YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, June 01, 2012

Biyahe ng mga bangka, inilipat na sa Tabon-Tambisaan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Simula nitong umaga ay Tabon Port at Tambisaan na ang ruta ng lahat ng bangka, pampasahero man at cargo.

Ito ang kinumpirma ni Commander Lt. Cmdr. Terence Alsosa Station Commander ng Caticlan Coast Guard, kung saan ito ay dala umano ng naramdamang lakas ng alon at hangin, lalo na ngayong may sama ang panahon.

Kaugnay nito, mariing babantayan umano ng Coast Guard kung naipapatupad ag tamang load o karga ng bawat bangka, pasahero o bagahe man, kaya asaahan umanong walang over loading.

Dagdag pa nito, hindi aniya masiguro ngayon nito kung hanggang kaylan ang rutang ito sa Tabon Tambisaan Port, lalo na ngayong papasok na ang Habagat Season, kaya pakikiramdaman muna nila ang panahon para maibalik na sa dati ang ruta.

Samantala, dahil sa malalaki namang sasakyang pandagat ang barkong pang-RORO, hindi apektado ang operasyon ng RORO sa ngayon ayon dito.

Sea sports activities sa Boracay, tuloy kahit abnormal ang panahon


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Masama man ang panahon dala ng Bagyong Ambo sa bahagi ng Visayas, hindi parin napigil ng abnormalidad na panahon ngayong araw ang mga seas sport activities sa Boracay.

Ayon sa Boracay Island Hopping Association (BIHA), tuloy pa rin ang boating ng mga turista.

Ngunit limitado lamang umano ang lugar na mararating ng mga ito sa paglalayag.

Ayon sa BIHA, hanggang back beach na lang di umano muna ang mga bangka, dahil ipinagbabawal muna sa front beach ito at bunsod na rin ng mararamdamang lakas ng hangin at alon.

Nabatid din kay Station Commander Lt. Cmdr. Terence Alsosa ng Caticlan Coast Guard na tuloy pa rin ang iba’t ibang aktibidad sa dagat ngayong araw pero sa likod na bahagi nalang ito ng isla at sa Tambisaan ang pick up point lahat wala muna sa front beach. 

Biyahe ng bangka sa Boracay at RORO sa Caticlan, nasa normal pa rin


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nananatiling nasa normal pa rin ang biyahe ng mga bangkang papunta Boracay sa ruta pa rin nitong Caticlan Cagban Jetty Port sa kabila ng bagyong umiiral sa silangan bahagi ng Pilipinas.

Sa panayam kay PO2 Condrito Alvares ng Coast Guard Caticlan, dahil sa wala naman umanong ibinababang signal warning ng bagyo sa Aklan, pinapaihintulutan pa rin ng ahensiya na makapag-layag ang mga bangka dito.

Gayon din ang mga barkong pang-RORO na dumadaong at umaalis sa pangtalan ng Caticlan Jetty Port.

Ayon pa dito, wala rin umanong signal warning sa point of origin ng mga sasakyang pandagat na ito, lalo pa at nanatiling katamtaman lamang ang pag-galaw ng karagatang binabaybay maging dito din papuntang Boracay. 

Thursday, May 31, 2012

e-Trikes, hindi kasama sa color coding


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi umano kasama sa pagpapatupad ng color coding sa isla ng Boracay ang mga electric tricycles sa darating na Hunyo 15.

Ito ay dahil umano wala pang regulasyon na sumasaklaw sa operasyon ng e-trikes sa isla.

Ito ang inihayag ni Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron sa panayam dito nitong hapon.

Aniya, ang specification ng sampung e-trike na ito sa isla ay iba sa specification ng mga tricycle dito sa Boracay at hanggang sa ngayon ay ino-obserbahan pa rin ang estado ng de kuryenteng tricycle na ito.

Matatandaang  ng maibalita sa himpilang ito ang pagpapatupad ng color coding sa mga tricycle sa Boracay, ilang tricycle driver na rin ang nag-react at nagtatanong kung kasama din ang e-trike sa scheme na ito. 

