YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, January 18, 2013

Parada ng mga tribo sa 2013 Ati-atihan Festival, bukas na


Bukas ay bisperas na ng Ati-atihan sa bayan ng Kalibo.

Kaya naman masisilayan na rin ang makukulay at iba’t ibang uri ng mga costume ng mga tribu para sa 2013 Ati-atihan Festival.

Sapagka’t alas syete y medya bukas ng umaga ay sisimulan ang parada ng mga kalahok na tribu doon.

Bunsod nito, aasahang mapupuno na naman ng mga debotong pinahiran ng uling, mga tribu at mga manonood ang pangunahing kalye sa bayan ng Kalibo.

Maging ng mga turista na nagmula sa iba’t ibang lugar sa bansa at ng mga dayuhang nagmula dito sa isla ng Boracay.

Napag-alamang 31 tribu ang makikitang sasayaw sa kalye bukas sa iba’t ibang kategorya.

Ang mga kategorya ay ang “Balik-Ati”, modern group, small at big Tribal at indibidwal contestants.

Kasabay ng paradang ito, gaganapin din ang judging sa mga tribu, kung sino ang mananalo sa kumpitisyon ngayong taon.#ecm012013/bcd012013

Dahil sa pag-taas ng singil sa tubig, rate ng resorts sa Boracay, posibleng tumaas!

Kung may idadagdag man sa rate ng mga hotel o resort sa Boracay, masyadong maliit lamang ito.

Ito ang pananaw ngayon ng Department of Tourism o DoT sa Boracay kauganay sa napipintong pagtaas ng taripa sa paniningil sa serbisyo ng tubig na ipapatupad ng Boracay Island Water Company o BIWC.

Ayon kay DoT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, sa pagnenegosyo, asahan na umano na kapag tumaas ang bayarin sa mga pangunahing pangangailangan ng  isang establishemento ay ipapatong na rin ito sa rate na i-aalok sa mga kostumer.

Kaya aasahan na rin umano ang posibilidad na pagtaas sa rate ng mga resort o hotel sa isla.

Pero maliit na halaga lamang ito na hindi naman mararamdaman ng mga turista.

Dahil sa pagkakaalam din umano nito, hindi naman ganoon kalaking halaga ang itataas sa taripa per cubic ng BIWC.

Kung maaalala una nang kinabala ng mga stakeholder sa Boracay bagay na ito.

Sapagkat maaapektuhan ang kanilang negosyo, gayon din ang mga pamayanan, dagdagan pa ng kumpirmahin ng BIWC na aprubado na nga ang bago nilang taripa. #ecm012013

800 Pulis, ipinakalat para sa Kalibo Ati-atihan

800 pulisya ang idinispatsa sa iba’t ibang bahagi ng Kalibo para sa seguridad ng Kalibo Ati-atihan.

Ang nasabing bilang ng otoridad ay ipinakalat sa nasabing bayan simula nitong nagdaang Lunes kung saan nag-umpisa na ring magsadsad ang mga deboto ni Sr. Sto. Niño.

Inaasahang aabot din ng isang linggo ang mga ito o kaya ay hanggang sa Lunes pa, sapagkat Linggo ng gabi ay may mga aktibidad pa rin doon.

Ayon kay P03 Nida Gregas, Public Information Officer ng Aklan Police Provincial Office, sa 800 pulis na ito, ang iba ay nagmula sa sa probinsiya ng Antique, Capiz, Iloilo at Regional Mobile Group (RMG).

Maliban dito, ang mga pulis sa iba’t ibang bayan sa Aklan ay ipinadala na rin sa bayan ng Kalibo para magbigay ayuda sa seguridad doon.

Ang Ati-atihan sa Kalibo ngayon taon ay ipinagdiriwang simula noong ika-14 hanggang sa ika-20 ng Enero. #ecm012013

SB Malay, nakipagtawaran sa supplier ng e-trike


Tumawad ang Sanggunaiang Bayan ng Malay sa isang supplier ng e-trike sa Boracay na babaan ang halaga ng unit nila para ma afford naman mga operator.

