YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, May 04, 2012

80% na private school sa Aklan, nag-apply ng tuition fee; mga pinalad, kakaunti lang

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

80% lamang ng mga pribadong paaralan sa Aklan ang kumagat sa Tuition Fee Increase katulad sa hiling ng mga unibersidad at kolehiyo sa National Capital Region sa Commission on Higher Education (CHED).

Ngunit ayon kay Virginita Nabor, Private Schools Area Coordinator ng Division of Aklan, iilan lamang ang naaprubahan.

Ayon dito, ng rason umano kung bakit hindi naaprobahan ang application ng mga paaralan na nag-apply ay dahil sa huli na nang nagsumite ng mga karampatang dokumento ang mga ito, katulad ng mga papeles na nagpapatunay na ang hinihinging umento ay aprubado din sa mga magulang ng mag-aaral, kaya hindi nahabol sa itinakda petsa sa pagsusumite.

Pero naman natutuwa umano sila sapagkat may ilan pa rin talagang pinanindigan na hindi magtaas ng matrikula sa Aklan at hindi nagka-interes sa Tutuion Fee Increase sa paniniwalang maapektuhan ang bilang ng kanilang mga mag-aaral na mag-i-enroll.

Sa panayam dito nitong umaga, ipinahayag din ni Nabor na mayroong mga pribadong paraaralan sa Boracay ang mgatataas na rin ng matrikula.

Samantala, inihayag ng Private Schools Area Coordinator na pinapahintulutan lamang ang paraalan na magtaas ng bayarin kung ito ay ilalaan para sa sahod ng mga guro, pagsasa-ayos sa operasyon at gusali ng paaralan.

Pero hanggang 10% lamang umano ang pinapagayan.

Pulis sa Boracay, walang kinakampihan

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat sariwa na sa isipan ng mga Kapulisan sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang mga bagay na dapat gawin pagdating sa pagresponde sa land dispute matapos ang seminar na ikinasa kahapon, nilinaw ni Attorney at P/S Inspector Dennis Gabihan ng Legal Services Region 6, na hindi pa masasabi na ito na nga ang solusyon sa problema ng agawan ng lupa sa isla.

Dahil hindi lamang umano dapat ang awtoridad ang magmalasakit sa ganitong isyu, kundi dapat ang buong kumunidad at iba pang government agency.

Samantala, kabila ng mga isyung binabato sa mga Kauplisan sa isla dahil sa naiipit sa problemang ito hanggang sa ang ilan ay nare-releave na nga.

Naniniwala si Gabihan na walang kinakampihan at walang nalabag na batas ang mga pulis dito, dahil ang masigurong ligtas lamang umano ang bawat kampo ang layunin nila, sapagkat ang deklarasyon sa totoong may-ari ng lupa at implementasyon ng desisyon ay Sheriff at Korte naman ang gumagawa.

Samantala, gayong hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang Land Dispute sa Boracay ang isa sa pino-problema sa Boracay, apela ngayon ni Gabihan sa publiko na sana ay pagkatiwalaan ang mga Kapulisan dito, dahil proteksiyon sa kumunidad ang pangunahin nilang pinamamalasakitan.

Pagsariwa sa isip ng mga Kapulisan sa pag-aksiyon sa Land Dispute sa Boracay, isinagawa

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Naging matagumpay ang isinagawang seminar sa mga kapulisan sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) kahapon upang marebyu ag mga awtoridad sa isla ang kanilang obligasyon pagdating sa pagtugon ng Land Dispute o agawan ng lupa sa Boracay.

Ayon kay Attorney at P/S Inspector Dennis Gabihan ng Legal Services Region 6, nakita nito sa kanilang mga pag-uusap sa seminar na may pagduda nga ang ilang awtoridad sa kanilang aksiyong ginagawa.

Subalit nabatid umano ni Gabihan na wala siyang nakitang mali o paglabag na ginawa batay sa aksiyon ibingay ng mga ito.

Dahil nasunod naman umano ang maaayos sa Police Operational Procedure ang dapat na gampanang papel ng pulis pagdating sa agawan ng lupa at iyon ay ang masigurong ligtas at tahimik ang lugar na tensiyonado.

Kung saan sa bahagi naman aniya ng mga Police Officer sa Boracay, nais lamang din nilang maka-siguro na maaayos nilang nagagampanan ang kanilang mga tungkulin kaya ginusto din nila na masariwa kung ano ang napag-aralan noon.