DOLE-Aklan, nanawagan sa mga employer


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa ngayong katapusan ng Mayo ay epektibo na ang pagpapatupad sa P12.00 na umento at bagong minimum rate sa sahod kada araw ng mga empleyado, may panawagan naman ngayon ang Department of Labor and Employment o DOLE-Aklan sa mga employer.

Ayon kay Vidiolo Salvacion, DOLE-Aklan OIC Provincial Head, hinhinkayat nito ang mga employer sa probinsiya ng Aklan  lalo na ang sa isla ng Boracay na kung maaari ay sundin at ipatupad ang bagong aprobang taripa para sa sahod ng empleyado.

Nagbabala din ito na sana di umano ay huwag nang hintayin pa ng mga employer na ito na mag-mahuli sila kapag nagkaroon ng inspection bago nila ipatupad ang wages rate.

Samantala, nilinaw naman ni Salvacion na ang umento na ito sa sahod ay mararamdaman pa ng mga empleyado sa a-kinse o katapusan sa buwan ng Hunyo.

Aasahan naman ayon sa huli na magkakaroon ng inspeksiyon ang DOLE Aklan sa lahat ng mga establishimiyento dito para masigurong sinusunod nga ang bagong rate na ito.

P12.00 na dagdag sahod sa Aklan, epektibo na ngayon araw!


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Epektibo na ngayon araw ang pagpapatupad ng P12.00 na dagdag sahod sa mga empleyado dito sa probinsiya ng Aklan, kasama ang isla ng Bopracay at maging sa buong Region 6.

Ito ang kinumpirma ni Vidiolo Salvacion, OIC Provincial Head ng Department of Labor and Employment o DOLE-Aklan sa panayam dito nitong umaga.

Aniya, simula ngayong araw, ang minimum rate sa sahod bawat araw ng isang empleyado ay magiging P277.00  na mula sa dating tinatanggap nilang P265.00.

Ito ay para sa mga empleyado na nagtatrabaho sa isang establishimiyento na hindi bumababa sa sampu ang tauhan.

Bagamat parehong P12.00 din ang umento sa sahod ng empleyadong mababa sa sampu ang tauhan ng isang employer, ang bagong minimum rate na ngayon para sa mga ito ay P235.00 na mula sa dating P223.00.

Nabatid mula kay Salvacion na inaparubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWP) ang Wage Order No. 20 na ito ng DOLE nitong Mayo 20.

Ngunit kailangan pa umano itong mai-publish sa loob ng 15 days kaya ngayong katapusan ng Mayo ay epektibo at sisimulan na ang pagpapatupad sa P12.00 na umento sa sahod sa lahat ng empleyado. 

Pag-dalo sa sesyon ng konseho, tiniyak ng TIEZA


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi pa masiguro ngayon ng kalihim ng Sanggunianag Bayan ng Malay kung sino ang ipapadalang representante ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa darating na Martes, Hunyo 5 sa sesyon ng konseho.

Hindi pa tiyak hanggang sa ngayon kung mismong ang General Manager ba ng TIEZA na si Mark Lapid ang dadalo sa sesyon o ilang department heads, gaya sa nakalatag umano sa imbitasyon  nila na matataas na opisyal ang ipadala para maklaro ang mga bagay-bagay kaugnay sa matagal nang proyektong ito sa Boracay.

Pero nagkumpirma na ayon kay Concordia Alcantara, kalihim ng SB, ang TIEZA na dadalo at magkakaroon ng presentasyon sa konseho kaugnay sa proyektong drainage system sa Boracay.

Maliban sa usaping drainage, ayon kay Alcantara, ay nasa listahan din ng agenda ang pagproposisyon ng Boracay Tubi na balak na ring pasukin ang serbisyo  ng sewerage system sa isla, na nailangan ding maipabatid ng TIEZA ang detalye ukol dito.

