YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 27, 2013

Relokasyon ng Caticlan Elem. School inaasahan na rin ng DepEd District of Malay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Inaasahan na rin ngayon ng DepEd District of Malay ang magiging relokasyon ng Caticlan Elementary School.

Ayon kay, Malay District Supervisor Jessie S. Flores, patuloy silang umaasa na masolusyunan na ang problemang ito dahil sa nakaka-awang sitwasyon ng mag-aaral sa nasabing paaralan.

Aniya, matagal na itong naka-plano pero hanggang ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na tugon mula sa mga kinauukulan at sa LGU Malay.

Dagdag pa ni Flores, nakakadagdag din sa mabagal na relokasyon ang problema sa mga lugar kung saan dapat ililipat ang paaralan.

Matatandaang nagpaabot din ng kanyang panawagan kahapon ang mismong principal ng Caticlan Elem. School sa pamunuan ng CAAP at sa LGU Malay para dito.

Samantala, nangangamba ngayon si Flores na kung hindi agad maililipat ang paaralan lalo na kapag natapos na ang ginagawang extension para maging International ang airport sa Caticlan ay tiyak aniyang mas lalong titindi pa ang ingay dahil sa mas dadami na ang eroplanong magta-take off at magla-landing dito.

Mga gustong mag-avail ng e-trike pwede pa ring mag-apply

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Pwede pa rin umanong makapag-apply ngayon ang mga gustong makapag-avail ng electric tricycle (e-trike) na gagamitin sa isla ng Boracay.

Ayon kay Gerweiss Motors Corporation President and CEO Sean Gerard Villoria, patuloy pa rin silang tumatanggap ng mga aplikante hangga’t wala pa silang inilalabas na abiso para dito.

Aniya, maari silang lumapit kay Dante Pagsuguiron, dating SB member ng Malay, na isa din sa mga namumuno sa pagkakaroon ng e-trike sa isla.

Kailangan din aniyang masala ng mabuti ang mga aplikanteng gustong makapag-operate ng nasabing sasakyan.

Dagdag pa nito, kukunin din nila ang mga bills ng mga aplikante katulad ng bill sa kuryente, tubig at iba pa bilang basehan na pwede silang makapag-avail ng electric tricycle.

Nagsama-sama naman sa pagpapatupad nito ang LGU Malay, Globe BanKO, Gerweiss Motors Corporation.

Samantala, handa nang mai-deliver ang 30 e-trike sa katapusan ng buwan ng Agosto ngayong taon at susundan pa sa mga susunod na buwan para masimulan ng maipasada ng mga operators sa isla ng Boracay.

Friday, July 26, 2013

Caticlan Elem. School, umaasang mapapansin ng CAAP ang kanilang problema

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Umaasa ngayon na mapansin ng Civil Aviation Authority of The Philippines (CAAP) ang problema ng Caticlan Elementary School sa bayan ng Malay.

Ayon kay Caticlan Elementary School Principal Antonio Justo Cahilig, ilan lang sa mga problema ng kanilang paaralan ay ang ingay na nagmumula sa mga eroplanong nagla-landing at nagta-take-off sa airport na mismong katabing kanilang paaralan.

Aniya, hinihintay pa rin nila kung ano ang magiging desisyon ng pamunuan ng CAAP tungkol dito at kung ano ang mas makabubuting gawin upang hindi maapektuhan ang pag-aaral ng mga bata.

May nababalitaan din umano siya mula sa LGU Malay at sa CAAP mismo na ililipat ang kanilang paaralan sa lugar na may kalayuan sa aiport ngunit wala pa rin aniyang linaw ito sa ngayon.

Humihingi naman ito ng tulong sa pamunuan ng TransAir na sana ay mabigyan sila ng sliding window na papalit sa normal na bintana ng paaralan para hindi gaanong makapasok ang ingay na ninilikha ng mga eroplano.

May pagkakataon din umanong tumitigil na lang muna ang mga guro sa pagtuturo sa oras na mag-landing at take-off ang mga eroplano.

