YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 03, 2015

New Year Celebration sa Aklan naging matiwasay

Posted January 3, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Naging matiwasay ang kabuuang selebrasyon ng New Year sa probinsya ng Aklan base sa pagtaya ng Aklan Police Provincial Office (APPO).

Nabatid na dahil sa patuloy na kampanya  ng APPO bago sumapit ang bagong taon ng Oplan Paputol ay wala naman gaanong nabiktima maliban lamang sa lima na kung saan ay nagtamo ng mga minor injuries sa kanilang ibat-ibang parti ng katawan.

Ayon pa sa APPO wala naman silang naitalang malaking kaso ng insidente na may kaugnayan sa pagdiriwang ng bagong taon maging sa ilang mga bayan sa probinsya.

Napag-alaman na todo ang ginawang pagbabantay ng mga kapulisan sa mga lugar na kung saan ay dinagsa ng maraming mga tao para salubungin ang bagong taon.

Samantala, naging katuwang ng APPO sa seguridad sa pagsalubong ng bagong taon sa Aklan ang Provincial Health Office at ang Bureau of Fire Protection Unit (BFP).

Seguridad sa Caticlan at Cagban Port patuloy na pinaiigting ng PCG Caticlan

Posted January 3, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy ngayon ang ginagawang pagpapaigting ng seguridad ng Philippine Coastguard (PCG) sa Caticlan at Cagban Jetty Port.

Ito’y dahil sa tuloy-tuloy parin ang pagbuhos ng mga turistang pumupunta sa Boracay at ang mga pabalik mula sa isla kasama na ang mga pasahero ng roro vessel papuntang Roxas Mindoro at Batanggas.

Ayon naman kay Senior Chief Petty Officer Ronie Hiponia, OIC Station Commander ng PCG Caticlan, wala umanong tigil ang pagsidatingan ng mga pasahero sa mga nasabing pantalan dahilan para magkaroon sila ng dobleng seguridad.

Sa ngayon umano ay normal na rin ang biyahe ng mga bangka patawid at pabalik ng Boracay gayon din ang biyahe ng roro kumpara nitong mga nakaraang araw na nagkaroon ng kanselasyon ng biyahe ng mga bangka dulot ng sama ng panahon.

Sa kabilang banda sinabi ni Hiponia na bagamat nagkaroon ng problema sa biyahe ng bangka at barko nitong mga huling araw ng buwan ng Disyembre ay nagawan din umano nila ito ng solusyon para maiwasan ang aberya ng mga pasahero.

Samantala, naging maayos naman umano ang kanilang ginawang security forces sa dalawang pantalan sa kabila ng pagbuhos ng maraming turista na nagdiwang ng kanilang bagong taon sa isla ng Boracay.

Flights sa Kalibo Airport, balik na sa normal matapos madiskaril sa runway ang AirAsia

Posted January 3, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Balik na ngayon sa normal ang mga flight sa Kalibo International Airport (KIA) matapos ang paglihis sa runway ng AirAsia nitong Martes ng gabi.

Base sa inilabas na kalatas ng Kalibo office ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP-Kalibo), 14 na flight ang naapektuhan ng mangyari ang insidente dahil sa pansamantalang isinara ng air traffic ang nasabing paliparan.

Nabatid na umabot ng ilang oras bago natanggal ng mga airport personnel ang eroplanong lumihis sa runway kung saan ligtas naman ang mga sakay nitong pasahero na may bilang na 153 at crew na magbabakasyon sana sa isla ng Boracay.

Batay naman sa inisyal na imbestigasyon ng CAAP-Kalibo, palapag ang AirAsia Flight Z2272 sa KIA runway dakong 5:30 ng hapon mula Manila noong Disyembre 30 nang malihis ito sa runway.

Operasyon sa Cagban at Caticlan Jetty Port, unti-unti nang bumabalik sa normal

Posted January 3, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Bagama’t smooth sailing na ang biyahe para sa mga pasahero sa Cagban at Caticlan Jetty Port.

Aminado ang Jetty Port Administration na pila-pila pa rin ngayon ang ilang mga lokal at dayuhang turista na paalis at papuntang Boracay dahil sa limitadong mga motor banca.

Ito’y dahil sa malakas parin kasi ang alon dala ng hindi magandang panahon kaya nilimitahan umano ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga banca at kaunti lang ang pinayagang makapag-biyahe sa pantalan.

Samantala, nabatid na magiging mas abala na rin ngayon ang pamahalaang probinsyal ng Aklan dahil sa paghahanda para sa posibleng pagbigat ng daloy ng biyahe sa pantalan sa paparating APEC Summit ngayong taon.

