YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 04, 2015

NFA Aklan, tiniyak na hindi makakapasok ang pekeng bigas sa probinsya

Posted July 4, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Matapos ang pagkalat ng pekeng bigas sa bansa partikular sa Davao City tiniyak naman ng National Food Authority (NFA) Aklan na hindi ito makakapasok sa probinsya.

Ayon kay NFA Aklan Provincial Manager Martina Lodero, wala umanong dapat ikabahala ang publiko sa lalawigan dahil mahigpit umano ang kanilang isinasagawang pagsusuri sa mga government warehouse, millers, households, retailers at sa wholesalers.

Dagdag nito na inaasahang magiging ligtas ang mga Aklanon sa kanilang mga kinakaing bigas kung saan sinabi pa nito na ang Aklan ay isa sa mga itinuturing na may magandang kalidad ng bigas na isinusuplay ng mga magsasaka.

Napag-alaman na ang pekeng bigas sa Davao City ay nakumpirmang gawa sa gawgaw at plasticizer na kalimitang ginagamit sa paggawa ng plastik na bagay.

Ngunit nabatid na hindi naman nakalalason ang kemikal na nakita sa pekeng bigas pero maaari itong makasama sa panunaw ng taong kakainin nito araw-araw sa loob ng tatlong buwan.

Base pa sa pag-aaral ng analysis, madaling mabiyak, pigain at maging pulbos ang bigas na halos kasinglaki din ang pekeng bigas sa tunay na butil.

Samantala, balak ngayong ipadala sa bansang Singapore ang nasabing sample upang malaman ang iba pang kemikal na ginamit sa pagbuo sa pekeng bigas habang nakatakda naman itong embistigashan sa Senado.

Portable Communal Septic Tank, planong ilatag ng BRTF

Posted July 4, 2015
Ni Alan Palma, YES FM Boracay

Pinag-iisipan na ngayon ng LGU-Malay at ng Boracay Redevelopment Task Force ang paglatag ng Communal Septic Tank sa mga piling area sa Boracay.

Ayon kay BRTF Technical Head Mabel Bacani, solusyong ang communal septic tank sa lumalaking populasyon ng Boracay sanhi ng migration na maaaring makapagdulot ng polusyon o pagkasira ng kapaligiran.

Anya, sagot na ng LGU-Malay ang pipe na gagamitin at DOST naman ang bahala para sa paglatag Eco-friendly Septic Tank.

Samantala, nais din ng BRTF na suportahan sila ng BIWC sa hangarin na ito upang maibsan ang mga problema sa drainage at maprotektahan ang kalidad ng tubig sa dalampasigan ng Boracay.

Dahil sa presyo ng lupa, opsyon din na gawin itong portable ng sa gayon ay mas madali ito ilipat habang inaantay pa ang parallel development master plan.

Sa kasalukuyan, halos 60% sa kabuuang populasyon ng Boracay ay pawang manggagawa at mga empleyado ng mga resort na kasama na rin ang kani-kanilang pamilya na namumuhay sa loob ng isla.

6-na taong gulang na batang babae, isinugod sa ospital matapos masagasaan ng L300 van

Posted June 4, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for road accidentPatuloy parin ngayong ino-obserbahan sa isang pagamutan sa bayan ng Kalibo ang anim na taong gulang na batang babae matapos na mabangga ng L300 van sa Tangalan, Aklan.

Base sa report ng Tangalan PNP Station, bigla nalang umanong tumawid ang nasabing bata mula sa eskwelahan nito sa Panayakan, Elementary School matapos nitong makita ang kanyang ina sa harap ng kanilang paaralan na bumaba mula sa isang sasakyan.

Nabatid na hindi umano napansin ng biktimang si Angel Grace Bareda ang papararting na L300 van na minamaneho ng suspek na si Norwell CastaƱeda, 37-anyos ng Brgy. Puis, New Washington, Aklan kung kayat mabilis itong nahagip ng naturang sasakyan.

Napag-alaman na galing ang nasabing van sa Caticlan, Malay, Aklan sakay ang ilang pasahero papuntang bayan ng Kalibo.

Samantala, matapos ang imbestigasyon ng Tangalan PNP Station sa nasabing insidente agad naman nilang pinalaya ang suspek dahil sa nagkaroon naman umano sila ng kasunduan sa pagitan ng mga magulang ng biktima.

Aklan-PHO, todo bantay sa banta ng MERS-CoV sa Kalibo International Airport

Posted July 4, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay 

Todo bantay umano ngayon ang Aklan Provincial Health Office sa Kalibo International Airport sa pamamagitan ng Bureau of Quarantine Office dahil sa banta ng MERS-CoV.