Sa ngayon ay tiwala naman ang paaralan ng Caticlan na mabibigyang din ng pansin ng pamahalaan ng Malay ang kanilang problema para sa kapakanan ng kanilang mga mag-aaral.

Presidente ng KIATA, umalma sa mga nambabatikos sa kanila

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Umalma ang presidente ng Kalibo International Airport Association (KIATA) tungkol sa mga bumabatikos sa kanilang asosasyon.

Ayon kay, KIATA President Noemie F. Panado, kung may mali man silang nagawa sa kanilang asosasyon at sa kanilang trabaho, dapat ay hindi na sila masyadong idiin pa.

Aniya, maayos naman ang kanilang patakaran sa pagbibigay ng serbisyo sa mga turista na sumasakay sa kanilang van at hindi naman umano sila naniningil ng sobra sa mga turista para lang makapanlamang.

Palagi din umano silang nagkakaroon ng seminar kasama na ang lahat ng mga operators ng van para sa tamang pakikitungo sa kanilang mga pasahero.

Matatandaang kahapon ay nakipag-pulong sa kanila si Boracay DOT-Officer In-Charge Tim Ticar para ipaabot ang kung anong reklamo ang kinakasangkutan ng KIATA at upang maaksyunan na ito para hindi na lumala pa.

Ani Panado, maayos ang kanilang organisasyon dahil sa na rin sa sinusunod nila ang batas ng CAAP at ng DOT.

Samantala, ipinaabot naman nito sa lahat ng nambabatikos sa kanila na tigilan na kung anumang isyu ang ipinupukol sa kanila.

Hindi umano maganda na puro problema na lang ang malalaman ng mga turista tungkol sa kanila na ikaka-apekto ng lahat.

Hinihingi din nito ang tulong mula sa mga transportation group na nagsasakay ng mga turista na magtulungan para sa ikakabuti ng isla ng Boracay.


Mga ATM Machines sa isla ng Boracay, mahigpit nang mino-monitor

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Dahil sa pagkakatuklas na mayroong hidden camera at card copier ang isang ATM machine sa isla ng Boracay ay mahigpit na ngayong mino-monitor ng naturang pamunuan ng bangko ang kanilang mga ATM Machines.

Sa pakikipanayam ng himpilang ito sa isa sa awtorisadong tagapagsalita ng naturang bangko, patuloy din umano silang nakikipag-ugnayan sa mga otoridad sa isla sa posibleng paghuli sa mga suspetsado na siyang may kagagawan ng krimen.

Dahil din umano sa naturang pangyayari ay araw-araw na umano silang nagsasagawa ng pagsisiyasat sa kanilang mga ATM Machines upang matiyak na hindi na maulit pa ang nabanggit na pangyayari.

Bukod dito, hangad din umano nila na ma-proteksyunan ang lahat ng kanilang mga kliyente.

Aminado rin itong hindi umano biro ang nangyari, ngunit ipinagpasalamat naman nito na agad namang nalaman at nagawan ng aksyon.

Bunsod nito, nagpa-alala itong dapat na maging vigilante at mag-ingat din ang lahat sa pag-gamit ng mga ATM Machines.

Nabatid na maging ang ibang mga bangko sa isla ay gumagawa na rin ng naturang mga hakbang.

Thursday, July 25, 2013

Extension ng pananatili para sa tourist visa, ikinatuwa ng DOT Boracay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng Department of Tourism (DOT) Boracay ang bagong ipinalabas na implementasyon ng Bureau of Immigration tungkol sa pagpapalawig ng mga turista para sa expiration ng kanilang tourist visa.

Ayon kay Boracay DOT Officer In-Charge Tim Ticar, ikinatuwa ng kanilang pamunuan ang tungkol dito dahil malaking tulong umano ito sa turismo ng ating bansa lalo na sa isla ng Boracay.

Aniya, kamakailan lamang ay inilabas ng Bureau of Immigration ang ganitong batas kung saan layunin nito na mabigyan pa ng pagkakataon ang mga turista na mapahaba ang kanilang bakasyon at maikot pa ang ibang magagandang lugar sa bansa.

