YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 15, 2012

Simbahang Katoliko sa Boracay, handa na para sa Simbang Gabi


Handa na ang ng Simabahang Katoliko sa isla ng Boracay para sa pagsisimula ng 9 mornings o simbang gabi.

Katunayan ay may mga iskedyul nang ipinalabas ang Holy Rosary Church sa Balabag kaugnay sa siyam na umagang Misa De Gallo sa isla.

Ayon kay Rev. Fr. Arnold Crisostomo, Kura Paroko ng Holy Rosary Church sa Boracay, alas-4 ng umaga sisimulan ang misa bawat araw, simula sa ika-16 ng Disyembre.

Pero sa mga nais naman umanong dumalo sa Santo Rosario, ginagawa ito bago magsimula ang misa sa umaga.

Samantala, sa darating na ika-24 ng Disyembre, ilang oras bago ang selebrasyon ng kapanganakan ni Jesus ay gaganapin aniya ang misa sa oras na alas-9 ng gabi sa Holy Rosary Church.

Habang ang mga misa naman umano sa Chapel ng Yapak at Manoc-manoc  sa nasabing petsa din ay gagawin alas-6:30 ng gabi bago ang misa sa Balabag. #ecm122012

LGU Malay, tinatrabaho na ang Municipal Environmental Code,


Balak ng lokal na pamahalaan ng bayang ito na magkaroon ng akmang Municipal Environmental Code ang Malay kasama na ang Boracay.

Kaya nais na itong trabahuhin ng Punong Ehekutibo ngayon.

Uumpisahan ito sa pagkakaroon ng consultant na siyang eksperto para makatulong sa pagbigay ng sulosyon sa usaping pangkapaligiran sa bayan para mapangalagaan ang likas na yaman lalo na ang Boracay.

Dahil dito, hiniling ng Alkalde sa Sangguniang Bayan ng Malay na bigyang awtoridad siya para pumasok sa sang kasunduan sa isang dalubhasa sa larangan para sa proteksiyon sa kapaligiran.

Si Dr. Miguel Fortes ng University of the Philippines Marine Science Institute ang napipisil nitong na siyang magiging Consultant sa bubuuing Environmental Code. #ecm122012

Barangay Manoc-manoc, nangunguna sa pre-judging ng “Beautification of Barangay Contest”


Nangunguna umano ngayon sa puntos ang Barangay Manoc-manoc sa ikinasang “Beautification of Barangay Contest”.

Ito ang nabatid mula sa Municipal Tourism Office partikular kay MTO Chief Operation Officer Felix Delos Santos Jr.

Aniya sa pre-judging na ginawa nila ng inikot ng mga hurado kamakalawa ang apat na Barangay na kalahok sa patimpalak, ang Brgy. Yapak, Balabag, Manoc-manoc at Caticlan.

Ang Manoc-manoc ang nangunguna sa puntos sa ngayon.

Pero ayon kay Delos Santos, magkakaroon pa rin ng final judgment sa mga paghahanda na ginawang ito para mapaganda at maging malinis ang nasabing mga Barangay na siyang punterya at dinadaanan ng mga turista na nangpupunta dito sa Boracay.

Ayon dito, nakatakda ang final na judgment para sa patimpalak na ito sa ika-20 ng Disyembre.

Layunin ng programang ito na mapanatiling malinis ang isla pati na rin ang Barangay Caticlan na siyang pintuan ng Boracay, at maipadama ang diwa ng Pasko hindi lamang sa mga turista kundi maging sa mga residente ng islang ito. 

Ang “Beautification of Barangay Contest” ay programa ng lokal na pamahalaan ng Malay na pinangasiwaan naman ng Tourism Office. #ecm122012

Friday, December 14, 2012

Stakeholder sa Boracay, alam na ang planong pagwalis sa mga iligal na gusali


Alam at tanggap na rin ng mga stakeholder sa Boracay ang pagtanggal sa mga iligal na istraktura o gusali sa isla.

Ito ang paniniwala ni Boracay CENRO Officer Merza Samillano.

Ito ay kaugnay sa napapabalita ngayon ipinag-utos na ng DENR na simulan nang tanggalin ang mga straktura/gusaling pasok sa 25-meter mula sa beach line at 5-meter ang layo mula sa kalsada o tinatawag na “25+5 easement”.

