YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 12, 2013

Ati-atihan sa Boracay, gagawing maka-Kalikasan


Maka-kalikasang pagdiriwang ng Ati-atihan ang Borcay ang isinusulong ngayon ng Parokya sa Boracay.

Kung saan, kasabay ng kasiyahang gagawin bilang papuri kay Sr. Sto. Niño ay ang masigurong hindi rin magdadala ng basura sa front beach ng isla ang gaganaping Merry Making o sadsad bukas.

Dahil dito, inabisuhan na ayon kay Rev. Fr. Arnold Crisostomo, Leader-Mediator ng Team Ministry at In-Charge sa Parokya sa Boracay ang mga Tribong lalahok sa debosyunal na pagtitipon na ito, na huwag kumalat o mag-iwan ng basura sa gitna ng kasiyahan.

Dahil dito, aasahan na umano na magkakaroon o magdadala ng kani-kanilang basurahan ang bawat tribu.

At ang bagay na ito ayon sa pari ay napag-usapan na rin nila, alin sunod na rin sa ipinapatupad ng ordinansa sa isla kaugnay sa mahuhuling nagkakalat ng basura.

Gayong sa selebrasyon umanong ito, hindi lamang ang mga taga-Parokya ang nagtutulungan, kundi pati mga awtoridad gaya ng Pulis, MAP at iba pang tagapagpatupad ng batas ay katuwang din nila lalo na sa pagbabantay at pagsiguro sa kaligtasan ng lahat. #ecm012013

Deboto ni Sr Sto. Niño, inaanyayahang makiisa sa selebrasyon ng Ati-Atihan sa Boracay bukas


Iniimbitahan ng Parokya sa Boracay ang lahat ng mga mamamayan, bisita sa isla at mga karatig-bayan ng Malay na pumunta sa selebrasyon ng papuri kay Sr. Sto. Niño bukas.

Sa isang pahayag ni Rev. Fr. Arnold Crisostomo, Leader ng Team Ministry sa Parokya ng Boracay, inaanyayahan nito ang lahat na saksihan ang kasayahan lalo na ang mga turista para ipakita sa mga ito ang pananampalataya ng mga Pilipino o Aklanon.

Ayon pa sa kanya, ang selebrasyon ay parte na ng tradisyon ng bawat Aklanon sapagkat naipapakita natin ang ating pananalig hindi lamang sa pagdarasal kundi maging sa pagsasayaw.

Inaasahan umano ng pari na ang mga bisita at mga mamamayan sa isla ng Boracay ay makilahok din sa pagdiriwang na ito bukas.

Maging ang mga kalapit na bayan ng Malay tulad ng Nabas, Ibajay at Buruanga ay iniimbitahan din nitong makiisa sa naturang pagtitipon. #ecm012013

Bote ng nakakalasing na inumin, bawal sa sadsad bukas


“Hangga’t maaari ay bawal ang magbitbit ng bote ng nakalalasing na inumin habang nagsasadsad sa front beach”.

Ang bagay na ito ay napag-usapan na umano ng namumuno sa gitna ng namumuno sa Parokyang Holy Rosary Parish sa Boracay at mga tribu na lalahok sa 2013 Ati-atihan sa isla.

Bagamat ayon kay Rev. Fr. Arnold Crisostomo, Team Leader-Mediator ng Team Ministry ng Parokya ito na ang pagdadala ng inumin sa gitna ng sadsad ay hindi maiiwasan, pero umaasa ito na magiging maayos ang selebrasyon bukas at hind maging rason ang pag-inom ng anumang gulo sa gitna ng pagdiriwang.

Dahil ang pagdirawang aniya ay para sa pagpapuri kay Sr. Santo Niño.

Kung matatandaan, halos bahagi na ng taunang selibrasyon na ito ang bote ng alak na ini-inum ng mga nagsasadsad.

Ang Ati-atihan sa Boracay ay gagawin bukas, ika-13 ng Enero. #ecm012013

Bagong Team Ministry ng Parokyang Holy Rosary, mag-oobserba muna sa una nilang Ati-atihan sa Boracay


Mag-oobserba na lamang muna ang Team Ministry o mga paring In-charges sa Holy Rosary Parish Church ngayon, kung papaano pinagdiriwang ang Ati-atihan sa Boracay.

Sapagkat ayon kay Rev. Fr. Arnold Crisostomo, Leader-Mediator ng Team Ministry ng Parokya sa Boracay, ito kasi ang kau-unahang Ati-atihan sa isla na panga-ngasiwaan nila.

Kaya’t aminado ito na mag-oobserba muna sila.

Bagay na pinamahalaan muna  nito sa Barangay Balabag ang pagtanggap sa mga Tribu na lalahok at sa Parish Pastoral Council at ilang opisyal naman ng bayan na dating namahala na rin ang umasikaso sa mga aktibidad ng selibrasyon bukas.

Ganoon paman, ibinahagi ni Fr. Crisostomo ang mga skedyul ng aktibidad para bukas, kung saan, 6:30 ng umaga ay sisimula ang fluvial procession o parade at susundan ng High Mass sa Plaza ng Balabag, para sa gagawing banal na misa para kay Sr. Sto. Niño.