Dagdag pa ni Ticar, hindi lang umano 60 days kundi pwede din silang kumuha ng 1 year na extension basta matatakan lang ng nasabing ahensya ang kanilang visa na sila ay mag-e-extend bago pa ito mag-expire.

Samantala, ayon naman sa Bureau of Immigration Boracay, marami na umano silang napagbigyang mga turista na gustong mag-extend para sa kanilang tourist visa.


Pagmamaltrato ng mga hayop sa isang resort, hindi totoo --- CENRO Boracay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Hindi umano totoo ang kumakalat na balita na minamaltrato ang mga alagang hayop ng isang resort sa isla ng Boracay.

Ayon kay CENRO Boracay Protected Areas and Wildlife In-charge Nilo Subong, walang nangyayaring pagmamaltrato sa hayop na tigre at python dahil nasa mabuti itong pangangalaga sa ngayon.

Aniya, mayroon siyang nababalitaang hindi ito itinuturing ng mabuti at hindi pa binibigyan ng sapat na pagkain.

Sa pag-iinspeksyon nito sa mga hayop noong nakaraang Miyerkules ay nakikita niya na maayos naman ang pag-aalaga sa mga ito.

Katunaya, nagpagawa pa ang mismong resort ng 100-sqm. area na swimming pool para sa kanilang magiging paliguan.

Dagdag pa ni Subong, may sarili itong beterinaryo na nag-momonitor sa kanilang kalusagan.

Samantala, wala pa ring nailalabas na permit ngayon ang Department of Environmental and Natural Resources Region 6 na magbibigay permiso na maaring muling buksan sa mga turista ang mga hayop bilang atraksyon sa nasabing resort.

Philippine Coast Guard, wala pang desisyon kung required ang pagsuot ng life jacket

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Wala paring nailalabas na desisyon ang Philippine Coast Guard (PCG) tungkol sa paggamit ng life jacket ng mga pasahero ng bangka mula Caticlan to Boracay vice versa.

Ayon kay Philippine Coast Guard Lt. Senior Grade Jimmy Oliver Vingno, sa kanilang pagpupulong noon sa kanilang tanggapan ay ihinayag na kinakailangan talagang isuot ng mga pasahero ang life jacket sa tuwing sila ay sasakay sa bangka.

Pero sa ngayon hindi pa sila makakapag-papalabas ng kautusan kung talagang required nga ang ipasuot sa mga pasahero ang mga life jackets.

Aniya, pabor naman siya na dapat isuot ito ng mga pasahero para sa kanilang kaligtasan.

Una nang sinabi ni SB Member Jupiter Gallenero na ang ilang mga life jacket ay sadyang napakaluma na at hindi maganda ang amoy rason para hindi sinusuot ng mga pasahero.

Sinabi naman ni Vigno na kung hindi nila ito isusuot ay maari silang magpadala ng sulat o magpasa ng resolusyon para dito.

Binatilyo, patay sa saksak sa bayan ng Nabas; motor na ibinabiyahe, ninakaw!

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Patay ang isang 22-anyos na driver ng habal-habal na motorsiklo sa bayan ng Nabas, Aklan matapos masaksak sa kanyang dibdib.

Nagawa pang maisugod ang bikitima sa Malay District Hospital ngunit agad naman itong idineklarang dead on arrival.

Ayon kay PO2 Raymond Roma ng Nabas PNP, bandang alas-8:00 ng Martes ng gabi nang mangyari ang insidente sa Brgy. Unidos, Nabas, Aklan.

Base sa impormasyon, nagawa pang makahingi ng tulong ng bikitima sa isang bar sa nasabing lugar matapos itong masaksak, pero agad namang binawian ng buhay nang makarating sa ospital.

Narekober naman ng kapulisan ang 18-pulgadang kutsilyo kung saan mismo pinaniniwalaang nangyari ang krimen.

Napag-alaman na tinangay pa ng hindi nakilalang suspect ang motorsiklo ng biktima.