Sapagkat ayon kay Samillano, taong 2009 pa sinimulan ang inventory ng mga gusali sa isla kung sino ang lumabag sa Presidential Proclamation 1064 partikular ang pagpapatupad ng 25+5.

Sinundan naman umano ito ang pagbibigay ng mga notice of violation ng EMB o Environmental Management Bureau ng DENR para malaman ng mga stakeholders na ito ang kanilang nalabag.

Dagdag pa nito, ang kaugnay sa nasabing usapin ay alam na rin umano ng Alkalde ng baying ito, sapagkat kasama ito sa ipinatawag para pag-usapan ang suliranin sa mga gusali sa Boracay.

Samantala, dahil sa binuo ang National Task Force ng Pangulong Benigno Aquino III na siyang tututok sa problema nasabing problema ng isla, ang Department of Justice, Tourism, DENR at DILG aniya ang magtutlungan upang magpatupad ito.

Pero ang lahat ng implementasyon umano gaya ng pagpapatanggal sa mga illegal na gusali ay nasa mandatu ng local na pamahalaan.

Tumanggi naman si Samillano na banggitin kung ilan ang maaapektuhang gusali sa Boracay kung sakaling maumpisahan na ito. #ecm122012

Thursday, December 13, 2012

Pagwalis sa mga illegal structure sa Boracay, ipina-utos ni PNoy; CENRO Boracay, walang alam


Wala umanong alam ang CENRO Boracay kung nais na ngang ipatanggal ng DENR ang mga iligal na istraktura sa front beach ngayon.

Ito ang nabatid mula kay Boracay-CENRO Officer Merza Samillano.

Aniya, ang ganitong usapin sa isla ay ang national level na ang nagdedesisyon gayong ang Punong Ehekutibo na ng bansa ang may hawak sa isyung ito.

Dahil mismong ang Pangulo Benigno Aquino III na ang nag-utos nito nang binuo ng presidente ang National Task Force para aksiyunan ang problema ng Boracay at Baguio City noong nagdaang buwan ng Marso ng kasalukuyang taon.

Binubuo umano ito ng Department of Tourism, Department of Justice, DENR at DILG.  

Ito ay kaugnay sa pagbibigay solusyon sa mga gusaling itinayo sa “no build zone” gaya ng tabing dagat at bulubundukin na maaaring makasira sa kalikasan at kapaligiran.

Kaya kung may utos naman umano ang DENR na simulan na pagwalis sa mga iligal na gusaling ito sa isla, hindi umano ito imposibleng mangyari, at sila dito sa CENRO ngayon ay naghihintay na lamang din ng utos mula sa DENR. #ecm122012

DPWH may P50-million na para sa streetlights mula Caticlan papuntang KIA


Kung gaano kahirap pailawan ang iilang poste at kalye sa isla ng Boracay, ganoon naman kadaling liliwanag ang National High Way ng Aklan mula Caticlan papuntang Kalibo Airport kung sakali matuloy na ito.

Sapagkat ang Road Board Fund ng DPWH ay naglaan ng P50-milyong pondo para pailawan ang mga daanang ito.

Kung saan, layunin umano ay upang masigurong ligtas ang mga turistang dumadaan dito.

Ang P50-milyon ay inilaan para sa street lights sa highway ay hiniling umano ni Kasangga Rep. Teodorico Haresco sa DPWH na siyang nagpresinta naman sa lokal na pamahalan ng probinsiya.

Pero ang DPWH pa rin umano ang magpapatupad sa proyekto.

Bagamat malinaw na makakatanggap ang Aklan ng ganoon kamahal na proyekto, nagpaabot pa rin ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ng pag-endorso sa proyekto na isa din sa mga requirements ng Board.

Samantala, nabatid na ang area ng Nabas at Caticlan, gayon din ang Numancia diretso na sa Kalibo Airport ang uunahing lalagyan ng streetlights.