Matatandaang nagpadala na ng sagot sa imbitasyon ng SB Malay ang TIEZA, na makakadalo sa Hunyo 5, at katunayan ay sila pa ang pumili ng petsang ito, sa kabila ng imbitasyon sa kanila ay para pa sana nooong Mayo 22.

Isyu sa MAP sa Boracay, maling interpretasyon lamang


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Misinterpretation lamang ang nangyari.” 

Ito ang lumabas sa pangungusisa ng Sangguniang Bayan ng Malay sa isyung ipinupukol sa Municipal Auxiliary Police (MAP) sa Boracay sa isinagawang committee hearing na ipinatawag ng Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero, chairman ng Committee on Peace, Order at Public Safety, na isinagawa nitong Lunes.

Sa nasabing meeting ay nakapag-paliwanag na din ang MAP-Boracay sa pamamagitan ng kanilang Hepe na si si Rommel Salsona bilang sagot sa mga napansin umanong hindi kanais-nais sa mga MAP.

Ayon kay Gallenero, nilinaw umano ni Salsona na hindi sila nagdi-deploy ng MAP para sa iisang resort  o establishimiyento lamang kundi naglalagay sila ng kanilang tao sa designated area upang tutukan ang implementasyon ng mga ordinansa.

Partikular na tinukoy nito ang front beach at main road, kasabay ng paglilinaw na ang ginagawa nila ay para manghuli ng mga lumalabag sa ordinansa.

Taliwas ito sa impormasyon na nakarating sa konseho na naka-duty umano doon ang MAP pero ito ay upang magbantay sa isang resort lamang.

Samantala, sa gitna din ng pagdinig, amaindo naman ang hepe ng MAP na kulang pa rin umano ang kasalukuyan nilang bilang na umaabot lamang sa 55, para sa 24-oras na pagbabantay at pagpapatupad ng ordinansa sa Boracay.

Layunin ng pagdinig na ipinatawag ay malaman ang kasalukuyang kondisyon ng organisasyon at ang mga suliraning kinakaharap upang masigurong ginagampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin.

Sinabi naman ngayon ni Gallenero na gagawa sila sa konseho ng mga rekomendasyon para maayos kung ano man ang problema ng mga MAP, hindi lang sa Boracay kundi maging sa mainland Malay din. 

Mobile Smoke Emission Testing sa Boracay, pinuna ng Sangguniang Bayan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kurapsiyon ang isa sa rason kung bakit pinunana di umano ni Sanggunaiang Bayan Member Jonathan Cabrera ang ginagawang operasyon ng Land Transportation Office LTO sa Boracay.

Partikular na dito ang pagkakaroon ng Smoke Emission Testing at kasama na ang pagpaparehistro sa isang insurance company sa mga sasakyan dito sa isla.

Ayon sa konsehal, nakikita nito na nagsasagawa ng operasyon ang mga ito na wala man lang resibo na ibinibigay at mahal ang singgil sa serbisyo na posibleng aniyang simulan ng kurapsiyon.

Bunsod nito, nagmukahi ang huli na kung maaari ay wag nalang ipagpatuloy ang ginagawang mobile smoke testing na ito sa isla.

Sinang-ayunanan naman ang pahayag na nito ni SB Member Dante Pagsugiron, dahil nakita aniya nito na tila inaabuso na at negosyo na ang sadya ng mga ito sa isla.

Subalit para kay SB Member Esel Flores, malaki naman ang naitulong ng mobile smoke emission testing na ito sa mga may-ari ng sasakyan sa Boracay dahil subra pa umano ang magagastos ng mga ito kung dadalhin pa sa bayan ng Kalibo ang kanilang mga behikulo.

Dagdag pa ni Flores, baka nakalimutan di umano ng kapwa nito konsehal na sila din ang humiling ng serbisyong ito ng LTO para sa mga sasakyan sa isla.

Hingil naman sa usaping pagkapaligiran dala ng operasyong ng mobile smoke emission testing, para kaya Flores at Pagsugiron dapat ay ilagay ito sa isang lugar ng isla na hindi naman katulad sa pinaglatagan ng mga ito kamakailan lamang na sa tapat ng simbahan.

