YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 01, 2012

Pagtaas ng populasyon sa Boracay, pilit sasabayan ng sapat na edukasyon ng LGU

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa mabilis na pagtaas ng pupulasyon sa Boracay, naghahabol na umano ang lokal na pamahalaan ng Malay ngayon kung papano nila masasabayan ang biglaang paglubo ng populasyon na ito pagdating sa edukasyon.

Ito ang sinabi ni Sangguniang Bayan Member Esel Flores, Chairman ng Committee on Education, ng SB Malay, kung saan pilit nila umano itong sasabayan para mabigyan ng sapat na edukasyon ang mga kabataan.

Aniya, sa totoo lang, nasa 80:1 o walongpung estudyante sa bawat isang guro ang ratio ngayon ng mga-aaral sa mga paaralan sa Boracay.

Gayon pa man, ayon sa konsehal, bagamat may kakulangan sa silid aralan, sinisikap nila ngayon na magkaroon ng sapat na guro para sa mga estudyanteng ito.

Ipinagmamalaki din umano nila na kahit papano ay prayoridad pa rin ng LGU Malay ngayon ang edukasyon para sa buong bayan kasama na ang sa Boracay.

Natutuwa din aniya sila na ang bayang ito ay siyang nakapagtala ng mas maraming school board teacher kumpara sa ibang bayan. 

SB Flores, muling aapela ng tulong sa national government

 Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Nangako naman ngayon sa konseho si Sangguniang Bayan Member Esel Flores, Committee Chairman ng Education, na gagawa ito ng isang resolusyon sa susunod na sesyon.

Ito ay upang umapela ng tulong sa national government kaugnay sa problemang nararanasan sa Boracay National High School ng mga guro at estudyante.

Maliban dito, dahil sa ang problema sa paaaralang ito ay ang baha, kakausapin din umano nito ang Municipal Engineer upang mahanapan ng paraan na magkaroon ng lagusan ang tubig mula dito.

Naniniwala din ito na maaaring makatulong sana ang pagtatambak sa paligid ng paaralan upang mai-angat ang level nito sa kalsa para hindi maabot ng tubig.

Pero nangangamaba din umano sila na baka pasukin din ng tubig ulan ang mga silid aralan kung tatambakan nila ang paligid.

Dagdag pa ng konsehal, sa sa katunayan ay nakabili na rin ng motor pump ang LGU, pero ang problema ay wala rin lagusan.

Kaya naisip nito na magpasa muli ng resolusyon para umapela sa nasyunal kaugnay sa problema sa paaralang ito na pinamumugaran ng mga isda dahil sa, kahit mainit na ang panahon ay hindi pa rin humuhupa ang tubig dito.

Samantala, tinuturo naman sa kawalan ng drainage system ang dahilan ng problemang ito. 

DepEd, nagtampo sa Boracay National High School?

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi umano nagkulang ang lokal na pamahalaan ng Malay kung tulong lamang para sa Boracay National High School ang pag-uusapan dahil lahat ng kanilang maaaring magagawa ay nagawa na.

Ito ang sinabi ni Sangguniang Bayan Member Esel Flores, Committee Chairman of Education, sa konseho sa panayam dito may kaunayan sa problemang nararanasan ng nasabing paaralan na kapag umulan ay kinakansela ang klase dahil sa pinapasok ito ng tubig baha.

Aniya, lahat ng plano nila para sa paaralang ito ay naisumite na nila sa Department of Education maging sa National Government pero hanggang sa ngayon ay wala pa rin.

Dahil kung i-asa umano ito sa LGU Malay lamang, wala naman umanong sapat na pera ang Malay para ipagawa ng karagdagang mga silid aralan doon.

Ito ay kahit pa sa kabila ng malaking pundo umano ang inilaan ng Malay sa edukasyon, pero ang pondo ay napupunta rin sa pasahod ng apat napung mga guro dito, na kung iisipin ay malaking tulong na umano ito kung babalikatin ng national government ang pasahod sa apat napung guro sa School Board na ito, para ang pera sana ng Malay ay maipatayonalang silid aralan.

Samantala, duda naman si Flores kung bakit naantala ang tulong ng nasyonal government para sa Boracay National High School kung meron man.

Ito ay dahil baka nagtampo umano ang DepEd dahil sa hindi naging matagumpay ang Hostel na binalak nilang itayo sa nasabing paaralan.