Boracay bigong maabot ang target na 1.5 million tourist para sa taong 2014

Posted January 3, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bagamat hindi naabot ng Boracay ang target na 1.5 million tourist para sa taong 2014 sa isla ng Boracay mas mataas naman ito kumparaa noong nakaraang taong 2013.

Tumaas ito ng 7.97 percent na may kabuuang bilang na 1,472,352 kumpara noong taong 2013 na may bilang na 1,363,601 arrivals.

Base sa record ng Jetty Port Administration 745,266 dito ay domestic tourists at 44,254 naman ay overseas Filipino o balikbayan at ang mga Foreign tourists ay may bilang na 682,832 o 46.37 percent na bumisita sa Boracay nitong nakaraang taon.

Nabatid na ang Korean tourist parin ang nangunguna pagdating sa foreign tourist sa Boracay nitong 2014 na may bilang na 263,377 o 38.57 percent.

Kaugnay nito hindi naman ikinadismasya ng Department of Tourism (DOT) Boracay ang nasabing record dahil ang nasabing bilang ay halos kadikit na rin ng 1.5 milyon na kung saan ay malaking tulong ang kanilang ginawang pag-market ng turismo ng Boracay sa ibat-ibang bansa.

Kumpiyansa din ang mga ito na madadagdagan pa ang bilang ng mga turistang magbabakasyon sa Boracay nitong 2015 dahil sa patuloy na pagpasok ng cruship sa isla.

Pagdiriwang ng bagong taon sa Boracay generally peaceful ayon sa BTAC

Posted January 3, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Generally peaceful umano ang pagsalubong ng bagong taon sa isla ng Boracay sa kabila ng pagdagsa ng maraming turista.

Ito ang sinabi ni BTAC o Boracay Tourist Assistance Center Officer In Charge PSInsp. Fidel Gentallan matapos ang kanilang ginawang pagpapaigting sa seguridad sa isla.

Aniya, marami umanong tao ang nagdiwang ng kanilang bagong taon sa Boracay na parehong local at foreign tourist dahil sa long weekend vacation.

Pinaigting din umano nila ang kanilang visibility sa front beach area nitong desperas ng bagong taon kung saan nagkaroon din sila ng karagdagang force multipliers.

Sinabi pa nito na wala silang naitalang kaso na may kaugnayan sa firecrackers at bullet incidents nitong pagsalubong ng bagong taon.

Dagdag pa ni Gentallan, magpapatuloy pa umano ang kanilang seguridad dahil sa walang tigil na pagdagsa ng maraming tuista sa isla ng Boracay para magbakasyon.

Samantala, muli nitong pinaalalahanan ang mga bisita na mag doble ingat hindi lang umano para sa kanilang sarili kung hindi maging sa kanilang mga gamit lalo na sa oras ng paliligo sa dagat.

Belgian national, nagreklamo sa BTAC matapos na umano’y hinagisan ng paputok sa Boracay

Posted January 3, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagkagulo kahapon ng madaling araw sa isang bar sa Manoc-Manoc Boracay.

Ito’y matapos na hinagisan umano ng paputok ng mga hindi nakilalang suspek ang isang bar sa Boracay, kung saan nandoon ang Belgian national na kinilalang Quenten Musset, 30 anyos.

Ayon pa sa imbestigasyon ng mga pulis, kinompronta din ng may-ari ng nasabing bar ang umano’y mga suspek subalit wala sa mga ito ang umamin.

Kaya naman, ipina-record na lamang nito ang panyayari sa BTAC para mas maimbestigahan pa ang nasabing kaso.

Samantala, wala namang nasugutan sa nasabing insidente.

Australian national, nang-shoplift ng kwintas sa isang boutique sa Boracay

Posted January 3, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kaagad ding pinakawalan ng mga pulis ang isang babaeng Australian national matapos na mang-shoplift ng kwintas sa isang boutique sa Boracay.

Kinilala sa blotter report ng BTAC ang suspek na si Nalini Rachel, 43 anyos ng New South Whales Australia habang kinilala naman ang nagrereklamo na si Stephanie Jean Maurice, 45 anyos, isang French national at nagmamay-ari ng isang boutique sa Balabag Boracay.

Nabatid sa report ng mga pulis na nahuli sa CCTV camera ang nasabing Australiana na aktong kinukuha ang nasabing Mala, Neclace at isinilid sa kanyang dala-dalang bag.

Samantala, nang magharap sa himpilan ng BTAC, kaagad namang pinatawad ng may-ari ng nasabing boutique ang turista at hindi na rin ito sinampahan pa ng kaso.

Nangako naman ang Australiana na hindi na uulitin ang nasabing panyayari.

