YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 18, 2015

Pamunuan ng Boracay Hospital nababahala kung saan puweding pumunta ang mga pasyenteng nangangailangan ng kanilang tulong

Posted July 18, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for boracay hospitalTila nababahala ngayon ang pamunuan ng Don Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital o Boracay Hospital sa mga pasyenteng nangangailangan ng kanilang tulong.

Ito’y matapos na magpalabas ng kautusan si Aklan Governor Florencio Miraflores na pansamantalang ipapasara ang naturang pagamutan para bigyang daan ang Phase 2 project sa hospital ng Department of Public Works and High-ways (DPWH).  

Kaugnay nito ipinaalam na rin ng pamunuan ng Boracay hospital ang nasabing utos sa tatlong brgy. sa Boracay na kinababalangan ng Yapak, Balabag at Manoc-manoc.

Nabatid na marami umanong residente sa Boracay ang humihiling lalo na ang mga walang sapat na pera na pambayad sa mga klinika sa isla ng temporaryong paglilipatan para hindi na sila mahirapang tumawid pa sa mainland para lamang magpakunsulta o magpagamot.

Napag-alaman na nakatakdang simulan ang construction ng phase 2 hospital ngayong Agosto kung kayat sa lalong madaling panahon ay kinakailangan na nilang lisanin ang pagamutan base sa mandato ng Gobernador.

Ang Boracay hospital ay sasailalim hanggang phase 3 renovation at expansion project ng Department of Health (DOH) Region 6 kung saan katuwang sa Phase 2 ang DPWH.

Governor Miraflores, ipinag-utos ang temporaryong pagpapasara ng Boracay Hospital

Posted July 18, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Temporaryo ngayong ipapasara ang Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital o Boracay Hospital upang bigyang daan ang on-going renovation at upgrading work ng hospital.

Ito ay base sa ipinadalang memorandum letter ni Governor Joeben Miraflores sa pamunuan ng Boracay Hospital partikular kay Dr. Michelle G. Depakakibo Medical Officer 1V.

Dito nakasaad ang temporaryong pagpapasara sa lalong madaling panahon para masimulan na ang construction ng phase 2 sa area kung saan kasalukuyan pa ngayong ginagamit para sa mga pasyente at inuukupahan ng mga hospital staff.

Nabatid na ang phase 2 sa phase 3 project construction ng Boracay hospital ay hahawakan ng Department of Public Works and High-Ways (DPWH) na may nakalaang budget na P23, 441, 150.00 na inilabas sa ilalim ng CY 2014 ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng Department of Health na iimplementa naman ng DPWH Aklan DEO.

Samantala, base naman sa ipinadalang sulat ng DPWH na ang nasabing proyekto ay nakatakdang sumailalim sa bidding sa darating na Hulyo 23, 2015 kung saan ang simula ng construction ay ngayong buwan ng Agusto.

Ngunit bago ito kinakailangan na munang lisanin ng hospital staff ang naturang pagamutan o lumipat sa ibang mga hospital sa probinsya.

Kaugnay nito nakatiwang-wang parin ngayon ang Phase 1 project ng Boracay hospital matapos itong maipahinto dahil sa problema sa contractor.

LGU Malay tumanggap ng award sa 3rd Regional Competitiveness Summit sa PICC

Posted July 18, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tumanggap ng parangal ang Local Government Unit ng Malay sa ginanap na 3rd Regional Competitiveness Summit sa PICC Roxas Boulevard Metro Manila.

Kabilang sa mga nakuhang award nito ay Top 10 sa Economic Dynamism, Overall Top 15 on 1st & 2nd Class Municipalities Infrastructure category.

Mismong si Malay Mayor John Yap naman ang siyang nangunang tumanggap ng naturang mga awards kasama ang lahat departments heads ng LGU Malay.

Nabatid na ang Summit na ito ay inorganisa ng National Competitiveness Council (NCC) Philippines at ng Department of Trade and Industry sa pangunguna ni Hon. Gregory Dominggo DTI Secretary at NCC Chairman.

Malugod namang nagpapasalamat ang Local Government Unit ng Malay sa pagkilala sa kanila ng NCC Philippines para sa 3rd Regional Competitiveness Summit.

Friday, July 17, 2015

Rate kilowatt hour ng AKELCO tinaasan ngayong Hulyo dahil sa generation charge

Posted July 17, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay  

Image result for AKELCO RATEAng pagtaas ng generation charge at system loss ang siyang dahilan ng pag-increase ng rate per kilowatt hour ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO).

Ito ay base sa inilabas na advisory ng AKELCO para sa kanilang increase rate per kilowatt hour ngayong buwan ng Hulyo 2015.