Ito ay dahil ang mga kalsada sa area na ito ay napalaparan na ng DPWH, at upang pemanenteng na rin umano ang mga poste na ilaw na ang ilagay nila dito. #ecm122012

Wednesday, December 12, 2012

Guwardiyang nanutok ng baril sa MAP, nais pakasuhan ng Island Administrator


Dapat talagang makasuhan ang Security Guard na nanutok ng baril sa miyembro ng Municipal Auxiliary Police o MAP.

Ito ang nais mangyari ngayon ni Island Administrator Glenn Sacapano, gayong sa ilalim ng pamumuno nito ang mga MAP sa Boracay.

Pero ang lahat umano ay depende na sa pangungunisa  at suhestiyon ng Pulis sa Boracay.

Ang pahayag na ito ni Sacapano ay kasunod ng panunutok ng baril ng isang security guard na si Franc Raz sa MAP Member na si John Quinto kagabi habang ginagampan ng MAP ang kanilang tungkulin sa main road ng Balabag.

Nangyari ito makaraang arogante umano sinigawan ng guwardiya ang MAP na ayusin ang trapik sa nasabing lugar at sinundan ng panunutok ng baril ng lapitan ito at sitahin kaya nagkaroon ng kumprontasyon.

Kaugnay nito naniniwala naman ang Administrador na gayong nangyari ito habang ginagampanan ng MAP ang trabaho, hindi naman umano ito pababayaan ng lokal na pamahalaan ng Malay. #ecm122012

Paglalagay ng basement sa mga gusali sa Boracay, nais ipagbawal


Tila nasasalaula na umano ang kapaligiran ng Boracay dahil sa paglalagay ng mga basement ng ilang establishimiyento sa isla.

Dahil dito, nagpanukala kahapon si Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre na baguhin o ameyndahan ang Building Ordinance sa Boracay para sa proteksiyon ng isla.

Ito ay kasunod umano ng napapansin ni Aguirre ang nakakabahalang paghuhukay ng mga establishimiyento para gawing basement sa kabila umano na batid naman ng lahat na kaunting hukay lang ay tubig na ang lumalabas sapagkat ang Boracay ay napapalibutan din ng tubig.

Pinuna din ng konsehal ang masakit sa matang mga hose na ginagamit ng mga establishsmentong ito dahil walang tigil umanong paglalabas ng tubig na diritso sa drainage na wala pang direksyon sa ngayon.

Maliban dito ang iba naman ay diritso umanong nagdidispatsa ng tubig mula sa basement papuntang beach.

Kaya, nais ngayon ng konsehal na ipagbabawal na ang paglalagay ng basement. #ecm122012

Panukalang gawing dalawang distrito ang Aklan, muling hinarang sa Senado


Tila hindi na mahahati sa dalawang distrito ang probinsiya ng Aklan.

Sapagkat noong ika-10 ng Disyembre, nabatid na muling hinarang sa Senado ni Sen. Sergio Osmeña ang resolusyon na lumilikha ng isa pang Congressional district sa probinsyang ito.

Ito ay makaraang ihain ni Aklan Rep. Florencio Miraflores sa mababang kapulungan ang House Bill No. 3860 na siyang panukalang batas na ito na sopurtado naman ng mga Alkalde ng probinsiya.

Dahil dito, inaasahang mahigit sa P210-M ang mawawala sa lalawigan matapos harangin ni Osmeña ang resolusyon, sapagkat ang bawat kongresista ay may nakalaang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na P70-M bawat taon.

Subalit kapag patuloy itong haharangin ng senador, mistulang bula na maglalaho ang pangarap na ito para maging dalawang distrito ang Aklan.

Gayong ito na sana ang maituturing na isa sa mga solusyon upang gumanda ang ekonomiya ng probinsiya dahil dalawa na ang kakatawan sa kongreso.

Kung matatandaan, si Senate on Local Government Committee chairman Sen. Bong Bong Marcos ang nagdala ng panukalang ito ni Miraflores sa senado para lubusan na sanang maging batas kung maaprobahan.

Pero, sa kabila ng pagnanais ng lokal na opisyales ng probinsiyang ito na maipasa bago ang paghahain ng kanidatura nitong Oktubre, una nang kinontra ito ni Osmeña, kaya napilitan ang senado na suspendihin ang pagdinig sa house bill. #ecm122012

Tuesday, December 11, 2012

TIEZA, sinagot ang tanong kung bakit mahal ang tubig sa Boracay


“Dahil sa ang Boracay ay isla na napapalibutan ng tubig kaya mahal din ang serbisyo ng tubig.”