Sa ngayon ay nananatiling at large ang suspect at patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang nasabing insidente.

Probinsya ng Aklan, nakahanda na rin sa bagong reporma ng DepEd

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Nakahanda na ang Department of Education (DepEd) sa probinsya ng Aklan kung matutuloy man ang bagong reporma ng education system sa bansa.

Ayon kay Education Program Supervisor DepEd Aklan Michael Rapiz, nakahanda naman umano sila para dito.

Anya, dapat umano ay magkaroon na rin ng konsultasyon sa National Commission on Muslim Filipinos tungkol dito.

Una nang iniutos ng pamunuan ng DepEd sa mga gurong Muslim na huwag magsuot ng belo habang sila ay nagtuturo sa kanilang mga estudyante.

Ito ay dahil kapag nakikita umano ng mga mag-aaral ang mukha ng kanilang mga guro ay nagbibigay ito ng mas magandang relasyon sa mga estudyante at upang mahikayat sila na makinig sa mga itinuturo sa kanila.

Sinbabi naman ni Rapiz na dito umano sa probinsya ng Aklan partikular na sa isla ng Boracay ay may mga gurong  Muslim na nagtuturo ng Arabic language at Islamic values na nakasuot ng headscarves o “niqab”.

Samantala, hinihintay pa rin ng DepEd ang reaksyon ng Office of the Muslim Affairs (OMA) sa nasabing pagtanggal ng nasabing headscarves sa oras ng kanilang pagtuturo.

Presidente ng KIATA, inaasahang ipapatawag ng DOT ngayong araw

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Inaasahang ipapatawag ngayong araw ng Department of Tourism Boracay ang mga miyembro at operators ng Kalibo International Airport Transportation Association (KIATA).

Ayon kay DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, makikipag-pulong siya mismo sa presidente ng nasabing asosasyon.

Aniya, gusto niyang malaman ang tamang singil sa mga turistang sumasakay sa van ng KIATA.

Dagdag ni Ticar, P250.00 lamang ang eksaktong dapat na sinisingil sa mga pasaherong turista mula sa Kalibo Airport hanggang Caticlan Jetty Port kasama na dito ang ticket sa bangka papuntang Boracay.

Dapat din umanong magkaroon ng tamang implementasyon ang asosasyon ng KIATA at maipaliwanag ng mabuti ang tamang ibabayad ng kanilang mga pasaherong turista upang maiwasan ang kalituhan.

Matatandaang nag-ugat ang nasabing problema sa reklamo ng mga turista dahil sa mahal na singil sa kanila ng nasabing van at hindi tamang pakikitungo ng ilang mga driver ng mga nasabing sasakyan.

Wednesday, July 24, 2013

Dahil sa hindi magandang amoy ng MRF, Solid Waste Management, ipapatawag ng LGU Malay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Ipapatawag ng LGU Malay ang Solid Waste Management at ang mga kinauukulan ng Brgy. Manoc-Manoc sa isla ng Boracay dahil sa hindi magandang amoy sa Material Recovery Facilities (MRF) sa nasabing barangay.

Ayon kay Malay SB Member Jupiter Gallenero, umaalma umano ang ilang mga stakeholders sa nasabing lugar dahil sa hindi magandang amoy na nagmumula sa MRF.

Aniya, ang mabahong amoy na ito ay nagmumula pa sa Sitio Tambisaan at umaabot pa sa long beach at hindi maiiwasang malanghap ng mga residente sa nasabing lugar lalo na ng mga turista.

Gusto din umanong malaman ni Gallenero kung ano ang tunay na dahilan kung bakit hindi makontrol ng initial treatment ng MRF kung bakit nangangamoy ito.

Sang-ayon naman si Malay SB Member Floribar Bautista tungkol dito dahil nararanasan din umano ang hindi magandang amoy ito sa kalsadahin ng Brgy. Balabag.

Sa ngayon, gustong ipatawag ng SB Malay ang atensyon ng mga kinauukulan para sa nasabing problema sa isla ng Boracay.