Dito nakapaloob na ang residential consumers ay mayroong increase na P0.3912 per kilowatt hour na kung saan noong buwan ng Hunyo ay P10.4474 per kilowatt hour lamang kumpara ngayon Hulyo na naging P10.8386/kilowatt hour na.

Habang sa Commercial Consumers ay may increase na P0.3913 per kilowatt hour na kung saan sa noong buwan ng Hunyo ay may P9.5010/kilowatt hour lamang kumpara ngayong Hulyo na P9.8922.

Kaugnay nito pinaalalahan naman ng AKELCO ang miyembro at kunsumidor na maging responsabli sa paggamit ng kanilang electric power at huwag itong pag-aksayahan.

Samantala, nilinaw naman ng AKELCO na ang pagtaas o pagbaba ng rate per kilowatt hour sa kada buwan ay nakadipendi sa generation charges o cost ng power, WESM prices o System Loss.

Boracay Isle Hotel sinilbihan ng notice ng imposition at administrative fines ng BISFPU

Posted July 17, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sinilbihan ng notice of imposition at administrative fines ang Boracay Isle Hotel ng Boracay Island Special Fire Protection Unit (BISFPU).

Ito ay dahil sa umabot na sa P50,000 ang kanilang administrative fines na order ng Regional Director ng Bureau of Fire (BFP) Western Visayas dahil sa paglabag nito sa fire code of the Philippines.

Ayon kay Boracay Island Special Fire Protection Unit BISFPU Fire Inspector Stepen Jardeleza, nasa level na umano kasi ang babayaran ng Isle Hotel.

Dahil dito bilang parte umano ng kanilang proseso ng rule 13 sa fire code ay naglagay sila ng warning sign na nagsasabing ang naturang building ay isa nang fire hazard dahil simula pa umano noong nakaraang taon na nagsagawa sila ng inspeksyon sa mga structure at mga building sa Boracay ay isa ang Isle Hotel sa hindi sumunod.

Samantala, sinabi pa ni Jardeleza na ito ay simula palang ng kanilang strict implementation na ginawa kahapon at meron pa umanong mga susunod na mga establisyemento na papatawan nila ng penalidad kung hindi sila susunod sa deriktiba galing sa National Headquarters ng pamunuan ng BFP at Regional Headquarters.

Nabatid na ang kampanya ng BFP sa strict implementation ng fire code ay dahil sa nangyaring sunog sa Valenzuela Fire at sa Talipapa Bukid Boracay nitong Hunyo.

Strict implementation ng fire code of the Philippines sa Boracay ipapatupad ng BISFPU

Posted July 17, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mas hihigpitan umano ngayon ng Boracay Island Special Fire Protection Unit (BISFPU) ang kanilang implementasyon sa fire code of the Philippines sa Boracay.

Ito ay kasunod ng nangyaring sunog sa Valenzuela City na ikinasawi ng mahigit 70 trabahador at sa Talipapa Bukid Boracay na tumupok ng napakaraming bahay at establisyemento.

Dahil dito sinabi ni BISFPU Fire Inspector Stephen Jardeleza na mas hihigpitan nila ngayong ipatupad ang fire code sa isla kung saan napag-alaman na maraming establisyemento ang hindi sumusunod nito.

Aniya, napakarami ngayong nakatayong structures sa Boracay na walang fire code compliance at building code of the Philippines na kung saan ay ito dapat ang kanilang sinusunod.

Sinabi nito na maaaring mapatawan ang mga ito ng penalidad kung saan magmumula mismo ang deriktiba sa kanilang National at Regional Headquarters.

Samanatala, nais ng BISFPU na magkaroon ang lahat ng estalisyemento sa Boracay ng fire code para sa proteksyon ng lahat ng mga tao o occupant ng building.

Thursday, July 16, 2015

Serbisyong pagkalusugan sa mga barangay nais isulong ng Aklan Provincial Health Office

Posted July 16, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nais ngayong isulong ng Provincial Health Office (PHO) Aklan para masiguro ang serbisyong pagkalusugan sa mga barangay sa lalawigan.

Ito ngayon ang panawagan ni Dr. Cornelio Cuachon, provincial health officer ng Aklan, ayon kay Dr. Cuachon nais nilang bigyang prayoridad ang newborn screening, campaign against zero HIV-AIDS at kalahatang pangkalusugan.

Dahil dito nagsumiti na rin umano sila ng proposal sa Department of Health (DOH) para sa pagpapatayo ng health center sa mga barangay sa probinsya na wala pa nito.