Ito ang isa sa nakikitang rason ng TIEZA kaugnay sa sinasabing ang Boracay ang may pinakamahal na taripa sa paniningil ng tubig, at iyon ay ang Boracay Island Water Company o BIWC.

Bilang sagot ni Officer In-charges Atty. Marites Alvares ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA Regulatory sa Boracay.

Isa ito sa itinuturing nilang dahilan sapagkat malayo umano ang pinagmumulan at kailangan magtanim ng tubong dadaanan ng tubig patawid ng islang ito mula sa mainland partikular sa Naboy River.

Dahil dito, kailangan pa aniyang mag-invest ng TIEZA at BIWC sa proyekto, lamang makapagbigay ng maayos na serbisyo at malinis na tubig sa Boracay na siyang sentro ng turismo hindi lang sa Malay at Aklan, kundi maging sa buong Pilipinas.

Idagdag pa dito, ayon kay Alvares, na hindi patag ang mga lugar sa Boracay, gayong may mga matataas na area na kailangang pa nilang lagyan ng mga pumping station.  

Ang pahayag na ito ay sinabi ng abogado sa harap ng mga konsyumer ng BIWC sa ikinasang Public Hearing kahapon, kaugnay sa planong pagtaas sa taripa ng serbisyo sa tubig ng nasabing kampaniya ng tubig na aabot hanggang 35.4%. #ecm122012

LGU Malay, nagpaalala laban sa mga nag-iikot at humihingi ng donasyon


“Kapag walang dokomento mula sa Barangay sa Boracay, Municipal Social Welfare at Alkalde sa Malay ay huwag bigyan ng donasyon o pera.”

Ito ang paalala ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay sa mga establishimiyento at residente ng islang ito.

Kasunod ng dumadaming dayo mula sa iba’t-ibang probinsiya na pinupunterya ang Boracay para manghingi ng donasyon gamit ang kani-kanilang relihiyon, organisasyon at minsan naman ay ginagamit ang programa ng pamahalaan.

Ayon kay Island Administrator Glenn Sacapaño, walang masama kung manghingi ng tulong at magbigay sa kapwa.

Pero kailangan parin umanong masigurong totoo ang mga nakasaad sa papel o na dinadala ng mga grupong ito sa isla na nililibot at ipinapakita sa mga pamamahay at establishimiyento para makahingi ng pera.

Ayon kay Sacapaño, tila nasasanay na kasi ang ibang grupo na dumayo sa Boracay gayong kung titingnan ay ang mga taga dito sa isla ay hanggang maaari ay hindi pinahihintulutan, depende sa kanilang layunin.

Kung tutuusin umano ay nakakapagtaka naman talaga gayong gagastos pa ang mga ito ng pamasahe mula sa kani-kanilang lugar para manghingi lamang ng donasyon sa Boracay. #ecm122012

Monday, December 10, 2012

TIEZA, inulan ng tanong kaugnay sa balak na rate increase ng singil sa tubig ng BIWCI


Binatikos ng mga dumalo sa public hearing na ipinatawag ng Tourism Infrastructure Enterprise Zone Authority o TIEZA ang proposed rate increase para sa singil sa tubig at waste water management ng Boracay Island Water Company Inc. o BIWCI.

Maliban sa ayaw ng mga dumalo na taasan ang singil sa tubig, pinuna ni SB Member Rowen Aguirre kung bakit konti lamang ang dumalo at kung may epekto ba ang bilang ng mga dumalo sa desisyon ng TIEZA Board of Directors na siyang mag-aapruba ng rate.

Bilang sagot ng TIEZA, sinabi ni Atty. Marites Alvarez na kaunti man ang dumating at dumalo ay hindi umano sila nag-kulang sa pag-i-imbita sa publiko para dumalo at ipaalam sa mga ito ang halagang balak na idagdag sa singil.

Dagdag pa ng abugado, maituturing pa rin umanong legal ang isinagawang public hearing dahil hindi naman kailangan ang quorum.