Layunin ng seminar na ito ay ma-refresh sa isip ng mga pulis sa Boracay ang mga aksiyon gagawin kapag may problema ng land dispute na mangyayari. 

Thursday, May 03, 2012

Aklan, handa na sa K-12 program ng DepEd

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Tuloy na tuloy na ang implimentasyon ng K-12 program sa pagbubukas ng pasukan.

Sa katunayan ay handa na ang Division ng Aklan, ayon kay Dr. Jesse M. Gomez, Schools Division Superintendent ng Department of Education (DepEd-Aklan), sa pagpapatupad ng programang ito.

Dahil dito, madadagdagan umano ng tatlong  ang taon sa basic education ng mga mag-aaral, sapagkat compulsory na ang Kindergarten sa dahil hindi tatangapin ang isang mag-aaral sa Grade 1 kung hindi ito nakapag-Kinder.

Maliban dito, madadagdadan din umano ng dalawang taon ang Senior High School, kaya magiging 13 taon ang basic education.

Gayon pa man, bagamat compulsory na simula ngayong pasukan ang Kindergarten, nilinaw ni Gomez na sa ngayon ay tatangapin nila sa Grade 1 ang mga batang hindi nakapag-Kindergarten.

Maswerte din aniya ang mga magulang sa kasalukuyan dahil sa unang taon ng pagpapatupad ng K-12 program, dahil sa unang dalawang buwan ng school year ay ituturo sa mga mag-aaral ang mga asignatura na tinuturo sa Kindergarten at sa susunod na buwan o sa buwan ng Agosto pa sisimulan ang mga asignatura para sa Grade 1.

Pero sa susunod na taon, ayon kay Gomez, ay inaasahang magiging istriko na umano ang DepEd sa bagay na ito.

Samantala, inihayag din ng School Division Superintendent na hindi naman problema ang K-12 kung silid aralan ang pag-uusapan dahil mayroon naman namang sapat na classrooms at isinailalim na sa seminar ang mga guro para dito.

Inaasahan din umano na malaki ang maitutulong ng programang ito sa mga estudyante at guro dahil pili, akma at mahahalagang asignatura na ang ituturo dahil tinanggal na ang mga paulit-ulit na topiko sa isang asigtura para pag-isahin na lang ang pagtuturo.  

Dahil marami ang bumabatikos sa programang ito ng Dep. Ed, umapela din ngayon si Gomez sa mga magulang ng mag-aaral na wala umanong dapat ikabahala ang mga ito sa bagong curriculum dahil ang papasok lamang ngayong taon ang apektado ng K-12 program, at mas pinadali ngunit pinalawak ang asignatura ngayon.

Samantala, layunin umano ng K-12 program na maitaas ang antas at kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral sa bansa upang maitapat naman sa edukasyong mayroon sa ibang bansa, dahil tanging ang Pilipnas lamang umano ang may pinakamababang basic education kung taon ang pag-uusapan, samantalang sa ibang bansa ay umaabot ng 13 taon.  

Sa isyung drainage sa Boracay: “Lagi na lang ako…” --- Engr. Casidsid

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Lagi na lang ako ang shock absorber ng mga reklamo tungkol sa drainage, na hindi naman dapat ang LGU Malay o Engineering ang dapat na sinisisi dito.”

Ito ang inihayag ni Engr. Elizer Casidsid, Municipal Engineer ng Malay, sa panayam dito kahapon.

Ganoon na lang umano ang pagtataka nito kung bakit palagi na lang siya o ang LGU Malay ang binabato ng batikos kaugnay sa problema sa drainage system sa Brgy. Lugutan sa Brgy. Manoc-manoc at sa sitwaston ng kalye papunta sa Faith Village sa Station 3 sa nasabi ding barangay lalo na kapag bumabaha at bumabaho.

Sinabi din nito na kung titingnan ay hindi naman talaga nagmumula sa drainage ang baho lalo pa at nakikita namang nagmumula ito sa manhole ng sewer, sabay pasiguro na wala namang mga dumi sa drainage na katulad sa dumi na nagmumula sa sewer.

Aniya, hindi lamang ang konstraksiyon ng drainage sana ang problema, at sa halip ay dapat solusyunan muna ang pinagmumulan ng problema o mga duming ito.

Paniwala ni Casidsid, hangga’t hindi pa rin mabibigyang solusyon ang pinangalingan ng mga duming ito, kahit pa may drainage ay ganoon pa rin ang mangyayari, gayong hindi naman maaaring i-dispatsa sa baybayin ang tubig nagmumula sa drainage.