Samantala, nabatid na nito lamang buwan ng Hulyo ay nakipagtulungan ang Provincial Health Office ng Aklan sa programa ng Department of Health na Kalusugang Pangkalahatan (KP Roadshow) na ginanap sa bayan ng Tangalan.

Ang nasabing programa ay nakatuon para sa kalusugan ng mga buntis, senior citizen, mga bata at miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender (LGBT).

BLTMPC, muling naalarma sa mga tricycle driver na naniningil ng mahal sa mga pasahero

Posted July 16, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative (BLTMPC)Muling naalarma ang Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative (BLTMPC) sa mga tricycle driver na naniningil ng mahal sa Boracay.

Ito’y matapos na dumalog sa tanggapan ng YES FM Boracay ang isang turistang babae kasama ang mga kapatid nito dahil sa umano’y paniningil sa kanila ng isang driver ng tatlong daang peso mula sa Yapak Puka Beach hanggang sa Fairways Balabag na sobrang taas kumpara sa normal na pamashe na aabot lamang ng P200 mula sa Port hanggang sa dulo ng isla.

Ayon sa nagrereklamong babae masyadong mahal ang tatlong daan dahil sa malapit lamang ang kanilang bababaan kung saan ikinagalit din nito ang pagmumura sa kanila ng driver.

Kaugnay nito sinabi naman ni BLTMPC Operations Manager Enrique Gelito na kung may mga ganitong reklamo ay dapat na pumunta sa kanilang tanggapan dahil meron umano silang complain form na siyang pagbabasehan ng magiging opensa sa mga driver.

Samantala, ang tatlong opinsa sa mga driver sakaling sila ay inireklamo ay 10 days suspension sa pagbiyahe pangalawa ay 15 days at ang pangatlo ay ang pagpapahinto sa kanilang mamasada.

Nabatid na kabilang sa mga natatanggap na reklamo ng BLTMPC ay ang pagiging arogante ng ibang mga driver at hindi pagpapasakay o pagpili ng mga pasahero.

Wednesday, July 15, 2015

Kaso ng dengue sa probinsya ng Aklan bumaba ng 59.95%

Posted July 15, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for dengueBumaba ng 59.95% ang kaso ng dengue sa probinsya ng Aklan sa loob ng anim na buwan ng 2015 kumpara sa parehong period noong nakaraang taon na umabot ng 437.

Ito ay base sa datos ng Aklan Provincial Epidemiology Surveillance and Response Unit (APESRU) kung saan nakapagtalaga lamang sila ng 175 na kaso ng mga nabiktima ng dengue simula noong Enero hanggang nitong Hulyo.

Sa nasabing kaso pinakamarami rito ay mula sa bayan ng Kalibo na nakapagtala ng 51, sinundan naman ng bayan ng Numancia na 19, Malay na 17, New Washington na 16, Banga na 13 at Nabas na may kasong 10.

Maliban rito nagkaroon din ng ibang kaso ng dengue sa ibang bayan sa Aklan kung saan sa bayan ng Madalag ay nakapagtala sila ng 9, Tangalan na 7, Malinao at Ibajay na parehong 6, Lezo, Altavas at Makato na may 4 at Buruanga, Balete, Libacao na may tig-2 kaso at bayan ng Batan na isa.

Samantala, karamihan naman sa mga nabiktima ng dengue ngayong taon ay mga lalaki na umabot ng 55% habang ang sa babae lamang ay 45%.

Ang APESRU unit ay regular na nag-momonitor ng nasabing disease sa probinsya sa ilalim ng Provincial Health Office (PHO) Aklan.

Boracay National High School patuloy na umaapela sa kanilang binabahang paaralan

Posted July 15, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for balabag National high schoolPatuloy ngayong umaapela ng tulong si Boracay National High School (BNHS) School Principal Victor Supetran mula sa mga kinauukulan tungkol sa kanilang binabahang paaralan.

Ayon kay Supetran masyado na silang apektado sa palagiang pagbaha sa kanilang paaralan kung saan kahit kunting ulan lang umano ay bumabaha na at pumapasok pa sa mga silid-aralan.

Aniya, pinapasipsip naman ng Brgy. Balabag ang tubig baha gamit ang isang equipment sa tuwing umaga ngunit sana umano ay mahanapan na ito ng ibang solusyon upang hindi na sila bahain pa.

Sinabi din nito na nagkaroon sila ng pag-uusap ng Boracay Island Water Company (BIWC) para sa ilang suggestion na maaaring makatulong sa binabahang paaralan ngunit hanggang ngayon umano ay hindi pa ito naisasakatuparan.