Boracay Tourist Police Training School, bukas para sa lahat ng tourist police

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Magiging bukas para sa lahat ng Tourist Police ang itatayong Tourist Police School sa isla ng Boracay.

Ito ang nilinaw ni P/Insp. Kennan Ruiz ng Boracay PNP, kaugnay sa pagkuwestiyun ni SB Member Floribar Bautista sa ipapatayong police training school sa isla.

Kahapon kasi sa isinagawang SB Malay session, kinuwestiyon ni SB Bautista kung sino nga ba ang puweding mag-aral sa nasabing training school, o kung bukas din ba ito para sa ibang tourist police sa ibang bansa.

Ayon kay Ruiz, ang mga tourist police mula sa ibat-ibang lugar sa bansa ay maaaring magtungo rito upang matutunan ang tamang pakikitungo sa mga turista.

Kinumpirma din ni Ruiz na may plano nang simulan ang pagpapatayo ng nasabing training school sa Sitio Bantud Manoc-Manoc, Boracay.

Matatandaang isinagawa ang ceremonial groundbreaking para sa training school nitong nagdaang Hulyo, kasabay ng turn-over ceremony ng mga bicycle patrol ng Boracay PNP.

Sand erosion at natural flood sa isla, idinepensa ni Sacapaño

Ni Peach Ledesma at Bert Dalida, YES FM Boracay

Idinepensa ni Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño ang mga nagaganap na pagguho ng lupa at pagbaha sa isla.

Ito’y kaugnay sa naging resulta ng pag-aaral ng UP Marine Science Institute (UP-MSI) sa coral reef ecosystem sa Boracay at kalapit na coastal barangay sa Mainland Malay.

Sa ginanap kasi na feedback meeting ng mga taga-UP-MSI sa mga stakeholders sa isla kahapon, inilatag ng mga ito ang kanilang assessment report at mga litratong nagpapakita ng mga umano’y problema sa Boracay, kasabay ng paglobo ng turismo.

Ilan sa mga inilabas na report ng UP-MSI ay ang tungkol sa beach erosion at pagbaha, na inalmahan naman ni Sacapaño.

Ngunit ani Sacapaño, mula pa noong 1950s ay binabaha at may erosion na ang isla kapag tag-ulan, lalo na kapag bumabagyo.

Pati ang paglabas ng mga lumot lalo na sa front beach ay seasonal din umano at nawawala naman kapag Amihan.

Kaugnay nito, sinabi ni Sacapaño na sana ay ayusin naman ang reports na ipinipresinta dahil maaaring hindi ito maintindihan ng ilang makakakita.

Dahil dito, nilinaw naman ng UP-MSI na hindi ito ang focus ng kanilang isinagawang pag-aaral kundi ang mga coral reefs na malapit sa isla.

Hiling na shooting range sa loob ng isang resort sa Boracay iimbestigahan ng LGU Malay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Iimbestigahan ng LGU Malay ang isang resort sa isla ng Boracay sa hiling nitong magkaroon ng indoor shooting range.

Ayon kay Malay SB Member Floribar Bautista, tutol siya sa pagkakaroon ng shooting range sa isla ng Boracay, dahil hindi umano maganda na ang tourist destination ay may mga ganitong klaseng aktibidad.

Aniya, kung matutuloy ang ganitong gawain ay maaring gayahin din ito ng iba pang resort sa isla ng Boracay.

Sinang-ayunan naman ito ni SB Member Jupiter Gallenero, ngunit, aniya magdi-depende pa rin ito sa lugar na paglalagyan.

Dagdag pa ni Bautista, kung maglalagay man ng mga shooting range dito sa isla ng Boracay, ay masasayang ang ilang mga lugar na kalapit nito dahil matatakot na silang magpatayo ng anumang establisyemento dahil dito.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa itong mabuti ng LGU Malay at nakatakdang inspeksyunin ang nasabing resort.

Bangka ng isang resort sa Boracay, lumubog dahil sa malakas na hangin at alon

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pinag-iingat ngayon ng Philippine Coast Guard ang mga bangkang bumibiyahe sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos lumubog ang motorbanca Marlusa na pagmamay-ari ng isang resort nitong hapon.