Ito ay makaraang kwestiyunin ng SB, Barangay at ilang magulang ng mag-aaralan ang proyekto ito, sa rasong bakit pa kailangan umanahin ang hostel gayong kulang ang mga silid aralan dito. 

Pag-alaga ng baboy, bawal sa Boracay!

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Kahit pai-isa isa ay mariin umanong ipinagbabawal sa isla ng Boracay ang pag-aalaga ng baboy.

Ito ang nilinaw ni Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron, Committee Chairman ng Environment at Agriculture.

Aniya, sa Boracay ay ipinagbabawal dahil sa ang dumi ng baboy ay maaaring maka-kontamina sa tubig, maliban pa sa maaring makapagdala ito ng polusyon sa hangin at kapaligiran na magreresulta sa hindi kagandahang relasyon ng may-ari at sa mga kapit-bahay nito.

Dagdag pa ng kosehal, bagamat bawal ito pero hindi rin umano ito maiiwasan lalo pa at ang mga nag-aalaga ay mga naghihikahos din sa buhay na mamamayan na umaasa na magagamit nila ito sa oras ng emergency lalo na pagdating sa pinasiyal.

Samantala, ang pag-alaga naman ng kambing at manok sa isla ay may regulasyon din umano dahil sa ingay na dala nito depende sa dami.

Pero wala naman umanong partikular na ordinansa na nagbabawal sa pag-aalaga ng kambing at manok, di katulad sa baboy na bawal talaga. 

Thursday, August 30, 2012

Moratorium sa pag-issue ng ECC ng DENR sa Boracay, nais ng ipabasura ng LGU Malay


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Sa kabila ng Task Force Moratorium sa Boracay na ikinasa ng lokal na pamahalaan ng Malay upang pansamantalang mapatigil ang pagpapatayo ng residensiyal o komersiyal na establishimiyento at mga inprastraktura sa isla ng sa ganon ay maayos muna ang mga mali-maling gusali dito.

Hiniling naman ngayong ng Punong Ehekutibo sa Sangguniang Bayan ng Malay ang pagpasa ng resolusyon na humihiling sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kanselahin o ipatigil na ang pagpapatupad ng moratorium sa pagbibigay ng Environmental Compliance Certificate (ECC)  na ikinasa di umano ng DENR sa isla.

Ito ay makaraang ipinatigil umano ng DENR ang pagbibigay ng ECC sa lahat nang nagbabalak at nagtayo ng gusali sa Boracay.

Ang kahilingan ito ng alkalde ay isinatinig ni SB Member Dante Pagsugiron na agad naman sinang-ayunan ng iba pang konsehal.

Ayon kay SB Member Jupiter Gallenero at Pro-Tempore Presiding Officer Esel Flores, may karapatan din naman ang lokal na pamahalaan sa ganitong kahilingan.
 
Lalo pa at apektado na ang mga investor na nais pumapasok sa Boracay, gayong may obligasyon anila ang LGU sa mga namumuhunan na ito, upang maging legal din ang kanilang pagnenegosyo sa isla.

Dagdag pa ni Gallenero, kapag hindi umano na kansela ang moratorium ng DENR na nagpatigil sa pagbibigay ng ECC, malamang ay labas na ang mga nagmamay-ari sa mga establishimiyento ay mga violator na, gayong karamihang nasa listahan di umano ng DENR ng mga sinasabing lumabag sa pagtatayo ng gusali dito ay dahil sa walang ECC.

Maliban dito, dahil sa ganitong sitwasyon nagdadalawang isip na di umano ang mga investor na pumasok pa sa Boracay para magnegosyo.

Wednesday, August 29, 2012

UP Boracay, hihilingin ng SB Malay

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Tiwala si Sangguniang Bayan Member Wilbec Gelito na magkakaroon na ng isang kolehiyo sa Boracay.

Kaya nito isinusulong sa konseho ang pagpasa ng resolusyon na nagpapakita ng kanilang interest na magkaroon na ng annex o extension ang University of the Philippines (UP) sa isla.

Layunin umano nito ay upang patuloy na magkaroon ng kalidad ang edukasyon ng mga estudyante sa Boracay.

Sa kaniyang paliwanag sa kapwa nito konsehal sa nagdaang session, sinabi nitong kampante siya na magiging positibo ang panukalang ito.

