(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
Pinatotohanan ni Malay Municipal Ordinance Officer Wilson Enriquez na tinatanggihan ng ibang mga lumalabag sa ordinansa ang ibinibigay na citation tickets kapag nahuhuli ang mga ito.
Pero hindi pa rin anya ito makakalusot lalo pa at napag-tibay ang mga ito ng mga ordinansa.
Kaya ang ginagawa nila ay hindi na pinagre-renew pa ng Mayor’s Permit ang mga offenders, depende sa kasalanang nagawa o ordinansang nalabag.
Sa nagmamatigas anyang tanggapin ang citation ticket, ang ginagawa nila ay iniipon ito at ipinapatong sa bayaran ng establishimiyento kung magre-renew ito ng kanilang dokumento para sa operasyon.
Ayon kay Enriquez, may mga pagkakataon umanong hindi sinasabi ng mga nahuhuli ang pangalan ng mga establishimiyento at ang nagmamay-ari nito para makaiwas sa citation tickets.
Nang tanungin si Enriquez kung batid na rin ba ng publiko ang tungkol sa ordinansang ipinagbabawal nila, sinabi nitong naniniwala siya na alam na rin ng lokal na mamamayan at ilang lokal na turista ang tungkol dito, partikular na ang anti-smoking ordinance.
Pero sa mga dayuhang turista, naniniwala ito na batid na rin nila ang tungkol dito dahil sa mga information dissemination materials tulad ng mga stickers na makikita sa mga bangka at mga pribadong sasakyan; subalit dahil sa sobrang excited ang mga ito ay parang nakakalimutan din ang tungkol dito. Ngunit gayon pa man, nagbabala ang ordinance officer na wala silang pinipili pagdating sa pagpapatupad ng ordinansa.