Ito ang apela ng konseho sa pamunuan ng Gerweiss Motors na isa balak na maging supplier ng electric tricycle sa isla.

Sa sesyon nitong Martes, hiniling ito ng mga konsehal upang hindi umano mahirapan ang mga operator at hindi na rin magdalawang isip na palitan ang kanilang tradisyunal na tricycle.

Subalit ang tawaran na ito sa gitna ng supplier at LGU Malay ganoon din ng financer ay dapat na umanong mapag-usapan ng masinsinan kaya hindi muna nangako ang Gerweiss kaugnay sa hiling na ito ng konseho.

Kasunod nito ay hiniling naman ng supplier na kung papayagan ng SB na siyang taga bigay ng prangkisa sa mga tricycle sa Boracay, na kapag hindi na talaga makapagbayad ang operator sa obligasyon nito sa hulugan sa unit.

Kung pwede umano ay ang Gerweiss na mismo ang mag-o-operate ng unit.

Pero ang bagay na ito ay agad na binara ni SB Member Esel Flores, dahil sa tanging Boracaynon lamang umano ang pinapahintulutang magkaroon ng prangkisa maliban pa sa hindi na rin nagbibigay ng prangkisa ngayon ng SB. #ecm012013

Thursday, January 17, 2013

Hepe ng BTAC, hindi kasama sa mga COP na babalasahin sa Aklan

Hindi na gagalawin pa ang hepe ng Boracay Tourist Asasistance Center (BTAC) sa pwesto nito ngayong nalalapit na ang eleksiyon.

Ito ay sakabila ng re-shuffling o balasahan na ginagawa ngayon sa mga Chief of Police (COP) sa buong probinsiya ng Aklan kaugnay sa paparating na 2013 midterm election.

Sapagkat nabatid mula kay P03 Nida Gregas, Public Information Officer ng Aklan Police Provincial Office (APPO), na hindi kasama sa mga irere-shuffle si Sr. Insp. Joeffer Cabural, hepe ng BTAC.

Ayon kay Gregas, epektibo nitong nagdaang ika-11 ng Enero ay pinull-out na ang ilang hepe ng Pulisya sa ibang bayan at nilipat papunta din sa ibang bayan, gaya ng Kalibo, Numancia, Madalag, Makato, Balete, at iba pa.

Pero ang mga hepe naman umano ng bayan Malay, New Washington, Lezo, Altavas at Malinao kabilang na ang hepe ng nag-iisang Tourist Police sa Aklan na Boracay ay mananatili parin umano sa kanilang pwesto sa ngayon.

Naging basehan umano sa ginagawang re-shuffling ay kapag lumampas sa dalawang taong ang tour of duty ng isang hepe sa himpilang pinagsisilbihan nito ay siyang ililipat ng ibang istasyon din.

Ang pahayag na ito ay magiging sagot na rin sa mga katanungan ng komunidad sa Boracay kung ngayon eleksiyon din ba ay papalitan ang hepe ng isla, gayong sa Boracay ay naging uso at isyu na ang papalit-palit ng hepe. #ecm012013

Ilang government offices at bangko sa Boracay, magsasara dahil sa Kalibo Ati-Atihan


Dahil na rin sa kasagsagan ng selebrasyon ng Ati-Atihan sa Kalibo, ilang government offices sa isla ng Boracay ang pansamantala munang magsasara simula ngayong araw ng Huwebes hanggang araw ng Biyernes.

Kasama na dito ang mga taga banker’s association sa isla ng Boracay.

Ayon kay Metrobank Manager Melven Orilla, ngayong araw ay bukas ang kanilang opisina para sa kanilang regular banking.

Ngunit pagdating umano sa araw ng Biyernes ay half-day lamang sila upang makibahagi rin sa gaganaping parada sa naturang araw.

Ayon kay Orilla, sa araw ng Biyernes bukas sila mula alas-neube ng umaga hanggang alas-dose lamang ng tanghali, at pagdating ng hapon ay magsasara na ang kanilang opisina.