Ito ay dahil minsan na rin umano nitong nakausap ang isa sa mataas na opisyal ng nasabing institusyon at nagpahayag din ng kanilang pagsang-ayon sa katulad na adhikain ng konsehal.

Bunsod nito, ang resolusyon na hinihingi ni Gelito ay sinimulan na nitong ipasama sa agenda ng SB Malay para sa kaukulang deliberasyon.

Operasyon ng ATV-bugcar at sea sports establishments, ipinasususpinde ng SB Malay

 Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Simula sa bugcar at ATV, papunta sa sea sports activities sa isla ng Boracay, inisa-isa ng Sangguniang Bayan ng Malay ang mga insidente na kinasasangkutan ng mga turista.

Una dito, ihinayag nu SB Member Jupiter Gallenero kung saan nabiktima ng hit and run ang isang katorse anyos na dalagita ng isang turista na nakasakay sa bugcar at naging kritikal ang kondisyon, pero hindi nakilala ang salarin.

Sinundan ito ng mga naitalang insidente ng helmet diving at parasailing na nakakabahala na di umano para sa kaligtasan ng mga turista.

Bunsod nito, nagkasundo ang konseho na idulog ang bagay na ito sa punong ehekutibo sa paraan ng sulat na humihiling na gawan ng aksyon sa paraan ng pag-iimbestiga at inspeksiyon sa mga sea sports at ATV establishment.

Irirekomenda din umano nila sa punong ehekutibo na suspendihin muna ang operasyon ng kumpanya na siyang nakapagtala ng insidente ng kanilang aktibidad habang iniimbestigahan.

Gayon pa man, balak ng SB na ipatawag sa konseho ang mga kumpaniyang ito upang ipaalala sa mga ito ang kanilang obligasyon sa mga turista.

Tuesday, August 28, 2012

Boracay National High School, walang pasok kapag maulan!


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Isang taon na pa lang iniinda ng mga estudyante at guro sa Boracay National High School ang baha na nararanasan kapag ka bumuhos ang ulan.

Ito ang napag-alaman mula sa mga guro sa nasabing paaralan kahapon, dahil sa pumapasok ang tubig pati sa mga silid aralan doon.

Nabatid na nitong nakalipas na taon lamang nila ito naramdam, nang simulang isara ang ibang koneksiyon ng kanal at nagkaroon ng ilang straktura kaya naharangan ang lagusan malapit sa nasabing paaralan.

May pagkakataon din umanong kahit walang ulan ay may pumapasok parin tubig na tila sumasabay ito sa high tide.

Ngunit hindi lamang ang tubig mula sa kanal ang suliranin nila, sapagkat may dala pa minsan itong masamang amoy.

Kaya kaunting ulan ay tila alam na umano ng mga estudyante doon na wala na silang pasok.

Samantala, bota naman dalas ang baon ng mga guro sa pagpasok sa paaralan doon.

Ramdam na kasi di umano nila ang hirap sa paglusong sa tubig maliban pa sa maya’t maya ay paglilinis na ginagawa nila, pero kinaumagahan ay tubig baha sa silid aralan ang nadadatnan nila.

Kaya madalas umanong ang una at ikalawang asignatura ay sinasakripisyo na sa paglilinis lang.

Minsan na rin umano itong nabisita ng Barangay at ng mismong ipinadalang representante ng tanggapan ng Pangulo, subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa nila alam kung ano ang tunay na estado inaasahang nilang tulong.


Samantala, di hamak na istorbo naman umano ito sa klase ng mga mag-aaral, kaya shifting ang ginagawa nila sa iskedyul ng klase upang ma-accommodate ang lahat ng estudyante.

High School sa Balabag: “School of Fish”

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Libo-libong isda ang unang mabubungaran sa pagpasok palang sa gate ng paraalan ng Boracay National High School.
 
Sapagkat, hindi lamang basta-bastang tubig baha ang pumapasok sa bakuran ng paaralang ito kundi tubig itong nagmula sa kanal malapit sa nasabing paaralan na umabot na hanggang sa school ground, at halos lahat ng silid aralan doon ay napapalibutan na ng tubig at ang iba naman ay napasok na.
Kaya pahirap ito sa mga estudyante at guro doon.

Magkaganon man, tila katuwaan naman ang hatid ng tubig na ito sa mga estudyante, dahil sa naaliw ang mga mag-aaral na panoorin umano ang libo-libong isda sa tubig doon na hanggang bukong-bukong.