Pagkatapos naman High Mass, sisimulan na rin ang sadsad sa front beach.

Habang alas kwatro bukas ng hapon, gaganapin ang huling misa para sa araw na ito na susundan ng prosisyon at showdown ng mga tribu sa Balabag Plaza hanggang alas onse ng gabi.

Kung matatandaan, ang Ati-atihan sa Boracay nitong nagdaang taon ay pinangunahan ng dating Kura Paroko ng si Rev. Fr Magloire Adlay Placer. #ecm012013

P1.5M halaga ng mga ari-arian, “totally burnt” sa sunog sa Kalibo


Habang nagpapalakpakan ang mga tao sa bayan ng Kalibo dahil sa isinasagawang Coronation Night ng Mutya ag Lakan it Kalibo Ati-atihan, kagabi hanggang kaninang madaling araw sa ABL Sports Complex.

Tinutupok naman ng apoy ang isang pamilihan o establishsmento komersiyal na JSY Marketing sa C. Laserna St. sa Kalibo.

Kung saan nakapagtala ng humigit kumulang P1.5 milyong danyos ang likha ng sunog.

Ayon kay Kalibo Bureau of Fire Protection Fire FO2 Julius Tiongson, isa sa imbestigador ng pangyayaring ito, totally burnt ang nasabing gusali na gawa sa mixed material.

Maging ang lamang na mga paninda ng gusali ay wala rin umanong naisalba ang may-ari.

Ipinagpasalamat naman ng Kalibo Fire Station dahil sa naagapan agad ang paglapad ng apoy na kumain sa nasabing building kaya hindi na nadamay pa ang ilang establishments na nakapaligid dito, gaya ng Kalibo Shopping Center at isang gasoline station doon.

Tumagal ng isang oras at 15 minuto ang pag-apula sa apoy.

Nabatid din mula kay Tiongson na bandang alas 12:03 ng madaling araw nila natanggap ang tawag na napapabatid kaugnay sa sunog na nangyari.

Bandang 1:15 ng umaga ay idineklarang kontrolado na ang sitwasyon doon.

Pero ayon sa fireman, hanggang nitong umaga ay patuloy naman ang ginagawa nilang pagbomba ng tubig sa gusaling ito, sa pangamba na mayroon pa ring mga baga doon.

Dumating naman ang fire truck mula sa Balete, Altavas, New Washington, Numancia at Ibajay para pagtulungan patayin ang apoy kaninang madaling araw.

Samantala, patuloy pa rin umanong iniimbestigahan ng Kalibo Fire Station kung ano ang sanhi ng nasabing sunog dahil ng nangyari ang sunog ay wala di umanong mahagilap na empleyado o may-ari ng establishimiyento.

Sinasabing isang Chinese o Korean ang may-ari ng JSY.

Kung maaalala, hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng sunog sa bayan ng Kalibo ilang araw bago sumapit ang Ati-atihan noong mga nagdaang taon. #ecm012013

“Seminar on Guest Handling”, mandatory na sa lahat ng frontliners sa Boracay


Lahat ng frontliners sa Boracay ay obligado nang sumailalim sa “Seminar on Guest Handling” bago magkaroon ng working permit.

Gayong nasa mandatu naman ng Department of Tourism partikular ang Tourism Act of 2009 na nag-uutos na magkaroon ng international standard sa pasilidad at serbisyo ang isang tourist zone gaya ng Boracay.

Bunsod nito upang magkaroon ng lokal na bersiyon at mahigpit na maipatupad sa Boracay, nitong nagdaang ika-29 ng Nobyembre ng taong 2012 at inaprubahan ang ordinansa ukol dito.

Kaya ganoon na rin kahalaga ngayon para sa mga frontliners sa isla ang Seminar na ito.

Lalo pa ngayong buwan ng Enero ay panahon sa pagproseso ng mga business permit.

Kabilang sa mga itinuturing na frontliners sa isla ay ang mga boatman, tricycle driver, vendors, masahista at mga porters gayon din ang ibang establishemento na may direktang serbisyo sa mga turista.

Sapagkat sa ordinansang ito, ang sinumang nagtatrabaho sa isla bilang frontliners na hindi sumailalim sa “Seminar on Guest Handling” ay hindi rin bibigyan ng permiso para makapagtrabaho sa isla. #ecm012013

Taripa para sa island hopping sa Boracay, hiniling


Nais ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay na magkaroon na rin sana ng taripa ang mga bangka pang-island Hopping sa Boracay.

Ito ang nais mangyari ngayon ni Malay Mayor John Yap at Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero.

Bilang tugon na rin ito sa problema kaugnay sa “pagustuhan system” sa rate na inaalok ng mga nangungumisyon sa mga turista na nag-nanais mag-island hopping.

