YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, April 05, 2014

District Malay, pinarangalan sa 2013 Division Search for the Most Beautiful Schools Season 2

Posted April 5, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinarangalan ang ibat-ibang paaralan ng District Malay sa 2013 Division Search for the Most Beautiful Schools Season 2 sa District Level.

Ito’y kaugnay sa paghagupit ng bagyong Yolanda nitong nakaraang taon kung saan higit na apektado ang mga paaralan sa probinsya ng Aklan.

Nabatid na isinagawa ng Department of Education o DepEd Aklan ang programang ito para hikayatin ang mga mag-aaral at guro na paunlarin at pagandahin pa ang kanilang mga paaralan sa kabila ng pagsira ni typhoon Yolanda dito.

Ilan naman sa mga criteria na pinanalunan ng District Malay ay ang Best in Lawn at Best in Mini-Forest ng Nabaoy ES, Best in Mini-Park ng Malay ES at Argao ES, Most Number of Flowering Plants ng Naasog PS, Napaan PS, Nabaoy ES, Argao ES, Safest and Cleaning School naman na nauwi ng Argao ES.

Kabilang pa rito ang Best in Courteous of Pupils/Students and Teachers ng Caticlan ES., at Argao ES., Best in Proper Grooming & Decorum of Teachers ng Caticlan ES., at Nabaoy ES., at ang pinakahuli ay ang Most Child Oriented School ng Cubay ES at Argao ES.

Nagpapasalamat naman ang District Malay sa pangunguna ng kanilang Public District Supervisor na si Jessie S. Flores sa tiwalang ibinigay at parangal na ipinagkaloob sa kanila.

Nangako naman ito na patuloy pa nilang pauuunlarin ang kanilang mga paaralan para lalong maingganyo ang mga bata na mag-aral ng mabuti at pumasok sa eskwelahan.

Vector control, isa sa mga tinututukan ngayon ng DOH sa World Health Day– DOH Asec. Tayag

Posted April 5, 2014 as of 12:00nn
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ang dengue ang world’s fastest spreading tropical disease at kumakatawan sa “pandemic threat”.

Ito ang sinabi ni Department of Health (DOH) Asec. Dr. Eric Tayag nang bumisita sa isla ng Boracay kahapon.

Kaya naman, ipinahayag nito na isa ang “Vector Control” at iba pang mga “vector-borne diseases” ang tinututukan ngayon ng DOH sa pagdiriwang ng World Health Day sa darating na Lunes, April 7, 2014. 

Samantala, dagdag pa ni Tayag na muli ding ilulunsad ngayong taon ng DOH ang mas agresibong kampanya laban sa dengue.

Aniya, patuloy ang kanilang pagsasagawa ng mga routine clean-up activity, integrated vector control at information campaign sa mga komunidad upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng dengue.

Nabatid rin mula kay Tayag na ang dengue ay nagdudulot ng mga sintomas kagaya ng lagnat na humuhupa makalipas ang ilang araw.

2 Czech national, binato ng bote at bato sa Boracay; isinugod sa ospital

Posted April 5, 2014 as of 7:00am
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kaagad na isinugod sa ospital ang dalawang Czech national matapos na umano’y batuhin ng bote ng beer at bato sa isang bar sa Boracay.

Ayon sa report, nakilala ang mga biktima na sina Leos Brych, 33-anyos at Michal Salnar, 24- anyos parehong taga Czechoslovakia at nagbabakasyon sa isla ng Boracay.

Lumalabas sa imbestigasyon na bandang alas-singko kanina ng madaling araw ng hamunin di umano ng suntukan ang dalawang turista sa loob ng isang bar sa Balabag Boracay ng nasa limang mga kalalakihang pinoy.

Subalit, hindi na umano ito pinansin ng dalawang turista at sa halip ay lumabas nalang sa nasabing bar.

Samantala, habang papalabas na umano ang mga ito ay pinagbabato ng bote ng beer at bato ng mga hindi nakilalang suspek ang dalawang biktima na nagresulta ng ilang mga injury sa katawan ng mga ito.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Boracay PNP Station hinggil sa nasabing kaso.

Tricycle Driver sa Boracay na namimili ng pasahero, inereklamo sa Boracay PNP Station

Posted April 5, 2014 as of 7:00am
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kabababa pa lang ng kautusan ng lokal na pamahalaan hinggil sa mga “choosy” na driver sa pagpapasakay ng mga pasahero.

Isang tricycle driver sa isla ng Boracay kagabi ang inereklamo ng 59- anyos na ginang matapos na pababain ng driver sa tricycle na may body no. na M-583 nang makakita umano ito ng anim na mga turista.

Ayon pa sa report ng Boracay PNP, sumakay umano ang ginang sa nasabing tricycle kasama ang dalawa nitong anak galing sa Yapak, Boracay nang makarating sa bandang unahan ay agad silang pinababa ng driver dahil sa mas pinili nitong pasakayin ang nasa anim na mga turista.

Samantala, nabatid na nagbaba ng advisory ang local na pamahalaan nitong linggo kung saan maaaring tumawag o mag-report sa kanilang tanggapan ang mga pasahero na nakakaranas ng ganitong problema.

