, 2015
Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Boracay PNP
Panibago na namang grupo ng mga Badjao na pagala-gala at namamalimos sa isla ng Boracay ang dinampot ng mga otoridad kahapon.

Ito ay sa pinagsamang pwersa ng Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO) Boracay, Malay Auxiliary Police (MAP), Boracay PNP at Tourism Regulatory Enforcement Unit.

Ilan sa mga nahuli ay ang mga namamalimos sa area ng D’Talipapa kung saan dagsa ang maraming turista at sa harapan ng D’Mall kung saan makikita naman ang buhos ng maraming tao.

Sa tulong naman ng mga kinauukulan ay dinala ang mga ito sa mainland Malay kung saan dinadala ang mga nadadampot na Badjao sa Boracay upang matulungan ding maiuuwi sa kani-kanilang mga lugar.

Nabatid na layun ng MSWDO at ng Boracay PNP na masugpo ang mga nasabing Badjao sa isla dahil sa nagiging eyesore ang mga ito sa mga turista kung saan namamalimos din ang mga ito.

Babae kulong matapos mahulihan ng illegal na droga sa Boracay

Posted December 30, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for drugsKulong ngayon sa Boracay PNP Station ang isang babae matapos mahulihan ng illegal na droga sa isinagawang buy-bust operation alas 11:30 kagabi sa Brgy. Yapak, Boracay, Malay, Aklan.

Sa pinagsamang pwersa ng Aklan PPO PAIDSOTG, APPSC, BTAC, at Malay PNP nahuli ang  suspek na si Banjie Inoc 36- anyos residente ng Brgy. Pusok, Lapu-lapu City, Cebu.

Nakuha sa posisyon ng suspek ang isang sachet ng illegal na droga at marked money na P500.

Maliban dito, hindi naman nahuli ng mga pulis ang isa pang suspek na kinilalang si Honorato Cagalitan na kasama ni Inoc matapos mabilis na nakatakas sa nasabing operasyon.

Samantala, nakatakda namang samapahan ngayong araw ng kasong paglabag sa Section 5, Section 11 at Article II Republic Act 9165 o dangerous drugs act si Inoc.

MS Europa muling dadaong sa Boracay ngayong araw

Posted December 30, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sa ikatlong pagkakataon ay muli na namang dadaong ang barkong MS Europa II sa isla ng Boracay ngayong araw ng Miyerkules.

Ayon kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, dadaong umano ang naturang barko alas-9:30 sa area ng Cagban Port at aalis naman bandang alas-3 ng hapon.

Sakay din umano nito ang tinatayang apat na raan at walong pasahero mula sa ibat-ibang bansa kasama ang mga crew na kinabibilangan din ng mga pinoy.

Kaugnay nito naka full alert na rin umano ang mga otoridad na kinabibilangan ng Philippine Coastguard, Philippine National Police, Maritime Police at iba pang force multipliers.

Nabatid na bagamat ikatlong beses na itong pagbisita ng barko sa isla, ay wala na ring mangyayaring seremonya sa pagitan ng Aklan Provincial Government at ng barko.

Samantala, bibisitahin naman ng mga turista ang beach area, D’Mall at mga souvenir shops habang ang iba naman ay susubukan ang ibat-ibang Island at water sport activities.

Tuesday, December 29, 2015

Dalawang notorious Ilonggo Group, arestado ng Boracay PNP

Posted December 29, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay      

Photo Credit to Boracay PNP
Dalawang notorious Ilonggo Group na nag-o-operate sa isla ng Boracay ang naaresto ng mga kapulisan ng Boracay PNP ngayong hapon.

Nakilala ang dalawa na sina Mary Ann Gamboa Pareño ng Luna, Lapaz, Iloilo City at Carlo Perez Paniza mula sa La Granja, Lapaz, Iloilo City.

Base sa report ng Boracay PNP, nabiktima ng dalawang suspek ang isang tindahan sa Barangay Manocmanoc kung saan nakita sa CCTV na may kinuhang bag si Pareño na naglalaman ng P54,000 cash kung saan ang nasabing pera ay agad namang ibinigay ng suspek sa mga kasama pa nito na mabilis namang tumakas.

Nabatid na agad nagsagawa ng manhunt operation ang Boracay PNP para sa ikadarakip ng mga suspek sa lugar kung saan sinasabing nagtatago ang mga ito.

Kaugnay nito narekober naman ng mga kapulisan sa kustudiya ng mga suspek ang isang sets ng door lock na nakapangalan sa Sespeñe Trading, rolyo ng sand paper at electric wire, pares ng tsinelas at orange na prutas.

Samantala, base sa rekord ng mga kapulisan si Pareño ay makailang beses na ring naaresto sa kaparehong kaso kung saan inihahanda na rin ngayon ang kasong theft na isasampa sa mga mga ito.

Ilang pasahero idinaan sa social media ang pagkainis sa haba ng pila sa Cagban at Caticlan Jetty Port

Posted December 29, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Idinaan sa social media partikular sa facebook ng ilang mga pasahero ang pagkainis sa mahabang pila sa Cagban at Caticlan Jetty Port ngayong umaga.

Ito’y matapos ang mabagal na operasyon ng mga bangka dahil sa nararanasang low tide kung saan hindi makasampa ang mga bangka sa rampa dahil sa sobrang babaw ng tubig.

Maliban dito dagsa ang maraming tao na nagbabakasyon ngayon sa Boracay dahil sa holiday season kung saan karamihan sa mga ito ay sa isla sasalubungin ang bagong taon.

Ayon naman kay Philippine Coastguard Caticlan Lt. Edison Diaz, hinahanapan na umano nila ngayon ng alternatibong solusyon ang naturang problema sa pantalan dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng maraming pasahero.