Ipinunto naman ni SB Member Esel Flores na naniniwala itong hindi naman nalugi ang BIWCI nitong nakaraang taon sa kabila ng pagpapa-unlad na ginawa ng kompanya, kung kayat bakit pa kailangang taasan ang singil.

Samantala, maliban sa nabanggit na mga opisyal ng bayan, lahat ng mga dumalo sa pagdinig ay tutol sa 35.4% increase na ito.

Lalo pa at may ilang reklamo pang ipinaabot kaugnay sa operasyon ng BIWC, bagay na maliban sa tanong sa rate increase, reklamo ang ipinaabot nila. #ecm122012

Pag-alala ng publiko sa Boracay kay Ambay, pinawi ng Pulisya


Pinawi ngayon umaga ng Pulisya sa Boracay ang pangamba ng mga residente kaugnay sa umano ay pagala-galang kriminal sa isla na si Regine Ambay.

Ayon kay P/Insp. Kennan Ruiz ng Boracay Tourist Assistance Center, hindi dapat mag-panic o matakot ang publiko sa kung anu-ano mga ispekulasyon hinggil sa suspek na pinaghahanap ng awtoridad sa kasalukuyan.

Dahil ang mga maling impormasyon umano minsan ay nagdadala ng pangamba sa publiko, result nito ay nagdadala ng kaba, lalo pa at may mga hindi kagandahan mensahe nag pananakot ngayon ang nakalagay sa kumakalat na mga text message.

Ganoon pa man, sinabi ni Ruiz walang masama kung maging alerto ang publiko hinggil sa taong ito, pero hindi naman umano na dapat na ay katakutan na ang suspek.

Dahil dito, nagpaalala ito na panatilihin pa rin ang segiridad sa bawat tahanan sa isla, hindi lamang laban kay Ambay, kundi pati pa sa ibang masasamang loob na naghihintay lamang ng pagkakaon.

Gayon din umano sa mga kababaihan sa Boracay na kapag umuwi at gabi mula sa trabaho ay kailangan may kasama para sa kanilang kaligtasan.

Hiling din Ruiz sa publiko na sakaling makita nila ang nasabing nilalang ay ipagbigay alam sa Pulisya sa numero 288-3035 o kaya at BTAC Hotline 166.

Sa kasalukuyan naman umano ay ginagawa ng awtoridad ang lahat, lamang mahuli ang suspek na ito.

Ngunit sa ngayon hindi pa masisiguro kung naririto nga sa Boracay ang taong ito.

Ang paghayag ni Ruiz ay kasunod ng pag-alala ngayon ng publiko na baka nasa Boracay na nga si Ambay, kasunod ng pagpakalat na rin sa larawan ng suspek na ito.

Si Ambay ay may kasong pagpatay sa Brgy. Aquino sa Bayan ng Ibajay noong Nobyembre ng taong ito, pero kasalukuyan ay hindi pa rin nahuhuli. #ecm122012

E-trikes ng BLTMPC, sa susunod na taon pa makakapasada


Pinilit sanang maihabol ang 25 e-trikes bago matapos ang buwan ng Oktubre, subalit hindi ito na tuloy.

Pero aaasahan umanong dalawa o tatlong buwan simula ngayon ay posibleng darating ang mga electric tricycle na ito ng BLTMPC.

Sa panayam kay BLTMPC Board of Director Enrique Gelito, bagamat noong nagdaang buwan ng Oktubre pa nila inaasahan na may maunang ma-deliver na mga unit.

Ngunit nabigo di umano ang kampaniya ng e-trike na ito, na madala agad sa Boracay.

Target umano sana ngayon ng kooperatiba na makapasada na ang mga sasakyang ito sa Summer Season na siyang panahon naman na inaasahang maraming pasahero.

Samantala nitong nakalipas na linggo lang ayon kay Gelito nagsimula ang kampaniya ng e-trike na maghanap ng lugar na mapaglalagayan ng Charging Station para sa mga unit.

Matatandaang, una ng sinabi ng kooperatiba na ngayon taon ng 2012 nila inaasahang darating ang unit. #ecm122012

BLTMPC, balak magsumite ng position letter sa Alkalde; RE: color coding


Balak ngayon ng kooperatiba ng tricycle sa Boracay na i-apela kay Malay Mayor John Yap ang pagpapakansela sa ipinapatupad na color coding sa isla.

