YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, February 28, 2015

Magkasintahang Taiwanese national, inireklamo matapos na mag-away sa isang hotel

Posted February 28, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for police blotterPinagbabayad ngayon ng isang hotel sa Boracay ang magkasintahang Taiwanese national ng mahigit sa 30 mil pesos matapos na sirain ang mga gamit ng isang nasabing hotel.

Kinilala sa blotter report ng BTAC ang mga turista na sina Cheng Hao Lee, 34 anyos at Yi Ling Huang, 23 anyos.

Ayon report ng mga pulis, nabulabog kaninang madaling araw ang pamunuan ng nasabing hotel nang pinag-uuntog ng lalaking Taiwanese national ang kanyang kasintahan sa pader at nagsisigaw.

Dahil dito, inilipat sa ibang kwarto ang babaeng Taiwanese national para hindi na umano masaktan ng kanyang nobyo.

Subalit hinabol umano ito ng lalaking Taiwanese at sinira ang pinto ng nasabing kwarto at saka nagwala doon.

Samantala, nangako naman ang turista na magbabayad ito sa nasabing hotel.

Construction worker, duguan matapos saksakin sa Boracay; suspek, arestado

Posted February 28, 215
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for stabbing investigationDuguan ang isang construction worker matapos na saksakin kagabi sa isang Construction Site sa Balabag Boracay.

Suspek, kapwa din nya construction worker.

Ayon sa blotter report ng BTAC, narinig ng kanilang mga kasamahan na parang may sinasakal at nag-aagaw buhay sa loob ng nasabing construction site.

Nang puntahan, dito na nakita ang duguang biktima na si Abby Ocado, 27 anyos ng Lonoy, Roxas City na sinasakal pa umano ng suspek na si Pinvo Eva, 37 anyos ng Lucena City.

Base sa report ng mga pulis, nagtamo ng sugat ang biktima sa kaliwa nitong balagat o clavicular at leeg.

Kaugnay nito, kaagad na ini-refer sa isang ospital sa bayan ng Kalibo ang biktima upang mas mabigyan ng kaukulang medikasyon.

Samantala, kaagad namang naaresto si “Eva” at ikinostudiya sa BTAC habang iniimbestigahan pa ang motibo nito.

Boracay tinanghal bilang top 1 best beach in Asia at top 7 sa buong mundo ngayong 2015

Posted February 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muling nanguna ang isla ng Boracay sa pinakamagandang beach sa buong Asya ngayong 2015 habang ika-pito naman sa buong mundo base sa pag-aaral ng TripAdvisor.

Sa inilabas na record ng TripAdvisor nanguna ang Boracay sa sampung beach sa buong Asya kung saan nakuha din ng Puka beach sa Yapak Boracay ang ika-limang puwesto.

Base sa site ng TripAdvisor ang Boracay ang itinanghal na top 1 dahil sa linaw ng tubig nito at malapulbos na puting buhangin kung saan inilarawan pa rito na ito ang napaka-relaxing na beach sa Asya.

Sa kabilang banda nakuha din ng Boracay white beach ang ika-pitong puwesto sa dalawamput limang magagandang beach sa buong mundo sa kapareho ring site para sa taong 2015.

Ang pagpili nito ay base sa kanilang isinagawang survey mula sa kanilang mga readers para iboto ang kanilang mga paboritong travel experience at mga beach na kanilang napuntahan sa Asya man o sa buong mundo.

Mga lumot muling lumutang sa dalampasigan ng white beach ng Boracay

Posted February 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

“Summer month is lumot month”
               
Ito ang tingin ng ilang mga turista at mga eskperto sa pagsilutangan ng mga lumot sa dalampasigan ng white beach area ng Boracay.

Base naman sa pagtaya ng Malay Agricultures Office na ang pagtahimik umano ng karagatan ang isa sa nagiging dahilan kung bakit nagsisilabasan ang mga lumot na napupunta sa shoreline ng isla at bilang hudyat ng pagpasok ng Habagat o summer season.

Nabatid na nitong mga nakaraang araw ay unti-unti ng nasisilayan sa dalampasigan ang berdeng lumot sa beach station 1 at station 3.

Sa kabila nito hindi parin paawat ang mga naliligong turista sa dagat ngunit kinakailangan ng mga ito na maligo ilang metro mula sa dalampasigan para hindi maabala ng mga nasabing lumot.

