YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 28, 2013

Coastguard at Malay Transportation Office, nagbabala sa mga bangkang walang permit

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagbabala ngayon ang Philippine Coastguard at Malay Transportation Office (MTO) sa mga bangkang walang permit to transport sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos na mapag-alaman na ilan sa mga bangkang pumapasok sa isla ay namimiki ng kanilang mga sticker para lang makapag-operate.

Ayon kay PCG Caticlan Acting Station Commander Pedro Taganos, ang ilan umano sa mga operator ng mga bangkang ito ay kinukopya lamang ang kanilang naunang permit at pinapalitan nila ng petsa.

Nagpalabas naman ng notice ang LGU Malay, tungkol dito na kung saan ipinapaabot sa lahat ng cargo boat operators at boatmen, na ipinagbabawal itawid ang anumang motorized na sasakyan nang walang kaukulang permit to transport and operate sa isla ng Boracay ng walang kasalukuyang Municipal sticker installed.

Pagmumultahin rin ng dalawang libo at limandaang piso, ang cargo boat at may-ari ng sasakyan na lalabag sa Municipal Ordinance No. 142-2001 “An Ordinance Regulating the Entry and Operation of all Motorized Vehicles sa isla ng Boracay.

Samantala katuwang ng LGU Malay ang Municipal Transportation Office at Municipal Auxiliary Police, Philippine Cost Guard, PNP-Malay at Boracay gayon din ang Boracay Action Group at Boracay Redevelopment Task Force sa ordinansang ito.

Malay Municipal Hospital, handa na para sa Bagong Taon

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Handa na umano ang Malay Municipal Hospital para sa pagsalubong ng bagong taon.

Ito ay matapos na magsulputan na ngayon ang mga iba’t-ibang klaseng paputok kung saan karaniwang ginagamit ng ilang mga residente tuwing magpapalit ng taon.

Ayon kay Malay Municipal Hospital Supervising Nurse, Mrs. Judy Talamisan.

Base sa memorandum na ipinadala ng Department of Health (DOH) sa kanila, naka-alerto na umano ang nasabing ospital sa posibleng pagdating ng mga pasyente na aksidenteng mapuputukan ng mga paputok.

Subalit, muli naman nitong ipinaalala na mas maiging mga paingay nalang katulad ng mga torotot ang gamitin para sa ligtas na pagsalubong ng bagong taon.

Samantala, sa ngayong ay wala namang naitalang kaso ng mga naputukan ang nasabing ospital at nagpapasalamat umano sila na sa nakalipas na dalawang taon ay walang mga malalaking nai-record na mga firecracker related injuries ang ospital.

Mga prutas, paingay at paputok para sa New Year, nagsisimula nang ibenta sa isla ng Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagsimula nang magbenta sa isla ng Boracay ng mga kalakal para sa Bagong Taon tulad ng torotot, paputok, pailaw, bilog na prutas at mga laruan.

Mula sa P10 hanggang P35 ang presyo ng torotot depende sa laki at klase.

Normal pa rin ang presyuhan ng mga bilog na prutas tulad ng chico na P50 bawat kilo, melon na P35 kada piraso, malaking fuji apple na tatlo kada P50 at ang maliit naman ay apat sa P50, limang pirasong ponkan ay P100 at ang kiat-kiat na P50 kada bag.
Sa mga paputok, ang maliit na fountain ay P35, ang malaking fountain naman ay P80, ang tikoy firework ay P190, ang walis ay P200, baby rocket ay P80, lusis na tatlong bundle ay P100 at 7-shot special ay P2,500.

Mayroon ding nakitang ibinebentang bawal na paputok tulad ng Sinturon ni Hudas na P380.

Samantala, una namang ipinaalala ng Department of Health (DOH) na anumang paputok na mas mabilis sa tatlong segundo ang mitsa at may 0.2 grams o higit na pulbura ay mga kwalipikasyon para maisama sa listahan ng ipinagbabawal na paputok.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ay ang Super Lolo, Bawang (Large), Pla-pla, Watusi, Giant Whistle Bomb, Higad o Sawa, Atomic Bomb, Piccolo, Boga at may mga bago tulad ng Goodbye Philippines at Goodbye World at Napoles.

Ayon sa mga tindera, wala pang pagtaas sa presyo sa ngayon pero asahan na anilang sa mga susunod na araw lalo na sa bisperas ng Bagong Taon, tataas mula P5 hanggang P20 pa ang mga usong bilihin tuwing Bagong Taon.

Aklan PHO, patuloy ang panawagan sa publiko na huwag ng gumamit ng paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy ang ginagawang panawagan ng Aklan PHO sa publiko na huwag nang gumamit ng paputok para sa ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon sa Aklan Provincial Health Office, imbis na gumamit ng paputok ngayong bagong taon ay gumamit nalang ng mga bagay na ligtas gamitin katulad ng takip ng kaldero at mga turotot sa pagsapit ng bagong taon.

