Ni Bert Dalida, News Director, YES FM Boracay
Naka highten alert na ang Philippine Coastguard para sa pagdagsa ng mga bakasyunista sa Semana Santa.
Ayon kay Lieutenant Senior Grade Jimmy Oliver Vingno ng Philippine Coastguard, simula pa nitong nagdaang linggo ay nagpalagay na sila ng mga passenger assistance center sa lahat ng mga pantalan sa Caticlan at Boracay.
May mga ipinakalat na rin umanong mga nakaunipormeng coastguard sa beach front na maaaring tawagin o malapitan sakaling may mga insidente.
Dagdag pa ni Vingno na mahigpit nilang ipinapatupad ang pagpapasuot ng life jacket sa mga biyahero ng bangka, kasabay ng paalala na ilagay ang kanilang mga pangalan sa manipesto.
Hinikayat din nila ang mga may-ari ng mga bangka na palitan na ang mga lumang life jacket para maganda namang tingnan.
Samantala, bahagi din umano ng kanilang paghahanda ay ang pagbigay ng limang araw na Water Search and Rescue and Rubber Boat Operations and Maintenance Training sa isla na nilahukan ng mga volunteers mula sa ibat-ibang ahensya.
Ito’y upang marami ang makapagresponde sakaling may mga maritime incident ngayong panahon ng bakasyon at kuwaresma.
Kampanteng idinagdag pa ni Vingno na sa ngayon ay walang anumang problema sa biyahe ng RoRo.