Samantala, nanatili namang tanong para kay SB Member Rowen Aguirre kung pinahihintulutan ba na maningil ng ganito kalaking halaga para sa ganitong smoke emission testing lamang.

Bunsod nito, may nabubuo nang planong panukala ngayon ang konseho, lalo pa at nakita nila na nagsasagawa ng operasyon ang isang pribadong smoke emission testing  na hindi manlang kumuha ng permit sa lokal na pamahalaan ng Malay. 

Russia, target para sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung mailap man ang Chinese Tourist sa Pilipinas dahil sa isyu kaugnay sa Scarborough Shoal, may ibang target market na rin umano ngayon ang Department of Tourism (DoT) at ang Committee on Tourism sa kapulungan ng kongreso.  

Ayon kay Aklan Representative Florencio Joeben Miraflores, Chairman ng Committee on Tourism ng kongreso, target market nila ngayon ay ang bansang Russia.

Katunayan, ayon dito, siya at ang DoT Officer ay pupunta ng Russia sa susunod na buwan para buksan ang market ng turismo sa bansa ito.

Kung saan, umaaasa si Miraflores na mapagtatagumpayan nila na makitaan ng posibilidad na magkaroon ng madaling transportasyon nag mga turista sa bansang ito papuntang Boracay.

Ito ay kasunod na rin ani ng kongresista ng pagpahayag ng isang airline company na magdadagdag sila ng flight at mga eroplamo mula Korea papunta Kalibo International Airport vice versa.

Isa sa kinukonsidera at balak nila ngayon na magkaroon ng connecting flight mula Russia particular sa Vladivostok papuntang Korea at mula naman sa Korea papunta na ng Kalibo.

Malaki ang paniniwala nito mabubuksan nila ang Russian Market sa pagtungo nila doon.

Dagdag pa nito, kung iisipin, mas mainam di umanong turista ang mga Russian dahil sa long staying ang mga ito kapag nasa isla at galante kapag gumastos para sa iba’t ibang aktibidad.

Samantala, sa kabila ng pagkasela ng ilang Chinese Tour Package sa Boracay, sinabi naman ng kongresista na hindi naapektuhan ang arrival ng Taiwanese tourist sa Boracay.

Nilinaw din nito na nananatiling Korea pa rin ang nagunguna at dumodomina sa tourist arrival ng isla sa ngayon. 

Chinese tourist, nakikinitang babalik sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mula sa isyu ng Panatag Shoal, dumating ang punto na ipina-kansela ang mga Chinese Tourist Package sa Pilipinas kasama na ang mga naka-book papunta sa isla ng Boracay.

Bilang Chairman ng Committee on Tourism sa House of Representative, sinabi ni Aklan Congressman Florencio Joeben Miraflores na ipina-uubuya muna nila sa ngayon ng Department of Tourism ang usaping ito sa Department of Foreign Affair (DFA).

Lalo na at ang usapin umanong ito ay argumento sa relasyon ng dalawang diplomatic na bansa kaya hihintayin nalang muna nila ang aksiyon ng DFA.

Naniniwala naman si Miraflores na hindi magtatagal ang isyung ito at mabibigyan din ng solusyon.

Sa kabila nito, aminado naman ang nasabing kongresista na apektado nga ang bilang ng turista sa Boracay at sa buong bansa dala ng isyung pumapagitna ngayon sa China at Pilipinas.

Pero nakikinita din umano nito na babalik din ang mga Chinese Tourist na ito sa bansa kapag naayos na ang lahat.

Matatandaang kamakailan lamang ay nagbaba ng travel advisory ang China laban sa Pilipinas kaya ang pagdating ng mga turistang Tsino ay bumababa na rin dala ng sitwasyong ngayon. 

Paglilipat sa Caticlan Elementary School, wala pang linaw


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Magbubukas na ng klase sa a-kwatro ng Hunyo para sa taong ito ng 2012, pero hanggang sa ngayon ay maghihintay parin umano ang mga opisyal ng Barangay Caticlan sa ipinangako ng pamunuan ng Boracay Airport para sa Caticlan Elementary School.