Sinabi din nitong ang kanilang opisina ay nakatanggap ng isang resolusyon kung saan idini-deklara ng Sanggunian na ang araw ng Biyernes, Enero a-18 ay Bank Holiday sa Kalibo kasama na ang isla ng Boracay. #cdt012013

LGU Malay, magme-merry making sa Kalibo Ati-atihan; Mga tanggapan, sarado muna

Gaano man ka-abala ang mga mga establishments sa Boracay at Malay sa pagproseso sa kanilang pagre-renew ng business permits, pero pansamantala ay kanselado muna ngayong araw ang mga transaksiyon sa lokal na pamahalaan ng Malay.

Ito ang nilinaw ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa sa isang eksklusibong panayam ng himpilang ito.

Aniya, ang isang araw na pagkansela sa anumang traksakayon sa LGU Malay ay dahil sa walang pasok ang lahat ng mga empleyado ng LGU’s sa Aklan ngayong araw, ika-17 ng Enero, para bigyang daan ang pagsasadsad o merry making sa Ati-atihan sa bayan ng Kalibo.

Kasama din umano ang mga empleyado ng Malay sa mga LGUs na magsasadsad sa Kalibo, kaya sarado ang kanilang mga opisina o tanggapan pati sa Action Center sa Boracay.

Ganoon pa man, sa araw ng Biyernes, ika-18 ng Enero, ay balik operasyon na ang mga tanggapan sa LGU Malay, upang ang mga maglalakad ng papeles ay maaari na nila itong balikan.

Samantala, maging ang Barangay Balabag na siyang isa sa abala na tanggapan ng pamahalaan sa Boracay ngayon, dahil sa panahon ng pagkuha ng barangay clearance, ay magsasara din muna ngayon ng buong araw, dahil din sa katulad na rason. #ecm012013

Wednesday, January 16, 2013

Nalunod na Korean national sa Boracay, nailigtas ng ticket seller ng D’Mall


“Wala akong karanasan sa life saving. Pero dahil nakita kong may nangangailangan na ng tulong ay isinugal ko ang aking buhay.”

Ito ang sinabi ng isang ticket seller ng D’Mall na si Ian Antin, matapos nitong mailigtas ang isang nalulunod na Korean national kaninang madaling araw.

Sa eksklusibong panayam ng himpilang ito kay Ian, sinabi nitong lumabas mula sa D’Mall papuntang beach front ang biktima at ang kanyang kasamang babae, pasado alas dose ng hatinggabi kanina.

Nagkataon din umano kasing nagpapahangin ito doon at nakikipag-usap sa ilang company guards.

Nagulat na lamang umano si Ian nang biglang sumigaw ang biktima, na noong una’y inakala niyang dahil lamang sa sobrang “excited” ito sa dagat.

Subali’t nang makita nitong mabilis na tumakbo papuntang dagat sa harap ng D’Mall ang biktima ay bigla itong naalarma.

Lalo daw itong nabahala nang mapansin niyang ang naiwang kasama ng biktima ay umiiyak na.

Makalipas ang halos kalahating oras ay napansin na lamang umano nitong lumulutang na sa tubig ang biktima, kung kaya’t nagdesisyon na itong sumaklolo.

At dahil wala daw itong masyadong alam sa pagri-rescue ay kanya munang tiniyak kung gumagalaw pa ang babae.

Sa layong halos labing limang metro mula sa dalampasigan ay nakipaglaban umano si Ian sa malalakas na alon upang madala pabalik sa dalampasigan ang biktima.

Maya-maya’y nagsipagdatingan naman ang mga taga Boracay Response Team at binigyang lunas ang biktima, na nagkamalay din kaagad bago pa maisugod sa isang pagamutan.

Si Ian Antin ay isang ticket seller sa balloon wheel sa D’Mall of Boracay. #bd012013

SB Malay, walang kamalay-malay kung anong establishsmento ang nasa listahan ng DENR na aalisin sa front beach ng Boracay


Nagbabadyang nang simulan ang demolisyon sa mga illegal na istraktura sa front beach ng Boracay.

Pero nanatiling nangangapa pa rin ang Sangguniang Bayan ng Malay kung anong mga resort o establishemento ang apektado.