Muli namang iginiit ni Supetran na matagal ng may naka-plano sa pamamagitan ng LGU Malay para sa elevation ng mga silid-aralan na pinapasok ng tubig baha ngunit inaantay parin umano nila ngayon ang naturang plano.

Boracay PNP patuloy na nakikipagdayalogo sa mga Muslim Vendors

Posted July 15, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy parin ngayon na nakikipagdayalogo ang mga taga Boracay PNP Station sa mga Muslim Vendors na nagbibinta sa ipinagbabawal na lugar sa beach area ng Boracay.

Katunayan pinangunahan mismo kahapon ni Boracay Chief of Police Senior Inspector Frensy Andrade ang pakikipag-usap sa mga miyembro ng Boracay Muslim Vendors Association tungkol sa Municipal Ordinance para sa Muslim Vendors.

Ikinaalarma kasi ng Boracay PNP ang mga nagpakalat-kalat na ilang vendors sa beach area na kung saan sila pinagbabawalang magbinta.

Nabatid na binigyan na ng LGU Malay ang mga muslim vendors ng lugar sa tourist center kung saan sila puweding maglako matapos ipinatupad ang 25+5 meter easement sa beach front.

Samantala, tiniyak naman ng Boracay PNP na patuloy silang mag-momonitor sa beach area upang hulihin ang mga pasaway na vendors kasama na ang mga ilegal na commissioner at tour guide.

Tuesday, July 14, 2015

Paglipat ng Caticlan Elementary School sasailalim sa memorandum of Understanding

Posted July 14, 2015
Ni Jay-Ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for schoolTinalakay sa Incoming and Referral ng Sangguniang Bayan ng Malay ang Request ng Municipal Mayor na pumasok sa Memorandum of Understanding.

Ito ay sa pamamagitan ng TransAire Corporation at San Miguel Corporation para sa paglipat ng paaralan ng Caticlan Elementary School.

Nabatid na hinahanapan na ngayon ng LGU Malay ng malilipatan ang nasabing paaralan dahil sa patuloy na construction at expansion project ng Caticlan Airport kung saan kabilang sa apektado ang naturang paaralan.

Napag-alaman na ang lupang tinatayuan ngayon ng Caticlan Elementary School ay kabilang sa mga biniling lupa ng TransAire Corporation para sa ginagawang Airport.

Kaugnay nito matagal na ring hiling ng mga guro sa Caticlan Elementary School na mailipat ang kanilang paaralan dahil sa apektado ang kanilang pagtuturo dulot ng malakas na tunog ng mga eroplano sa nasabing paliparan.

Samantala nais naman ng SB Malay na pag-aralan muna ito ng Committee on Laws, Education at Committee on Land Use.

10 wheeler truck, nahulog sa bangin sa Nabas sakay na mag-ama nakaligtas

Posted July 14, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for truck nahulog sa banginPatuloy ngayong nagpapagaling sa isang pagamutan sa Aklan ang mag-amang sakay ng nahulog na 10 wheeler truck na may lalim na 44ft sa Brgy. Libertad, Nabas, Aklan.

Ayon kay PO3 Andy Cordero ng Nabas PNP Station, minamaneho umano ng amang si Bigos Mañas, 45 anyos ng Tondo, Manila ang nasabing sasakyan kasama ang anak nitong si Jomar Mañas, 18 ng mawalan ng kontrol dahil sa bigat ng kargang kahoy na dadalhin sanang Maynila sakay ng Roro Vessel.

Sinabi ni Cordero na bago mangyari ang insidente ay tumagilid pa ang truck sa kalsada kung kayat tuluyan na itong nahulog sa bangin na may sukat na 44 na talampakan.

Samantala, paalala naman ng Nabas PNP na mag-ingat sa pagmamaneho ng sasakyan sa mga area na pakurbada ang kalsada lalo na sa Nabas at kung may kabigatan ang kanilang karga dahil may posibilidad itong tumagilid lalo na kung paakyat na bahagi ang kanilang tinatahak.

DepEd Aklan, makikipagpulong sa mga stakeholders para sa K to 12 program

Posted July 14, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for k to 12 depedNakatakdang makipagpulong ang Department of Education (DepEd) Aklan kasama ang mga stakeholders kaugnay sa K to 12 program.

Ito ay gaganapin bukas araw ng Miyerkules sa ABL Sports Complex sa bayan ng Kalibo simula  alas-9 ng umaga na kung saan ay may tema itong “Ang K to 12, Kayang-kaya Kapag Sama-sama”.

Dahil dito hinihikayat ni Aklan School District Superintendent Dr. Jesse Gomez, ang lahat ng mga namumuno sa probinsya, bayan at barangay na dumalo para rito upang lalong maintindihan ng mga leader kung ano talaga ang tinatawag na K to 12.

