YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, February 02, 2018

Tokhang Drop Box ikinalat na sa lahat ng Barangay sa Malay

Posted February 2, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 person, smilingNailatag na ang mga drop box sa 17 barangay sa buong bayan ng Malay sa pagbabalik ng Project Tokhang Reboot Program ng Philippine National Police PNP.

Sa naging panayam nga kay Police Officer 1 Julie Melissa Tumaob ng Malay PNP, nitong nakaraang linggo sinimulan na nila ang paglagay ng drop boxes kung saan itinalaga ito sa mga Barangay Hall.

Ani Tumaob, layunin nitong mahikayat ang publiko na isulat at isumbong ang mga gumagamit at nagbibenta ng droga sa kanilang lugar bago dumaan sa validation ng PNP.

Sa pamamagitan umano nitong proyekto ng PNP, matutulungan ang mga gumagamit at nagtutulak pa ng ipinagbabawal na droga na sila ay mapabago dahil may nakahandang Rehabilitation Program ang LGU Malay para dito.

Hinikayat ni Tumaob ang mga residente na kung sino ang kanilang kilala at aktibo pa at hindi sumuko sa mga kapulisan ay maaari nila itong isulat sa malinis na papel at ilagay sa mga drop boxes.

Igiit ni Tumaob na huwag silang matatakot dahil vina-validate pa nila ang mga pangalan na nakalagay sa drop box sa bawat barangay oras na isumite ito sakanila at wala umanong ibang makakabasa nito kundi sila lang.

Samantala, nitong nakalipas na araw ay natapos ng 151 drug surrenderee ang community base rehabilitation program na inilaan ng local na pamahalaan ng Malay.

Mga Walang Permit to Transport, pinatapon sa Mainland

Posted February 2, 2018
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 person, outdoor
Photo Credit: Cezar Oczon
“Face the consequence”.

Ito ang pahayag ni Malay Transportation Officer Cesar Oczon sa mga hindi sumusunod sa ordinansa lalo na sa pagkuha ng Permit to Transport ng mga  nasa loob ng isla ng Boracay.

Ayon sa kanya, regular ang hulihan na ginagawa ng mga enforcers subalit sa ngayon ay mas laganap at nakaka-alarma na ang pagbabyahe at pagtatawid ng mga sasakyang walang kaukulang dokumento.

Nitong mga nakalipas na araw katuwang ang mga kinatawan ng pulisya, Malay Auxilliary Police at Barangay Tanod, hinarang at na-impound ang mga nasa 28 motorsiklong walang PTP.

Dagdag pa ni Oczon, dire-diretso na ang operasyon na ito dahil masikip na ang isla ng Boracay.

Sa katanuyan ay nagpaaabot ng sulat si Oczon kay Mayor Ceciron Cawaling ukol sa pagpapatupad ng Municipal Traffic Code na inaprubahan naman ng huli.

Sa ngayon, naka-pokus ang MTO sa mga walang permit at hindi pa nakapag-renew ng PTP na itatapon pabalik sa Mainland kung saan sa susunod na linggo naman ang iba pang mga paglabag sa usaping transportasyon tulad ng mga traysikel na kulurom.

BTAC ikinasa ang Oplan Bakal at Oplan Sita

Posted February 2, 2018
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Magtutuloy-tuloy na ang operasyon para sa  Oplan Bakal at Oplan Sita ng Boracay Tourists Assistance Center(BTAC) sa sa isla ng Boracay.

Ito ang pasiguro ni BTAC Chief PSI Jose Mark Anthony Gesulga kung saan ayon sa hepe ay last quarter pa ng 2017 ay regular na nila itong ginagawa ng kanilang tropa.

Ayon kay Gesulga, tuwing makalawa o kada tatlong araw ang pag-iikot nila sa mga bars, establisyemento , tambayan, at sa mga kakalsadahin ng Boracay.

Ang Oplan Bakal ay ang pag-iinspeksyun sa mga indibidwal kung sila ay may dalang mga patalim, baril o kahit anong nakamamatay na armas habang ang  Oplan Sita naman ay pagsita o pagpapa-alala sa mga nag-iinuman sa kalye at sa mga pampublikong lugar.

Sa pagpasok ng taong 2018, wala pa naman umanong nai-rekord na nakumpiskahan ng mga illegal firearms at deadly weapons.

Nabatid na unang pinunterya ang pag-momonitor sa Brgy. ManocManoc dahil sa dami ng mga local bars kung saan ang susunod na operasyon ay gagawin sa Balabag at Yapak.

Samantala, ipinaaabot ni Gesulga sa publiko na dapat ay may kontrol sa pag-iinom at iwasan ang gulo para hindi makalaboso.

Pederalismo, kailangan pa ng masigasig na information campaign – Sec. Roque

Posted February 2, 2018

Ni Teresa A. Iguid, YES THE BEST Boracay

Image result for Sec. Roque“Kailangan pa ngmalakaing information campaign”.

