Posted January 10, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay
Tiniyak ngayon ng Aklan Police Provincial Office (APPO)
at Kalibo PNP na all set na ang kanilang security measures na ipatutupad sa Kalibo
Ati-Atihan Festival 2015 celebration.
Ayon kay Kalibo Chief Police Supt. Pedro Enriquez, partikular
na tutukan ng security forces ang fluvial at foot procession.
Masusi na rin umanong nakikipagkoordinasyon ang mga ito sa
AFP command at iba pang force multipliers para sa pagpapanatili ng peace and order sa nasabing
makasaysayang okasyon.
Sinabi din nito na magpapakalat din umano ang APPO ng
monitoring team at dinagdagan na ang police visibility sa mga matataong lugar
upang maiwasan ang kaso ng mga pandurukot.
Samantala, nanawagan din ang pulisya sa publiko na
mag-ingat at iwasan na magdala ng maraming pera at saka magsuot ng mamahaling
alahas upang hindi mabiktima ng mga isnatser.
Inaasahan na marami na naman ang dadalo na mga deboto sa
kapistahan ni Sr. Santo Niño sa Kalibo na ipinagdiriwang tuwing ika-tatlong
linggo ng buwan ng Enero.