Sentimiyento pa nito, kahit araw-araw pa aniya siyang lamang ng radyo at mga balita ay kataka-takang nahihirapan pa rin ang mga  tao na intindihin kung ano ang sitwasyon doon kahit na ano pang paliwanag ang gawin nito. 

Kahit may budget na, drainage sa Lugutan, wala pa ring linaw

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nagpapabagal ngayon sa implementasyon ng drainage system sa Lugutan area sa Brgy. Manoc-manoc ang Right of Way o dadaan ng proyekto.

Ayon kay Engr. Elizer Casidsid, Municipal Engineer ng Malay, dapat ay tapos na sana ang plano at naipatupad na dapat ito.

Ngunit nang mag-inspeksiyon sila ay nakita umano na puwedeng tamaan ang tubo ng tubig at poste ng kuryente dahil madadaanan ito ng proyekto.

Maliban dito, may inilagay na rin umanong istrakrura sa nasabing area para mabigyang solusyon ang kasalukuyang kondisyon doon.

Dahil dito ay ikinukonsidera nila ito ngayon na isa sa mga rason para baguhin ang naunang plano, partikular na ang disenyo ng straktura.

Bunga nito, hindi pa masasabi ngayon ni Casidsid kung kailan talaga sisimulan ang proyekto.

Pero nangako umano sa kanila si Island Administrator Glenn SacapaƱo na tutulong para sa pakikipag-koordinasyon sa barangay, dahil balak nila na doon na lang idadaan sa drainage ng barangay.

Kung maalala, sinasabi ng lokal na pamahalaan ng Malay na handa na ang budget para sa proyektong ito.

Wednesday, May 02, 2012

DOLE Aklan, ayaw pang mag-kumento sa wage increase

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Maingat ngayon sa pagbibigay ng impormasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) Aklan kaugnay sa minimum wage increase ng mga empleyado dito sa probinsiya.

Sa panayam kay Joey Saigan, Admin Assistant ng DOLE-Aklan, sa ngayon ay ayaw pa umano nilang magkumento kaugnay sa umento sa sahod  kung mayroon man at ilang piso ang  dagdag sa suweldo ng mga trabahador sa probinsiya o maging sa buong rehiyon man.

Sapagkat, ayon dito, wala pa aniya silang pinanghahawakang papel o dokumento ng wage order mula sa Regional Tripartite Wage Board para sa implementasyon, gayong ang Board naman umano ang nagdedesisyon kung ilan ang idadagdag kung mayroon man.

Matatandaang, kasabay ng Labor Day at dahil na rin sa apela ng mga empleyado at mamababatas sa bansa ay pinahintulutan na ng DOLE na magtaas ng hanggang P12.00 ang sahod ng mga empleyado. 

Malay Mayor John Yap, pinasok na ang bakod ng Partido Liberal para sa 2013 elections

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pinasok na ni Malay Mayor John Yap ang bakuran ng partido ni Pangulong Benigno Aquino III na Liberal Party (LP) kung saan pormal na rin itong nanumpa para maging bahagi ng partidong ito.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Aklan LP Coordinator Franklin Quimpo ang panunumapa ni Yap kasama ang siyam pang alkalde ng Aklan bilang mga bagong miyembro ng partido polikal na ito para sa nalalapit na May 2013 lokal elections.

Maliban kay Yap at sa iba pang alkalde, nanumpa na rin sa Aklan Governor Carlito Marquez para mapasa-ilalim sa partidong ito gayon din ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP).

Si Yap at Marquez ay kapwa nagmula sa Lakas Kampi CMD noong nagdaang eleksiyon ng 2010, pero ngayon ay nasa LP na.

Ang panunumapa na ito ay ginanap nitong ika-25 ng Abril, na kasagsagan din ng pag-aalburoto ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) dahil di umano ay pinagtaguan sila ni Mayor Yap.

Ang LP Mass Oath Taking sa Aklan ay dinaluhan ni LP vice chairperson Senator Franklin Drilon, LP director general Ma. Gladys Sta. Rita, Rep. Riza Hontiveros-Baraquel, at mga dating nang miyembro ng LP Aklan na sina Aklan Congressman Allen Salas-Quimpo gayon din ni Aklan Rep. Florencio Miraflores at marami pang iba.

Nabatid din mula kay Quimpo na sa 17 bayan sa Aklan ay 10 alkalde na ang nasa LP ngayon at inaasahang madaragdagan pa ito, gayong may niluluto pa umano silang pangalawang Batch ng aath taking ng LP sa probinsiyang ito, pero hindi pa tiyak kung kailan ito gaganapin.