Napag-alaman na pinag-lalaruan pa ng ilang mga turista lalo na ng mga kabataan ang nasabing lumot habang naliligo ang mga ito sa dagat.

Samantala sinabi naman ng Department of Environmental and Natural Resources na hindi dapat ikabahala ng publiko ang presensiya ng mga berdeng lumot sa dalampasigan dahil “safe” ito.

16-anyos na dalagita na nagnakaw sa isang minimart sa Boracay, nakawala mula sa MSWD

Posted February 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Women and Children Protection DeskMismong ang Women and Children Protection Desk ang nagkumpirma na nakatakas mula sa pangangalaga ng MSWD ang 16-anyos na dalagita na nag-shoplift sa Boracay kahapon.

Napag-alaman na nitong hapon ay nakatakas ang nasabing dalagita matapos itong e-turn over ng Boracay PNP Station sa nasabing tanggapan dahil sa pagiging menor-de-edad nito.

Lumabas naman sa embitigasyon ng Boracay PNP na nag-paalam umano ang menor de-edad na babae para umihe ngunit hindi na ito bumalik pa matapos na masalisihan ang mga nagbabantay sa kanya.

Dala-dala din umano nito ang kaniyang referral mula sa nasabing police station gayon din ang susi ng opisina ng Municipal Social Welfare Development (MSWD).

Ang 16 anyos na dalagita ang hinuli ng mga pulis matapos na mag-sumbong ang intel security guard ng isang minimart sa D’ Mall Balabag Boracay na ito ay nang-shoplift ng mga mamahaling tsokolate at ilang beauty products kahapon ng ala-singko ng hapon.

Tinataya namang umabot sa 24, 950 pesos ang halaga ng ninakaw ng tumakas na suspek na hanggang ngayon ay at-large parin.

Security plan sa KIA, gustong makita ng SP Aklan

Posted February 27, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for security planKaugnay ng masusing pag-aaral nitong nakaraang buwan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan, nais ngayong makita ng mataas na konseho ang security plan sa Kalibo International Airport (KIA) upang masiguro ang seguridad ng mga pasahero doon.

Ito’y matapos ng mga sunod-sunod na mga aberya at hindi magandang nangyari sa nasabing paliparan.

Sa ginanap na SP Regular Session, nais masiguro ng mataas na konseho sa Aklan na ligtas sa anumang pagbabanta ang KIA lalo na’t nalalapit ang pagkakaroon ng mga malalakihang aktibidad sa probinsya tulad ng APEC Senior Officer Meeting and Ministerial Meeting sa Boracay.

Kaugnay nito, hiniling din ng SP Aklan kay Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya na tulungan ang Aklan sa pagtugon ng mga problema sa KIA.

Kabilang na umano rito ang pagkakaroon ng training ng mga empleyado at pag-upgrade ng mga kagamitan.

USEC. Florencia Dorotan ng NAPC, umapelang tulungan ang mga ‘batang lansangan’ sa Boracay

Posted February 27, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Dapat umanong tulungan ang mga ‘batang lansangan’ sa Boracay.

Ito ang sinabi ni USEC. Florencia Dorotan ng NAPC o National Anti-Poverty Commission tungkol sa mga batang namamalimos at nagtitinda ng mga souvenir sa vegetation area ng isla.

Ginawa ni Dorotan ang pahayag kasabay ng isang aktibidad para sa Boracay Women Producer’s Cooperative nitong umaga.

Unang nagpaabot ng apela si Dorotan sa DSWD o Department of Social Workers and Development na gawin ng puspusan ang kanilang trabaho, at sa mga magulang mismo ng mga bata.

Hindi umano kasi katanggap-tanggap tingnan na may batang lansangan lalo pa sa isang tourist destination katulad ng Boracay dahil sa panganib katulad ng human trafficking.

Samantala, nabatid na nanatili paring problema sa isla ang mga batang namamalimos at naglalako ng kung anong souvenir sa mga turista dahil sa kanilang pagiging makulit.

Base pa sa nakalap na impormasyon, mistulang malakas ang loob ng mga nasabing kabataan sa kanilang aktibidad lalo na sa gabi dahil sa maling parental consent ng kanilang mga magulang.

Friday, February 27, 2015

16 anyos na dalagita, huli sa pagnanakaw sa isang minimart sa D’ Mall

Posted February 27, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for theftMaging alerto!

Ito ang paulit-ulit na paalala ng mga otoridad hindi lamang sa mga turista, residente at lokal na bakasyunista, kundi pati na rin sa mga establisyemento sa isla ng Boracay.