Sa consultative meeting na ipinatawag ng Alkalde kahapon, ika-10 ng Enero para sa operasyon ng BIHA o Boracay Island Hopping Association, sinabi ni Gallenero na sana ay magkaroon na ng bagong taripa ang BIHA na aprobado ng MARINA.

Ito ay nang sa gayon ay hindi na maabuso pa ng mga kumisyuner ang mga turista at magkaroon ng iisang rate ang lahat, ang kooperatiba at siyang rate din na dapat i-alok sa mga turista.

Sapakat ayon sa dalawang opisyal ng bayan, tila ang mga komisyuner sa Boracay ang mas kumikita kaysa sa mga may-ari ng bangka o miyembro ng BIHA.

Kung maalala, naging problema nitong nagdaang taon ng 2012 ang mga kumisyuner sa front beach dahil tinataga nila sa pagkamahal na singil ang mga turista na nukukuhang nilang kustomer ng island hopping. #ecm012013

Friday, January 11, 2013

Pulis Boracay, nakapagtala ng 26 na katao dahil sa illegal na droga nitong 2012

Umabot sa 26 katao ang naaresto sa isla na pinapaniwalaang mga tulak droga nitong nagdaang taon ng 2012.

Ito ay kaugnay sa pinalakas na kampanya ng Boracay Pulis kontra sa paglipana ng illegal na droga sa “No.1 Best Beach in the World” na Boracay.

Sa naitala ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), sa 22 opersayon ang ginawa ng mga operatiba para mahuli ang mga suspek na nagbibenta ng illegal na droga, pero 26 na katao ang naaresto.

Ang pinakamalaking accomplishment sa bahagi ng BTAC ay ang pagkakahuli ng may 49 sachets ng pinaghihinalaang shabu sa iisang tao lamang sa Barangay Manoc-manoc na nangyari nitong huling bahagi ng 2012 na umaabot sa P50,000.00.

Nabatid din na, karamihan sa mga nahuling ito ay paulit-ulit na ginagawa ang patutulak o pagbibenta ng bawal na droga.

Sa bilang ng nahuli na ito, 23 dito ay hindi na pinahintulutan pang makapag-piyansa ng Korte makaraang masampahan ng kaso #ecm012013

Thursday, January 10, 2013

Kumakalat na text message tungkol di umano ay aswang sa Boracay, pinabulaan ng pulisya

Hindi totoong may gumagalang aswang sa Boracay, gaya ng laman ng kumakalat na text message sa ngayon.

Sapagkat ang mensaheng kumakalat sa cellphone ay walang katotoohanan ayon sa Hepe ng Malay Police na si Senior Inspector Mark Cordero.

Aniya, ang katulad na mensahe ay makakapagdala ng takot sa komunidad, kaya pinawi nito ang pangamba ng publiko sa pagsasabing wala itong katotohan.

Sa mensahe kasing kumakalat, mayroon umanong nahuli na mag-pamilyang aswang sa Caticlan, pero nakatakas umano ito at pumuslit papuntang Boracay.

Kung saan ang nakakapagtaka pa doon ay kung sino umano ang makakita o makakilala sa mga aswang na ito ay ipagbigay alam sa Hotline ng Kalibo Police.

Maging ang hepe ng Malay PNP ay nagtataka din at nagtatanong na kung totoo ito, at sinong pulis umano ang nakahuli at bakit nakatakas pa at nakapuslit papuntang isla.

Kaya para kay Cordero, ang text message na ito ay magbibigay trauma lang sa mga tao at ihinalintulad sa mga bali-balita tungkol kay “Ambay” nitong nagdaang buwan.

Aniya pa, wala umanong katuturan ang text message na ito na nagbibigay lamang ng kaba sa publiko.

Nitong umaga din ay mariing pinabulaan ng himipilan ng Kalibo Police ang nilalaman ng kumakalat na text message at ang hinggil sa panawagan na ipabatid sa hotline nila kapag na-ispatan ang di umano ay mga aswang.

Kasunod nito, maging ang Boracay Police ay nagtataka din kung bakit may katulad na mga kumakalat na mensahe na walang katotohanan. #ecm012013

Dahil sa tangkang pagsasanla ng ninakaw, kawatan, huli sa Boracay!


Nakalusot nang kinuha ang kwintas na ninakaw, ngunit ng tangkain itong isanla, nabuking ang suspek.

Kaya nahulog sa kamay ng otoridad ang tinuturong kumuha ng kwintas ng nagrereklamong biktima na si Jo-Ann Chua ng Tanza, Iloilo, pero nakatira ngayon sa Sitio Malabunot, Manoc-manoc.

Habang ang tinuturong suspek naman ay ang 22-anyos na si Jakefer Gumboc.

Sa ipinaabot na reklamo ng biktima, di umano noong araw ng Martes, habang naglilinis siya ng kaniyang kwarto ay nagtaka ito dahil ang kaniyang silver na kwintas, na nakapatong sa kaniyang cellphone sa taas ng TV ay nawawala.

Agad umano nitong ipinagbigay-alam at ipinagtanong sa isang kinilalang si “Rogien”.