Ayon kay Aklan Provincial Health Officer II, Dr. Victor Sta. Maria, kapag-mayroon umanong dumadating na eroplano mula sa Korea ay hindi muna nila pinabababa ang mga pasahero dahil inaakyat pa umano ito ng personnel ng quarantine.

Ito umano ay para matiyak nila kung may mga pasaherong may-karamdaman at may sintomas ng nakamamatay na Middle East Respiratory Syndrome –Corona Virus (MERS-CoV) gamit ang kanilang mga aparato para rito.

Kaugnay nito dapat umanong maging alerto at maging mapag-matyag ang lahat dahil mayroon umano kasing direct flight ang probinsya mula sa nasabing bansa.

Samantala, sinabi pa ni Dr. Sta. Maria na may mga nakalaan namang ngayong scanner sa nasabing paliparan para tuloy-tuloy na mamonitor ang mga pasahero lalo na ang mula sa Middle East kung saan nagsimula ang nakakamatay na sakit.

Nabatid na tinatayang mahigit tatlumpung biyahe ng eroplano ang lumalalapag sa Kalibo International Airport kada buwan mula sa bansang Korea.

Friday, July 03, 2015

Implementasyon ng Fire Code, istriktong ipapatupad ng BISFPU kasunod ng mga nangyaring sunog

Posted July 3, 2015
Ni Alan Palma, YES FM Boracay

Image result for Bureau of FireIsang kalatas ang inilabas ngayon ni FIRE INSP Stephen Jardeleza ng Boracay Island Special Fire Protection Unit o BISFPU.

Ang nasabing sulat ay  naglalaman  ng direktiba mula kay BFP Regional Director SSUPT Eleuterio Itturiaga para ipatupad ang istriktong iplementasyon ng Rule 13 of the Implementing Rules & Regulations(IRR) of the Republic Act 9514 o mas kilala na Fire Code of the Philippines of 2008.

Ang utos ay kasunod ng nangyaring sunog sa Kentex Manufacturing Corporation na kumitil sa buhay ng mahigit pitumpong biktima.

Ang nangyaring insidente ng sunog naman sa Talipapa Bukid dito sa Boracay ay nagbigay din ng daan para paalalahanan ang Licensing Office ng LGU-Malay hinggil sa nasabing direktiba.

Maging ang BFI at PCCI-Boracay ay binigyan din ng kalatas para maabisuhan ang miyembro nito na umayon sa batas para maiwasan at hindi na maulit pa ang kahalintulad na sunog.

Ayon kay Jardeleza, ang implementasyon ng Fire Code ay maaring humantong sa pagpataw ng multa o pagpapasara ng mga gusali o establisyementong makitaan ng paglabag.

Aklan PHO, may paalala ngayong panahon ng tag-ulan

Posted July 3, 2015
Ni Jay-ar m. Arante, YES FM Boracay

Panahon na naman ng tag-ulan kung kayat may paalala na naman ngayon ang Provincial Health Office (PHO) Aklan sa lahat ng mga mamamayan at residente sa probinsya.

Ayon kay Aklan Provincial Health Officer II, Dr. Victor Sta. Maria, inaasahan umano nila ngayong tag-ulan na tataas na naman ang kaso ng dengue sa probinsya kung saan bumababa lamang umano ito sa tuwing tag-init sa buwan ng Oktobre hanggang Desyembre.

Dahil dito paalala niya sa lahat ng residente na panatiliing malinis ang kanilang kapaligiran at huwag hayaang magkaroon ng stagnant na tubig sa kanilang area katulad ng water container at flower base upang hindi mabahayan ng lamok na nagdadala ng dengue.

Maliban dito isa pa umano sa kanilang paalala ay ang iwasan ang paglusong sa tubig baha dahil sadya umano itong dilikado na maaaring makakuha ng sakit na leptospirosis mula sa ehe ng daga.

Samantala, sinabi pa ni Dr. Sta. Maria na nakakapagtala umano sila kada buwan ng kaso ng dengue sa Aklan ngunit wala pa naman silang naitalang kaso ng leptospirosis sa probinsya.

Kaugnay nito, hinikayat naman ng PHO Aklan ang lahat ng residente na agad na magpakunsulta sa doktor sa mga rural health o sa hospitals kung sakaling mayroon silang sintomas ng mga nasabing sakit.

Kampanya ng BTAC kontra illegal tour guide at commissioner sa Boracay nagpapatuloy

Posted July 3, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay      

Patuloy parin ngayon ang kampanya ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) kontra sa mga illegal na tour guide at commissioner sa isla ng Boracay.

Ito mismo ay sa pangunguna ni Boracay PNP Chief of Police PSI Frensy Andrade kasama ang personnel ng Task Group Boracay-Philippine Army.

