Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Isinailalim sa 5 araw na water safety training ang mga lifeguard ng LGU Malay sa Boracay noong Marso 19 -24, 2012.
Pinangunahan ng Philippine Red Cross (PRC) partikular ng trainer na si David Field, isang propesyunal na life guard sa Australia at volunteer din ng Red Cross, kasama ang anim pang Australian Life Guard na pinadala ng nasyunal PRC, ang nasabing pagsasanay sa mga lifeguard sa Boracay.
Nabatid mula kay Marlo Schoenenberger, administrator ng Red Cross Boracay na labing apat na lifeguard ng LGU sa isla ang pumasa sa level 3 training na ngangahulugang bihasa na ang mga ito pagdating sa water safety.
Samantala, maliban dito may siyam namang life guard ang nagtapos din kahapon kasabay ng mga ito na pawang mga staff ng resort sa Boracay at labing dalawang junior students ng highschool sa isla.
Bunsod nito, umaasa at kampante si Schoenenberger na nasa standard na ang kakayahan ng mga life guard na ito at handa nang isabak sa emergency.
Ang pagsasanay ng Red Cross sa mga life guard na ito sa isla ay bahagi ng nakatakdang lagdaang kasunduan ng PCR at Punong Ehekutibo ng bayan para mas lalong mai-angat ang kakayahan ng mga taga sagip-buhay sa baybayin ng Boracay.