YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, June 15, 2012

Umento sa Terminal Fee ng Kalibo International Airport, wala pang desisyon


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahang sa susunod sa linggo ay magpapalabas na ng desisyon ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaugnay sa hirit ng Kalibo International Airport (KIA) na taasaan ang terminal Fee sa paliparang ito.

Ayon kay Engr. Percy Malonesio, Manager ng KIA, hanggang sa ngayon ay hinihintay pa nila ang disisyon ng CAAP matapos magsagawa ng Public Hearing sa Bayan ng Kalibo dalawang linggo na ang nakakalipas.

Bunsod nito, hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin sa P500.00 ang terminal fee sa may mga international flight, at P40.00 sa may mga domestic flight.

Hindi pa aniya nila malaman kung kaylan ito maipapatupad.

Ngunit naniniwala si Malonesio na hindi na problema pa sa bahagi ng mga pasahero ang halagang hinihirit nila batay sa isinagawang public hearing.

Matatandaang humiling ngayon ng pagtaas sa terminal fee ang KIA para sa maintenance ng paliparan, kung saang ang P40.00 sa domestic ay gagawing nang P200.00, at ang P500.00 na sa international ay gagawin nang P700.00

Paliwanag ng MARINA, sinopla ng SP Aklan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inutil at wala ding ngipin ang laman ng sulat bilang sagot ng Maritime Industry Authority (MARINA) Regional  Office 6 sa resulosyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan.

Ito ay kaugnay sa kahilingang imbestigahan ng ahensiyang ito ang pangayayari kung saan na stranded ang may dalawang daang pasahero na pawang mga turista mula sa iba’t ibang bansa at probinsya sa Caticlan Jetty Port. Patawid sana ng Boracay noong nagdaang ika-25 hanggang ika-26 ng Disyembre ng taon 2011.

Ayon kay Odon Bandiola, kalihim ng SP, nagpahayag ng pagkadismaya sa buong Sangguian sa nilalaman ng sulat na natanggap nila mula kay MARINA Regional Director Mary Ann Armi Z. Arcilla.

Ito ay dahil hindi nakontento ang SP sa pamumuno ni Vice Governor Garbrille Calizo-Quimpo sa aksiyon ng MARINA, na tila hindi manlang umano gumawa ng hakbang para mag-imbestiga gaya ng inaasahan nila.

Sa halip, ang tugon lamang na nakalatag sa nilalaman ng sulat ay siyang mga salaysay din nila ng ipatawag ito sa SP upang pagpaliwanagin kaugnay sa operasyong ng Fast Craft na Montenegro sa Caticlan papuntang Boracay vice versa.

Kaya tila wala din umano ito silbi dahil wala namang aksiyong ginawa ang MARINA.

Maliban dito, may mga pahayag din doon na taliwas naman sa sinabi ng Coast Guard Caticlan, na maganda naman ang panahaon sa oras na iyon.

Subalit sa paliwanag ng MARINA, hindi nakapag-night navigation ang Fast Craft sa pagkakataong iyon dahil sa masama ang kundisyon ng dagat at panahon.

Kung matatandaan, nadismaya ang pamahalaang probinsiya ng Aklan sa pagkaka-stranded na ito ng mga turista nitong nagdaang Disyembre, dahil pangit umano ito sa para sa industriya ng lalo pa at nagmula pa sa ibang bansa at pagdating sa Jetty Port ay doon pa aabutan ng umaga.

Thursday, June 14, 2012

Mga eskwelahan at opisina, walang pasok bukas dahil sa Malay Day


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahang walang pasok ang mga estudyante sa lahat ng paaaralan na nasasakop ng bayang ng Malay at Boracay pribado man at pampubliko, gayon din ang mga tanggapan ng pamahalaan sa bayang ito.

Ito ay dahil sa araw ng Biyernes, Hunyo 15, ay pinagdiriwang ang Malay Day na siyang pag-alala sa araw kung saan nahiwalay na ang bayan ng Malay mula sa bayan Buruanga noong taong 1949 sa nasabi ding petsa.

Kinumpirma din ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa na local holiday bukas sa buong bayan kasama na ang sa isla ng Boracay kaya walang pasok ang mga estudyante at gayon din sa mga tanggapan dito.