Mula dito ay nalaman ng nawalan na di umano ay napansin nitong pumasok sa kwarto ng nagrereklamo ang suspek na si Jakefer para kumuha ng bigas.

Ngunit kahapon, dahil sa minanmanan na rin nila ang suspek, nalaman nilang tinangka pa ng suspek na isanla ang kwintas sa isang indibidwal na nagngangalang “Girlie” na sa kung anumang kadahilan ay hindi naman nito tinanggap o tinangihan nito ang alok ng suspek.

Bunsod  nito sa tulong ng dalawang Brgy. Tanod ng Manoc-manoc kahapon ay naaresto ang tinuturong salarin at ipina-ubaya sa posesyon ng pulisya.

Habang ang kwintas ay ibinalik naman sa may-ari.

Pero ang suspek ay pinagpahinga muna sa lock up cell ng Boracay Tourist Assistance Center. #ecm012013

Lalaking nangdekwat sa isang fruit shake estab sa Boracay, huli!


Kaya nagkasya na lamang ito sa lock up cell ng Boracay Police makaraang habulin ng mga nabiktima nito.

Kinilala ang suspek na si Reymart Murguia, 18-anyos ng Sigma, Capiz.

Sa reklamo ng mga biktima, di umano ay sinasabing may naiwan umanong plastic bag na naglalaman gamit sa isang fruit shake establishement na nanglalaman ng camera, t-shirt at kaunting halaga ng pera.

Subalit sa pagbalik nito, sa nasabing establishimiyento hindi na ang plastic nito ang kaniyang pinunterya dahil tinumbok na nito ang lalagyan ng mga gamit, particular mga bag ng mga staff ng establishemento.

Kung saan nakita ito ng isa sa staff na hawak ang bag ng kasama.

Pero katuwiran ng suspek, katulad lanag umano ito sa bag na pag-aari ng kaniyang kaibigan

Bagay na ipinagbigay alam nito sa mga kasama.

At sa pangu-ngusisa sa mga gamit nila o laman ng bag, ikinadismaya ng mga biktimang sina Diego Dela Cruz, at Clark Nandiego, kapwa staff ng establishment, dahil ang kanilang mga gamit gaya ng t-shirt, wallet at cellphone gayon din pera na nagkakahalaga ng P1,800.00 ay nawawala na.

Sa pagbalik nila sa kinalalagyan ng suspek, lalo silang nagulat dahil naglaho na ito na parang bula at di umano ay sumakay na ng tricycle.

Rason na hinabol at sinunda ng mga biktima sakay ng single na motorsiklo.

Sa Pinaungon Ibaba na ito naabutan na nakayo sa tabing kalsada.

Hinuli ito ng mga biktima, pero tanging t-shirt lamang ang na-recover mula sa suspek sa mga gamit na nawala. #ecm012013

Kanais-nais na serbisyo at pasilidad para sa mga turista ng Boracay, nais ng DoT


“Serbisyong kanais-nais sa mga turista, kapalit ng kanilang ginastos sa pagpunta sa Boracay”.

Ito ang nais mangyari sana ni Department of Tourism (DoT).

Ito din ang laman ng pahayag ni DoT Boracay Officer In-charge Tim Ticar sa katanungan kung bakit hinahayaan pa ring bumiyahe ang mga tricycle sa Boracay na halos sira-sira na ang sahig at upuan.

Paliwanag nito, ang pag-inspeksiyon sa mga tricycle na ito ay hindi na bahagi ng trabaho nila sa DoT.

Sa halip ay trabaho umano ito ng Transportation Department ng lokal na pamahalaan ng Malay na siyang nagbibigay naman ng prangkisa sa mga sasakyang ito.

Aminado din si Ticar na mayroon talagang tricycle na hindi na kanais-nais sa mga mata ng turista pero pinapahintulutan pa ring pumasada.

Ito ay dahil minsan ay butas na ang bangko ng tricycle na kapag inupuan ay nababasa na ang pasahero at minsan ay mga tarpaulin na ang balot ng upuan.

Anya, ang katulad na sitwasyon umanong ito ay hindi na pasado sa international standards.

Bunsod nito, itinuturing nitong isa ito sa mga problema sa Boracay.

Kung titingnan umano, kasama sa pagbibenta sa pangalan ng Boracay at binibili o binabayaran ng mga turista ay ang maaayos na pasilidad at serbisyo.

Kaya kailangang maibigay din umano sa mga ito. #ecm012013

Moratorium sa pagbibigay ng mga permit to transport sa Boracay, paso na!


Paso na ang moratorium sa pagbibigay ng mga Permit to Transport (PTT) sa lahat ng sasakyan na nais ipasok sa Boracay.

Ito ay kasabay ng pagpalit na rin ng taon, kung saan epektibo lamang ito sa loob ng taong 2012.

Kaya mula sa pansamantalang hindi pag-iisyu ng permit to transport sa lahat ng uri ng sasakyan ay puwede na ngayon.

Sa panayam kay Island Administrator Glenn Sacapaño, sinabi nitong hindi na nila ipinapatupad pa ang moratorium sa ngayon.

