YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, May 09, 2013

Tourist arrival sa Boracay, di maaapektuhan ng gagawing halalan sa Lunes

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Hindi maaapektuhan ang bilang ng tourist arrival sa Boracay ngayong halalan.

Ito ang paniniwala ng Department of Tourism o DoT kaugnay sa magiging daloy ng turista sa isla ngayong eleksiyon, sa ika-13 ng Mayo.

Dahil kung ang malaking bilang ng turista na pumapasok sa Boracay sa araw-araw, ay yaong mga lokal na bisita din at botante din.

Pero ayon kay DoT Boracay Officer In-charges Tim Ticar, kadalasan ay weekend dumadagsa ang mga turista sa isla, at araw naman ng Lunes ang eleksiyon.

Kaya normal na araw na umano iyon para sa Boracay, na kalimitan ay linggo ng hapon ay nagsisiuwian na rin ang mga bisita dito.

Dagdag pa nito, hindi din umano maaapektuhan ang turistang dayuhan na pupunta sa Boracay kahit eleksiyon day man. 

Mabigat na daloy na trapiko sa Boracay sanhi ng proyekto ng isang telecommunications company, inalmahan ng mga motorista

Ni Jay-Ar Arante, YES FM Boracay

Umaalma na ang mga motorista dito sa isla ng Boracay sa traffic na nararanasan nila ngayon dahil sa isinasagawang proyekto ng isang telecommunications company.

Ito’y dahil sa mabagal na daloy ng trapiko sa mismong highway ng Brgy. Balabag kung saan ginagawa ang proyekto.

Ayon kay Ramel Calalo, isa sa mga machine operator ng nasabing proyekto, nahihirapan umano sila sa paghuhukay sa kalsada dahil sa matitigas ang bato na siyang nagpapabagal ng kanilang operasyon.

Hindi din umano sila nakakapagtrabaho sa gabi, dahil may mga resort owners ang umaalma sa nililikhang ingay ng proyekto.

Ayon naman kay Malay Municipal Engineer Elizer Casidsid, may permit ang naturang proyekto na para din umano sa ikakabuti ng mga turista at mga mamayaman ng isla.

Dagdag pa ni Casidsid, bagama’t maliit lamang ang kalsada dito sa isla ay minamadali na din ang proyekto upang maiwasan ang matinding trapiko.

Mga taga-LGU Malay at iba pang sektor, lumahok sa tree planting activity

Ni Kate Panaligan at Bert Dalida, YES FM/Easy Rock Boracay

Lumahok sa isang tree planting activity ang mga taga LGU Malay at iba pang sektor noong Lunes.

Ito’y may kaugnayan pa rin sa nalalapit na pagdiriwang ng Boracay Day sa darating na ika-18 ng Mayo.

Ang nasabing aktibidad ay nilahukan ng mga grupo ng paraw operators, mga siklista at ng MATODA o Malay Tricycle Operators and Drivers Association.

Nasa 500 punla ng iba’t-ibang prutas at punong-kahoy ang matagumpay na naitanim nila sa barangay Kabulihan, na sinimulan dakung alas-8:00 noong Lunes ng umaga.

Suportado din ng DENR o Department of Environment and Natural Resources, BIWC o Boracay Island Water Company, at mga barangay officials ng Malay ang nasabing aktibidad.

Ayon pa kay CENRO Information Officer Jonne Adaniel, marami pang kahalintulad na aktibidad ang kanilang gagawin bilang pagsuporta sa selebrasyon ng Boracay Day.

Pista ng Brgy. Balabag, apektado ng 2013 Elections at Boracay Day

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Hindi pa naipi-pinalisa ng Brgy. Balabag ang kanilang mga plano para sa darating na taunang fiesta ng nasabing barangay sa Boracay.

Ito ay dahil sumabay ang nasabing event sa May 2013 Midterm Elections na magagandap sa Mayo a-trese at sa preparasyon din para sa Boracay Day na magaganap naman sa Mayo a-disiotso.

Ayon kay Jinky Alicante, administrator ng Brgy. Balabag, sa ngayon ay hindi pa nila natatapos ang kanilang pagpaplano para sa kanialang mga aktibidad para sa fiesta.