Kung saan tanging pansamantalang tulay na nagsisilbing daan ng mga bata papunta sa mga silid-aralan mula palang sa gate.

Gayon pa man, aminado ang ilang sa mga guro doon na nakakatulong naman ang mga isdang ito upang mapuksa ang pagdami ng lamok, dahil ang kiti-kiti ay kinakain din ng mga isda.

Subalit aminado ang mga ito na kapag ganitong tag-ulan apektado talaga ang klase ng mga bata. 

Unang araw ng konstraksiyon ng drainage sa Lugutan, Manoc-manoc, binaha!

 Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Katulad sa naunang nang sinabi ni Engr. Elezer Casidsid, Municipal Engineer ng Malay na kahapon dapat sisimulan ang proyektong pagsasa-ayos ng drainage sa Lugutan Area, Brgy. Manoc-manoc at pagkakaroon ng pumping station upang maiwasan na ang pagbaha sa nasabing lugar, subalit tila hindi ito nangyari gaya ng inihayag ni Casidsid.
Katunayan, halos umabot na sa tuhod ang tubig baha sa nasabing area.

Maliban pa dito ay ramdam din na pahirapan pa rin ang pagdaan sa lugar na ito kahit ang mga sasakyan dahil sa hindi pa rin humuhupa ang tubig, resulta ng halos isang oras lamang na ulan.

Samantala, bagamat may plano na para maayos ang naturang area, sa kasalukuyan naman ay pinoproblema pa rin ng mga establishemento na nakapalibot dito ang sitwasyon, dahil sa apektado na ang kabuhayan nila.

Dahil maliban sa mga driver, pasahero at empleyado ng establishimiyento doon, ang kanilang mga kostumer ay dumadaing na rin sa baho na nagmumula sa nasabing tubig baha na nahahaluan ng tubig na nagmula sa sewer. 

Mga langis sa baybayin ng Boracay, nagmula sa mga barko?

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Pinapaniwalaang sa mga barkong dumadaan sa baybayin ng Boracay ang siyang pinagmulan ng mga langis na nakikita sa front beach ng isla sa ngayon.

Bagamat hindi pa umano ito pormal na nakikita ni Boracay Foundation Incorporated (BFI) Board of Director Nenette Graf, may mga inpormasyon na rin umano silang natatanggap kaugnay dito.

Katunayan ay napapag-usapan na rin nila ang bagay na ito kasama ang ilan sa mga miyembro ng grupo nila na kapwa din mga opisyal ng BFI kung ano ang ang nakakabuti para dito.

Pero sinabi nitong hindi naman ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng langis ang tubig sa isla.


Dahil summer noon dalawang taon na ang nakakalipas ay nakita rin ang presensiya ng mga langis sa tubig ng Boracay, pero ilang araw lang itong nagtagal at nawala rin.

Sa panayam naman kay BFI President Dionesio “Jony” Salme, sinabi nitong mismo si BFI Board of Director Miguel Labatiao ang nakakita at may hawak ng records hinggil dito.

Kung mapapansin ang nasabing usapin na ito, lalo na ang napunang nabuong maitin na langis  sa tubig at ang iba naman ay nahalo sa buhangin ay unang inilatag ng ilang stakeholder at Boracaynon sa Facebook. 

Kalsada sa Boracay, planong a-ayusin para maka-iwas na sa baha

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat kahapon dapat sisimulan ang pagsasa-ayos sa drainage at paglalagay ng Pumping Station sa Lugutan Area sa Manoc-manoc, hindi pa umano dito natatapos ang plano ng pamahalaan sa lugar na ito upang lubusan na ngang maiwasan ang pagbaha mula sa main road papasok sa mga interior area dito.

Ayon kay Engr. Elezer Casidsid, Municipal Engineer ng Malay, maliban kasi sa pagsasa-ayos sa drainage doon at paglalagayn ng pumping station, ang Department of Public Work and Highways (DPWH)  ay balak na rin umanong i-angat ang kalsada na ito sa Boracay upang di umapaw o maabot ng tubig.

Ang bagay na ito ayon kay Casidsid ay siyang bagay ding napag-usapan at nabatid nito mula kay Manoc-manoc Punong Barangay Abram Sualog.

