Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Sinuspendi umano ng Civil Aviation Authority of the
Philippines (CAAP) ang operasyon ng Zest air dahil sa hindi pagsunod sa
ipinatupad na regulasyon nito.
Base sa impormasyon, ilan umano sa nakitang paglabag ng
CAAP ay ang kabiguang i-check ang aircraft logs, flight manifest at weather.
Gayon din ang hindi pagprisinta ng airman license habang
nag-iinspeksyon ng rampa, sunod-sunod na kanseladong flights dahil sa
kakarag-karag na eroplano, nagre-refuel kahit may nakasakay na mga pasahero,
sobra-sobrang flight duty time at kawalan ng accountable manager ng airlines.
Kaugnay nito, inalmahan naman umano ng naturang pamunuan
ng eroplano ang ipinataw na suspensiyon ng CAAP.
Ayon sa mga ito, sana umano ay binigyan sila ng sapat na
panahon para sagutin ang mga inaakusa laban sa kanila.
Samantala, tiniyak naman ng tanggapan ng naturang company
airline sa bayan ng Kalibo na aasikasuhin nila ang pangangailangan ng mga
apektado nilang pasahero.
Hahanapan umano nila ang kanilang mga nagpa-book na
pasahero ng ibang flight para hindi maantala sa kanilang mga biyahe.
Sa kasalukuyan ay patuloy namang kinukuha ng himpilang
ito ang pahayag ng pamunuan ng Civil Aviation Authority of the Philippines ukol
sa nasabing usapin.