Anya, kinukulang din sila sa oras para sa mga preparasyon at naghahabol na din sila para matapos ito sa tamang panahon.

At dahil nga sumabay ito sa eleksyon, ay iniurong nila ang selebrasyon ng piyesta ng Balabag sa a-bente hanggang a-bente tres ng Mayo.

Ngunit sa kabila nito, siniguro naman ni Alicante na magiging highlight ng fiesta ang koronasyon ng Ms. Balabag 2013 na gaganapin sa gabi ng a-bente uno ng Mayo.

Samantala, ihinayag ng barangay administrator na bukod sa oras ay apektado din ng eleksyon ang kanilang preparasyon para sa pista sa pinansyal na aspeto.

Sa ngayon ay hindi sila makatanggap ng financial support para sa kanilang event mula sa mga personalidad na nagpapapili para sa eleksyon.

Pero pagkatapos ng halalan ay maaari na umano silang tumanggap ng mga donasyon o sponsorships mula sa mga ito.

Matatandaang ang taunang barangay at parochial fiesta na ipinagdiriwang bilang pagpapuri sa patron saint ng Balabag na Our Lady of the Holy Rosary ay nakatakda sanang ganapin sa a-diyes hanggang a-dose ng kasalukuyang buwan.

Wednesday, May 08, 2013

Kahalagahan ng pagpapa-accredit sa DoT Boracay, mararamdaman ngayong pinalawig ang liquor ban

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Dahil sa limang araw na ngayon ang liquor ban na ipinapatupad para May 2013 elections mula sa dating isang araw lang bago ang halalan, ngayon na umano mararamdaman ng mga establishemento sa Boracay ang kahalagahan ng pagpapa-accredit ng mga establishementong ito sa Department of Tourism, ayon kay DoT Boracay Officer In-Charge Tim Ticar.

Sapagkat sa limang araw na implemantasyon ng liquor ban alinsunod sa Comelec Minute Resolution No. 13-0322.

Hindi rin umano pwedeng magbenta at mag-serve ng nakakalasing na inumin sa mga turista ang mga establishemento dito na hindi accredited sa DoT.

Lalo na at ang accreditation na ito ay requirements umano para sa pag-apply sa excemption nila sa Comelec para sa kanilang operasyon kahit na may ipinapatupad na liquor ban.

Samantala, dahil sa iisang establishemento lamang sa isla ang nag-apply sa Comelec ng exception, naniniwala si Ticar na dahil sa isang araw lamang dati ang liquor ban ay tila namihasa na rin ang mga establishementong dito sa Boracay, sapagkat hindi aniya naging kawalan sa kanila ang isang araw na iyon.

Pero ang hindi umano akalain ng mga stakeholders dito na binago na pala ng Comelec ang alituntunin kaugnay dito.

Pero paglilinaw ni Ticar, ang mga establishemento sa Boracay na hindi nakapag-apply ng excemption sa kumisyon ay hindi naman ipapasara sa loob ng limang araw, kundi pagbabawalan lang umano na magbenta o mag-serve ng nakakalasing na inumin simula alas-12:00 ng madaling araw ng ika-9 hanggang hating gabi din ng ika-13 ng Mayo.

Banning period para sa paglalabas ng pondo, mariing ipinapatupad sa Malay

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Alinsunod sa Comelec Resolution No. 9385, o banning period sa pag-gastos sa pondo ng LGU, mariing ipinapatupad na rin sa bayan ng Malay ang pagbabawal sa pagpapapalabas ng pondo para sa mga proyekto ng bayan.

Kung saan, simula noong ika-29 ng Marso ng kasalukuyang taon ay sinimulan na umanong sundin ng Malay Treasurer’s Office ang hindi pagpapalabas ng pera sa LGU Malay para sa mga proyekto na hindi pa dumaan sa bidding at hindi pa na-award sa nanalong bidder.

Sa panayam kay sa Malay Municipal Treasurer Officer Dediosa Dioso, hindi na rin umano sila nagpapalabas ng pondo para sa mga financial assistance, maliban na lamang kung ito ay para sa mga may kamag-anak na yumao at nangangailangan ng tulong pinansyal.