Napag-tibay na din Sangguniang Bayan ng Malay sa pamamagitan ng Resolution No. 6 Series of 1987, na nagdedeklarang bawat Hunyo 15 sa bayan ng Malay ay Special Holiday bilang pagunita sa paglagda ng Republic Act 381 na siyang pormal na pagbuo sa bayan ito mula sa dating sakop ng Buruanga, probinsya ng Capiz na Aklan na rin ngayon.

Samantala, bilang pag-gunita sa makasaysayang araw na tinatawag na “Malay Day”, ay may inihanda namang iba’t-ibang aktibidad ang lokal na pamahalaan para sa mga makikibahagi sa selebrasyon.

Maliban dito, ngayong gabi, kaugnay pa rin sa pagdiriwang, ay gaganapin na rin ang presentasyon sa tinagurian “7 Wonders of Malay”.

Wednesday, June 13, 2012

Practice house ng Dep. Ed sa Boracay, tuloy pa rin


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sa kabila ng kakulangan ng silid aralan sa Balabag Elementary School at Boracay National High School, desedido parin ang Department of Education na ituloy ang practice house o Hostel na ito na itinatayo sa compound ng mga paaralang ito sa Boracay.

Ito ang nilinaw ni Dr. Jesse Gomez, School Division Superintendent ng Dep. Ed Aklan sa panayam dito.

Aniya bagamat napakahalaga sa ngayon kung madadagdagan ang silid aralan sa  mga paaralang nabangit, gayon may alokasyon na umanong pondo para sa Practice house na ito.

Itutuloy pa rin umano ito sa kabila ng ginawang pagpapatigil sa konstransyon ng proyektong ito sa ngayon.

Katunayan aniya ay nakikipag-unayan na rin sila sa Barangay upang nakausad na ang proyektong ito, sapagkat katulad ng mga silid aralan, mahalaga din ang practice house na ito dahil sa hindi lamang pang hostel ang gamit dito kundi ito ay para din sa mga estudyante sa Boracay para sa paglinang ng kanilang kakayahan.

Maliban dito, malaki umano ang maititipid ng pamahalaan kapag matapos na ito dahil hindi na kailangan pang magbayad sa hotel ang DepEd kapag may pumunta na opisyal ng departamento dito kung may mahalagang dadaluhan sa isla.

Matatangdaang halos isang linggo pa lang nang sinimulan ang konstraksiyon ng practice na ito sa Balabag Elementary School, ipinatigil ito Barangay at lokal na pamahalaan ng Malay dahil sa walang sapat na dukomento para sa konstraksiyon.

At dahil na rin sa pagtutol ng mga magulang ng mag-aaralan, maging ng mga opsiyal ng Bayan at Barangay gayon din ang may-ari at nabigay ng lupang tinitirikan ng paaralaan ito. 

Kampaniya laban sa Dengue, nasimulan na sa Malay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa inaasahan na ang pagtaas sa bilang ng kasong ng mga magkakasakit ng Dengue sa Malay at Boracay, ikinasa na ng Municipal Health Office ng bayang ito ang kanilang kampaniya sa mga paaralan upang malabanan ang pagdami ng lamok para hindi rin dumami ang bilang ng magkakasakit ng dengue.

Ayon kay Dr. Adrian Salaver, Municipal Health Officer ng Malay, nasimula na nila ang kampaniyang ito sa mga paaralan sa Boracay at Caticlan.

Katunayan, hindi lamang sa mga eskwelahan ayon kay Salaver,  dahil maging sa mga pamamahay ay namimigay umano sila ng mga Anti Dengue Mosquito Trap sa bawat household na siyang nakiyang sulosyon ng Department of Science and Technology (DOST) upang mapuksa ang lamok sa itlog palang.

Ito ay dahil ang Anti Dengue Mosquito Trap na ito aniya ay mayroon pa sa ngayon sa Health Center sa isla at sa bayan.

Kaya kung maging intresado ang publiko sa bayang ito, nakahanda naman umano ang lokal na pamahalaan ng Malay upang bumili na karagdagan pa, gayong mahalaga naman ito. 

