Inna Carol L.
Zambrona, Yes The Best Boracay NEWS DEPARTMENT
(c) Ernesto Bandiola |
Pormal nang ipinamahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang
anim na titulo para sa mga katutubong Ati sa isla ng Boracay kagabi.
Ang Certificates Of Land Ownership Award o CLOA na may
kabuuang sukat na 3.2 hectares ng lupa sa area ng Sitio Angol ay pakikinabangan
ng 44 miyembro ng Ati Tribe.
Ang CLOA ayon sa pangulo ay magpapatunay na sa kanila na
itong lupain na magiging daan para may pagkukunan sila ng kanilang pang
araw-araw na pangkabuhayan.
Mismong si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary
John Castriciones at Pangulong Duterte ang umanunsyo na kasama sa ibibigay na
lupain ang mga garden tools at equipments na gagamitin nila sa pagtatanim ng
mga gulay na siyang magiging pangkabuhayan nila.
Sa mensahe ng Pangulo, pinayuhan nito ang mga katutubong
Ati na pagyamanin ang lupa na ibinigay ng gobyerno para mapakanibangan ng
kanilang mga susunod na saling lahi.
Nais ng pangulo na maabutan ito ng kanilang mga apo at
bahala na umano ang mga ito kung ibebenta nila ito pagdating ng panahon.
Samantala, nagbabala naman ito sa ibang claimants ng
lupain na sakop ng programa ng DAR at CARP na huwag ng humarang pa dahil ang
lahat ng lupain umano sa Boracay ay pag-aari ng gobyerno.
Lubos naman ang pasasalamat ng Ati Community sa Pangulo
dahil nabigyan sila ng opurtunidad na mabigyan ng lupa at sa mensahe nila ay
humiling ang mga katutubo na sana ay hindi ito magdulot ng ano mang problema sa
kanila.
Ayon sa DAR, may karagdagan pang 14 na ektarya sa Balabag
ang planong ipamigay naman sa mga tumandok o mga pamilyang original na
naninirahan sa isla.