Ang banning period ay ipinatutupad ng kumisyon tuwing malapit na ang eleksiyon, kung saan ngayong halalan ay magtatapos ito sa darating na ika-13 ng Mayo.

Layunin ng Comelec na maiwasan na madispalko ang pera ng bayan at masigurong hindi magagamit ang mga pondo na ito ng LGUs sa pangangampaniya ng mga naka-posisyong kandidato.

DOLE Aklan, “hands off” sa pangingi-alam ng employer sa pagboto ng empleyado

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

“Hands off” umano ang Department of Labor and Employment o DOLE Aklan kaugnay sa estado ng mga empleyado at employer ngayong eleksyon.

Sapagkat ang panghihimasok umano sa problema hinggil sa pang-gigipit ng mga employer sa kanilang mga trabahador na iboto ang kandidatong ini-endorso ng kanilang mga amo ay hindi na nila saklaw.

Ayon kay DOLE Aklan Provincial Director Bediolo Salvacion, hindi na sakop ng Labor Code ang pag-aksiyon sa pangingialam ng employer sa kanilang mga empleyado sa oras ng eleksiyon.

Sa halip ay obligasyon na umano ng Comelec na papanagutin ang employer, dahil sa klarong paglabag ito sa karapatan ng mga botante.

Pero ayon kay Salvacion, sa oras na tinangal na sa trabaho ang empleyado na ang dahilan lamang ay hindi ibinoto ang kandidato na gusto ng kanilang amo.

Dito na aniya papasok ang DOLE, sapagkat mariing ipinagbabawal ito batay sa nakasaad sa Labor Code, lalo na ang pagtangal sa mga trabahador na walang sapat na dahilan.

Monday, May 06, 2013

“Vote buying” sa Boracay, hindi na uso --- S/Insp. Cabural

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

May mga trabaho naman umano ang mga tao sa Boracay.

Kaya naniniwala umano si Boracay PNP Chief PS/Insp. Joeffer Cabural na hindi na uubra pa dito sa isla ang pagbibenta sa mga boto o “vote buying”.

Dagdag pa ng hepe, hindi naman ganoon kainit ang labanan ng mga pulitiko sa Boracay upang mamili pa ng boto.

Ito ay sapagka’t wala naman aniyang katunggali ang alkalde at bise alkalde ng bayan at islang ito.

Ito ang sagot ng hepe sa panayam dito kaugnay sa seguridad na ipinapatupad ng kapulisan para sa nalalapit na May 13 midterm elections, lalo na habang papalapit na ang araw ng halalan upang ma-protektahan ang mga botante.

Samantala, dahil sa tatlo lamang ang polling precinct sa Boracay, wala naman umanong nakikitang problema si Cabural kung bilang ng awtoridad ang pag-uusapan para sa eleksiyon.

Bunsod nito, hindi na umano dinagdagan pa ang pulisya sa isla.

Pilgrim image ni St. Pedro Calungsod, idadaan at masisilayan sa Malay bukas

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Masisilayan na ng mga Malaynon at Boracaynon ang pilgrim image ni St. Pedro Calungsod na nagmula sa Roma buka,s araw ng Miyerkules, ika-7 ng Mayo.

Sapagkat sa tatlong araw na ililibot ang imahe ng nasabing ikalawang santong Pilipino.

Mabibigyan ng isa’t kalahating oras ang mga Malaynon na masilayan ang imahe ng bagong santong Pinoy na si Calungsod.

Simula alas-9:30 hanggang alas-11:00 ng umaga ay idadaan ang santo sa Saint Joseph Parish Church sa bayan ng Malay bago ito idiritso sa bayan ng Buruanga at dalhin sa probinsiya din ng Antique.

At dahil sa hindi na itatawid pa dito sa isla ng Boracay ang imahe, ganoon na lang din ang pag-iimbita ni Rev. Fr. Arnaldo “Nonoy” Crisostomo, leader ng Team Ministry ng Parokya ng Holy Parish Church, sa mga deboto na  nais makita at makapagdasal sa mismong pilgrim image ni St. Pedro Calungsod.

Aniya, “welcome” umano ang lahat ng deboto sa Simbahan sa Poblacion, Malay.