Pagtaas sa kaso ng Dengue sa Malay at Boracay, inaasahan na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahan na umano ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng Dengue sa bayan ng Malay at isla ng Boracay base sa pattern ng statistic ayon kay Dr. Adrian Salaver, Municipal Health Officer ng Malay.

Ito ay dahil halos kada dalawang taon aniya ay pabalik-balik lang ang bilang ng mga naitatala sa sakit na ito.

Kaya ganoon na lamang ang paalala ng Municipal Health Officer sa publiko sa mainland Malay man at Boracay na kung maaari ay maging begelante parin at gawin ang “apat na S” o “4S” upang maiwasan ang sakit na ito.

Tinukoy ni Salaver ang apat na “S” bilang Search and Destroy sa mga pinangi-ngitlugan o pinagbabahayan ng lamok, pangalawa Seek Early Treatment  o magkunsulta agad sa manggagamot upang mabigyan kaukulang atensiyon , Self Protection o paggamit ng mga mahahabang kasuotan katulad ng long sleeve, pantalon, pagsuot ng medyas at paggamit ng mga insect repellant lotion  upang hindi makagat ng lamok.

Ika-apat na “S” Say “No” to Indiscriminate Fogging sapagkat itinataboy lamang at babalik din aniya ang lamok kapag mag-fogging at hindi naman agad mawawala ang mga insektong ito maliban pa sa ito ang pinakamagastos na pamamaraan.

Pero higit sa lahat, mariing ipina-aalala ni Salaver sa publiko, na kung maaari ay panatilihing malinis ang kapaligiran na siyang pinakamabisang pangnontra sa sakit na ito.

Matatangdaang nitong nagdaang taong ng 2011, sa buong taon ay nakapagtala lamang ng siyam na kaso ang naitalang nagkasakit ng dengue mula sa bayang ito kasama na ang sa isla ng Boracay.

Subalit nitong taong 2012, bahagya itong tumaas dahil simula nitong Enero hanggang buwan palang ng Mayo ay nakapagtala na ng labin isang kaso at isa dito at binawian ng buhay. 

Bayan ng Malay, ikatlo sa listahan ng mga may nagkasakit ng Dengue sa Aklan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Umabot na sa 11 katao ang naitala ng Provincial Health Office/PHO na mula sa Bayan ng Malay at Boracay ang nagkasakit ng Dengue simula nitong Enero ng taong ito, hanggang nitong Mayo.

Ang isa sa mga naitalang bilang na ito ay siyang nailista naman bilang kauna-unahang namatay sa sakit na ito sa Aklan ngayon taon na nagmula sa Barangay Caticlan.

Subalit hindi lamang ang Malay ang may ay naitala na may nagkasakit na dengue.

Katunayan, pumapangatlo lamang ang bayan na ito kung buong probinsiya ang pag-uusapan.
Sapagkat ang bayan ng Kalibo parin ang nangunguna na umabot na sa limangput sa kasalukuyan.

Sinundan ng Numancia at Ibajay na parehong may tag-14 at ikatlo naman ang Malay at Banga na parehong nakapaglista ng tag-11 isa.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang ginagawang pagpapaalala ng PHO sa mga Aklanon na hangga’t maaari ay ugaliin parin ang paglilinis sa kapaligiran upang masugpo ang pagdami ng mga lamok. 

“7 Wonders of Malay”, ira-rampa!


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung may “7 Wonders of Nature” sa buong mundo, may “7 Wonders of Malay” naman ang first class municipality na ito.

Sapgakat maliban sa Isla ng Boracay na ipinagmamalaki ng Bayan ng Malay bilang isang International Tourist Destination, nais din ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay na makilila din ang anim pang natural na yaman ng bayang ito sa larangan ng turismo.

Bunsod nito, kasabay ng pagdiriwang ng Malay Day sa Hunyo 15, sa darating na katorse ng gabi, gaganapin ang presentasyon sa tinaguriang “ 7 Wonders of Malay” sa isang programa sa paraan ng isang Video Presentation sa Poblacion Malay.