Photo credit Boracay PNP
Ayon kay PSI Andrade ang kampanyang ito ay nagsimula nitong Pebrero 16, 2015 matapos makatanggap ang kanilang hanay at ang LGU-Malay pati na ang DOT-Boracay ng mga reklamo at sumbong mula sa mga turista ng over-pricing at estafa na kinakasangkutan ng mga pekeng tour guide at commissioner sa Boracay.

Kaugnay nito, nakapagtala na naman ang Boracay PNP ng kaso ng panloloko mula isang commissioner nitong Linggo kung saan isang Chinese National ang tinakbuhan nito matapos na makapagbigay ng bayad para sana sa ilang island activity sa Boracay.

Samantala, ang kampanyang ito ng BTAC ay bahagi ng tinatawag na B.U.S.T.E.R. Patrollers para sa pagbabantay ng seguridad sa Boracay kasama ang ilan pang security forces sa isla.

Thursday, July 02, 2015

Mga naliligo sa dagat sa Boracay pinaalalahaan ng PCG dahil sa lakas ng alon

Posted July 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for mga naliligo sa dagat sa BoracayNagbigay ngayon ng paalala ang Philippine Coastguard (PCG) Boracay Office sa lahat ng mga maliligo sa dagat sa isla.

Ito ay dahil sa nararanasang sama ng panahon sa bansa dulot ng umiiral na Low Pressure area (LPA) at ang malakas na alon dahil sa Habagat Season.

Ayon sa PCG patuloy ang kanilang ginagawang monitoring sa area ng front beach gayon din sa Bulabog at Tambisaan kung saan ngayon pansamantalang inilipat ang mga water sports activities.

Maliban dito naglagay na rin umano sila ng mga babala sa beach area para sa lahat ng mga maliligo sa dagat kung saan katuwang din umano nila rito ang lifeguard ng Philippine Red Cross na naka-antabay sa beach front.

Kaugnay naman nito pansamantala muna nilang itinigil kanina ang lahat ng water sports activities sa isla dahil na rin sa lakas ng ulan.

Samantala, paalala pa ng PCG Boracay na mag-ingat sa paliligo sa dagat at huwag pumunta sa malalalim na lugar kung hindi naman marunong lumangoy at walang kasama lalo na sa mga bata.

DOST inilunsad ang Eco-Friendly Septic System sa Boracay

Posted July 2, 2015
Ni Alan Palma, YES FM Boracay

Pormal ng inilunsad ng Department of Science and Technology ang bagong teknolohiya na kung tawagin ay Eco-Friendly Septic System Project o ECO-SEP sa Boracay.

Sa pamamagitan ni Project Leader Dr. Merlinda Palencia ng Adamson University, ipinaliwanag nito ang mithiin ng proyekto at isa nga dito ay ang paglatag ng alternatibong pamamaraan ng wastewater treatment sa isla para maibsan ang mga suliranin sa drainage, sewer, at maging sa MRF.

Sa katunayan, ang mga organic waste ng MRF o Material Recovery Facilities ng Balabag ay isa sa mga ginawan ng pag-aaral kung paano mabawasan ang amoy na dulot ng mga basura gamit ang Organic Mineral.

Ang kakulangan sa septic system ng mga establisyemento, informal settlers at mga kabahayan sa isla ay isa din sa pinagtutuonan ng pansin ng nasabing proyekto. Anya, kailangan na maayos ang septic water quality para hindi magka-problema sa kalikasan ang Boracay sa hinaharap.

Dagdag naman ni Usec. Rowena Cristina Guevara ng DOST na ang nasabing teknolohiya ay ginamit din noong panahon na may problema sa sanitasyon sa Leyte pagkatapos ng paghagupit ng Bagyong Yolanda.

Samantala, malugod namang tinaggap at pinapurihan ni Malay Mayor John Yap ang bagong teknolohiya sabay ang pag-kumbinsi sa pribadong sektor na gamitin ang nasabing Eco-Sep System.

Drug symposium at Illegal Drugs Awareness isinagawa ng BTAC sa mga paaraalan sa Boracay

Posted July 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inikot ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang ilang paaralan sa isla ng Boracay para sa kanilang drug symposium dubbed as Illegal Drugs Awareness and Reduction Campaign.

Ito ay sa pangunguna ni Boracay PNP Chief of Police PSI Frensy Andrade at ni P03 Christopher Mendoza at P01 Kristina Dajay ng PCR PNCOs kasama si P01 Ireil Fernandez, Operation PNCO.

Layunin ng kanilang kampanya sa pagbisita sa school visitation ay para mabigyan ng Lecture ang mga estudyante tungkol sa ipinagbabawal na gamot.