Commuters sa Boracay, ikinatuwa ang kautusan kaugnay sa mga tricycle drivers na namimili ng pasahero

Posted April 5, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng mga commuters sa Boracay ang ipinalabas na kautusan ng Office of The Mayor kaugnay sa mga tricycle drivers na namimili ng pasahero.

Ito’y matapos na maraming mga tricycle drivers ang sadyang namimili ng mga pasahero na nagiging dahilan ng pagkaantala ng mga local passengers o commuters sa kanilang pupuntahan.

Basi sa nakasaad na advisory maaaring tumawag o mag-report sa kanilang tanggapan ang mga pasahero na nakakaranas ng ganitong problema.

Samantala, apektado rin ng problema ito ang mga estudyante sa isla dahil inaabot sila ng ilang oras sa kakapara ng tricycle ngunit kadalasan ay tinatanggihan sila.

Napag-alaman na karamihan sa mga driver sa isla ay pinipili ang mga foreign tourist na pasahero dahil malaki ang kanilang kinikita sa mga ito.

First aid stations, itatalaga ng PRC sa ibat-ibang lugar sa Boracay ngayong Semana Santa

Posted April 5, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

www.google.com
Magtatalaga ang Philippine Red Cross Boracay-Malay Chapter ng apat na first aid station sa Boracay bilang paghahanda sa Semana Santa.

Ayon kay Red Cross Malay-Boracay Chapter Safety Service Officer Christine Tejada, ikakalat umano nila ito sa mga pangunahing lugar sa isla katulad ng shopping destination na D’Mall, Cagban Jetty Port, Station 1 at sa beach front ng Boracay.

Taon-taon umano nila itong ginagawa para matugunan ang mga pangangailangan sa first aid ng mga bakasyunista sa Boracay.

Aniya, dalawang nurse ang kanilang ilalagay sa bawat station kabilang na ang kanilang mga volunteers.

Samantala, nakaalerto sila simula alas-otso ng umaga hanggang alas-sais ng hapon sa susunod na Lunes Abril 14 hangang sa unang linggo ng buwan ng Mayo.

Ilan naman sa inaasahang pasyente ng Philippine Red Cross dito ay mga nakakaramdam ng pagkahilo, pagtaas ng blood pressure, sakit ng katawan at heat stroke sanhi ng mainit na panahon.

Serye ng nakawan sa Boracay, naitala sa pagdagsa ng mga turista ngayong summer

Posted April 5, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

“Iba na ang maingat at huwag malingat”

Ito’y upang hindi mabiktima ng salisi o kawatan, lalo na ngayon at dumarami pa ang mga turista sa Boracay para sa kanilang summer vacation.

Payo pa ito ng mga otoridad sa isla kaugnay sa serye ng nakawang naitala sa Boracay Tourist Assistance Center o BTAC, kung saan ay pinakahuling nabiktima ang isang Chinese National.

Basi sa report ng Boracay PNP, kumakain umano ang biktima sa isang restaurant sa Station 1 Brgy. Balabag isla ng Boracay para sa kaniyang tanghalian.

Pero dahil sa may kaliitan ang kaniyang lamesang pinagkakainan napagdesisyonan nito na ilagay ang kaniyang bitbit na kamerang Canon D7000, na kulay itim sa katabi nitong lamesa saka tuloy-tuloy na kumain.  

Gayunpaman, pagkalipas ng dalawangpung minuto ng muli nitong tingnan ang kaniyang camera sa kabilang lamesa ay laking gulat nalang nito na wala na ito sa kinalalagayan.

Dahil sa dito napagdesisyonan ng biktima na agad ireport sa Boracay PNP ang kaniyang nawawalang camera.

Friday, April 04, 2014

DOH Asec. Eric Tayag, nasa Boracay para pag-usapan ang pagsugpo sa sakit na maaring makuha ngayong summer

Posted April 4, 2014 as of 5:00pm
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa mga sakit na nakukuha sa panahon ng tag-init.

Kaya naman, nasa isla ngayon ng Boracay si DOH Asec. Dr. Eric Tayag para sa kaukulang impormasyon upang maiwasan ang mga sakit na nakukuha tuwing summer season lalo na sa mga mahilig pumunta ng beach.

Kaugnay nito, nagpaalala si Tayag sa publiko na mag-ingat sa heat stroke, gayundin sa sunburn, prickly heat o bungang-araw at iba pang sakit sa balat.

Aniya, ugaliing gumamit ng sun block o skin lotion at dapat iwasan ang pagbibilad sa sikat ng araw sa pagitan ng alas dyes ng umaga at alas dos ng hapon upang makaiwas sa mga sakit sa balat.

Samantala, idinagdag rin ni Tayag na ang labis na pagkabilad  sa matinding sikat ng araw ay maaaring maging sanhi ng heat exhaustion o di kaya’y heat stroke na nakamamatay.

Kung nasa beach, payo din nito na huwag pabayaan ang mga bata na maligo nang walang kasamang matatanda upang makaiwas sa disgrasya.

Kung nais naman umanong magpa-tan o magpaitim ng kaunti, dapat munang uminom ng maraming tubig upang makaiwas sa dehydration.