Ang pitong yaman na ito ng Malay ay kinabibilangan ng Malay Ecological Park sa Barangay Argao, Nagata Falls at Nabaoy River, Agnaga Mini Falls and Cold Spring sa Kabulihan, Pangihan Cave sa Poblacion, Naasug Point at ang isla ng Boracay.

Kung saan ang hakbang na ito Local Government Unit/LGU ng bayang ito ay upang maipakita o mailatag sa publiko na hindi lamang pala ang Boracay ang lugar sa Malay na maaaring ipagmalaki sa mga turista.

Maliban sa islang ito at mga lugar o aktibidad maqn sa loob ng Boracay, may anim pang magagandang spots na pwede at posibleng puntahan ng mga turista dito, bagay na puspusan na rin ang ginagawang promosyon lamang maipakita din ang iba pang hiyas ng Malay.

Samantala, maliban sa “7 Wonders of Malay” i-rarampa rin ng LGU sa mismong okasyon na ito ang ilang sa mga kasuutan gaya ng mga barong tagalong at iba pang kasuotang pangbabae na likha na gawa materyales sa dito lang din nagmula, na maaari ding ipagmalaki ng bayang ito sa mga turista.

Widening ng kalsada papuntang Tabon Port, minamadali na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Minamadali na, ayon kay Engr. Elizer Casidsid, Municipal Engineer ng Malay, ang ginagawang widening sa kalsada mula sa National High Way papuntang Tabon Port.

Katunayan aniya, inaasahang matatapos na ito sa susunod na linggo.

Kung nagtagal man bago matapos, ito ay dahil sa nahirapan sila sa pakikipag-usap sa may-ari ng mga lupaing dadaanan ng widening.

Kaugnay nito, aasahan din aniyang na sa kabilang bahagi lamang ng kalsada ang pwede malaparan sapagkat ang kabilang bahagi ay hindi pinayagang ng may-ari na masakop ang ilang pribadong lupain ng widening na gagawin.

Pero upang masolusyunan ang masikip na daan sa lugar na ito, aayusin na lamang nila ang gutter ng kalsada upang hindi mahirapan ang mga sasakyang dumadaan, dahil sa makitid ito.

Subalit ayon kay Casidsid hindi naman masasabing widening talaga ang gagawin nila, kundi konstraksiyon lamang, at hindi pa kasama ang road proteksiyon sa kabila ng pag-amin nito na may ilang bahagi ng daan ay may pagkakataong apektado ng land slide.

Ang pahayag na ito ay taliwas naman ito sa inaakala at obserbasyon na isinatinig sa konseho ni Sangguniang Bayan Member Rowen Agguire na mistulang nakita umano nitong walang urgency mula sa departementong dapat magpatupad ng proyekto.

Hindi pa rin naman umano ito natatapos sa kabilang alam naman aniya ng mga ito na kapag ganitong panahon ay magiging abala ang Tabon Port gayong Habagat Season na.

Tuesday, June 12, 2012

Caticlan Coastguard Commander Terrence Alsosa, dismayado sa mga lumalabag sa memorandum circular ng Marina


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Ang pagsusuot ng life jacket ay para naman sa kanilang kapakanan, kaya’t makabubuting sumunod na lang.

Ito ang dismayadong pahayag ni Caticlan Coastguard Commander Terrence Alsosa kaugnay sa implementasyon ng memorandum circular ng Marina.

Sa panayam kahapon sinabi nito na marami paring mga pasahero ang matitigas ang ulo at animo’y walang pakialam kapag pinaalalahang magsuot ng life jacket.

Bagama’t maigting umano ang kanilang pagpapatupad ng nasabing kautusan, marami parin umano ang hinihintay lamang na nakatalikod o di kaya’y walang coastguard na nagbabantay sa mga daungan ng bangka dito.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Alsosa na lalo pa nilang hihigpitan ngayon ang pagpapatupad ng naturang circular, lalo pa’t Habagat Season.

Ang memorandum circular na ito ng Marina ay tumutukoy sa mandato na ang lahat ng pasahero ng mga bangkang may tinatawag na open deck house ay dapat magsuot ng life jacket.

Pagpapanagot sa mga kriminal, iginiit ni BTAC-OIC Bigay


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Sampahan ng kaso at papanagutin sa batas.