Ayon kay Philippine Coast Guard Station Commander Jimmy Oliver Vingno, nangyari ang insidente dakong ala-1:00 kahapon ng hapon, nang hampasin ng malalakas na hangin at alon ang nasabing bangka habang naglalayag malapit sa Caticlan Port.

Kaagad naman itong na-rescue ng iba pang bangkang malapit doon.

Nabatid na may kargang buhangin ang bangka nang mangyari ang insidente.

Wala ding naiulat na nasaktan sa walong kataong sakay nito.

Tuesday, July 23, 2013

Boracay, muli na namang binaha dahil sa mahabang pag-ulan

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Muli na namang binaha ang isla ng Boracay.

Ito’y dahil sa mahabang pag-ulang dulot ng nananalasang Intertropical Convergence Zone sa Luzon at Visayas.

Kaugnay nito, inatasan na ni Island Administrator Glenn Sacapaño ang mga taga Solid Waste Team na i-pump ang tubig-baha, partikular na sa Sitio Ambolong, Manoc-manoc at Boracay National High School, papunta sa drainage.

Samantala, maliban sa ilang lugar sa isla na apektado ng pagbaha, ilang trabaho din at aktibidad ang naantala, dahil sa hindi kaagad nakatawid ang ilan nag-o-opisina sa isla ng Boracay nitong umaga.

Naapektuhan din kasi ng malakas na ulan at hangin ang biyahe ng mga bangka.

Maliban sa LGU Malay, patuloy namang nakaalerto ang mga taga Philippine Coast Guard kaugnay sa sama ng panahon ngayon.

Talamak na paggawa ng sand castle sa Boracay, problemado pa rin --- Island Administrator Glenn Sacapaño

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Problema pa rin ang illegal na paggawa ng mga sand castle sa beach front ng Boracay.

Ayon kay Island Administrator Glenn Sacapaño, kailangan talaga itong tutukan, lalo pa’t problema din sa ngayon ang sand erosion sa isla.

Maliban dito, mapanganib din para sa mga turista ang maglakad sa gabi o madaling araw sa beach front, lalo na sa mga bahaging madilim.

May mga gumagawa pa rin kasi ng mga sand castle na iniiwan lamang ang kanilang hinukay na buhangin, dahilan upang mabahala si Sacapaño sa sakunang maaaring idulot nito sa mga turista.

Maaari nga naman umnao kasing madapa at mabalian ang sinuman dahil sa iniwang hukay na ito.

Isiniwalat din ng nasabing administrador na may nangyayaring nakawan sa likod ng aktibidad na ito, kung saan, ang mga nagpapalitrato umano sa sand castle ay nabibiktima ng salisi.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Sacapaño sa lahat ng mga establisemyento sa beach front na makipagtulungan sa LGU Malay upang matigil na ang gawaing ito.

COMELEC Malay, dinagsa sa unang araw ng voter’s registration para sa barangay at SK election

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

“Hanggang alas otso pa ako ng gabi rito”.

Ito ang nakangiting sinabi ni Malay COMELEC Election Officer II Elma Cahilig sa kabila ng mahabang pila ng mga tao sa labas ng kanyang opisina.

Kahapon kasi ay ang unang araw ng pagtanggap COMELEC o Commission on Elections ng mga magpaparehistro para sa barangay at SK election.

Ayon kay Cahilig, maliban sa mga pumipila para sa transfer of registration, may mga nagpaparehistro din para sa mga miyembro ng Katipunan ng mga Kabataan.

At bagama’t sinabi nito na “OK” naman ang naging sitwasyon ng pagpaparehistro kahapon, muli namang ipinaalala ni Cahilig ang pagdadala dapat ng mga dokumentong hinihingi ng COMELEC, katulad ng valid IDs, certificate of live birth, at baptismal certificate.

Ito’y dahil ang ibang mga magpapalista kahapon ay wala umanong maipakitang requirements.