Ang pagdating umanong ito ng bagong santo sa Aklan ay pinangunahan ng mga kaparian mula sa iba’t ibang lugar sa bansa na siyang nagdadala para mai-ikot ang imahe na binasbasan ng dating Santo Papa Benedict XVI sa Vatican noong Oktobre ng nakaraang taon.

Kung matatandaan, ang unang santong Pilipino ay si San Lorenzo Ruiz, at ikalawa na si Calungsod.

Kahapon, ika-5 ng Mayo, ay dumating sa Aklan ang grupo ng mga kaparain na ito na siyang nagdala sa imahe ng bagong santo.

Imahe ni St. Pedro Calungsod na iniikot sa buong bansa, nasa Aklan na

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Mainit na pagsalubong sa imahe ng bagong Santong Pilipino na si St. Pedro Calungsod ang ginawa ng mga Aklanon kahapon.

Umaga ng dumating ang mga delegado dala ang rebulto ng santo sa boundary ng Capiz at Aklan kung saan ito sinundo ng mga deboto at kaparian na pinagunahan ni Aklan Bishop Jose Corazon Talaoc.

Matiyaga namang nag-abang sa mga daan ang mga Katoliko kung saan karamihan sa mga ito ay mga kabataan.

Unang idinaan ito sa parokya at bayan ng Batan, sunod sa Altavas, Balete, Banga, New Washington at buong magdamag itong dinasalan at binantayan naman sa St. John the Baptist Church o Katedral ng Kalibo.

Dahil sa halos nailibot na ito sa mga bayan sa Aklan sa Eastern na bahagi ng probinsiya.

Inaasahang kaninang umaga ay inilibot naman ito sa western side ng probinsiyang ito, at sa bayan ng Ibajay magpapalipas ng gabi ang buong delegasyon kasama na ang imahe ng santo.

Ang pagdating ng nasabing rebulto ni St. Pedro Calungsod sa Aklan ay bahagi ng pag-ikot sa buong bansa sa bagong deklarang santo, kung saan pagkatapos dito sa Aklan ay dadalhin naman ito sa probinsiya ng Antique.

Kung maaalala, buwan ng Oktubre nitong nakalipas na taon lamang opisyal na idineklarang santo sa pamamagitan ng “canonization” sa Vatican na pinagunahan ng dating Santo Papa na si Benedict XVI.

Ika-7 NABBA Asia Pacific International Amateur Body Building Championship, ginanap sa Boracay

Ni Rodel Abalus at Bert Dalida, YES FM/Easy Rock Boracay

Hangang-hanga ang mga lokal at dayuhang turistang napapadaan sa beach front ng station 2 Boracay, nitong Biyernes.

Hindi lamang sa mapuputing buhangin at kahali-halinang tubig dagat, kundi sa katawan ng mga lumahok sa ika-7ng NABBA o National Body Builders Association Asia Pacific International Amateur Body Building Championship.

Nagbigay-hudyat sa pagsisimula ng nasabing paligsahan si mismong NABBA Philippines President Engr. Juanito Tanyag.

Nagpaligsahan sa nasabing kompetisyon ang mga kalahok mula sa iba’t-ibang bansa, sa iba’t-ibang kategorya na  Masters Class, Ms. Fitness Class, Mr. Athletics Class, Ms. Shape Class, Mr. Physique Short, Mr Physique Medium, Mr Physique Medium Tall, Mixed Pair, and Women’s Open class.

Kauna-unahang Grand Flores De Mayo sa Boracay, matagumpay na ipinagdiwang

Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay

Ang “Flores De Mayo” na kung minsan ay tinatawag na “Flores de Maria”, ay isang sikat na selebrasyon bilang pagbibigay parangal sa birheng Maria tuwing buwan ng Mayo.

Ito’y matagumpay na inorganisa kahapon ng mga taga-Boracay Foundation Inc. (BFI) sa pangunguna ni Ginoong Jony Salme at ng mga miyembro nito.

Sa selebrasyon kahapon, pumarada ang mga naggagandahang dilag para makuha ang titulong “Reyna Elena” o mas kilala sa tawag na “Santa Cruzan”.