Gayong nababahala umano si SB Member Rowen Aguirre na kapag mag-isyu ng statement ang Department of Environment and Natural Resources o DENR na aalis na ang mga illegal structure ay lalo pang dumarami o nadodoble ang nadadagdag sa nga istraktura doon.

Bagamat may ideya na aniya ito na ang mga tent at iba pang temporary structure ang aalisin dahil sa nakapasok ito sa 25+5 easement na nakasaad sa batas na ipinataupad ng DENR kaya ikinonsiderang illegal, nais naman ngayong mangyari ng konsehal na sana ay magkaroon din sila ng kopya ng listahan ng DENR ng mga tatangaling istraktura.

Ito ay dahil tila ang labas aniya ay wala nang nagawa ang LGU Malay para akasiyunan ang mga illegal structure na ito.

Kaya hihilingin umano ng SB ngayon sa DENR na bigyan sila ng listahan nga halos tatlong daang establishementong apektado. #ecm2013

Imbitasyon ng SB, ilang beses dinedma ng CAAP at pamunuan ng Boracay Airport

Nagtataka ngayon ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay kung bakit hanggang sa ngayon ay dini-dedma pa rin ng TransAire at CAAP ang kanilang mga imbitasyon.

Ipinatawag nila ang pamunuan ng CAAP at namamahala sa Boracay Airport.

Ito ay upang malinawan sana ang ilang bagay tungkol sa presyo ng bilihan o bintahan ng lupa sa Caticlan, na magiging bahagi na ng palalawaking Boracay Airport.

Sapagkat maraming lot owner sa Caticlan ang maaapektuhan kaya balak bilhin ang mga lupa nila na gagawing bahagi ng expansion doon.

Kung kaya’t tulong ang hinihingi ng mga lot owners na ito sa Sangguniang Bayan ngayon makaraang bigyan umano ang mga ito ng paabiso ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, na bibilhin ang lupa nila sa mababang halaga, rason para umalma ang mga lot owners.

Maliban dito, kapag hindi umano pumayag ang mga ito, ay idadaan ng CAAP sa expropriation ang mga lupa nila pabor sa pamahalaan at bibilhin lamang ito sa halagang P150.00 per square meter.   

Gayong 12 taon na umano ang nakalipas ay nabili ng dating CAAP o Air Transportation Office ang mga lupa doon ng P2,500.00 per square meter.

Kaya nagtataka ang mga ito kung bakit ngayon ay biglang bumagsak ang halaga ng lupa doon.

Kung saan, ito sana ang mga bagay na nais linawin ng konseho sa CAAP at TransAire na siyang namumuno  ng Boracay Airport para maprotektahan din ang interest ng mamamayan doon ganon din ang kanilang propidad.

Bunsod nito, iminungkahi ni SB Member Rowen Aguirre na sinigundahan naman ng halos lahat ng konsehal na magpasa ng resulosyong nagpapahayag ng kanilang pagkalungkot sa aksiyong ito na ginagawa ng CAAP at TransAire.

Pero sa pagkakataong ito ay dapat malaman na rin umano ng ilang matataas na ahensiya ng pamahalaan ang bagay na ito lalo na ng pangulo ng bansa. #ecm012012

Tuesday, January 15, 2013

TIEZA-Regulatory Office, aprub na sa bagong taripang singil ng BIWC

image from
http://gaia365.files.wordpress.com
Aprubado na ng Tourism Infrastructure Enterprise and Zoning Authority-Regulatory Office (TIEZA-RO) ang dagdag singil sa tubig at serbisyong sewer ng Boracay Island Water Company (BIWC).

Ito ay nabatid sa ipinadalang mensahe ni BIWC COO Ben Manosca nitong umaga, kung saan nais nitong ipaalam sa mga kunsumidor at mga negosyante sa isla na konektado sa BIWC na ang taripa ay inilathala na ng TIEZA-RO sa mga kilalang pahayagan ngayong araw.

Ito ay nangangahulugan na tuloy na tuloy na ang pagtaas sa singil bagamat hindi ito tumalima sa naunang planong 35% sa pag-uumpisa ng taong 2013.