Ayon kay Caticlan Punong Barangay Julieta Aron, hanggang sa ngayon ay hinihintay parin nila ang panagkong ito, sapagkat wala din umano silang magagawa kundi ang maghintay pa rin.

Pero sinabi nito na noong una ay naipanagako na umano sa kanila na taon 2012 ay maililipat o mayroong nang relokasyon para sa nasabing eskwelahan na ang labas na lamang ay barter.

Dahil ang pamunuan na ng paliparan ang gagastos sa pagbili ng lupa na pagtitirikan gayon din sa gusali ng paaralan ito.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa umano silang pormal na pang-uusap hinggil sa estado ng paaralang ito.

Matatandaang bago paman magpalit ng administrasyon ang Caticlan/Boracay Airport ay pinag-planuhan nang ilipat ang Caticlan Elementary School, dahil tatamaan ito ng gagawing expansion at problema din ito para sa mga mag-aaral doon dahil sa ingay na dala ng mga eroplanong lumalapag at lumilipad sa palirang ito. 

Aklan, hahatiin sa dalawang distrito bago ang 2013 elections


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nakikinita ngayon ni Aklan Representative Florencio “Joeben” Miraflores na makakahabol sa 2013 midterm election ang pinasa nitong House Bill (HB) No. 2499 na naglalayong mahati sa dalawang distrito ang probinsiyang ito.

Sa isang panayam, sinabi ni Miraflores na posibleng sa buwan ng Agosto o Setyembre ng taong ito ay pormal nang maipapasa at maa-aprubahan ang batas na ito.

Kaya sa 2013 election maaaring dalawa na ang mananalong kongresista na siyang manunumo sa dalawang distrito ng Aklan kapag nagkataon.

Katunayan ayon dito, nitong nagdaang lingo ay inaprobahan na ang HB na ito sa Senate Committee na pinangunahan ni Senator Bongbong Marcos, at miyembrong sina Sen. Gringo Honasan at Sen. Franklin Drilon.

Samatala, sa bahagi ng probinsya ng Aklan, siya umano at si Gov. Carlito Marquez ang dumalo sa pagdinig.

Kaugnay nito, umaasa ang kongresista na hindi na magtatagal ay maaprobahan na ito, lalo pa at nalagdaan na rin ito ng mga miyembro ng committee kaya hindi na rin aniya magkaroon ng mahaba-habang debate ang senado gayong local bill lang din ito. 

Wednesday, May 30, 2012

P/S Insp. Al Loren Bigay, bagong hepe ng BTAC


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Epektibo noong Mayo 25 ay itinalaga na bilang bagong Officer In Charges (OIC) Chief of Police ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) si P/S Insp. Al Loren Bigay, kasabay ng pagkaka-relieve kay C/Insp. Christopher Prangan, ang dating hepe ng BTAC.

Nabatid mula kay P/SSupt. Cornelio Defensor, Provincial Director ng Aklan Police Provincial Office, na si Bigay ay isasailalim muna sa isang buwang obserbasyon sa bago nitong assignment sa isla, bago lubusang gagawing hepe sa Boracay.

Napag-alamang si Bigay ay nagmula sa Operation Branch ng Aklan Police Provincial Office (APPO) bago ito ma-asiggn dito sa BTAC.

Bunsod nito, dahil sa may bagong talagang hepe sa BTAC, hiling ngayon ni Defensor sa mga stake holder at komunidad sa isla na sana ay suportahan din si Bigay para magampanan nito ng maayos ang kanilang obligasyon at maipatupad ang kanilang mandato bilang pulis.

Samantala, naniniwala naman si Defensor na magtatagal sa BTAC si Bigay bilang hepe.