Sapagkat ayon kay BLTMPC Board of Director Enrique Gelito, ang mga pasahero din ang apektado lalo na ngayon malapit na ang Pasko at inaasahan ang dagsa ng turista hanggang sa Chinese New Year na.

Dahil sa kung titingnan umano ay mas marami ang tricycle na dilaw kaysa sa asul.

May mga araw din umanong kinukulang ang tricycle, kaya hindi rin naisasakay ang mga estudyante sa tatlong barangay sa Boracay kapag nagsisiuwian na ang mga ito.

Inihayag din ni Gelito na maging ang mga principal ng paaralaan ay nababahala na rin para sa mga estudyante dala ng kakulangan ng bumibiyaheng tricycle.

Aminado rin ito na hindi rin maiiwasan minsan, lalo pa at ang kumita ang habol ng ibang driver kaya namamili ang mga ito ng pasahero, bagay na mga turista ang binibigyan nila ng prayoridad.

Dahil dito, gayong mamaya ay magdaraos sila ng monthly meeting, aasahan umano na dito na nila pag-uusapan kung dapat na bang makakaroon din sila ng Position Letter, para mailatag ang kanilang mga concern at iyon din ang ibibigay nila sa Punong Ehekutibo.

Ang hakbang umanong ito, ay kasunod din ng sinabi ng Alkalde na dalawa o tatlong buwan lamang ipapatupad ang color coding dahil dry run palang ito.

Pero ngayong nakita naman umano na nagsasakripisyo ang mga pasahero kaya tama lamang na kanselahin na ang ipinapatupad na coding. #ecm122012

Permit, iginiit para sa mga alagang hayop na idadaan sa Caticlan Jetty Port


Hindi ipinagbabawal ang pagdadala ng manok o anumang uri ng alagaing hayop na idadaan sa Caticlan Jetty Port papuntan Boracay.

Subalit kailangan umanong may permit muna galing sa Department of Agriculture o DA mula sa kanilang mga bayan o lugar na pinagmulan ayon kay Alex Valero, Chief Security ng Caticlan Jetty Port.

Aniya, dapat ay mayroon nito ang may-ari o may dala ng ano mang hayop na ito para pahintulutang makapasok sa Passenger Terminal at maitawid ng Boracay.

Ito ay upang masiguro umano na sa kanila talaga ang mga a-alagaang hayop na ito at hindi kinuha o dinila mula sa kung saan lang.

Ngunit kung marami na umano, kailangang sa Cargo area na ito idaan upang hindi na makasagabal pa sa mga turistang pasahero ng bangka.

Dagdag pa nito, ganon din umano ang sinusunod na proseso sa mga hayop na isinasakay sa RORO mula sa Caticlan Jetty Port.

Samantala, pagdating naman sa timba-timbang isda na dala ng mga vendors at inilalako dito sa Boracay ay pinapayagan naman umano nila kapag iisang timba lamang, pero kailangang ang mga ito umano ang huling sumampa sa bangka at sila din ang maunang bumaba, upang hindi makasagabal sa iba pang pasahero. #ecm122012

DOLE Aklan, Nagpa-Jobfair sa Boracay sa kanilang ika 79 na taong anibersayo

Ni Malbert Dalida, News Director, YES! FM Boracay

Nagpa Job fair ang DOLE o Department of Labor and Employment Aklan field office dito sa Boracay.

Partikular na ginanap ang nasabing aktibidad sa compound ng simbahang Katoliko sa isla noong Biyernes, ika-pito ng Disymebre, dakung alas-nuebe ng umaga, na dinagsa naman ng mahigit kumulang 100 kabataan.

Tampok sa isang araw na job fair ay ang pag-interbyu sa mga aplikante, kaugnay sa mga trabahong inalok ng mga malalaking resort at establisemyento sa isla.

Ilan sa mga trabahong inilatag doon ay ang therapist, front desk officers, cook at iba pa.