At kahit hanggang alas-singko lang dapat ng hapon ang kanilang opisina, minarapat nitong tapusin ang pagtatala ng mga magpaparehistro hanggang alas-otos ng gabi.

Magkaganoon pa man, nakangiti nitong sinabi na siyam na araw na lang at matatapos din ang registration.

Ang registration para sa barangay elections at Katipunan ng mga Kabataan ay sinimulan kahapon at magtatapos sa ika-31 ng buwang ito.

Monday, July 22, 2013

DOT Boracay, ipapatawag si Jetty Port Administrator Maquirang; RE: Mga reklamo sa Cagban Jetty Port

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Ipapatawag ng Department of Tourism Boracay si Jetty Port Administrator Nieven Maquirang para ma-aksyunan ang reklamo ng ilang mga turista tungkol sa Cagban Jetty Port.

Ayon kay Boracay DOT Officer In-Charge Tim Ticar, bago matapos ang linggong ito ay makikipag-pulong sila kay Maquirang para ma-aksyunan ang mga problema ng mga turista na pumupunta sa isla ng Boracay.

Ito’y sa kabila ng reklamo tungkol sa ginagamit na hagdan sa Cagban Jetty Port ng mga pasaherong sumasakay at baba sa bangka dahil sa may kalumaan na ito at sira na rin kaya’t delikadong daanan ng mga pasahero.

Aniya, dapat na maging maganda ang pasilidad ng mga turistsa mula pa lamang sa Cagban Jetty Port para maiwasan ang magkaroon ng reklamo.

Dagdag pa nito, ang jetty port administrator umano ang siyang makakatulong na masolusyonan ang ganitong klaseng mga problema.

Masaya naman si Ticar kahit na negatibo ang kanyang natatanggap na balita ay ayos lang umano ito para alam nila ang mga dapat na aksyunan sa isla ng Boracay.

Boracay PNP, inaaksyunan na ang ATM skimming incident sa isla

Ni Mark Anthony Pajarillo, YES FM Boracay

Inaaksyunan na ng Boracay PNP ang ATM skimming incident sa isla.

Ayon kay Chief of Intelligence and Operation Section Police Inspector Keenan Ruiz ng Boracay PNP, nakikipag-ugnayan na sila sa mga bangko sa isla upang masugpo ang pinaniniwalaang sindikato sa likod ng ATM skimming dito.

Ito’y kaugnay sa umano’y natuklasan mismo ng branch operation officer ng Metro Bank Boracay Branch na may hidden camera at card copier sa kanilang ATM machine.

Nabatid na sa kanyang pag-inspeksyon sa isa sa kanilang ATM machine, ay napansin nitong may nakakabit na skimming device doon.

Naniniwala naman si Ruiz na hindi ordinaryong sindikato ang nasa likod nito, kung kaya’t pina-igting na nila ang kanilang police visibility at intelligence and operation section.

Maliban sa paghikayat sa mga posibleng nabiktima na dito ng nasabing modus na magreport sa PNP, pinayuhan din nito ang publiko na mag-ingat sa tuwing magwi-withdraw sa mga ATM machines.

Lalaki sa Boracay, timbog dahil sa pagiging drug pusher!

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

“Nahikayat lang po ako.”

Ito ang mga salitang binitiwan ng trenta’y kuwatro anyos na si Edwin Enriquez ng Sta. Cruz, Ibajay, Aklan, matapos matimbog sa isang buy-bust operation ng mga intelligence operatives ng Boracay PNP.

Kaagad naaresto ang suspek sa Barangay Balabag nitong Sabado ng gabi, nang tanggapin nito ang bayad kapalit ng isang plastic sachet ng hinihinalang Shabu mula sa isang police asset.

Narekober din mula rito ang apat pang plastic sachet ng nasabing droga, kasama ang ilang marked money, disposable lighter at cell phone na umano’y ginamit ng suspek sa drug transaction.

Nabatid na matagal nang minamanmanan ng mga operatiba ang suspek na ngayo’y nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.

Maliban sa pagsisisi, aminado naman ito na mali ang kanyang nagawa.