Di rin nagpaawat ang mga kapatid nating Ati Community dahil meron ding inihanda ang nasabing organisasyon na kategorya para sa kanila.

Ayon sa mga miyembro nito na nakapanayam ng himpilang ito kahapon, ang selebrasyong ito ay paalala sa mga taumbayan lalung-lalo na sa mga Katoliko at sa mga taga-ibang bansa na maging tayo dito sa Boracay ay nagdiriwang din ng ganitong selebrasyon.

Dagdag pa nito, isinagawa ang kauna-unahang “Grand Flores de Mayo” dito sa isla ng Boracay sa dahilan na para maging dagdag din na atraksyon sa mga turista na nagbabakasyon.

Samantala, nakapag-paalam din naman ang mga taga-BFI sa Simbahan at may partisipasyon din umano sila rito.

Katunayan nga, nitong nakaraang Sabado, lahat ng mga kasali sa naturang selebrasyon ay tinipon ng mga taga-Simbahan at in-orient tungkol sa “Flores de Mayo” at kung bakit ipinagdiriwang ito.

Nagsimula ang parada o prusisyon sa Boracay Regency Resort sa Station 2 ng Boracay at nagtapos sa Balabag Plaza kung saan isinagawa ang pagtatanghal ng Reyna Elena.

Sunday, May 05, 2013

Umano’y pagkalat ng mga pekeng pera sa Boracay, hindi pa masasabi kung may kaugnayan sa eleksyon --- Cabural

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi pa umano masasabi sa ngayon kung may kaugnayan sa nalalapit na halalan ang umano’y pagkalat ng mga pekeng pera sa Boracay.

Ito ang sinabi ni Boracay PNP Chief PS/Insp. Joeffer Cabural sa panayam ng himpilang ito.

Wala pa naman umano kasi ang panahon ng eleksyon ay may mga kaso na silang inaksyunan tungkol sa mga pekeng pera sa isla.

At dahil sa ang Boracay ay isang tourist destination, naniniwala umano si Cabural na meron talagang mga nananamantalaang gumamit ng mga pekeng pera, lalo pa’t mabilis ang sirkulasyon nito.

Magkaganoon pa man, patuloy at pinaiigting naman umano nila ang kanilang pagmomonitor tungkol sa bagay na ito.

Pinayuhan din ng nasabing hepe ang publiko na mag-ingat at magbantay upang hindi mabiktima.

Matatandaang dahil sa nalalapit na ang eleksyon at sa paniniwalang lalabas ang mga pekeng pera.

Isang negosyante sa isla ang dumulog sa himpilang ito kamakailan lang upang i-report na peke umano ang limang daang pisong ibinayad sa kanila ng isang customer.

Tricycle sa Boracay, kinukulang pero traffic pa rin!

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Bagamat kinukulang ang mga tricycle sa Boracay, pero mabigat na trapik pa rin ang nararanasan dito lalo na kung rush hour.

Ganito ang sitwasyon ng pangunahing kalye sa isla ng Boracay nitong nagdaang mga linggo.

Subalit mas lumala pa ito ngayon dahil sa ginawagang pagsasa-ayos ng ilang linya ng tubig na nakabaon sa mismong bahagi ng kalsada.

Kaya iisang linya lamang ang nagagamit para sa mga sasakyan.

Pero hindi lamang iyon ang problema, na matagal bago makalusot ang mga sasakyan sa area ng Station 1 malapit Balabag Plaza, kundi pinu-problema din ngayon ng mga resort owner malapit dito ang ingay na dala ng mga heavy equipment at iba pang gamit na naglilikha ng masakit sa taingang tunog.

Kaya ang mga pasahero sa ngayon, maliban sa nahihirapan ang mga ito na sumakay dahil sa kulang ang tricycle, ay nag-uumpugan na rin ang kilay ng mga commuters na ito sa pagkaka-tengga sa kalye dahil sa matagal umusad ang mga sasakyan.

Bunsod nito, pati ang mga driver ay nagsisigawan na rin sa kalye dahil sa singit ng singit ang iba para maka-una kahit masikip, kaya tuloy nag-iinit na rin ang ulo nila, lalo na kung nagkakasagian na.