YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, April 21, 2011

Maritime Police, papasanin ang hirap hanggang sa matapos ang Holy Week sa ngalan ng pagtulong


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Aasahang ngayong Holy Week na 24 oras ding magbabantay ang Maritime Pulis sa Caticlan at Boracay para masiguro ang kaligtasan ng mga bakasyunista, kung saan target din ng mga ito na bantayan ang mga entry point patungoong isla, ayon kay P/Insp Sammy Lorenzo, Station Chief ng Maritime Police.

Kung saan katulad ng ibang Force Multiplier, naglagay din sila ng Police Assistance Center para bantayan ang ano mang kadudadung gawain.

Bagamat binubuo lamang ng walong katao ang Maritime at pasan parin nila ang matagal nang problema na walang sariling Patrol Boat ay nakahanda pa rin sila ayon kay Lorenzo na tumulong para sa seguridad.

Ipinagpasasalamat nalang din nito na kahit papano ay nakakahiram sa LGU Malay kay Mayor John Yap ng patrol boat na siyang ginagamit nila sa ngayon.

Samantala, dahil sa mga may mga impormasyon na pati ang mga pantalan pang-cargo ay pinipilahan na rin ng pasahero dahil sa siksikan sa Caticlan Jetty Port, inihayag nito na babantayan nila ang nabangit na pantalang ito.

Noise Pollution, pagtutuunan ng pansin ngayong Holy Week


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Sisikapin ng Boracay Pulis na maipatupad ang Municipal Ordinance hinggil sa regulasyon ng Noise Pollution sa isla.

Ito ang inihayag ni P/Supt. Rolando Vilar, Hepe ng Boracay Pulis, lalo na ngayong Semana Santa kung saan panahon umano ng pagninilay-nilay.

Dagdag pa nito, sa bahagi aniya ng Pulis sa isla, ang magagawa nila para maiwasan ang sobrang lakas ng tugtog ay paalalahanan nalang ang mga establisyemento.

Pero kung may karagdagang instraksyon umano ayon kay Vilar mula sa lokal na pamahalaan ng Malay kaugnay sa ordinansang ito ay malugod din nilang ipapatupad at pagtutuonan ng pansin.

Samantala, ngayong Holy Week nag-paabot din si Vilar ng mensahe sa mga bakasyunista na ingatan ang kanilang mga mahahalagang gamit o maaaring i-deposito na lang sa safety vault ng mga resort para magiging ligtas ang mga ito.

Mga sagabal sa Front Beach, tinira ni Vilar


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

“World Class Tourist destination pero ala divisoria ang Front Beach dahil sa mga naka-hambalang na paninda sa vegetation area.”

Tila ganito kung ilarawan ni P/Supt. Rolando Vilar ang front beach ng Boracay dahil sa sobrang daming mga paninda na nakalatag kahit sa daan ng baybayin ng Boracay.

Ayon kay Vilar, sinita na umano nila ang mga nagbibinta na ito, pero ang tugon sa kanila ay mayroong silang mga permit at nagbabayad sila sa Munisipyo.

Ang hindi lang umano nito malaman ay kung bakit nagbibigay pa ng permit ang administrador ng Boracay, kahit pa nga sabihing kumikita sila mula sa naturang mga paninda, pero pangit naman sa paningin na halos ay sagabal na sa daan at nagpapahirap pa lalo na kapag mayroong emergency katulad ng sunog o mayroong hinahabol na magnanakaw.

Naisatinig din ni Vilar na sayang ang paglilinis na ginagawa sa front beach para maabot ang target na World Class Tourist destination na puro obstruction ang makikita sa baybayin.

Dahil dito, mas mainan na umano na gawin na nila ang paghiling at pag-gawa ng rekomendasyon sa Alkalde na wag nang hayaang makapag-renew ng permit o kaya maglaan ng designated area para sa mga vendors.