Sahalip ay kinatigan nito ang nais ng mga stakeholder sa isla na i-staggered o paunti-unti ang gagawing implementasyon ng taas-singil sa tubig base na rin sa kahilingan ng mga ito sa isinagawang public hearing ng TIEZA noong nakaraang Disyembre ng taong 2012.

Samantala, mararamdaman ang bagong taripa ng singil labinlimang araw pagkatapos mailathala at ipaalam sa publiko na possible magumpisa sa buwan ng Pebrero taong kasalukuyan. #acpsr012013

Ordinansang nagbabawal sa fast food chain sa front beach, balak ipasa


Balak ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay na magpasa ng ordinansa na hindi na pahihintulutan pang maglagay o magtayo ng fast food chain sa front beach, gayong hindi umano ito kagandahan para sa mga turista.

Ito ay upang maiwasang na ring mag-mukhang “fast food chain street” ang front beach ng Boracay.

Ganoon pa man, nilinaw ni SB Member Rowen Aguirre na hindi siya tutol sa pagpasok ng mga fast food chain na ito sa Boracay kung sakali.

Pero huwag lang sana umano na ilagay ito sa front beach para ma-protektahan ang isla.

Kapag naipasa ang ordinansa, magkakaroon na rin aniya ng lugar na doon lamang pwedeng ilagay ang mga ito dahil susundin na ang zoning na ipinapatupad sa isla alinsunod sa Comprehenssive Land Use Plan (CLUP).

Ang balak na pagpasa ng ordinansang ito ay paghahanda sa mga napipinto pang pagpasok ng ibang fast food chain sa isla gaya ng Jollibee. #ecm012013

Unang araw ng Ati-atihan sa Kalibo niyanig ng artista at pulitiko


Naging makulay ang unang salvo ng Kapistahan ni Sr. Sto. Niño sa bayan ng Kalibo.

Ito ay dahil nilusob ng mga artista ang unang araw pa lamang ng Ati-atihan nitong hapon.

Niyanig kasi nila Louise Delos Reyes at Mark Bautista ang Kalibo Pastrana Park na siyang isa sa inaabangan naman ng mga kabataan doon.

Maliban dito, nitong alas dos ng hapon ay nag-umpisa na rin ang sadsad sa kalye o merry making ng mga grupo na taunang nagsasadsad bilang bahagi ng kanilang tradisyon sa pagpapasalamat sa batang Niño.

Kasabay nito, opisyal na ring bubuksan ang Magsaysay park para sa kasiyahan bawat gabi.

Pero katulad ng mga nagdaang taon, hindi pinapalampas ng ilang mga pulitiko ang selibrasyon na ito, lalo na at nalalapit na ang halalan.

Sapagkat sa unang araw palang ng 2013 Ati-atihan, ginulat ni Sen. Chiz Escudero ang mga Aklanon, dahil sa binisita nito ang Kalibo nitong hapon.

Ang Kalibo Ati-atihan ay taunang ginawa, kung saan ngayong taon ay ipagdiriwang ito simula ngayong ika-14 hanggang ika-20 ng Enero. #ecm012013

SP Aklan, nakapagpasa ng 341 resolusyon at 20 special ordinances para sa 2012


Sa kabila ng ingay, bangayan at patutsada ni Aklan Board Member Rodson Mayor sa Presiding Officer ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan at Vice Governor Gabrielle Calizo-Quimpo, ay matagumpay pa ring nakapagpasa ng mga ordinansa at resolusyon ang mga lokal na mambabatas ng Aklan sa pang-probinsiyang lebel.

Kung saan, sa loob ng buong taon ng 2012 ay umabot sa 44 regular sessions ang nagawa at nadaluhan ng mga Board Members.

Nagbunga naman ng 341 resolusyon, 5 general ordinances at 20 special ordinances ang kanilang mga sesyon.

Kasama sa mga ordinansang inaksiyunan at narebyu ng SP Aklan ay ang mga Municipal Budget and Development Plan ng 17 bayan sa probinsiya.

Ang pagpasa din ng 2013 budget ng Aklan nitong Disyembre ang isa sa ipinagmamalaki nilang natapos noong 2012.