Dahil hanggang noong katapusan ng Disyembre lamang ito ng taong ito.

Bunsod nito mag-i-isyu nanaman ng Permit to Transport ang lokal na pamahalaan ng Malay sa mga may-ari ng behikulong dadalhin papasok sa Boracay.

Pero ayon kay Sacapaño, dapat ay makompleto muna ng mga aplikante ng PTT ang requirements na hinihingi ng LGU Malay.

Matatandaang, noong a-uno ng Hunyo ay ipinatupad ang pansamantalang pagsuspende sa pag-isyu ng PTT sa Boracay.

Kung saan, naglalayong lahat ng mga illegal na sasakyan sa isla o mga ipinuslit papasok ay mahuli at mabawasan na rin dahil sa masikip na ang mga kalye sa Boracay. #ecm012012

Wednesday, January 09, 2013

Boracay, hindi gaanong apektado ng Sin Tax Law

Ang alak ay isa sa mga itinuturing na "sin products" na napasama sa mga pinatawan ng mas mataas na presyo dahil sa pagsasabatas ng Sin Tax Bill noong Disyembre 2012.
(image from uscdhaka.aeaportal.com/)
Hindi naman ganoon kalaki ang epekto ng Sin Tax Law sa mga turista dito sa Boracay.

Ito ang naging pahayag ni Boracay Foundation Inc. (BFI) President Dionesio “Jony” Salme nang kunan ng pahayag tungkol sa usaping ito.

Ayon kay Salme, hindi ganoon kalaki ang epekto ng Sin Tax Law sa mga pumupunta dito sa isla, lalo na sa mga foreign tourists.

Dahil kung ikukumpara umano ang presyo ng alak at sigarilyo ng ibang bansa sa presyo na mayroon dito sa Pilipinas ay di hamak na mas mahal ang presyo ng mga tinaguriang “sin” products ng ibang lugar.

Sinabi din nito na ang mas maaapektuhan ng nasabing bagong batas ay ang mga lokal na konsyumer dahil sa pagtataas nga ng presyo ng sigarilyo at alak.

Ngunit naniniwala si Salme na sa huli ay magiging mabuti pa nga ito sa kalusugan ng mga naninigarilyo at mga manginginom dahil mababawasan na ang bisyo ng mga ito dahil sa pagmamahal ng mga nasabing produkto.

Dahil dito, personal din na pumapabor si Salme sa pagsasabatas ng Sin Tax Bill.

Matatandaang pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act No. 10351 o ang Sin Tax Bill na naging daan upang ito ay tuluyan nang maging batas, kung saan taon-taon ay magkakaroon ng pag-taas sa presyo ng mga “sin “ products tulad ng alak at tabako.

Ito ay sa kabila pa rin ng pagtutol ng ilang tobacco farmers at wine and spirit distillers. #pnl012013

Planong paglalagay ng SWAT para sa Boracay, naging paulit-ulit lang pero walang nangyari

Paulit-ulit ng pinag-uusapan ang balak at pangarap na pagkakaroon sana ng Special Weapons and Tactics Team o SWAT sa Boracay pero wala paring nangyayari.

Kaya nagsuhestiyon na si Vice Mayor Ceceron Cawaling sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay na kung maaari ay idiretso na sa National Head Quarters ng Pambansang Pulisya ang pagtugon usaping ito.

Ang pahayag na ito ni Cawaling ay kasunod ng balak ng SB na ipatawag ang hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Para tanungin sana kung may kakayahan ba ang pulis sa isla na protektahan ang mga turista at komunidad laban sa krimen gaya ng pag-aamok o pangho-hostage.

Sapagkat kung babalikan umano ang mga pangyayari, ilang ulit na ring binalak na bumuo ng SWAT na para sa Boracay, pero walang nangyayari dahil mahal ang mga gamit.

Ganoon pa man, umaaasa ang SB na kapag sineryoso umano siguro ang balak na pagkakaroon ng SWAT sa Boracay ay tutulong naman ang mga stakeholder.

Ayon sa mga konsehal, marami na kasi ang pangyayari sa bansa at maging sa ibang lugar ang naitala na walang habas na pinagpapatay lang ang mga inosenteng tao ng mga indibidwal na may problema sa pag-iisip o stress.

Gaya ng pangyayari kamakailan lamang sa Kawit, Cavite at ganon din ang nangyaring Hostage Crisis sa Quirino Grand Stand noong taong 2010.

Bunsod nito, inatasan ng Sanggunian si SB Member Jupiter Gallenero, Committee Chairman ng Public Safety, na pag-aralan ang mga bagay-bagay hinggil dito. #ecm012013

293 istraktura sa Boracay, nakatakdang walisin!


Umabot sa 293 istraktura sa Boracay ang nakatakda nang tanggalin ngayon ng National Boracay Task Force sa beach line.

Kung saan sisimulan ang pagwalis sa mga ito sa darating na Marso o Abril ng taong ito ayon kay Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Aklan Iven Reyes.