Sinabi din nito na nasa super peak season na ngayon ang isla kung saan hindi maiiwasan ang ganito kahabang pila ng mga pasahero pabalik at papuntang Boracay.

Samantala, todo bantay naman ang Philippine Coastguard at ang Jetty Port Administration sa seguridad sa dalawang pantalan lalo na ngayong papasok na ang bagong taon.

Illegal firecrackers at pyrotechnic sa Boracay kinumpiska ng mga kapulisan

Posted December 29, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa kabuuang P8, 000 ang halaga ng nakumpiskang Illegal firecrackers at pyrotechnic ng mga kapulisan sa isla ng Boracay sa So. Bantud, Manoc-manoc nitong kapaskuhan.

Ito’y matapos ang ginawang inspeksyon ng Boracay PNP Station kaugnay sa “Ligtas Kapaskuhan 2015” campaign sa pangunguna ni BTAC OIC PSI Fidel Gentallan at ng mga taga Aklan Police Provincial Office (APPO).

Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Senior Inspector Josephine Jomocan ng Firearms Explosives Security and Guard Section (FESAGS) ang publiko na iwasang magbinta ng paputok sa mga menorde-edad.

Samantala, ipinagbabawal din sa mga mamimili ang pag-testing ng mga paputok sa mimsong bilihan nito upang maiwasan ang anumang disgrasya.

Dalawang cashier sa Boracay, ini-reklamo matapos hindi i-remit ang pera

Posted December 29, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for kulongIni-reklamo ng may-ari at ng manager ng isang establiyemento sa Boracay ang dalawang cashier matapos na hindi i-remit ng mga ito ang kanilang kinitang pera.

Sa report ng Boracay PNP, nagkikwenta umano ang may-ari kasama ang manager nito ng kanilang paninda kung saan laking gulat nalang ng dalawa na nagkulang sila ng mahigit sa P227, 556.

Dito, napag-alaman na hindi  pala inire-remit ng dalawang cashier na sina certain “nel” at “rel” ang kanilang benta araw-araw na umabot sa nasabing halaga.

Agad namang hinuli ng mga pulis ang dalawang suspek at ngayon ay pansamantalang naka-kustudiya sa Boracay PNP para sa karampatang disposisyon.

Monday, December 28, 2015

Pinsala ng sunog sa Ambulong Boracay tinatayang umabot sa mahigit kumulang 10 milyon peso

Posted December 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa tinatayang mahigit kumulang sampung milyong peso ang pinsala sa nangyaring sunog sa So. Ambulong Manoc-manoc Boracay nitong desperas ng pasko.

Ito ay base sa inilabas na investigation report ng Boracay Island Special Fire Protection Unit (BISFPU).

Sa report sinasabing nagmula ang sunog sa commercial/residential na pagmamay-ari ni Aiza Mambuen kung saan umabot sa 1st alarm ang nasabing sunog.

Kaugnay nito patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng BISFPU sa sanhi ng nasabing sunog kung saan sinasabi namang faulty electrical wiring ang pinagmulan nito.

Napag-alaman na mahigit sa limampung kabahayan ang tinatayang natupok ng apoy kung saan karamihan nito ay mga boardinghouse na yari sa light materials.

Samantala, wala namang napaulat na namatay sa nangyaring sunog ngunit sampu naman ang sinasabing nasugutan matapos magpumilit na iligtas ang kanilang mga nasusunog na gamit.

Inspeksyon sa mga nagbibinta ng paputok sa Boracay hinigpitan ng BTAC

Posted December 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Boracay PNP
Mahigpit ngayon ang ginagawang inspeksyon ng mga kapulisan sa mga nagbibinta ng paputok sa isla ng Boracay.

Ito’y kaugnay parin sa “Ligtas Kapaskuhan 2015” kung saan ipinagbabawal ang pagbibinta ng mga paputok na walang permit at ang mga ipinagbabawal na fire crackers.

Katuwang mismo ni PSI Fidel Gentallan OIC ng BTAC sina PSSUPT Alfredo Valdez ng DRDO, PSUPT Pedro Enriques ng DPDA, PSUPT Gaylord Loyola ng DPDPO sa pag-iinspkesyon sa mga tindahan ng paputok sa So. Bantud, Brgy Manocmanoc, Boracay.

Nabatid na mahigpit na ipinagbabawal ng mga otoridad ang paggamit ng paputok sa isla dahil na rin sa mga dikit-dikit na kabahayaan na maaaring magresulta ng sunog.

Sa ngayon mahigpit naman ang paalala ng Boracay PNP at ng Boracay Fire Station Unit sa mga residente sa ila na iwasang gumamit ng mga paputok upang malayo sa disgrasya.

Samantala, pinayuhan din ng mga ito ang publiko na gumamit nalang ng mga maiigay at ligtas na bagay lalo na sa mga kabataan sa pagsalubong sa bagong taon.

Swiss National, nilooban ng magnanakaw sa Boracay

Posted December 28, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay


Image result for theftDumulog sa Boracay PNP station ang turistang Swiss National matapos umanong akyatin at pagnakawan ito sa kanyang kwartong inuupahan sa Sitio Bolabog, Brgy. Balabag, Boracay, Malay, Aklan.

Sumbong ng turistang si Daniel Arnold Ruegg 53- anyos sa mga pulis, lumabas umano sila ng kanyang asawa para dumalo sa isang meeting at para kumain ngunit sa pagbalik ng mga ito sa nasabing kwarto ay nawawala na ang kanilang bag kung saan nakalagay ang pera nitong nagkakahalaga ng P76,000 at ang kanyang Pocket wifi.

Agad naman pinuntahan ng mga pulis ang nasabing lugar at sinasabing sa bintana ng kwarto dumaan ang hindi nakilalang suspek.