Sabay-sabay na pagdiriwang ng Ati-atihan sa Aklan, pinaghahandaan na ng APPO

Posted January 2, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Maaga pa lang ay pinaghandaan na ng Aklan Police Provincial Office (APPO) ang sabay-sabay na pagdaraos ng festival sa iba’t ibang bayan sa Aklan ngayon Enero.

Dahil dito, ayon sa APPO, unang linggo pa lang ng Enero ay maaaring mag-request na sila ng mga karagdagang pulis mula sa Regional Office.

Anila, ginagawa talaga ang nasabing hakbangin para paghandaan ang selebrasyon ng Ati-Atihan na sabay-sabay na ipinagdiriwang ngayong buwan.

Maliban kasi sa Ati-Atihan Festival sa bayan ng Kalibo na buong linggong ipinagdiriwang, ang mga bayan ng Batan, Makato, at Malinao ay may mga plano na din para sa nasabing selebrasyon.

Ngunit hindi lamang sa mga nabanggit na lugar ipagdiriwang ng Ati-atihan, ginagawa din ang nasabing selebrasyon sa Boracay at sa huling linggo ng buwang ito ay sa bayan naman ng Ibajay ito gagawin.

Sa kasalukuyan bilang paghahanda sa mga selebrasyong ito, sinabi ng APPO na layunin nilang mag-assist sa mga bayang nabanggit, magkaroon ng check point at visibility patrol.

BFI, tiwala sa kapasidad ng BTAC para sa taong 2015

Posted January 2, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Tiwala umano ang BFI o Boracay Incorporated sa kapasidad ng BTAC para sa taong 2015.

Ito ang sinabi ni BFI President Jony Salme sakaling wala paring bagong hepe ang Boracay PNP Station sa susunod na taon.

Ayon Salme, nakikita naman nito ang kakayanan ni PSInsp.Fidel Gentallan na hawakan ang mga responsibilidad sa pagpapatakbo ng Boracay PNP lalo na sa pagpapanatili ng kaayusan sa isla.

Magkaganon paman, hinimok din ni Salme ang kumunidad sa isla na suportahan sa pagpapanatili ng kaayusan ang Boracay PNP at ang lahat ng law enforcers dito.

Samantala, magugunita namang nagpahayag ng kahandaan sa pagdirwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon sa isla si Boracay PNP OIC PSInsp.Fidel Gentallan nang sinibak sa puwesto ang dating hepe na si PSInspector Mark Evan Salvo.

Kaugnay parin nito, nananatili ang katanungan sa publiko kung may ilalagay pang hepe ang PNP higher command sa isla o mananatiling OIC si PSInsp. Gentallan.

Ilang araw bago ang Ati-Atihan Festival 2015, LGU Kalibo todo na ang paghahanda

Posted January 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ilang araw na lang at idadaos na ang pinakaabangang Ati-Atihan Festival 2015 ngayong darating na Enero 9 hanggang 18.

Dahil dito abala na ngayong ang buong local officials ng bayan ng Kalibo katuwang ang Aklan Provincial Government at ang Kalibo Sto. Nino Ati-Atihan Foundation, Inc. (Kasafi).

Maging ang seguridad ay inilatag na rin para sa long week end celebration ng nasabing kapistahan ni Sto. Nino.

Inaasahang malalaking artista sa bansa ang makikisaya sa nasabing selebrasyon kung saan magkakaroon ng magarbong okasyon sa kalibo Pastrana Park.

Kaugnay nito ang 16 na bayan sa probinsya ay magpapasiklaban din sa taon-taong Higante Contest na lalahukan naman ng mga LGU officials at employees.

Samantala halos fully booked na ngayon ang lahat ng mga hotel sa bayan ng Kalibo kung saan daan-daang libong tao ang inaahang dadagsa sa Ati-Atihan 2015 na tinagurang mother of all festivals in the Philippines.

Pagsalubong ng bagong taon sa Boracay, generally peaceful - BFP

Posted January 1, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakatulong ang pagbuhos ng ulan kagabi kaya naman walang halos na nagpaputok sa isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ni BFP Boracay Chief Fire Inspector Stephen Jardeleza hinggil sa naging assessment nito sa isla sa pagsalubong ng taong 2015.

Anya, nakatulong na rin umano ang kampanya ng iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno upang palalahanan ang publiko na huwag nang magpaputok bilang pagsalubong sa bagong taon.

Ikinagalak din ng opisyal ang pakikipagtulungan ng iba’t-ibang mga sector tutukan at siguraduhing ligtas ang mga mamamayan habang ginagawa ang nasabing selebrasyon.

Kaya naman, sa pagsalubong ng taong 2015 ay generally peaceful di umano ang pagsalubong ng bagong taon sa Boracay.