Ang pahayag na ito ng Provincial Director ay kasunod na rin ng mga pangyayari sa himpilan ng pulisya sa isla kung saan may mga nagdaang hepe na hindi nagtatagal at pinapalitan agad, at mayroon ding halos wala pang isang araw na nababaan ng order ay relieve din agad.

Matatandaang nitong buwan lang din ng Mayo ay may bagong hepe na rin ang Aklan Tourist Police Unit (ATPU) na nakahimpil sa BTAC Office kung saan itinalaga si C/Insp. Gaylor Loyola kapalit ni Supt. Julio Gustilo Jr. bilang hepe. 

C/Insp. Christopher Prangan, nag-goodbye na sa BTAC


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kinumpirma ni Aklan Police Provincial Director P/SSupt. Cornelio Defensor na na-relieve na nga si C/Insp. Christopher Prangan mula sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) bilang hepe epektibo nitong Mayo 25.

Kaugnay nito, nilinaw ni Defensor na ang pagkaka-releave kay Prangan sa BTAC ay dahil sa kailangan namang bigyan ng pagkakataon ang ibang opisyal na karapat-dapat din sa posisyon na mababakante nito.

Ito ay dahil na rin sa ilang taon nang namalagi sa isla si Prangan simula ng naging Boracay Special Tourist Police Office (BSTPO) ang Boracay PNP Station.

Mariing dinng itinangi ng Provincial Director na relieve si Prangan bilang Hepe ng BTAC dahil sa di umano ay nahuli ito ni PNP Regional Director Chief Supt. Cipriano Querol na wala sa Boracay nang mag-inspeksiyon ito, at sa halip ay nagbakasyon sa ibang bansa kahit na hindi pinayagan.

Paliwanag ni Defensor, walang katotohan ang katulad na spekulasyon, dahil noong araw na mag-inspeksiyon si Querol sa Boracay PNP ay naka-5 day mandatory leave si Prangan na nag-umpisa Mayo 22.

Samantala, mula BTAC, sa Aklan Police Provincial Office o APPO umano ang bagong assignment ni Prangan ngayon, partikular sa Intelligence Branch ng APPO gayong ito naman aniya ang linya ng dating hepe ng BTAC sapagkat ito naman ang pinag-aralan ni Prangan kaya nararapat na dito siya ilagay.

Ang paglilipat at pagpapalit kay Prangan ay bahagi lamang ng command decision para bigyan din ng pagkakataon ang iba. 

Ligtas na paraan sa pag-iingat ng nakolektang pera ng LGU Malay, ipinaalala ng CoA


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sa kabila ng naitalang pagtaas sa kita ng bayan ng bayan ng Malay nitong nagdaang taon ng 2011 kung ikukumpara noon nakalipas na taon 2010, may paalala ngayon ang Commission on Audit (CoA) sa lokal na pamahalaan ng Malay para sa ligtas na pag-iingat sa mga nakokolektang pera para sa kaban ng bayan.

Kung maaalala, umabot ang pondo ng bayang ito sa mahigit P329M nitong 2011 mula sa dating P219M noong taon ng 2010.

Ito ay batay sa audited annual report na inilabas ng CoA sa pundo ng LGU Malay nitong nagdaang taon ng 2011.

Ngunit tumaas man ang kinita at pondo nitong 2011, nadagdagan naman ang mga rekomendasyon upang mapanatiling ligtas ang cavan ng bayan.

Kabilang sa mga rekomendasyon ay ang napunang di umano’y hindi agad pagdedeposito sa perang nakolekta ng bayan sa halip at itinataibi pa ito sa isang vault.

Hindi din umano agad itinu-turn over ang perang nakolekta mula sa ilang departemento sa Municipal Treasury at sa halip ay dinadala pa umano ito sa bahay.

Subalit bagamat walang anumang isyu na nagkaproblema sa bagay na ito.

Nais lamang umano ng CoA na maging ligtas ang koleksiyon ay maiwasang mangyari ang hindi inaasahang pagkakataon.

Dahil dito, nagmungkahi ang Sangguniang Bayan ng Malay na alamin kung ano ang sistemang ginagamit ng mga collection officers at kung papano ang mga ito mag-turn over ng pera ng Municipal Treasurer.

