Boracay Island--Pinayuhan ngayon ng Depeartment of
Interior and Local Government o DILG ang mga resort owners na huwag tumanggap
ng mga bookings kapag hindi pa kumpleto ang mga permits para sa pag-operate ng
kanilang mga negosyo.
Kasunod ito ng deklarasyon ni Secretary Roy Cimatu
na tuloy na ang pagbubukas ng Boracay sa itinakdang petsa na October 26, anim
na buwan pagkatapos na isinara ang isla para sa rehabilitasyon.
Sa panayam kay DILG Action Officer Martin Despi, patuloy
ang kanilang koordinasyon sa mga establisyementong may mga kulang na dukomento
at permits para punan ito bago ang pagbubukas at nang sa ganun ay ma-sertipika
na “compliant”.
Sa mahigit dalawang-libo na inispeksyon ng DILG at
Licensing Office ng Malay, nasa mahigit 300 pa lang umano ang compliant sa
kasalukuyan.
Payo nito sa mga hindi pa compliant, i-proseso ang kulang
sa checklist ng mga permits at isumite sa DILG Operation Center para hindi
maantala ang kanilang pagtanggap ng turista lalo na sa online bookings.
Karamihan sa mga nakitang paglabag sa ginawang inspeksyon
ay kulang na mga dokumento sa Buerau of Fire na Fire Safety Inspection
Certificate, occupancy permit at building permit.
Paglilinaw ni Despi, kahit na may Mayor’s Permit/Business
Permit subalit may kulang na dokumento ay maituturing pa rin na non-compliant.
Nagpatulong na rin ang DILG sa BFI at PCCI para mapayuhan
at mahikayat ang mga nasa 520 na saradong establisyemento na ma-update ang mga
ito sa hakbang na ginagawa ngayon ng ahensya.
Samantala, malaking hamon naman sa ngayon sa panig ng
DENR kung sa papaanong paraan nila ipatupad ang Memorandum Circular patungkol
sa STP o Sewage Treatment Plant sa mga malalaking resort sa nalalabing mga
buwan bago ang re-opening ng Boracay.
Kung maaalala, kinasuhan na ang ilan sa mga identified
violators na naglalabas ng wastewater sa dalampasigan at posibleng hindi rin
papayagang mag-operate kung hindi aayusin ang mga nilabag na batas.
#YesTheBestBoracayNEWS
#BoracayClosure