Nabatid na ang nasabing kampanya ay kinabibilangan ng Grade 7 student ng Boracay National High School-Manocmanoc Extension, Boracay National High School at Lamberto H Tirol National High School.

Kasama naman sa mga pinag-usapan ay ang Crime Safety and Prevention Tips and Municipal Ordinance on Curfew for Minors at ang Municipal Ordinance na ang pinagbabawal sa kanila na pumasok sa Internet Cafe sa oras ng klase.

Mahigit P42 Milyon, ipapamahagi na sa mga apektado ng bagyong Yolanda sa Kalibo

Posted July 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa P42,330,000 na pondo ang matatanggap ngayong Lunes Hulyo 6 ng 1, 441 pamilya na nasira ang bahay dahil sa bagyong Yolanda sa bayan ng Kalibo.

Ayon kay Kalibo OIC Municipal Treasurer Rey Villaruel, kahapon umano ay natapos na nilang ipamigay sa 704 pamilya na kinabibilangan ng 9 na Baranggay sa Kalibo ang mahigit P21,Milyon.

Sinabi nito na kabilang sa mga Baranggay na bibigyan nila ng nasabing pondo ay ang Estancia, Pook, New Buswang, Mabilo, Old Buswang, Bakhaw Sur at Poblacion kung saan makakatanggap umano ang bawat benepisyaryo ng tig-P30 mil pesos.

Dagdag ni Villaruel na magsasagawa muna sila ng liquidations at payrolls para sa pag-release ng mahigit P42 Milyon na pondo.

Kaugnay nito ilang bayan na rin sa Aklan ang nakatanggap ng kaparehong tulong financial ngunit may ilan paring lugar na patuloy na nag-aantay kung kaylan makakarating ang para sa kanila matapos silang makapag-palista sa DSWD bilang mga apektado ng naturang bagyo.

Samantala, napag-alaman na nasa dalawang libo, isang daan at labin limang kabahayan sa Kalibo ang totally damaged matapos ang pananalasa ni super typhoon Yolanda noong Nobyembre 2013.

Traffic lights ilalagay sa ilang bahagi ng kalsada sa bayan ng Kalibo

Posted July 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Traffic lightsMalapit ng ilagay ng Local Government Unit ng Kalibo ang mga traffic lights sa mga pangunahing kalsada sa nasabing bayan.

Ito’y matapos ng sinimulan ang bidding para sa installation at construction ng traffic lights, sa pamamagitan ng General Fund, na may halagang P1.995 million.

Ayon kay Mayor William Lachica ng Kalibo, ang nasabing traffic lights ay ilalagay sa crossing Banga-New Washington, D. Maagma corner Osmena Avenue at Jaime Cardinal Sin Avenue at Toting Reyes Street corner Roxas Avenue.

Nabatid na magtatakda ng public hearing ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ngayong Hunyo 3 para sa tatanggaling “Rotanda Sarok” sa intersection ng Osmena Avenue-Toting Reyes Street-Desposorio Maagma-Jaime Cardinal Sin Avenue kung saan matindi ang trapik na nararanasan.

Napag-alaman na ang crossing Banga-New Washington ay isa sa mga pinaka-abalang kalsada sa bayan ng Kalibo kung saan ito rin ang daanan papuntang Kalibo International Airport at iba pang bayan sa eastern side ng Aklan at patungong probinsya ng Iloilo at Capiz.

Wednesday, July 01, 2015

CBTMPC kinilalang pinakamayang transport cooperative sa bansa

Posted July 1, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinanghal na numero uno sa top 10 ang Caticlan Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative (CBTMPC) na may pinakamalaking assets sa buong bansa.

Ito’y matapos silang makakuha ng kabuuang assets na Ninety Four Million Sixty Five Thousand Seventy One and Seventy Sents (94, 065,71.70) sa per evaluation ng official documents na isinumite sa OTC sa Calendar Year 2013.

Nabatid na tinalo nito ang mahigit sa apat na libong transport cooperative sa Pilipinas na rehistrado sa Cooperative Development Authority ng Office of Transport Cooperative ng Transportation and Communication

Kaugnay nito pumapangatlo naman ang CBTMPC sa dalawang kategorya sa top 10 transportation cooperative with largest paid-up capital at top 10 transport service cooperative with increase in amount of assets.

Napag-alaman na noong 2014, tinatayang umabot sa mahigit 120 Million pesos ang assets ng CBTMPC matapos mag-diversify sa land transport kasama na ang micro financing, grocery, gasoline supplies at iba pa.

Ang kauna-unahang 1st Transport Congress ay ginanap sa Marikina Convention Center, Marikina City nitong Hunyo 8, 2015 kung saan si mismong CBTMPC Chairman Godofredo Sadiasa ang tumanggap ng nasabing parangal.