Ayon kay Aklan DOLE supervisor Vidiolo Salvacion, sa susunod na araw pa sana dapat ang job fair, kasabay ng ika-79 na taong anibersaro ng DOLE, subali’t minarapat na lamang umano nilang dito sa Boracay idaos ang aktibidad.

Maliban kasi sa pista bukas sa Caticlan, kung saan doon ito dapat gaganapin, ay abala din para sa mga lalahok ang tumawid pa doon.

Sinimulan ang nasabing aktibidad sa pamamagitang ng isang maikling programa at pagbibigay ng mensahe ng DOLE.

Kung saan, ipinaunawa ng mga ito ang kahalagahan ng tinatawag na employability.

Ang ibig sabihin ng employability ayon kay Salvacion, ay ang tamang saloobin sa trabaho, at ang magandang relasyon ng employeer at employee, lalo pa’t tourist destination ang Boracay.

Kasama ng DOLE Aklan sa 1 araw na job fair ay ang Boracay Alliance, LGU Malay, Boracay Industry Tripartite, at LGU Balabag.  

Australian Life Saver David Field, iiwan na ang Boracay


Matapos ang mahigit isang taong serbisyo sa Malay at Boracay pagdating sa pagtuturo ng Life Saving, pansamantalang iiwan muna ni Surf Life Saving Development Officer David Field sa ika-19 ng Disyembre ang Boracay, dahil pinapabalik muna ito ng Philippine National Red Cross o PNRC sa Central Office nila.

Ganoon pa man, ayon kay Marlo Schoenenberger, Administrator ng Red Cross Malay-Boracay Chapter, aasahang babalik pa dito si Field upang taasan pa ang antas ng pagsasanay lalo na ng mga Life Guard ng LGU sa isla.

Target umano ni Field na gawing Level 5 ang kasalukuyang level 3 training ng Life Guard dito.

Kaugnay dito, ang Sangguniang Bayan ng Malay ay may panukala na rin ngayong magpasa ng resolusyon ng pasasalamat at pagkilala sa mga tulong na ipinaabot ng nasabing propesiyonal na  Australian Life Saver sa Boracay.

Partikular na tinukoy ng mga konsehal ang tulong na ginawa nito upang ma-angat ang kasanayan ng mga Life Saver sa Boracay, kabilang na ang Life Guard ng LGU at mga estalishemento, gayon din sa mga Coast Guard, Red Cross Volunteer at mga kabataan mula sa iba’t-ibang paaralan sa isla.

Dahil dito, ang mga naiwang Red Cross instructor na tinuruan din ni Field muna ang magpapatuloy sa pagturo.

Samantala, nabatid naman mu la kay Schoenenberger na habang nasa bansa si Field, pabalik-balik sa Phuket, Thailand at Boracay ang nasabing propesyunal na Life Saver para magturo.

Kung saan napadpad umano ito dito, dahil pinadala ng Australian Red Cross sa PNRC na siyang pinadala din dito sa Boracay noong Oktobre ng taong 2011. #ecm122012

Seguridad sa Caticlan at Cagban Jetty Port, hinigpitan na


Naghihigpit na sa siguridad ang Caticlan at Cagban Jetty Port, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga turista gayong magpa-Pasko at Bagong Taon na.

Sa panayam kay Alex Valero, Chief Security ng Jetty Port, sa kasalukuyan ay nagdagdag na sila ng mga guwardiya sa dalawang pantalan na ito para sa 24-oras na operasyon bawat araw.

Ito ay upang masigurong ligtas ang mga turista na pumapasok at lumalabas dito, maging ang kanilang mga gamit na dala ng mga bisita.

Inihayag din ni Valero na malaki ang naitulong ng CCTV camera na inilagay sa paligid at loob ng dalawang pantalan dahil marami sa mga may masasang balak ang nahuli nang mahagip ang mga ito ng kamera at makilala sa ginawang pag-review sa kuha ng CCTV.

Samantala, sa ngayon ay may 76 na silang guwardiya na dineploy sa Cagban at Caticlan Port.

Maliban kasi sa nagbabantay ang mga ito, ang mga guwardiya ding naka-duty ay siyang umaalalay sa ilang turista lalo na kung mahaba na rin ang pila sa pagpasok palang sa Passenger Terminal. #ecm122012