Konstraksiyon ng gusali sa Boracay, tuloy pa rin kahit may moratorium na

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Exempted sa pinapapatupad na moratorium sa pagpapatayo ng gusali sa Boacay ang istraktura kung ang ginagawang konstraksiyon ay renovation lamang.

Ito ang nilinaw ni Malay Municipal Planning Officer Alma Beliherdo sa panayam dito nitong umaga.

Pero sinabi Beliherdo na kapag may extension na, o kaya ay pinalaparan at dinagdagan pa ang area ng strakturang ito ay ibang usapan na aniya at hindi na mapapayagan.

Samantala, nabatid din mula dito na ang mga establishimiyentio sa isla na nakakuha agad ng Building Permit bago ang pagpapatupad ng moratorium ay pinahihintulutan naman ng lokal na pamahalaan ng Malay na makapag-gawa ng kanilang mga gusali.

Kung matatandaan, nitong a-uno ng Abril sa bisa ng kautusan ni Malay Mayor John Yap ay ipinatigil na ang pagbibigay o pag-i-issue  ng building permit sa Boracay sa mga nag-a-apply para magtayo ng gusali dito maliban na lamang kung maabot ng mga ito ang guidelines na nai-set ng LGU.

Ang pahayag na ito ni Beliherdo ay kasunod ng mga obserbasyon, na kahit pansamantalang itinigil na ang pagtatayo ng gusali sa Boracay batay sa nakasaad sa moratorium, pero kapansin-pansin na marami pa ring konstraksiyon ang nangayayari dito sa isla. 

Kawalan ng lane para sa may mga kapansan sa Jetty Port, ipinaliwanag ni Maquirang

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado si Jetty Port Administrator Nieven Maquirang na wala talaga silang lane na inilaan na para lamang sa mga senior citizen at mga may kapansanan o disabled na indibidwal sa loob ng passenger terminal.

Ito ay para hindi na aniya makipag tulakan sa pila sa ibang pasahero doon.

Paliwanag ni Maquirang, wala na umano silang sapat na lane para sa mga may kapansanan dahil sa maliit lamang ang lugar sa Jetty Port.

Pero sa kabilang banda, nag-habilin umano siya sa mga guwardiya ng Jetty Port na kapag may nakita silang pasaherong may kapansan, matanda na o may bitbit na bata, ay bigyang priyoridad at huwag nang papilahin pa kasabay ng iba, at sa halip ay tulungan na lang upang hindi na maipit pa sa pila.

Samantala, sa mga nahihirapan naman aniyang maglakad, may tatlong wheel chair naman sila ayon kay Maquirang, na pwedeng magamit para sa mga nangangailanagan.

Ang pahayag na ito ni Maquirang ay kasunod ng napapa-ulat na may ilan sa mga pasaherong may kapansan at matanda ang pumipila pa rin at nakikipag-siksikan sa mga pasaeho sa Caticlan Jetty Port. 

Tuesday, May 01, 2012

Basura sa Boracay ngayong summer season, dumami

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung ang waste water sa Boracay ay umaapaw na sa mga manhole kasabay ng pagdami ng mga tao ngayong summer season sa Boracay, ang basura din sa isla ay nakakalula na rin sa dami.

Nabatid mula sa rekord ng Material Recovery Facilities (MRF) Balabag na simula ng pumasok ang Summer Season ay hindi na bumababa pa sa 22 truck ng basura ang dinadala doon araw-araw para sa tamang pagsasa-ayos at pagtatapon, kung saan dati aniya ay pinaka-mataas na ang 18 truck ng basura ang nahahakot kada araw.

Plastic bag o supot, mga plastic containers at Styrofoam cup umano ang pinakamaraming basurang nakukolekta nila sa araw-araw na operasyon, ayon kay Jing Franscisco.

Bunsod nito, para hindi na maantala ang koleksiyon ng MRF at maabutan pa ng mga turista ang basura sa front beach, inagahan na nila ang pangungolekta kung saan 3:30 pa lamang ng madaling araw ay inu-umpisahan na umano nila ito gayong dapat ay alas -4 pa sana ito gagawin.

Samantala, sa kasalukuyan ay may apat na truck na umano ang MRF na ginagamit para sa paghakot ng basura ng Balabag  araw araw maliban pa sa mga pribadong truck ng malalaking establishemento dito na naghahakot at nagdadala din ng basura sa MRF.