Hinihiling din ni Gomez na dumalo rito ang representante ng mga ahensya ng gobyerno na kabilang sa edukasyon , media at General PTA President ng lahat ng public at private kindergarten, elementary, secondary at integrated school sa Aklan.

Ayon pa sa Division Aklan, ito ay isang mahalagang okasyon para masiguro ang tagumpay ng implentasyon ng K to 12 Basic Education Program lalo na sa Senior High School.

Samantala, inaasahan naman ang pagdating nina Congressman Teodorico Harisco Jr., Governor Florencio Miraflores at Vice Governor Billie Calizo Quimpo sa naturang pagpupulong.

Tourist Arrival sa Boracay umabot na sa mahigit 800 libo sa first half ng 2015

Posted July 14, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

www.google.com
Umaabot na ngayon sa 852,168 ang naitalang tourist arrival sa isla ng Boracay sa loob ng first half ng taong 2015.

Ito ay base sa record ng Municipal Tourism Office (Mtour) Malay kung saan naitala ang 357, 303 foreign tourists, 25,638 overseas Filipino at 469,227 na domestic tourists.

Nabatid na sa buwan ng Abril nakapagtala ng 178, 656 tourists arrival na siyang may pinaka mataas na bilang na tourists registered para sa first semester.

Sinundan naman ito ng buwan ng Mayo na 168, 025, January na 133, 598, February -130, 293 at March 124, 804 habang ang pinakababa ay ang buwan ng Hunyo na 116, 792 tourists.

Samantala, inaasahan ng Provincial Tourism Office at ng Malay Tourism Office na maaabot ang target na tourist arrival na 1.5 Milyon ngayong taong 2015.

Monday, July 13, 2015

Fire Dancers sa Boracay pinagbabawalang mag-perform ng walang permit sa LGU Malay

Posted July 13, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay 

Image result for fire dancers in boracayMahigpit na ipinagbabawal ng Environmental Management Services (EMS) ng Malay ang pagtatanghal ng mga Fire Dancers sa Boracay ng walang permit mula sa LGU.

Ito ang sinabi ni Malay EMS Administrative Assistant Adel Lumagod matapos umano nilang imbitahan ang mga ito para sa isang meeting na tinawag na information campaign. 

Dito ipinaliwanag ng EMS sa mga Fire Dancers na mayroong existing Municipal Ordinance 257 series of 2014 ang LGU Malay kung saan mahigpit na ipinagbabawal na mag-perform ang walang Mayor’s permit, endorsement mula sa PESO Office at Health Card.

Dahil dito nakatakda umano silang mag-monitor sa darating na Biyernes para alamin kung ang lahat ng mga Fire Dancers ay mayroon ng permit matapos nila itong bigyan ng 30 working days na maayos ang mga requirements. 

Ayon kay Lumagod sakaling mahuli nilang nagpe-perform ang isang fire dancer na walang permit ay iisyuhan nila ito ng citation ticket na lumalabag sa nasabing ordinansa.

Maliban dito mahigpit din silang pinagbabawalang sumayaw sa pathway o sa vegetation area ng beach front gayon din ang pagsasayaw sa buhangin ng walang platform.

Ang Fire Dance ay isa sa mga nagpapasiglang atraksyon sa Boracay tuwing pagsapit ng gabi na sadyang kinagigiliwan ng mga turista.

Mga lumutang na patay na isda sa Bulabog beach hindi umano dahilan ng Coliform bacteria

Posted July 13, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for FISH KILL WORDTiniyak ngayon ng LGU Malay na hindi dahilan ng high chemical content o Coliform bacteria ang sanhi ng mga nakitang palutang-lutang na patay na isda sa Bulabog beach Boracay.

Ito ay base sa pagsusuri ng Environmental Management Services (EMS) Unit matapos na makita ang mga patay na isda nitong Hunyo 17.

Ayon kay Malay EMS Administrative Assistant Adel Lumagod, maliliit lamang na isda ang nakita sa may nasabing beach area na kung tawagin ay Sap-Sap.

Base pa sa pag-aaral posible umanong itinapon ito ng mga mangingisda na sumama sa kanilang mga nahuli dahil sa hindi naman ito mabibili sa mga tindahan na kinukunsidira nilang “trash fish” taliwas sa mga haka-hakang namatay ito dahil sa Coliform bacteria.

Samantala, nakikipag-ugnayan naman ngayon ang EMS Unit sa Environmental Management Board (EMB) Region 6 para sa masusing embistigasyon at para ma-assist ang sitwasyon ng kalidad ng tubig sa Bulabog beach.