Kaya ang kasalukuyang proyekto umano ng Malay na ito ngayon ay aasahang masusundan pa kung pagsasa-ayos sa kalsada ang pag-uusapan para maka-iwas sa pagbaha.

Monday, August 27, 2012

Isang resort sa Boracay na may iligal na koneksyon ng hose, inalam ni Casidsid

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Bagama’t hindi na sana saklaw ng mga building ng mga opisyal sa Boracay ang kaugnay sa iligal na koneksyon sa drainage, sinabi ni Engr. Elezer Casidsid na minsan na rin nitong nausisa ang hose na na nagmula sa isang resort sa Balabag station 2 at nagtatapon ng tubig sa drainage gayong bawal ito dahil wala pa itong direksyon.

Subalit sa pang-uusisa di umano ni Casidsid , nabatid nitong nakakuha umano ang nasabing resort ng special permit sa LGU Malay upang makapag-dispatsa ng tubig doon, kung kaya’t ngayong Lunes ay titingnan nito sa tanggapan ng Alkalde kung totoo ngang may special permit na nakuha ang resort na ito sa station.

Kaugnay pa dito, nag-aalala din ang Sangguniang Bayan ng Malay na baka umapaw ang tubig sa kalsada, maliban pa sa pangit pa ito tingnan para sa mga turista ay nakahambalang pa ito sa kalsada.

Pumping station ng drainages sa Lugutan, sisimulan na ang pag-gawa

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Kinumpirma nitong umaga ni Engr. Elezer Casisid, Municipal Engineer ng Malay na, sisimulan na ngayong Lunes, Agosto 27, ang pagpapagawa ng pumping station sa area ng Manoc-manoc partikular na sa area ng Lugutan.

Sa panayam dito, sinabi nitong mula Faith Village tatawid ang proyektong ito sa main road papuntang Lugutan para ikonekta sa pangalawang drainage doon.

Ito ay upang masolusyunan pansamantala ang suliranin sa pagbaha sa nasabing lugar.

Pero sa ngayong ayon dito, hinihintay pa nila Boracay Island Water Company (BIWC) na linisin ang laman ng kasalukuyang  drainage, upang kapag matapos na ang pagsasa-ayos at magsimula na ang operasyon, ang mga dumi doon ay hindi na mapunta pa sa tubig   sa nasabing lugar.

Kaya aasahan na aniyang magkakaroon na ng delivery ng mga materyales na gagamiting sa nasabing pumping station na matatapos sa loob ng dalawang lingo.

Nabatid din mula dito na kulang-kulang P300,000.00 piso ang pondo na ibinigay ng loka na pamahalaan ng Malay sa para sa proyektong ito mula Faith Village hanggang Lugutan Area.

Kung maaalala, ilang beses na ring pinanuna ang pagbaha sa main road sa nasabing lugar dahil sa problema sa drainage doon.  

Sea Sports Operators sa Boracay, ipapatawag sa isang Committee Hearing

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Posibleng ipatawag sa isang Committee Hearing ang Seas Sport operator o lahat may-ari sa Boracay, kaugnay sa sunod-sunod na kaso ng insidente at aksidente na naitala bunga ng iba’t ibang aktibidad na ito, tulad ng parasailing, helmet diving, snorkeling, gayon din pagkalunod at iba pa.

Ito ang inihayag ni Sangguniang Bayang Member Jupiter Gallenero, chairman ng Committee on Public Safety sa panayam dito, bilang kaniyang reaksiyon sa usapin.

Aniya, kailangan malaman nila ang sanhi ng insidente at nang masolusyunan ang katulad na suliranin.

Dapat na rin aniyang silipin kung maayos pa ang mga kagamitan para sa siguridad ng lahat dahil kapag hindi aniya ito naalagaan, delikado ito para sa siguridad ng mga turista.

Babalikan din umano nila ang nilalaman ng ordinansa kaugnay sa operasyong ng helmet diving alituntuning ipinapatupad sa mga sea sports activities sa isla.

Samantala, nilinaw din nito na hindi nagkulang sa pagbabantay at pagpapa-alala ang mga Life Guard at Boracay Action Group sa baybayin ng Boracay para masiguro ang kaligtasan ng mga naliligo lalo pa at gumagamit naman na umano sila ng Red Flag.

Ang nangyayari lamang umano ay mayroon talagang nagpupumulit maligo sa apat na kilometro na beach line ng Boracay sa kabila ng ginagawang paalala sa mga ito.