Mga pasaherong dadaaan sa Cagban Port, magtitiyaga muna sa tent

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahang bukas o sa makalawa ay sisimulan na ang rehabilitasyon ng Cagban Jetty Port Holding Area, partikular na ang pagsasa-ayos sa bubong ng gusaling ito.

Kaya inaasahang isang tent muna ang magsisibling pansamantalang silungan ng mga pasahero sa nasabing pantalan bilang panangga sa mainit at ulan, ayon kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang, gayong hindi naman aniya ito magtatagal at maayos rin.

Bunsod nito, inabisuhan na rin umano nila ang mga concessioner katulad ng nagbibenta ng ticket ng regular na bangka at Fast Craft, ilang pwesto ng pribadong transportasyon, ahensya ng pamahalaan at mga nagbebenta ng pagkain o pasalubong na naka-puwesto sa nasabing building, na pansamantala ay lumipat mula sila sa ibang lugar habang nagpapatuloy ng konstraksyon.

Samantala, napag-alaman din mula kay Maquirang na ang pondo para sa rehabilitasyon ng Cagban Jetty Port ay aabot sa P3.4 M.

Pokus sa rehabilitasyon ng nasabing jetty port ay ang pagpalit ng sa bubong ng holding area kung saan gagawin itong kahoy, dahil ang mga angle bar na ginamit dati at kinakalawang  na ngayon at hindi na rin ligtas para sa mga pasahero, dahil anumang oras ay maaaring mahulugan ng bakal ang mga pasahero.

P100 terminal fee sa Cagban at Caticlan Jetty Port, epektibo na ngayong araw

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Doble na ang halagang babayaran sa terminal fee sa Jetty Port simula ngayon araw.

Mula sa P50.00 na terminal fee ay sisimulan na ngayon ang paniningil sa P100.00 terminal fee ayon kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang.

Kasabay sa pagdiriwang at pagkilala sa araw ng mga nagtatrabaho o Labor Day ngayong araw, Mayo 1, ipapatupad din ang bagong rate o bayarin sa terminal fee ng Cagban at Caticlan Jetty Port sa lahat ng bisita na pumapasok at lumalabas sa isla ng Boracay.

Aminado si Maquirang na bagamat nitong nagdaang buwang ng Marso ay dapat ipapatupad ang P75.00 na terminal fee para sa Boracay ngunit hindi ito natuloy dahil pinuna o kinuwestiyon  umano sila ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Aklan kung bakit hindi sinunod ang nakasaad sa bagong aprubang Revenue Code ng Aklan.

Kung maalala, nitong Disyembre ng 2011 ay inaprubahan ng SP ang bagong Revenue Code ng probinsiya at nakapaloob dito na P100.00 na ang singil ng Jetty Port sa mga turista o Non-Aklanons sa terminal fee, pati na rin sa mga Non Aklanon din na pasahero ng Roll On Roll Off (RORO), mula sa P20.00 ay itataas na ito sa P50.00

Nabatid naman mula kay Maquirang na ang huling pagtaas umano nila sa singil sa terminal fee na limangpung piso ay ipinatupad pa tatlo o apat na taon na ang nakakalipas. 

Monday, April 30, 2012

Pagka-relieve ni Supt. Gustilo, nilinaw ni PD Defensor

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Walang anumang isyu sa likod ng pagkaka-relieve kay Supt. Julio Gustilo Jr. bilang  kauna-unahang Hepe ng Aklan Provincial Police-Tourist Police Unit simula ng itinatag ang Tourist Assistance Center sa probinsiyang ito at maging Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), ang himpilan ng Pulis sa isla na dati ay BSTPO, ilang buwan na ang nakakalipas.

Sa pahayag na ginawa ni Aklan Police Director S/Supt Cornelio Defensor, promosyon ang rason ng pagkaka-relieve ni Gustilo kung saan kailangan niyang ma-assign sa ibang lugar para lubusang maging isang Senior Superintendent.

Aniya, na-assign lamang dito si Gustilo dahil sa kailangan na ang hepeng nakapwesto sa Boracay ay may rangong Superintendent.

Pero dahil sa kailangan umano ng dating hepe ng BSTPO ang promosyon, kaya kailangan niya rin na ma-relieve dito.

Si Gustilo ay na-assign na ngayon sa Regional Office sa Civil Aviation Authority sa Iloilo.  