Kahit  may pagtutol dito si Board Member Mayor lalo na sa ilang alokasyon para sa 2013 SP budget, naipasa pa rin ito ng mga kapwa Board Members makaraang patutsadahan nito ang Presiding Officer.

At nitong huli lamang ay nagsagawa ng Special Session para ideklara ang walong bayan ng Aklan na nasa ilalim ng State of Calamity dahil sa pananalantang ng bagyong Quinta.

Sa mga performance na ito ng SP, ang probinsiya ng Aklan ay naging 1st runner-up sa buong Region 6 sa Excel Awards ng Gawad Pamana ng Lahi nitong nagdaang taon. #ecm012013

Cruise Ship, dadaong sa Boracay sa darating na Pebrero at Marso


Gaya ng una ng sinabi nito noong Oktobre, na cruise ship market ang isa sa pagtutuunan nila ng pansin sa taong ito ng 2013 para sa Boracay.

Mismong si Department of Tourism 6 (DOT-6) Regional Director Atty. Helen J. Catalbas na ang nagkumpirma na dalawang cruise ship ang darating sa Boracay ngayong unang bahagi ng taon.

Kung saan, asahan umanong sa susunod na buwan na ito sa Pebrero 24 ay dadaong ang MS Columbus 2 ng MS Europa habang sa ika-19 ng Marso ay ang cruise ship na Hapag Lloyd Cruises.

Kaya aasahan na namang mahigit isang libong tuirsta ang papasok sa isla dala ng dalawang panturistang barko.

Kung maaalala, noong Oktubre ng nakaraang taon ay dumaong ang kauna-unang cruise ship sa Boracay, ang Caribbean cruise na Legend of the Seas na may dalawang libong pasahero.

Nabatid mula kay Catablas na ang MS Columbus 2 ay may kapasidad na 698 katao na pasahero habang ang MS Europa ay may mahigit apat na daang pasahero.

Kaugnay nito, ang DoT umano ngayon ay nakikipag-ugnayan na sa awtoridad para sa pagdaong ng dalawang cruise na ito sa Caticlan/Boracay Port.

Ang pagpasok ng Cruise ship sa isla ng Boracay ay nagpapakita lamang umano na mas naging tanyag ang isla bilang tourist destination, kaya kasama na sa dinadayo ng cruise ship ang isla.

Nagpahayag na si Catablas na hindi iyon ang huling cruise ship na dadaong dito, kundi umpisa palang ito, at magiging market na rin ng Boracay. #ecm012013

2013 Ati-atihan sa Boracay, mapayapang ipinagdiwang


Matagumpay at mapayapang natapos ang Ati-atihan sa Boracay ngayong taong ito.

Batay sa rekord ng pulisya sa isla, sa buong araw na operasyon nila noong Linggo para sa seguridad ng lahat ng mga naki-isa sa taunang selebrasyon ay walang anumang naintalang kaso na may kinalaman sa pagdiriwang ng Ati-atihan sa Boracay.

Gaya na lamang ng una nang hiniling o panalangin ni Rev. Fr. Arnold Crisostomo ng parokya ng Holy Rosary Parish Church, na sana ang kalasingan o pag-inom ng alak sa kasagsagan ng pagsasadsad ay hindi makapagdala ng gulo.

Maliban dito, nakamit din ang target ng simbahan na maging “environment friendly” ang mga makikiisa sa selebrasyon dahil ang mga deboto ng Sr. Sto. Niño hanggang sa matapos ang prosisyon sa hapon ay hindi nag-iwan ng basura sa white beach.

Samantala, hindi naman naiwasan talaga ng ilang mga deboto na magbitbit ng boteng may lamang nakakalasing na inumim sa gitna ng pagdirawang, taliwas sa nais sanang mangyari ng mga Kaparian sa Boracay.

Sa kabuuan naman, labis na kasiyahan ang naramdaman ng mga deboto sa isinagawang sadsad o merry making.

Pero kung ang mga deboto ay natutuwa, inip naman ang nadama ng ibang pasahero at mga tricycle driver at ilang pang mga motorista sa isla dahil sa bukod sa naiipit ang mga ito sa trapik ay naparalisa pa ang kanilang mga biyahe. #ecm012013