Ganoon pa man, sa kabila ng dami ng mga apektadong establishsmento at istraktura, nakikita umano nitong hindi naman maging madugo ang gagawing pagtanggal sa mga istrakturang ito.

Sapagkat sa nabanggit na buwan ay magkakaroon muna ng “self demolition” ang mga ito.


Anya, mismong ang mga may-ari umano nito ay alam na rin na may bayulasyon silang ginawa lalo na ang sa ipinapatupad na Presidential Proclamation (PD) 1064 sa isla na kapag pumasok sa 25+5 meters na easement na na-set ng DENR ay tatanggalin ito.

Paglilinaw pa ni Reyes, ang nabanggit na numero ay kinabibilangan ng mga tent na nakalatag sa vegetation area, ilang establishemiyento, residential at maging straktura na pag-aari ng pamahalaan.

Samantala, bago ayon sa PENRO ipapatupad ang demolisyon sa mga straktura, sa susunod na buwan ng Pebrero at Marso ay magkakaroon muna sila ng dayalogo sa mga apektado.

Ang demolisyon na ito ay ipapatupad ng National Task Force na kinabibilangan ng Departments of Justice, Environment, Tourism at Local Government.

Sa kasalukuyan, nakatakda na rin umano ang tanggapan nitong magpadala ng sulat sa mga may-ari ng istraktura. #ecm012013

Kalibo Ati-Atihan 2013, aasahang magiging matagumpay kahit binaha

image from
http://en.wikipedia.org
Ni Mark Anthony Pajarillo, YES FM News Center Boracay

Tuloy na tuloy pa rin ang Kalibo Ati-atihan 2013.

Ito’y dahil umulan man o umaraw at kahit ilan pang bagyo ang dumating, hindi ito alintana ng mga taga-KASAFI o Kalibo Sto. Nino Ati-atihan Foundation Inc.

Ayon kay Albert Menez, Chairman ng nasabing foundation, kahit pa umano nagdaan ang bagyong Quinta at binaha ang bayan ng Kalibo noong nakaraang linggo ng Disyembre bago magtapos ang taong 2012 ay may mga preparasyon silang inihanda maging matagumpay lamang ang nasabing taunang selebrasyon.

Anya, kung iri-rate nito mula isa hanggang sampu ang ikakatagumpay ng Ati-atihan, bibigyan niya umano ito ng siyam na puntos, sapagkat may mga preparasyon pa silang hindi pa natatapos.

Ngunit kung tutuusin, wala naman umanong dapat na ipangamba dahil sa linggong ito ay halos patapos na ang mga dapat nilang tapusin.

Samantala, nagpapasalamat din ang Chairman dahil sa mga nag-ambag ng tulong at suporta upang malinis ang mga kalye ng bayan ng Kalibo.

Patunay lamang umano nito na ang tradisyon ng mga Pilipino ang pagiging maka-bayanihan.

Aasahan din umano ng mga dadayo sa nasabing selebrasyon ang iba’t ibang mga events tulad ng mga inorganisang palabas sa Pastrana Park na tiyak na kaaaliwan ng lahat.

At gaya ng dati, back to normal ang selebrasyon kahit pa na dinaanan ni Bagyong Quinta ang Kalibo.

Dahil dito, naganyaya ang mga taga KASAFI sa pamumuno ni Meήez sa mga turista, na dumalo sa Kalibo Sto. Nino Ati-Atihan Festival.

Napag-alamang ang opening salvo nito ay gaganapin sa ika 14 ng Enero ito at buong linggo ang selebrasyong ito.

Asahan din anya na magiging masaya at mapayapa ang gaganaping street parade dahil na rin sa tulong ng mga otoridad o kapulisan at ng mga taga KASAFI.

Underwater tunnel na magkukonekta sa Boracay at Caticlan, unang salbo ng sesyon ng SB Malay sa 2013



Maaari kayang sa susunod ay mayroon nang underwater tunnel ang bayan ng Malay tulad nito?
(photo from Flickrhivemind.net)

Hindi pa nga naitatayo ang tulay na una nang binalak na magdudugtong sa Boracay at Caticlan, panibagong proposisyon na naman ngayon ang nagbabadya at nailatag sa lokal na pamahalaan ng Malay.

Ito ay dahil ang pagkakaroon ng underwater tunnel na magkukonekta sa Caticlan at Boracay ang isa sa mga pambungad na topikong inilatag sa unang araw ng sesyon ng Sangguniang Bayan ng Malay ngayon taong 2013 kahapon ng umaga.

Kasunod ito ng pagpahayag ng isang investor sa paraan ng e-mail kay SB Member Dante Pagsugiron na sila ay intresadong mamuhunan para sa paglalagay ng underwater tunnel.

Subalit ang usaping ito ay mariing pinag-iisipan ngayon ng konseho, kung ikukonsidera ba ang proposisyong ito.

Magkaganon pa man, sinabi ng halos mayorya sa mga miyembro ng konseho na kapag magkaroon ng pormal na komunikasyon sa Alkalde at Sanggunian ang sinasabing investor ay nakahanda naman umano ang SB na imbitahan ang sinasabing si “Mr. Tapay” na siyang may direktang komunikasyon kay Pagsugiron.

