YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, February 07, 2015

Opening ng WVRAA Meet 2015 sa Calangcang Sport Complex sa Aklan, bukas na

Posted February 7, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bukas na ang inaabang opening program para sa Western Visayas Regional Athletic Association (WVRAA) Meet sa Calangcang Sport Complex sa bayan ng Makato Aklan.

Nabatid na makalipas ang limang taon ay muling napili ang probinsya sa pangalawang pagkakataon na mag-host ng naturang palaro na kinabibilangan ng mga atleta mula sa elementarya at sekondarya sa anim na probinsya sa Western Visayas.

Isa naman sa mga inaasahang dadalo rito ay si Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at Department of Education (DepEd) regional director Gemma Ledesma. 

Bilang host province nakatakda ring dumalo ang Aklan Provincial Government sa pangunguna ni Congressman Teodorico Haresco, Jr., Governor Florencio Miraflores at Vice Governor Gabrielle Calizo-Quimpo.

Kasama rin dito si Aklan Schools Division Superintendent Dr. Jesse Gomez, DepEd executives at mga local officials ng mga kalahok na probinsya.

Samantala kabilang sa mga bayan sa Aklan na pagdadausan ng ibat-ibang palaro ay ang bayan ng Banga, Kalibo, Numancia, Makato, Lezo at Malinao.

Ang Western Visayas Regional Athletic Association (WVRAA) Meet ay magsisimula bukas at magtatapos naman sa Pebrero 13, 2015.

Mga poste ng Akelco na pasok sa road set back sa Boracay, pinag-uusapan na ng kooperatiba

Posted February 7, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinag-uusapan na ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) ang ipinadalang sulat ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) hinggil sa road set back sa isla ng Boracay.

Ayon sa AKELCO Boracay Substation Office naipasa na nila ang sulat ng BRTF sa AKELCO management Office sa bayan ng Lezo, Aklan.

Nabatid na halos lahat ng poste ng AKELCO ay pasok sa road set back ng BRTF na ngayon ay patuloy ng ipinapatupad sa isla ng Boracay.

Sa ngayon umano ay inaantay nalang nila ang tugon ng main-office para sa relocation ng electrical post para sa road set back.

Samantala, ilang porsyento palang ngayon ang nagko-comply na mga establisyemento sa road set back sa Boracay matapos itong ipatupad ng BRTF ng LGU Malay.

Babaeng Taiwanese national na nahulihan ng illegal na droga sa Boracay, nagtangkang magpakamatay sa kulungan

Posted February 7, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kaagad na isinugod sa ospital ang babaeng Taiwanese national na nahulihan ng illegal na droga sa Boracay.

Ito’y matapos umanong magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng paglalas ng pulso gamit ang isang blade o Gillette.

Ayon sa pamunuan ng Aklan Rehabilitation Center, sinasabing stress di umano ang turista na si Chia Huei Ma alyas “Chia-Chia” 29-anyos dahil sa hindi ito dinadalaw ng kanyang mga pamilya sa kulungan.

Si “Chia-Chia” ay inaresto sa isla ng Boracay nitong nakaraang buwan ng Marso kasama ang isa pang tour guide na si Chi Ping Chou alyas “Sophia” na isa ding Taiwanese national.

Samantala, matapos gamutin sa Provincial Hospital ay kaagad nang ibinalik ang Taiwanese sa kulungan.

Zoning Ordinance sa bayan ng Malay, nakalutang pa rin sa SP Aklan

Posted February 7, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakalutang pa rin ngayon sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang Zoning Ordinance mula sa bayan ng Malay.

Sa ginanap na 5th SP Regular Session nitong Miyerkules, muling tinalakay ng mataas na konseho sa probinsya ang ordinansa, kung saan nabatid sa nasabing pagpupulong na kinakailangan umano ang masusi ditong pag-aaral.

Kaugnay nito, napagkasunduan ng konseho na muli itong pag-uusapan at ini-refer sa Provincial Planning Development Office (PPDO).

Samantala, una namang inoprabahan sa Sangguniang Bayan (SB) Malay ang nasabing ordinansa upang maisaayos ang pagpapatayo ng mga gusali sa Malay at Boracay.

Ang zoning ordinance ay isang nakasulat na regulasyon o batas na tumutukoy sa kung paano ang tiyak na paggamit ng isang ari-arian sa isang geographic zone.

Tinutukoy din ng nasabing ordinansa kung maaaring gamitin ang isang lupa para sa residential or commercial purposes.

Bakasyunistang Australiano na hinoldap umano sa Boracay, pinasinungalingan

Posted February 7, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Gawa-gawa lang ang kuwento.

Ito ang lumabas sa imbistigasyon ng Boracay PNP kaugnay sa isang Australianong bakasyunista na hinoldap umano nitong nakaraang Sabado.

Base sa follow up investigation ng kapulisan, nabatid na may ilaw naman sa lugar na sinasabing dinaanan ng bakasyunista kung saan umano ito hinoldap.

Maliban dito, naberipika sa pamamagitan ng CCTV ng isang establisemyento doon na hindi siya napadaan sa lugar taliwas sa mga oras na kanyang ideneklara sa kanyang pagpa-blotter sa presento ng pulis.