Naging abala naman ang Aklan PHO sa paghahanda sa mga kakailanganin ng mga posibleng pasyente na biktima ng paputok.

Nanawagan rin ang Department of Health (DOH) na sa halip na ibili ng paputok ay makabubuting i-donate na lamang ito sa mga biktima ng super typhoon Yolanda.

Nais naman ng Provincial Health Office na maging zero causality ang probinsya sa mga mabibiktima ng mga paputok ngayong holiday season.

Samantala, katuwang ng ginagawang panawagan ng Aklan Provincial Health Office ang Provincial Government Unit ng Aklan para sa kanilang ginagawang kampanya ngayong pagsapit ng bagong taon.

Friday, December 27, 2013

Caticlan at Cagban Port, abala na sa pagdagsa ng mga turista sa isla ng Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Abala na ang Caticlan at Cagban Jetty Port sa pagdagsa ng maraming turista ngayong holiday season sa isla ng Boracay.

Katunayan, nitong nakaraang pasko ay halos siksikan ang mga pumipila sa Caticlan Jetty Port para pumunta sa isla.

Dahil inaasahan pa ang pagdagsa ng maraming mga bakasyunista dito, sinisiguro umano ng pamunuan ng nasabing port ang seguridad ng mga taong bibisita at magbabakasyon.

Sa kabilang dako, ang naturang pagdagsa ng mga turista ay ang nagpapaligaya naman sa mga maliliit na negosyante sa isla kung saan mapapalakas umano ang kanilang mga kita.

Samantala, inaasahan pa rin ng Department of Tourism (DOT) Boracay na tataas pa ang bilang ng mga turistang pupunta sa isla pagsapit ng Bagong Taon.

Bureau of Fire Boracay, naglunsad ng “Oplan iwas paputok”

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Naglunsad ang Bureau of Fire Protection (BFP) Boracay ng “Oplan iwas paputok” para sa nalalapit na pagdiriwang ng bagong taon.

Ayon kay Boracay Bureau of Fire Protection (BFP) Inspector Joseph Cadag.

Patuloy ang kanilang ginagawang pag-momonitor sa isla ng Boracay kasama na ang ilang lugar sa Malay para sa mga nagbibinta ng paputok.

Aniya, 24/7 silang magbabantay at mag-iikot sa mga nasabing lugar hanggang sa ipagdiwang ang bagong taon.

May mga itinilaga naman umano ang LGU Malay na ilang lugar sa Boracay at Malay kung saan maaring magbinta ng mga paputok.

Nilinaw naman ni Cadag na dapat ay mayroong mga nakalagay na safety precautions sa mga lugar na pinagbibintahan ng mga paputok katulad ng “no smoking at no testing”.

Dapat din umanong mayroon silang fire distinguisher na naka-standby sa kanilang mga tindahan sakaling magkaroon ng problema.

Mahigpit namang paalala ng BFP na kung maaari ay iwasan nalang ang paggamit ng anumang uri ng paputok para sa pagsalubong ng bagong taon para maka-iwas sa anumang disgrasya.

Philippine Red Cross Malay – Boracay Chapter, handa na sa darating na Bagong Taon

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Upang mapagsilbihan ang mga bakasyunista at lokal na residente sa buong isla ng Boracay kasabay ng pagdiriwang ng Bagong Taon.

Sinabi ngayon ni Philippine Red Cross Malay – Boracay Chapter Deputy Officer, John Patrick Moreno.

Na handang-handa na ang Boracay Red Cross anumang oras na kakailanganin ang kanilang serbisyo lalo na sa araw ng Martes, Disyembre a-trenta y uno at mismong sa oras ng pagpapalit ng taon.

Katunayan, naka-stand by aniya ang kanilang mga Nurses at magkakaroon din sila ng pagpa-patrolya mula sa beach ng Station 1 hanggang Station 3.

Magsisimula umano ito mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-dose kung saan oras din ng pagsisimula ng pagpapaputok ng mga fireworks.

Bukod dito, bukas din ang kanilang mga hotline number kung sakaling may mangailangan ng rescue. Tumawag lamang sa 199 o di kaya’y tumawag sa 288-2068 at sa mga cellphone naman ang gamit, tumawag lang sa 036-288-2275.

Eroplano ng PAL nagka-aberya sa paglanding sa Kalibo International Airport kahapon

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

File:Philippine Airlines Airbus A340-313X (F-OHPK) Naha Airport.jpgIsa na namang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) ang nagka-aberya sa paglanding kahapon sa Kalibo International Airport.