Ito ay upang makita ang kabuuan ng kanilang proposisyon at kung ano ang maidudulot nito para sa Boracay. #ecm012013

Tuesday, January 08, 2013

Tourist transport na sira-sira na, hindi na ini-endorso pa ng DoT

FILE PHOTO
Basta tourist transport, sagot na ng Department of Tourism (DoT) ang pag-endorso.

Kaya binubusisi umano ng DoT ang mga sasakyang sa Boracay at Kalibo na nagbibigay serbisyo sa mga turista.

Ito ay upang masigurong kanais-nais din ang pasilidad at maging komportable ang mga pasahero na sakay ng van, shuttle bus at kung anumang behikulong nagsasakay ng turista.

Ayon kay DoT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, ang mga sasakyang mahigit dalawang taon ay hindi na nila iniindorso pa.

Gayong ang DoT, ang nagbibigay ng endorsement sa mga sasakyan para magkaroon ng permiso para sa kanilang operasyon.

Dagdag pa ni Ticar, sinisiguro nila sa ginagawa inspeksiyon na maayos pa ang mga upuan, aircon at ang sasakyan mismo, upang makapagbigay din ng magandang serbisyo.

Pero, pagdating naman umano sa mga kolorum at ang tinatawag na “made in Italy” o de-tali na ang likod na bahagi ng sasakyan at binabayahe pa sa Caticlan at Kalibo, obligasyon na umano ito ng Land Transportation Office o LTO. #ecm012013

Babae sa Boracay na kumain ng brownies, hinimatay

image from
http://www.justice.gov/dea/pr/multimedia-library/image-gallery/images_marijuana.shtml

Dahil sa kinaing brownies o cookies, hinimatay ang isang 26-anyos na babae nitong nagdaang Linggo.

Sa report sa Boracay Police, Linggo ng alas-2 ng hapon, ay di umano ay binigyan ng brownies o cookies ng isang chef ng isang restaurant sa Brgy. Balabag na kinain nito.

Nakaubos umano ang hindi na papangalanan babae na isang house keeping personel ng dalawang piraso, subalit nakaramdan aniya ito ng pagkahilo.

Sa kabila ng kaniyang naramdamang pagkahilo, isang tinig umano mula sa isang lalakeng kinilala lamang sa pangalang “Noel” ang narinig nito at nagsasabing ang nakain nito ay nahaluan ng Marijuana.

Kasunod nito, ilang minuto ang nakalipas ay nagsuka ang nasabing babae, hanggang sa tuluyan na ngang nawalan ng malay.

Bagamat hindi ito nilapatan ng kaukulang medikasyon dahil sa nangyaring pagkahilo, pinagpahinga na lamang ito hanggang sa nagkamalay na.

Subalit sa ginawang imbestigasyon ng awtoridad kahapon, wala umanong nagbigay ng salaysay mula sa mga taong naroroon sa nasabing restaurant.

Ang babae naman ay pinayuhan ng pulisya na sumailalim na drug test.

Kahapon ng hapon ay kinunan na ito ng urine sample ng Boracay Crime Laboratory para sa gagawing pagsusuri.

Sa ngayong ay palaisipan pa rin kung bakit nanigas at nahilo ang babae, at hindi pa matukoy talaga kung ano ang sanhi nito. #ecm012013

Suspek ng panloloob sa Boracay, tiklo sa Iloilo


Sa siyudad pa ng Iloilo naaresto ang isang suspek sa panloloob dito sa Boracay.

Ito ay makaraang mismo sina BTAC Chief of Police S/Insp. Joeffer Cabural at PI Fidel Gentallan pa ang pumunta doon para hulihin ang suspek na si Mark David Slim, 25-anyos at pansamatalang nanirahan sa Sitio Diniwid pero tubong Brgy. Lawaan, New Washington, Aklan.

Ito ay matapos nakawan ang apartment ng biktima nitong si Nerisa Mercado noong ika-5 ng Enero, araw ng Sabado kung saan tinanggay ng suspek ang laptop, cell phone at camera.

Pero sa tulong ng informant sa pulisya, nahulog sa kamay ng awtoridad ang suspek, kahit pa nagtago pa ito sa Iloilo.

Nabatid na bago ito napasakamay ng pulisya at gawin ang panloloob nitong Sabado, ay may nauna ng kaso itong kinaharap sa bayan ng Kalibo.

Sa ngayon ay nasa lockup cell ng Boracay Tourist Assistance Center ang suspek, at kasalukuyang inihahanda ang kasong robbery laban dito. #ecm012013

LAHAT ng empleyado sa Boracay, dadaan na sa x-ray examination bago magka-Health Card

Lahat ng empleyado, food o non-food handler man, dito sa Boracay ay idadaan na sa X-ray examination bago magkaroon ng health certificate.

Ito ang nilinaw ni Babylyn Frondoza, sanitation inspector ng Municipal Health Office (MHO) sa Boracay.