Magugunitang nagsumbong sa Boracay PNP ang Australianong turista kinahapunan na ng January 31, matapos umano itong maholdap ng madaling araw habang papauwi sa tinutuluyang resort sa Barangay Balabag.

Ikinuwento niya sa mga pulis na may tumawag sa kanyang apat na kalalakihan habang naglalakad, kinuha umano ang kanyang Laptop Asus NS6, isang Samsung Grand 2 Gold, Camera Olympus TG-3, at wallet na naglalaman ng 20 mil pesos at kaagad tumakas.

Samantala, nabatid pa sa imbistigasyon ng pulisya na para lamang sa insurance purposes ang pagpapa-blotter ng nasabing turista.

Pag-invest ng Petrowind Energy sa Aklan, pinasalamatan ng Governador sa kanyang SOPA

Posted February 7, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinasalamatan ni Aklan Governor Joeben Miraflores ang Petrowind Energy, Inc., sa kaniyang State of The Province Address nitong Miyerkules sa Provincial Capitol.

Ayon sa Governador sakaling matapos ng maipatayo ang P4-billion wind energy project sa Barangay Pawa, sa bayan ng Nabas, Aklan hindi lamang umano ito makakapagbigay ng power needs kundi mapapalakas din nito ang tourism industry ng probinsya.

Sinabi din nito na ang Petrowind project ay isang pinakamalaking investment sa ngayon sa Aklan at nagpapatunay lamang umano ito na masuwerte ang lalawigan.

Aniya, hindi lang ang magagandang tanawin ang makikita sa mismong project site kung hindi matatanaw mula dito ang isla ng Boracay at ang Romblon Carabao Island.

Samantala, mahigit sa 190 mga empleyado ng national government offices at local government units, media practitioners at academicians ang dumalo sa nasabing SOPA.

Construction ng Phase 1 ng Boracay hospital para sa APEC nakalutang parin

Posted February 7, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tatlong buwan bago isagawa ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Boracay ngunit hindi parin natatapos ang construction ng phase 1 ng Boracay hospital.

Ayon kay Malay SB Secretary Concordia Alcantara, base umano sa naging tugon ng Department of Health Region 6 sa kanilang ipinasang resolusyon sa pag fast track ng naturang hospital, ihahabol umano ng DOH na matapos ang phase 1 nito bago ang APEC Summit sa isla.

Ngunit nabatid na ilang buwan nang itinigil ang construction nito matapos na magkaroon ng problema sa contractor na may hawak ng proyekto.

Sinabi din nito na isang malaking question mark sa kanila kung kaylan muling ipagpatuloy ang construction at expansion project ng hospital.

Matatandaan na hiniling ni Malay SB Member Rowen Aguirre ang pag fast tract ng naturang hospital dahil isa umano ito sa kakailanganin sa idaraos na APEC Summit sa Boracay ngayong Mayo sa oras na magkaroon ng emergency sa naturang event.

Friday, February 06, 2015

Malay Municipal Planning Officer Alma Belejerdo, ‘hands off’na muna sa 6 Meter Road Easement sa Boracay

Posted February 6, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Mainit na usapin parin sa isla ng Boracay ang 6 Meter Road Easement.

Subali’t ‘hands off’na muna tungkol dito si Malay Municipal Planning Officer Alma Belejerdo.

Tumanggi na rin muna kasi itong magbigay ng pahayag sa kung ano ang pa ang dapat gawin ng mga establisemyentong apektado o tatamaan ng nasabing ordinansa.

Magkaganon paman, may payo dito ang Barangay Balabag na siyang sentro ng business activity sa isla, sa pamamagitan ni ‘Kap Lilibeth’ Sacapaño.

Ayon kay ‘Kap Lilibeth’, mas makabubuting huwag maniwala sa mga sabi-sabi tungkol sa road easement, kungdi tumungo sa BRTF o Boracay Redevelopment task Force para sa legal na hakbang.

Samantala, sinabi ni ‘Kap Lilibeth’ na paunti-unti na ring nagko-comply sa road easement ang mga apektadong establisemyento sa Barangay Balabag dahil sa naunawaan na ng mga ito ang kahulugan ng ordinansa.

Nabatid na ipinag-uutos ng Malay Municipal Ordinance No. 2000-131na dapat magkaroon ng anim na metrong road set back mula sa sentro o gitna ng kalsada ang anumang temporary o permanent structures malapit dito.

Barge na natikitan dahil sa paglabag sa 1 Entry-1 Exit Policy, pinagmulta ng 24 mil pesos

Posted February 6, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pinagmulta ng 24 mil pesos ang barge na natikitan dahil sa paglabag sa 1 Entry-1 Exit Policy ng Aklan Provincial Government.

Ito ang kinumpirma ng PCG o Philippine Coastguard matapos nilang aksyonan ang paghahakot umano sana ng heavy equipments ng barge na Kristine Marie sa Puka Beach kahapon ng umaga.

Ayon pa sa PCG, kumpleto naman ng papeles ang nasabing barge, subali’t pinagmulta parin sila dahil sa nasabing paglabag.

Maliban sa penalidad ng barge, nilinaw din ng PCG na iba naman ang penalidad ng tug boat na siyang humihila sa nasabing barge.

Nabatid na ikinadismaya ng mga residente at turista sa lugar kahapon ang presensya ng barge kung kaya’t kaagad itong inimbistigahan ng Philippine Coastguard.