Ito upang maipatupad ang rekomendasyon ng CoA at mapaunlad pa ang sistema para sa ligtas ang mga pera.

Pero ikinukonsidera ng konseho ang sitwasyon ng mga ito dahil nakita naman nila na malayo sa bangko ang Malay at mayroong collection officer sa Boracay at Mainland Malay.

Bagamat taong 2010 pa umano itong rekomendasyon, nakita muli ng auditor na hindi ito mahigpit na ipinatutupad kaya muling inilatag sa kanilang ginawang mga pagpuna nitong 2011.

Ang Annual Budget report ng CoA ng taong 2011 ng Malay ay inilatag sa sesyon ng SB nitong nagdaang Martes.

Kaso ng dengue sa Aklan, tumaas


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bahagyang tumaas ang bilang ng kaso ng mga nagkasakit ng dengue sa probinsiya ng Aklan nitong unang limang buwan ng taon 2012 kung ikukumpara noong nagdaan taon ng 2011.

Sa datus na nakuha mula sa Provincial Health Office, mula Enero hanggang nitong buwan ng Mayo ay nakapagtala na ng 143 katao ang nagkasakit ng dengue sa buong probinsiya.

Walo sa naitalang ito ay nagmula sa bayan ng Malay, kasama na ang sa isla ng Boracay.

Nitong buwan ng Mayo, naitala din ang pagkamatay ng isang batang biktima ng nasabing epidemya na nagmula sa Brgy. Caticlan

Samantala, sa mga bilang na ito, lima ang hindi Aklanon.

Nabatid na nagpagamot lamang ito sa mga pagamutan sa bayan ng Kalibo, pero ang mga pasyente ay nagmula sa Sapian, Capiz at Pandan, Antique.

Ang bayan naman ng Kalibo ang nakapagtala ng pinakamataas ng bilang ng kasong ng nagkasakit ng dengue sa probinsiya na nakapagrekord ng 52 kaso.

Ang mga bilang na ito ay nakalap ng PHO mula di umano sa mga Rural Health Unit sa iba’t ibang bayan sa Aklan at iba pang mga pagamutan.

Matatandaang ang bayan ng Malay ay nakapagtala ng siyam na kaso ng dengue sa buong taon ng 2011, ngunit ngayong 2012 sa buwan pa lang ng Mayo ay nakaka-walo na. 

Boracay, dominado ng motorsiklo


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nakakabit na sa pangalan ng Boracay ang traffic at dami ng sasakyan sa isla, kung saan sa liit ng Boracay, sino ang mag-aakala na umabot na sa mahigit 2,500 ang sasakyan na naririto.

Ito ang nabatid mula sa kay Cezar Oczon, Municipal Transportation Officer ng Malay, kung saan inihayag nito na umabot na nga sa nasabing bilang ang lahat ng sasakyan sa isla na siyang naitala umano ng kanilang tanggapan hanggang sa kasalukuyan.

Napag-alaman mula kay Oczon na ang motorsiklo ang pinakamarami sa naitala nila at nabigyan ng permit to transport at umabot ito sa 1,640.

Ang pribadong sasakyan naman na pag-aari ng mga resort at iba pang mga establishimiyento ay umabot na umano sa 356, at tricycle na nabigyan ng prangkisa ay 512 lamang.

Kasunod ng naitalang bilang na ito ay nagbaba di umano ang lokal na pamahalaan ng Malay ng dalawang Moratorium batay sa kautusan ng Punong Ehikutibo na kinabibilangan ng Moratorium sa pagpasok ng lahat ng uri ng sasakyan sa isla gayong ding ang pagpapatupad ng color coding sa lahat ng uri ng sasakyan para lumuwag ang kalsada at mabawasan ang pulosyon.

Matatandaang ngayon buwan ng Mayo ay nagbaba ng dalawang kautusan ang Alkalde na may kaugnayan sa estado at sistema ng transportasyon.