Go signal mula sa LTO, hinihintay para gawing 1-way ang daan sa Boracay


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Go signal na lang o tawag mula sa Land Transportation Office o LTO ang hinihintay kung ipapatupad na ang pag-1 way sa kalye ng Boracay lalo na sa bahagi ng Manoc-manoc.

Ito ang inihayag ni P/Supt. Rolando Vilar, Hepe ng Boracay Pulis, upang mabawasan na ang bigat ng trapiko ngayong Mahal na Araw.

Ayon sa opisyal, ang ganitong plano ay napag-usapan na rin sa pulong ng Boracay Task Force kamakailan lamang, kasama ang mga Punong Barangay ng Boracay.

Sa ngayon umano ay naghihintay pa rin sila sa go signal ng LTO at umaasa na bukas o makalawa ay mag-aabiso na sa kanila ang naturang ahenisya.

Samantala, kung kaugnay aniya sa mga parking area na inilaan nayong mahal na araw para mayroong paglalagyan ng mga sasakyan na hindi makasagabal sa daan na makakapagdala ng trapiko, ay wala pa umano siyang ideya.

Pero susubukan pa rin nito na makipag-ugnayan kay Boracay Administrator Glen Sacapaño.

Nagbebenta ng pekeng imahe ng poon sa Boracay, ibinuking ni Vilar


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

“Maliwanag na panloloko at kawawa naman ang mga turistang makabili sa pagkaka-akala na yari sa kahoy talaga ang mga ibinibentang imahe ng Maykapal sa Front beach”.

Ito ang isiniwalat ni P/Supt. Rolando Vilar Hepe ng Boracay Police tungkol sa gawain ng mga nagbibinta ng imahe ng puong maykapal na inilalako sa baybayin ng Boracay na minsan ay ipinipilit pa sa mga namamasyal para mabili lang.

Ayon sa Hepe, sa kasalukuayan ay mayroong Municipal at Provincial Ordinance na ipinapatupad kung saan ipinagbabawal ang mga pakalat-kalat na nagbebenta ng mga katulad nitong imahe.

Nilinaw din nito na hindi lamang ordinansa ang nilalabag ng mga nagnenegosyo ng ganito dahil maari din silang kasuhan ng estafa gayong klarong panloloko ang ginagawa nila.

Maliban dito, inihayag din ni Vilar na ang karamihan sa mga nagtitinda nito sa Boracay ay nagmula sa Bacolod at Cebu City.

Dagdag pa ng opisyal, ang operasyon ng mga ambulant vendors nito ay kanilang iniimbestigahan na din sa ngayon matapos malaman na ang mga ibinebentang imahe ay dito lang din ginagawa sa Boracay gamit at hulmahan, semento at tisa na kung titingnan at mistulang yari talaga sa kahoy.

Tanong kay Napoles, si Lt. Commander Alsosa na ang tumapos


(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Hindi man naging maganda ang naging pagtanggap ni Senior Chief PT Officer Ramonito Napoles sa mga itinanong dito ng makapanayam ng Yes FM News Center Boracay ay malugod namang sumagot sa mga parehong katanungan si Lt. Commander Terence Alsosa ng Caticlan Coast Guard

Ito ay tungkol pa rin sa mga pagkakataon kung bakit nakakalusot ang droga sa kabila ng seguridad na ipinapatupad sa lugar ng pinanggalingan at nadaanan ng RO-RO.

Ayon dito, ang mga bagahe aniya maging ang bus ay hindi na nila pinapasinghot pa sa K9 kapag dumating at bumababa ito sa Caticlan Jetty Port.

Paliwanag nito, sa oras na dumaan na ito sa pagsusuri mula sa isang lugar o sa pinanggalingan nito ay hindi na nila ini-inspeksyon pa ulit, sapagkat arrival na lang ito at na check na rin naman kaya dire-diretso na ito pagbaba sa Caticlan Jetty Port.