Ito ang iginiit kahapon ni Boracay Tourist Assistant Center-OIC Police Senior Inspector Al Loren Bigay, kaugnay sa pagsugpo ng kriminalidad sa Boracay.

Sa isang panayam, sinabi ni Bigay na mahalagang mapanagot ang mga lumalabag sa batas, sa kadahilanang magiging walang saysay umano ang panghuhuli ng mga kriminal, kung walang disposisyon sa mga ito.

Kaugnay pa rin sa nasabing balita, nangako naman si Bigay na kanyang bibigyang pansin ang mga kasong kahalintulad nito, na kadalasang nangyayari sa Boracay.

BTAC-OIC Bigay, nangakong maglilingkod sa Boracay


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

“I am here to serve the people and the tourist of Boracay Island.”

Ito ang mga salitang binitiwan kahapon ni Boracay Tourist Assistance Center-OIC Police Senior Inspector Al Loren Bigay, sa harap ng mga miyembro ng Boracay Action Group, sa isinagawang Joint Flag Raising Ceremony noong Lunes ng umaga.

Bagama’t aminado itong ang tungkulin bilang namumuno sa himpilan ng pulis sa isla ng Boracay ay walang katiyakan, sinabi nito ang kanyang mga prayoridad bilang Officer in Charge dito sa isla.

Ito’y ang pagpapalakas ng kakayanan, kapabilidad at disiplina ng mga pulis, pakikipag-ugnayan sa government at non-government organizations, at ang prosecution of criminals.

Sa panayam ng YES FM Boracay, sinabi rin ni Bigay na kailangan nito ang suporta ng mga mamamayan ng isla.

Si Police Senior Inspector Bigay ay matatandaang itinalaga bilang officer in charge ng BTAC, matapos ma-releave sa pagiging hepe si Police Chief Inspector Christopher Prangan kamakailan lang.

Multipartite Monitoring Team, inilunsad ng BIWC


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Upang matiyak na naaabot ang pamantayang hinihingi ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau o DENR-EMB, inilunsad kamakailan ng Boracay Island Water Company o BIWC ang Multipartite Monitoring Team o MMT, kung saan isang memorandum of agreement ang nilagdaan.

Kasama sa mga lumagda sa nasabing kasunduan ay ang ilang kinatawan ng gobyerno at pribadong sektor sa Boracay at Malay, katulad ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau, opisyal ng baranggay Nabaoy at Caticlan, Boracay Foundation Incorporated, ilang taga LGU at konseho ng Malay, Boracay Chamber of Commerce and Industry, at Tourism Infrastructure Enterprise Zoning Authority o TIEZA.

Kasama din sa naturang aktibidad ang pagbisita ng mga ito sa water treatment plant ng BIWC sa Caticlan at Nabaoy River na siyang pinagmumulan ng tubig na isinusuplay sa Boracay.

Sa nakalipas na dalawang taong paglilingkod sa nasasakupan, ang BIWC ay nakilala din sa iba’t-ibang proyekto nitong inilunsad sa isla, at mga aktibidad kaugnay sa pangangalaga ng kalikasan, na isa rin sa pamantayang hinihingi ng DENR-EMB.

Monday, June 11, 2012

Mahigit dalawang daang kilo ng basura, nakolekta sa inilargang Escu-Basurero ng Philippine Coastguard


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Mahigit dalawang daang kilo ng basura ang nakolekta ng Philippine Coastguard mula sa ilalim ng dagat ng Boracay nitong nagdaang Sabado.

Ito ang ipinagmamalaking inihayag ni Caticlan Coastguard Commander Terrence Alsosa, sa panayam nitong hapon.

Kasama ang Boracay Foundation Incorporated, Philippine Chamber of Commerce and Industries, Scuba Diving Schools sa Boracay, at CENRO-Boracay.

Sinisid ng coastguard ang karagatan sa beach front ng Boracay upang linisin ito, kung saan iba’t-ibang basurang nabubulok at di-nabubulok ang nakuha.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Alsosa na balak narin nila ngayong gawin ang Escu-Basurero, kada tatlong buwan.