Isa na naman kasing menor-de-edad na babae o dalagita ang nahuli sa pagnanakaw.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP Station, hinarang ng intel security guard ng isang minimart sa D’ Mall Balabag Boracay ang 16 anyos na nasabing dalagita matapos malamang nang-shoplift ng mga mamahaling tsokolate at ilang beauty products.

Lumalabas naman sa imbestigasyon na bandang alas singko nang makita umano ng sekyu ang 16 anyos na dalaga na kinukuha ang mga nasabing produkto at inilagay sa kanyang bag.

Pagkatapos umano nito ay kaagad na syang lumabas, subalit hinarang ng sekyu matapos sabihin ng ilang empleyado doon na hindi pa ito nagkakapagbayad.

Samantala, nang suriin ang dala-dala nitong bag, narekober mula sa menor-de-edad ang mga mahahaling tsokolate, mga facial scrub at whitening soap at ilang pabango na nagkakahalaga lahat ng tinatayang 24, 950 pesos.

Kaugnay nito, nanatili pa rin ngayon sa kustodiya ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Boracay PNP Station ang isang 16 anyos na dalagita.

Mga kabataan, hinimok na makialam sa pagpreserba ng Boracay

Posted February 27, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Malaki ang magagawang kontribusyon ng kabataan para sa pagpreserba ng Boracay.

Ito ang sinabi ni Professor Kazuo Nadaoka, Chief Technical Adviser ng Coastal Ecosystem Conservation and Adaptive Management (CECAM) Project sa Boracay sa ginanap na pagpupulong kahapon ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Boracay.

Anya, sa bawat proyekto na ipapatupad ng PCCI Boracay at pamahalaan, kailangang isama ang mga kabataan sapagkat isa sila sa mga magbibigay ng bagong pag-asa sa isla.

Ang ideya umano ng mga kabataan para sa ikakaunlad ng lahat lalo na ng isla ng Boracay sa mga kinakaharap nitong problema ay napakahalagang malaman at marinig.

Samantala, sinang-ayunan naman ito ni Professor Miguel Fortes, Project Manager ng CECAM.

Dagdag ni Fortes, hindi rin dapat magbulag-bulagan ang lahat at dapat maging maagap na tingnan ang realidad.

Wala din umanong makakatulong at makakapagpaunlad ng Boracay kundi ang publiko rin mismo.

Samantala, dinaluhan naman ng iba’t-ibang sektor ng lipunan ang nasabing pagpupulong, kung saan dumalo din si Aklan Governor Florencio Miraflores upang mapag-usapan ang mga problema sa Boracay at mabigyan ng kaukulang aksyon.

Budget para sa pagpapapintura ng street gutter sa Boracay, nakahanda na

Posted February 27, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for street gutterNakahanda na ang budget para sa pagpapapintura ng street gutter sa Boracay.

Tugon ito ng LGU Malay sa mga aksidenteng dulot ng sira o kawalan ng street light sa mainroad kung saan hindi lamang local na residente ang mga nabibiktima kungdi pati mga turista.

Sa text message ni Municipal Engineer OIC Engr. Arnold Solanoy, sinabi nito na 410 thousand pesos ang inilaang budget ng LGU Malay para sa pagpapapintura ng existing curve at gutter mula sa Barangay Manoc-manoc portion papuntang Barangay Balabag.

Ayon pa kay Solanoy, kulay dilaw ang ipipintura sa gutter at kulay maroon naman ang para sa slab.

Samantala, habang ginagawa ang balitang ito, sinabi pa ni Solanoy na pirma na lang ni Mayor John Yap ang kailangan para maaprobahan ang nasabing budget.

Maliban sa pagpapapintura, nakabinbin naman ngayon ang tungkol sa pagpapalit ng mga street lights sa main road ng Boracay na matagal na ring umano ng negatibong komento mula sa publiko.

Seguridad sa Kalibo International Airport prayoridad ng bagong talagang manager

Posted February 27, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ang seguridad umano ng Kalibo International Airport ang siyang pangunahing prayoridad ng bagong Kalibo-Civil Aviation Authority of the Philippines manager na si Martin Terre.

Sinabi nito na ang security breaches at iba pang problema sa nasabing paliparan ang kanyang tututukan at kung ano man ang posibleng solusyon ng CAAP department heads para dito.

Sisiyasatin din umano nito ang kabuuan ng terminal building para makita sa apat na sulok kung ano ang kailangang bigyan ng pansin.