Base sa isinagawang imbistigasyon ng pamunuan ng nasabing paliparan, palapag na sana ang Flight number 2P-975 dakong alas-6:00 ng gabi kahapon subalit nag-malfunction ang hydraulic sa front steering wheel o ang landing gear ng eroplano dahilan upang hindi ito makaliko pakanan para sa lubusan ang paglanding.

Tinatayang apat naput limang minuto itong naantala bago tuluyang naayos ng piloto ang mechanical problem para mailapag ng maayos ang eroplano.

Nabatid na halos isang daan at walumput anim ang pasaherong sakay nito mula sa Metro Manila na ligtas naman na nakababa.

Matapos maabala sa pagkahambalang ng eroplano sa gitna ng runway bumalik naman agad sa normal ang ibang flights sa nasabing paliparan.

Nagpapasalamat naman ang pamunuan ng Kalibo International Airport dahil sa naging minimal lang ang nasabing insidente.

Bagamat mayroon paring mga pasahero ang hindi naiwasang mainis dahil sa pagkaantala ng kanilang mga biyahe.

Thursday, December 26, 2013

Ilang mga residente sa probinsya ng Aklan, namimili na ng mga paputok para sa Bagong Taon

Ni Gloria Villas, Yes FM Boracay

Damang-dama na nga ang excitement ng mga tao sa pagsalubong ng bagong taon.

Katunayan, ilan sa mga residente sa probinsya ng Aklan ay namimili na ng mga paputok para sa pagpapalit ng taon.

Tradisyon na kasi ng mga Pilipino na mag-paputok sa tuwing sinasalubong ang bagong taon, ito ay upang itaboy umano ang mga malas na inaasahang papasok sa bagong taon.

Samantala, kasabay ng pagsusulputan ng mga pamilihan ng paputok.

Muli namang umarangkada ang kampanya ng Department of Health sa ligtas na pagsalubong sa bagong taon.

Nabatid na pinangunahan ni DOH Secretary Enrique Ona ang paglulunsad ng kampanya para sa ligtas na pagsalubong sa 2014.

Layon ng kampanya ng DOH na mapababa ang bilang ng mga biktima ng paputok tuwing magpapalit ng taon.

Paulit-ulit namang ipinaalala ng DOH sa publiko na lahat ng paputok ay bawal sa bata, umiwas sa mga taong nagpapaputok, huwag mamulot ng mga hindi sumabog na paputok, at kaagad magpagamot kapag natamaan o naputukan.

Pasko sa Aklan, positibo paring ipinagdiwang sa kabila ng kalamidad

Ni Gloria Villas, Yes FM Boracay

Positibo pa ring ipinagdiwang sa probinsya ng Aklan ang kapaskuhan sa kabila ng naranasang kalamidad nito dulot ng bagyong Yolanda.

Katunayan, masaya pa rin ang bawat residente sa pagbibigayan ng mga regalo.

Sa ginanap na misa sa bayan ng Kalibo kung saan isa rin sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo.

Sinabi sa sermon ng pari na hindi umano dapat payagan na ang nagdaang kalamidad ang maghari sa puso't isipan bagama't normal lamang sa isang tao na mapaluha at manlumo sa pangyayari lalo na sa mga nawalan ng mahal sa buhay.

Ngunit hindi raw ito dapat mangibabaw sa mga naiwang survivors na dapat magtrabaho at magpatuloy sa buhay.

Samantala, kahit na hindi parin bumabalik sa normal ang suplay ng kuryente sa buong lalawigan ng Aklan ay makikita naman na maligaya pa rin ang mga residente sa pagsalubong ng pasko.

Matatandaang hinagupit ng bagyong Yolanda ang probinsya ng Aklan noong Nobyembre a-otso, taong kasalukuyan.

Matapos ang pagdiriwang ng Pasko, mga otoridad sa Aklan pinaghahandaan na rin ang pagdiriwang ng Bagong Taon

Ni Jay-Ar Arante, Yes FM Boracay

Matapos ang pagdiriwang ng Kapaskuhan, pinaghahandaan naman ngayon ng mga otoridad ang pagdiriwang ng Bagong Taon sa Aklan.

Kabilang sa abala ngayon tungkol dito ay ang Aklan Police Provincial Office (APPO) na pinai-igting parin ang seguridad sa mga pangunahing lugar sa probinsya na dinadagsa ng maraming tao.

Kasama naman sa kampanya nila ay ang pagbabawal magpaputok gamit ang baril kasabay sa pagsalubong sa bagong taon.

Bukod dito, naghahanda din ang Provincial Health Office ng Aklan para sa posibleng biktima ng mga paputok kabilang na ang kanilang kampanya na “Oplan Iwas Paputok” na kanilang isinasagawa taon-taon.

Samantala, abala na rin ngayon ang lokal na pamahalaan sa iba’t-ibang bayan sa Aklan, sa pagbibigay ng paalala sa mga residente, na maging maingat sa pagdiriwang ng Bagong Taon.