YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 06, 2014

PCSO, maglalagay ng opisina sa Aklan

Posted September 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Magiging madali na ang paghingi ng tulong ng mga mahihirap na Aklanon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ito’y dahil maglalagay na ng opisina ang nasabing tanggapan sa probinsya ngayong buwan ng Setyembre.

Base sa Resolution No. 165 Series of 2014, ang opisina ng PCSO ay ilalagay sa unang palapag ng Provincial Capitol Annex Building Compound sa Kalibo, Aklan.

Kasabay naman ng pagbubukas nito ang pagkakaroon ng isang medical mission, kung saan prayoridad ang mga “Senior Citizens”, at Persons With Disabilities (PWDs).

Samantala, naniniwala naman ang mga opisyal ng probinsya na malaki ang maitutulong ng paglalagay ng opisina ng PCSO upang makatipid narin sa pamasahe at sa guguguling oras ang mga Aklanon na magpo-proseso ng kanilang mga papeles.

Nabatid naman sa tanggapan ng gobernador na ang inagauration ng nasabing opisina ay sa Setyembre 19.

Nakalaylay na kable ng kuryente, inereklamo sa BTAC

Posted September 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inereklamo ng dalawang driver sa Boracay PNP Station ang nakalaylay na mga kable sa So. Cagban Manoc-manoc Boracay.

Sumbong nina Vicente Francisco, 49 anyos at Wilfredo Garcia, 35 anyos, binabaybay ng mga ito ang kahabaan ng So. Cagban Manoc-Manoc Boracay papuntang Balabag nang aksidenteng sumabit ang ulo ni Francisco sa nakalaylay na kable sa lugar.

Sa kabutihang palad ay maingat naman umano nya itong natanggal, subalit ang nagging resulta ay na-delay ang pag-deliver ng kanilang mga items.

SP Aklan pinag-aaralan ang magiging posisyon ng gobyerno sa hiling na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng 2015 General Revision

Posted September 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinag-aaralan ngayon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang magiging posisyon ng gobyerno sa hiling na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng 2015 General Revision.

Ito’y kaugnay sa ipinaabot na resolusyon ng bayan ng Kalibo at New Washington na e-defer o ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng Provincial Tax Ordinance No. 001, S., 2014.

Ang nasabing ordinansa na ipinasa ng SP Aklan at Provincial Assessor’s Office ay naglalayong itaas ang bayarin ng buwis sa mga real properties na nahahanay sa Class A na munisipalidad sa 135 percent.

Kaugnay nito, isang rally ang napag-alamang nakatakda sa probinsya ng Aklan ngayong Setyembre.

Katwiran kasi ng mga real property owners ay hindi pa ang mga ito masyadong nakakabawi sa kanilang negosyo matapos na salantain ng bagyong Yolanda.

Dagdag pa rito, ipinaabot din ng mga grupong salungat sa ipinasang ordinansa na “Excessive, unjust, unconscionable and confiscatory in nature” ang pagtataas ng 135 percent sa tax.

Samantala, iginiit naman ng SP Aklan sa isinagawang committee hearing kamakailan na sinunod lamang ng mga ito ang tamang paraan na iniaatas ng Section 219 ng Local Government Code ng Republic Act No. 7160.

BIWC at ilan pang contractor sa Boracay, makikipagtulungan sa BRTF para sa drainage de-clogging sa Barangay Balabag

Posted September 6, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Makikipagtulungan ngayon sa BRTF ang BIWC at ilan pang contractor sa Boracay para sa drainage de-clogging sa station 1.

Sa ginanap na consultative meeting kahapon, nagkasundo ang Boracay Redevelopment Task Force, Boracay Island Water Company at ilan pang contractors na magtutulungan upang inspeskyunin at linisin ang mga baradong drainage mula sa harap ng Boracay Hospital.

Napag-alaman kasi kahapon na ang mga baradong drainage parin ang sinisisi ng ilan sa mga establisemyentong binaha dahilan upang gumawa ang mga ito ng illegal connection para sa kanilang waste water sa harap ng nasabing ospital.

Maliban dito, naungkat din kahapon ang tungkol sa natural creek o dati nang labasan ng tubig sa station 1 papunta sa dagat na ipinasara sa kasagsagan ng pag-ulan nitong nakaraang buwan ng Hulyo.

Samantala, nilinaw naman ng BRTF na ang flood control project parin ng TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority ang inaasahang magiging solusyon sa nararanasang pagbaha sa central Boracay.

Friday, September 05, 2014

Construction worker na umawat sa away, nasaksak

Posted September 5, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Isinugod sa ospital ang isang construction worker matapos masaksak sa isang tindahan sa Cagban, Manoc-manoc, Boracay kaninang madaling araw.

Ayon sa report ng Boracay PNP, nag-iinuman doon ang biktimang si Joenel Purganan, 22 anyos ng Hay-hay, Buruanga, Aklan at ang kanyang kasama nang mangyari ang insidente.

Bigla na lamang umanong nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng kanyang kasama at sa dalawang hindi nakilalalang suspek kung kaya’t inawat niya ito.

Huli na lamang napansin ng biktima na may sugat na pala siya sa likod at tagiliran nang bugbugin din siya at saksakin ng basag na bote ng isa sa mga suspek.

Mabuti na lamang at nakatakbo siya sa bahay ng kanyang tiyahin at nakahingi ng saklolo.

Samantala, patuloy namang pinaghahanap ng mga otoridad ang mga suspek.