Si Terre ang siyang pumalit kay dating manager Cynthia Aspera ng Kalibo International Airport na napaalis sa puwesto dahil sa security breaches at pormal na umupo sa kanyang tungkulin nitong Biyernes.
Matatandaang nangyari ang security breach nitong Enero 22 kung saan isang babaeng may problema sa pag-iisip ang nakalipad papuntang South Korea na walang anumang travel documents.

Siniguro naman ni Terre na gagawin nila ang kanilang makakaya para ma-improve ang operasyon sa Kalibo International Airport.

Si Terre ay nagmula sa Roxas Airport sa Roxas City kung saan din ngayon inilipat bilang bagong manager si Aspera.

CECAM Project sa Boracay, pinasalamatan ng LGU Malay at PCCI

Posted February 26, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Magtatapos na bukas ang CECAM o Coastal Ecosystem Conservation and Adaptive Management sa Boracay.

Kaugnay nito, nagpaabot ng pasasalamat ang LGU Malay at PCCI o Philippine Chamber of Commerce and Industry-Boracay sa mga siyentipikong pag-aaral ng grupo nina Professor Miguel Fortes para sa isla.

Sa tatlong taong pag-aaral, tinutukan ng CECAM ang problema tungkol sa soil erosion sa isla at ang Coliform issue.

Sa isang pagpupulong nitong hapon kasama ang mga stakeholders, iginiit ni Fortes na hindi dapat isawalang-bahala ang nasabing problema kungdi pagtulungan ng lahat lalo na ng mga taga business sector at lokal na pamahalaan.

Bago nito, muling ibinahagi ng CECAM ang ilang kaalaman tungkol sa pangangalaga ng kalikasan at ang hindi magandang maidudulot ng overdevelopment. 

Positibo namang tinanggap ng LGU ang mga ibinahaging kaalaman ng CECAM kasabay ng panawagan naman sa mga negosyante sa isla ng pagtutulungan.

Nabatid na nagsagawa ng pag-aaral sa long beach at kabuuang coastal condition ng isla sina Fortes sa tulong ng PCCI, kung saan natuklasan ang ilang sanhi ng soil erosion at environmental degradation.

Samantala, nagsagawa din ng pag-aaral sina Fortes sa ilan pang tourist destination sa bansa at ibang panig ng mundo maliban sa isla ng Boracay.

Paggunita ng Edsa Revolution sinabayan ng signature campaign sa Aklan

Posted February 26, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for edsa revolution
Hindi lang paggunita sa ika-29 na anibersaryo ng 1986 People Power Revolution ang nangyari sa Aklan kahapon.

Sinabayan din kasi ito ng signature campaign ng mga taga Bagong Alyansang Makabayan o Bayan-Aklan.

Ayon kay Bayan Aklan Chairperson George Calaor, isang mass signing of petition para sa mga Yolanda victims sa Aklan ang kanilang ginawang hakbang.

Isang panawagan din umano ito upang maisama sa listahan ang mga nabiktima ng Bagyong Yolanda na wala sa listahan ng mga benepisyaryo ng Emergency Shelter Assistance o ESA.

Maliban sa mass signing of petition, isinabay din ng militanteng grupo ang kanilang pagkadismaya sa administrasyong Aquino at ang pag-abolish sa Pork Barrel system.

Nabatid na nag-marcha kahapon ng hapon ang grupo sa lansangan ng Kalibo at idinaos ang kanilang programa sa Kalibo Pastrana Park.

Muling paglitawan ng lumot sa dalampasigan ng Boracay, nag-‘trending’sa mga turista

Posted February 26, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for algae in Boracay
Muli na namang naglitawan ang lumot sa dalampasigan ng Boracay.

Kasabay nito, nag‘trending’na naman sa mga turista ang nasabing scenario partikular sa mga turistang 1st timer.

Ipinagtaka kasi ng mga ito ang presensya ng makakapal at madulas na lumot sa dalampasigan ng station 1.

May mga mistulang naasiwa sa paglusong o maligo sa dagat, nguni’t may mga kibit-balikat lamang at nag-i-enjoy pa ngang paglaruan ang lumot.

Katunayan, kahapon ng hapon, isang grupo ng mga pinaniniwalaang Korean Tourists ang nagkatuwaang ilagay sa kani-kanilang mga ulo ang lumot at nagpalitrato.