Ito ang pananawni Presidential Spokesperson Harry Roque sa ginanap na press briefing kamakailan sa bayan ng Kalibo patungkol sa usaping “Pederalismo’.

Anya, ito ang dapat na maisagawa bago pa man mangyari ang plebisito na ang taung bayan ang mag papasya kung sila ba ay pabor o hindi sumasangayon.

Pinawi rin ni Roque ang pangamba sa magiging epekto ng Pederalisimo sa mga mahihirap na probinsya kung saan kailangan pang gumastos ng kanilang kita o koleksyon para sa kanilang mga proyekto at serbisyo.

Nilinaw nito na sa ilalim nito ay mabibigyan ng patas na pondo ang mga probinsya na may mataas na saklaw ng kahirapan.

Samantala,isa naman sa kanyang magandang balita na dala ay ang pag-aproba sa implementasyon ng drainage project at ang layuning masulusyunan ang pag baha sa panahon ng tag-ulan sa Isla ngBoracay.

Matatandaang bumisita sa probinsya ng Aklan si Roquematapos imbitahan ng Kalibo municipal officials sa pangunguna ni Mayor William Lachica upang saksihan at makibahagi sa isa sa mga aktibidad ng Kalibo Sto. Nino Atiatihan Festival 2018.

Thursday, February 01, 2018

Sunog sa Nami Resort, patuloy na ini-imbestigahan ng BFP Boracay; mahigit 20-million naitalang danyos

Posted February 1, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Nagpapatuloy parin ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Boracay kung ano ang dahilan sa nangyaring sunog sa Nami Resort sa Diniwid Beach isla ng Boracay kagabi.

Sumiklab ang sunog bago mag alas-dyes ayon sa bagong hepe ng BFP-Malay Senior Fire Inspector Lorna Parcellano habang inanunsyo naman itong fire out bandang alas dose singkwenta  y tres Pebrero 1.

Sa inisyal na imbestigasyon ni FO3 Franklin Arubang sa mga empleyado ng naturang resort, nagsimula umano ang sunog sa laundry area sa likurang bahagi kung saan mabilis na kumalat ang apoy sa magkakahiwalay na unit ng resort.

Dagdag pa ni Parcellano, kung makapagsumite na ang may-ari ng resort ng kanilang affidavit na sa laundry area nga nagmula ang apoy, electrical wiring ang tinitingnan nilang dahilan kung bakit sumiklab ang naturang sunog.

Image may contain: one or more people and outdoorSamantala mabilis na nagsi-alisan ang mga guest at ginawang daanan ang nasa likod na portion na opinisa ng SPR para makalabas sa area.

Wala namang naitalang sugatan subalit nag-iwan ng 20-Million na danyos ang naturang insidente.

Sa datos  ng BISFPU, nakapagtala na sila ng tatlong sunog sa buwan pa lang ng Enero ng taong kasalukuyan.

151 drug surrenderee sa bayan ng Malay, nagtapos na sa kanilang Drug Rehabilitation Program

Posted February 1, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 7 people, people smiling, people standing
Photo Credit: Malay PNP
Nagtapos na ang isang daan at limampot-isang drug surrenderee na dating nasa dalawang daan at tatlumpot- lima sa Community Base Drug Rehabilitation Program ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) sa ilalim ng LGU Malay at Philippine National Police (PNP).

Sa panayam kay Nurse I Rudy Flores Jr. ng Municipal Health Office, itong mga surrenderee ay nagtapos kahapon sa harap ng mga inimbitahang bisita na si David Abraham Garcia, PIO ng  PDEA VI kung saan dinaluhan din ito nina Malay Mayor Ceciron Cawaling, Dr. Adrian Salaver ng Municipal Health Office, Executive Assistant V  Ed Sancho, Police Inspector Mark Evan Salvo ng Malay PNP at Malay Local Government Operations Officer (MLGOO) II Mark Delos Reyes.

Ginawaran ng sertipiko ang mga sumailalim sa programang ito bilang patunay na sila ay nagtapos sa kanilang anim na buwang rehabilitasyon.

Sinabi rin ni Flores na patuloy paring i-momonitor  ng Philippine National Police PNP ang mga ito may kaugnayan sa kanilang sinumpaang kasunduan na sila ay tuluyan ng magbabago at hindi na babalik sa kanilang bisyo lalo at muling ibinalik ang Oplan Tokhang.  

Samantala, itinurn-over ang ilan sa mga drug surrenderee sa ibat-ibang sector ng MSWDO, PESO at iba pa upang sila ay mabigyan ng trabaho.

Kaugnay naman nito isasailalim ulit sa mga programa ang mga hindi nakasamang grumaduate ito’y dahil hindi sila sumunod sa mga isinagawang programa kung saan makakasama nila dito ang second batch na mga drug surrenderee.

Ang programang “Reporma Kasimanwa” ay may temang “Ginahandom ta: Pagbag-o it Kasimanwa” na layuning tulungan ang mga residente sa Malay na nalulong sa ipinagbabawal na droga.