Aniya, ngayon taon lamang ito sisimulang ipatupad kasabay ng pagproseso ng mga magre-renew ng business permit.

Kung saan nitong huling bahagi umano ng taon 2012 ay naging ganap na itong ordinansa ng bayan.

Bagamat matagal na umanong batas at nakasaad sa Sanitation Code, ngayon pa lamang ito ipapatupad sa Malay at Boracay dahil ngayon pa lamang din ito na-adopt at gawing lokal na batas.

Paliwanag nito, sumusunod lamang ang MHO sa inaprubahang ordinansa, na lahat ng empleyado sa isla ay sumailalim sa medikal na eksaminasyon gaya nito.

Bunsod nito, aasahan aniya na bago magkaroon ng health card ang mga empleyado, gaya ng waiter, mga nagbibenta ng pagkain, nag-o-opisina at maging ang mga tricycle driver ay dadaan muna sa x-ray examination, urine test at stool analysis.

Habang ang mga masahista at taga-tattoo naman sa Boracay ay dadaan din sa katulad na pag-susuri sa katawan, pero dagdag sa kanila ay hepa-B examination. #ecm102013

Pangha-harass ng mga “lady boy” sa mga turista, “bad image” sa Boracay --- DoT


“Bad image” para sa Boracay.

Ito ang magiging epekto ng lumalalang sitwasyon sa front beach ng Boracay, kung magpapatuloy pa rin ang gawin ng mga tinaguriang “lady boy” sa isla, lalo na ang umano’y paghaharas at pagnanakaw sa gamit ng mga turista.

Ayon kay Department of Tourism Boracay officer-in-charge (OIC) Tim Ticar, kung patuloy na binabastos ang mga turista sa isla sa paraan ng pagha-harash dahil sa pamimilit sa mga ito na maging kostumer ng mga lady boy.

Imbes na magandang imahe umano ng Boracay ang dadalhin ng mga turistang ito sa kanilang pag-uwi at i-promote ang isla, ang pangit na imahe aniya ang maiku-kwento ng mga ito doon.

Lalo na ang pang-iistorbo sa mga ito sa sana ay namamasyal at nagba-bar hopping na mga turista.  

Kaugnay nito, kinausap na rin umano ni Ticar ang pulisya at Malay Auxiliary Police (MAP) kaugnay dito, dahil sila ang taga pagpatupad ng batas ng sa ganoon ay ma-monitor ang katulad na gawin ng mga “lady boy”.

Samantala, sa ganito umanong pagkakataon, malaki din ang maitutulong ng naka-duty na guwardiya ng mga resort na siyang madalas na makakakita o nakakapansin sa ganitong pangyayari.

Kung saan sa kooperasyon aniya ng mga stakeholders ay maaaring masawata ang mga gumagawa ng pangha-harash na ito sa turista, sa tulong ng mga guwardiya nila.

Matatandaang una na ring inamin ng pulisya sa Boracay na problema na nga nila ang ilang sa mga prostitute na bading na ang ginagawa ay mangharang ng turistang lasing kapag madaling araw at binibiktima sa paraan ng panluloko at pagnanakaw sa mga gamit ng dayuhan. #ecm012013

BFI, handang tumulong sa Ati-atihan ng Kalibo


Sa kabila ng gingawang paghahanda ng mga stakeholders sa Boracay para sa darating na 2013 Ati-atihan sa isla, Nakahanda pa rin ang mga ito na tulungan ang organizer ng Ati-atihan sa bayan ng Kalibo upang sadyain ng mga turista sa isla ang tinaguriang Mother of All Festival sa bansa, ang Sto. Niño Ati-atihan sa Kalibo.

Sa panayam kay Dionesio “Jony” Salme, Pangulo ng Boracay Foundation Incorporated (BFI), inihayag nito na handa naman ang mga stakeholder sa isla na hikayatin ang mga turista sa Boracay para makibahagi ang mga ito sa kasiyahan sa bayan ng Kalibo.

Ito ay sa paraan ng promosyon umano na gagawin nila, kahit pa may sariling Ati-atihan ang Boracay na dapat din nilang i-promote, na gagawin sa darating na Linggo ika-13 ng Enero.

Sinabi din ng Pangulo ng BFI na minsan na rin naki-usap sa kanila ang Management ng Kalibo Ati-atihan.

Ito ay para tulungan sila ng mga stakeholder sa Boracay sa paghihikayat sa mga turista dito para sa nasabing selebrasyon.

Una nang inamin ni Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Foundation Incorporated (KASAFI) Chairman Albert Menez, na isa sana sa inaasahan nilang dadayo sa taunang selibrasyon ng Ati-atihan doon ay ang mga turista sa Boracay.

Subalit, sa kabila ng pagdagsa ng turista sa isla, bawat taon naman ay tila bumabawas ang bilang ng mga turistang dumadayo sa Festival.

Ang Ati-atihan sa Kalibo ngayong taon ng 2013 ay gaganapin simula ika-14 hanggang ika-19 ng Enero. #ecm012013