Hindi naman napigil ang ilang beach front establishments na tanggalin o linisin ang mga lumot upang hindi madulas ang mga turistang dumadaan, bagay na inalmahan ng ilang lokal na residente sa isla.

Ayon sa ilang nakapanayam na residente, natural lamang ang presensya ng lumot at nawawala naman ito pagkalipas ng dalawa o tatlong buwan.

Iginiit din nila na ang nasabing lumot pa nga ang nagpapalinis at nagpapaputi sa buhangin kung kaya’ mas makakabuti umanong hayaan na lamang ito sa dalampasigan.

Nabatid naman na ipinag-utos ni dating Pangulong Gloria Arroyo na tanggalin ang mga lumot noong iniistima nito sa Boracay ang bisitang Prime Minister ng Papua New Guinea na si Michael Somare, taong 2009.

Samantala, nabatid na hindi naman ikinabahala ng karamihan sa mga establisemyento at resort sa isla ang presensya ng mga lumot.

Thursday, February 26, 2015

Paghahanda sa Asean chief justices meeting sa Boracay, puspusan na

Posted February 26, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng LGU Malay sa nalalapit na Association of Southeast Asian Nations (Asean) Chief Justices Meeting sa Boracay ngayong March 1-2.

Ito ay inaasahang lalahukan ng chief justices mula sa bansang Brunei, Cambodia, Thailand, Indonesia, Laos, Burma, Vietnam, Malaysia, Myanmar at Singapore at si Philippine Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Sinabi naman ni Regional Trial Court Executive Judge Marietta Homena-Valencia na excited na ang mga Asean chief justices na dumalo sa nasabing meeting na magaganap sa sikat na island destination sa mundo.

Kaugnay nito naghahanda na rin ang mga concern agencies sa Malay at Boracay kabilang na ang Boracay Philippine National Police para sa pagpapaigting ng seguridad sa isla.

Samantala, ang Malay municipal government at ang Aklan provincial government ay naghahanda na rin sa Asia-Pacific Economic Cooperation Summit ministerial meeting na gaganapin din sa Boracay ngayong darating na Mayo.

Tax Mapping ng BIR sa Aklan, magtatapos na sa Biyernes

Posted February 25, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for bir tax mappingTumanggi munang magbigay ngayon ng ilang impormasyon ang Bureau of Internal revenue (BIR) Aklan hinggil sa kanilang isinasagawang Tax mapping sa probinsya.

Ayon sa pamunuan ng BIR Aklan, hinihintay pa kasi nila na makabalik si BIR Aklan Revenue District Officer Eralen de Aro kasama ang kanilang mga monitoring team.

Dagdag pa rito, maaaring sa Lunes pa umano sila makakapagbigay ng resulta, kung saan dito malalaman kung may ilang mga establisyemento o negosyo na lumabag sa ipinapatupad na alintuntunin ng nasabing ahensya.

Samantala, ang BIR TAX Mapping ay ang pag inspeksyon ng mga negosyo sa municipal na tindahan gayundin sa bayan.

Ngunit nabatid na kadalasan, ito ay kinakatakutan ng mga  maliit na negosyante dahil sa maaring paglabag sa mga alituntunin at kaukulang parusa ng kanilang tindahan.

Lolo, nakitang patay sa gitna ng palayan sa Aklan

Posted February 25, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patay na nang makita kaninang umaga ang isang 62- anyos na lolo sa gitna ng palayan sa Brgy. Pook, Kalibo, Aklan.

Ayon kay PO2 Alejandro ng Kalibo PNP Station, kinilala ang biktima na si Rudy Espinosa ng Sta. Monica, Andagao, Kalibo.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga pulis na isang Barangay Tanod ang nakakita sa biktima sa gitna ng palayan, 300 metro ang layo mula sa national highway.

Sinasabing huli namang nakita ang biktima ng mga residente sa lugar kahapon na naka-inom di umano ng alak nang ito ay papunta sa kanyang bahay-kubo sa nasabing palayan.

Kaugnay nito, napag-alaman pa sa imbestigasyon ng mga pulis na nagkaroon ng mga sira ang mga nakatanim doon na palay, kung saan nagpapakita umano ito na nagpumilit pang tumayo ang biktima.

Nakitaan din ito ng sugat sa noo at ilang kagat ng hindi pa matukoy na hayop na maaari namang isa sa mga sanhi ng kanyang pagkamatay.

Samantala, sinasabi naman na posibleng inatake sa puso ang biktima.