Kapalit ni Supt. Julio Gustilo, magsisimula ngayong araw

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat wala nang magarbong programa sa pagsalubong sa bagong Officer In-Charge ng Aklan Provincial Police-Tourist Police Unit, epektibo ngayong araw ay uupo na bilang bagong at pansamantalang kapalit ni Supt. Julio Gustilo na si C/Insp. Gaylor Loyola dito sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Ito ang kinumpirma ni Aklan Police Director S/Supt. Cornello Defensor nitong tanghali kung saan pansamantala ay si Loyola muna ang uupos sa binakanteng puwesto ni Gustilo habang naghihintay pa sng taong ilalagay sa puwestong ito.

Pero tiwala si Defensor na malaki ang maitutulong ni Loyola para sa ikakalutas ng ilang mga problema sa security at peace and order sa Boracay, dahil dati aniya ay na-assign na ito sa Malay bilang hepe kaya alam na umano nito ang maaring mga solusyon.

Si Loyola bago ma-assign dito sa Boracay ay siyang hepe ng Public Community Relation (PCR) sa Aklan Police Provincial Office (APPO).

Supt. Julio Gustilo ng Provincial Tourist Assistance Center, pinalitan na

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahang anumang oras ay darating ang bagong Hepe ng Provincial Tourist Assistance Center na naka base sa Boracay na ipapalit kay Supt. Julio Gustilo Jr.

Sa panayam kay Gustilo nitong umaga, ang ipapalit sa posisyon nitong binakante bilang OIC ng Provincial Tourist Assistance Center  ay si Maj. Gaylor Loyola na kasalukuyang nangunguna sa lahat ng Public Community Relation (PCR) ng Aklan Police Provincial Office.

Nabatid na epektibo nitong Abril 16 ay na-relieve na si Gustilo sa isla, ngunit natanggap lang aniya niya ang kautusang iyon nitong nagdaang Abril 27.

Gayon pa man, labis-labis ang pasasalamat ngayon  ni Gustilo sa publiko sa Boracay sa pakiki-isa ng buong kumunidad sa kaniya at sa pagpapatupad nito ng mga programa ng Kapulisan.

Inihayag din nito na mula sa Boracay Tourist Assistance Center ay itatalaga naman siya bilang isa sa mga opisyal ng Civil Aviation Authority sa Regional Office sa Sta. Barbara, Iloilo.

Samantala, sa kasalukuyan ay hindi pa umano nagkaroon ng opisyal na programa para sa pormal na pagakakaluklok kay Maj. Loyola o sa bagong Hepe ng Provincial Tourist Assistance Center sa BTAC. 

Pag-apaw ng sewerage at manhole sa Boracay, pino-problema ng BIWC

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kasabay ng pagdami ng bilang ng mga turista sa isla ngayong summer season, tumaas din ang water waste mula sa mga establishimiyento dito, kaya naging sanhi ng pag-over flow o pag-apaw ng manhole ng sewerage system ng Boracay Island Water Company (BIWC).

Kasunod nito, aminado naman si Acs Aldaba, Customer Service Officer ng BIWC, sa problemang katulad nito dahil sa natatanggap aniya nilang kaliwa’t kanang reklamo dahil sa umapaw ang manhole sa Main Road Station 3 sa Manoc-manoc at sa area ng Angol.

Bunsod nito, dumoble na rin umano ang serbisyo nilang ginagawa para makontrol ang pag-apaw ng sewer.

Batid umano nila na delikado ito kapag umabot sa front beach at nakakahiya naman sa mga turista ang eksenang ito sa main road.

Dahil dito, ayon kay Aldaba, panay ang monitor at pagtanggal nila sa laman ng manhole sa kanilang pumping station sa lugar na tinutukoy at pinapasipsip nila ang tubig na umaapaw sa main road na nagmula sa sewer.

Dagdag pa nito, natukoy na umano ng BIWC kung anong establishimiyento sa lugar na ito ang nagpa-pump papunta sa sewer na isa rin sa mga rason kung bakit mabilis mapuno ang daanan ng sewerage system. Naki-usap na rin aniya sila sa mga ito kung maaari ay iwasan na itong gawin para hindi na umapaw pa ang manhole.

Sa ngayon, maituturing naman umanong seryosong problema ito sa bahagi ng BIWC.

Matatandaang nitong nagdaang Biyernes at Sabado ay umaapaw muli ang manhole sa main raod na nagdadala naman ng hindi nakais-nias na amoy sa mga dumadaan dito maliban pa sa tubig na lumalabas dito at na-ipon sa kalsada.